Ginawa Nila ang Kalooban ni Jehova
Napagtagumpayan ni Pablo ang Mahihirap na Kalagayan
NAWAWALAN na ng pag-asa si Pablo sa kaniyang kalagayan. Siya at ang 275 iba pa ay nakasakay sa isang sasakyang-dagat na hinahampas ng Euroaquilo—ang pinakamalakas na hangin sa Mediteraneo. Napakalakas ng bagyo anupat hindi lumitaw ang araw sa umaga, ni ang mga bituin sa gabi. Natural lamang na matakot ang mga pasahero na baka sila’y mamatay. Subalit, inaliw sila ni Pablo sa pamamagitan ng pagsasabi sa kanila ng tungkol sa isiniwalat sa kaniya ng Diyos sa panaginip: “Walang isa mang kaluluwa sa inyo ang mawawala, kundi ang daong lamang.”—Gawa 27:14, 20-22.
Nang sumapit ang ika-14 na gabi ng bagyo, nagulat ang mga magdaragat sa kanilang natuklasan—20 dipa na lamang ang lalim ng tubig.a Nang makalayu-layo na, muli na naman nilang inarok ang lalim. Sa pagkakataong ito, ang lalim ng tubig ay naging 15 dipa. Malapit na ang pampang! Subalit ang magandang balitang ito ay may kaakibat na malungkot na pahiwatig. Kapag ang barko’y ipinapadpad sa magkabi-kabila sa gabi sa mababaw na tubig, baka mapahampas ito sa malalaking bato at mawasak. Mabuti na lamang at may-katalinuhang inihulog ng mga magdaragat ang mga angkla. Gusto ng ilan sa kanila na ibaba ang skiff (maliit na bangka) at sumakay rito, at magbaka-sakali sa dagat.b Subalit pinigil sila ni Pablo. Sinabi niya sa opisyal ng hukbo at sa mga kawal: “Malibang ang mga taong ito ay manatili sa daong, ay hindi kayo maliligtas.” Nakinig kay Pablo ang opisyal, at ngayon ay kakaba-kabang naghihintay sa pagbubukang-liwayway ang lahat na 276 na pasahero.—Gawa 27:27-32.
Nawasak ang Barko
Kinaumagahan, namataan ng mga pasahero ng barko ang isang look na may dalampasigan. Palibhasa’y nabuhayan ng loob, pinutol ng mga magdaragat ang angkla at itinaas sa hangin ang layag sa unahan. Nagsimulang umandar ang barko patungo sa baybayin—habang sila’y tiyak na nagsisigawan sa galak.—Gawa 27:39, 40.
Gayunman, walang-anu-ano, napabaon sa burak ang barko. Higit pang nakasama, hinampas ng malalakas na alon ang hulihang bahagi ng barko, anupat ito’y nagkapira-piraso. Kailangan nang lisanin ng mga pasahero ang barko! (Gawa 27:41) Subalit nagdulot ito ng problema. Karamihan sa mga nakasakay—kasali na si Pablo—ay mga bilanggo. Sa batas ng Roma, kapag pinatakas ng isang guwardiya ang kaniyang bilanggo, ipapataw sa kaniya ang parusang dapat sana’y sa bilanggo. Halimbawa, kapag nakatakas ang isang mamamaslang, dapat ibayad ng pabayang guwardiya ang kaniyang buhay.
Palibhasa’y nangangambang baka ganito nga ang mangyari, ipinasiya ng mga kawal na pagpapatayin ang mga bilanggo. Gayunman, namagitan ang opisyal ng hukbo, na mabait kay Pablo. Inutusan niya ang lahat ng may kakayahan na tumalon sa tubig at lumangoy hanggang sa pampang. Yaong mga hindi marunong lumangoy ay dapat na humawak sa mga tabla o iba pang bagay mula sa bapor. Isa-isa, ang mga pasahero ng nawasak na barko ay inut-inot na nakarating sa dalampasigan. Tama ang sinabi ni Pablo, walang isa mang buhay ang napahamak!—Gawa 27:42-44.
Himala sa Malta
Ang pagod na pagod na pangkat na ito ay nanganlong sa isang islang tinatawag na Malta. Ang mga nakatira rito ay “mga taong banyaga ang wika,” na sa literal ay “mga barbaro” (Griego, barʹba·ros).c Subalit ang mga taga-Malta ay hindi mababagsik na tao. Sa kabaligtaran, iniulat ni Lucas, isang kasamahan ni Pablo sa paglalakbay, na sila’y “nagpakita sa amin ng pambihirang makataong kabaitan, sapagkat nagpaningas sila ng apoy at tinanggap kaming lahat nang may pagkamatulungin dahil sa bumubuhos na ulan at dahil sa ginaw.” Si Pablo mismo ay tumulong sa mga katutubo ng Malta sa pagtitipon at pagpapatong ng mga kahoy sa apoy.—Gawa 28:1-3, talababa sa Ingles.
Walang-anu-ano, pumulupot sa kamay ni Pablo ang isang ulupong! Ipinalagay ng mga tagaisla na si Pablo ay isang mamamaslang. Malamang na inakala nila na pinarurusahan ng Diyos ang mga makasalanan sa pamamagitan ng pag-atake sa bahagi ng katawan na ginamit sa pagkakasala. Ngunit tingnan! Laking gulat ng mga katutubo, ipinagpag ni Pablo ang ulupong sa apoy. Gaya ng salaysay ng nakasaksing si Lucas, “inaasahan nilang mamimintog [si Pablo] sa pamamaga o biglang mabubuwal na patay.” Nagbago ang isip ng mga tagaisla at sinabing si Pablo ay isang diyos.—Gawa 28:3-6.
Ginugol ni Pablo ang sumunod na tatlong buwan sa Malta, na sa panahong iyon ay pinagaling niya ang ama ni Publio, ang pangunahing lalaki sa isla, na buong-kabaitang tumanggap kay Pablo, at sa iba pang may mga karamdaman. Karagdagan pa, naghasik si Pablo ng binhi ng katotohanan, na nagbunga ng maraming pagpapala sa mga mapagpatuloy na naninirahan sa Malta.—Gawa 28:7-11.
Aral Para sa Atin
Sa panahon ng kaniyang pagmiministeryo, napaharap si Pablo sa maraming hamon. (2 Corinto 11:23-27) Sa salaysay sa itaas, siya’y naging isang bilanggo dahil sa mabuting balita. Pagkatapos, kinailangan niyang harapin ang mga di-inaasahang pagsubok: isang humahaginit na bagyo at ang kasunod na pagkawasak ng barko. Sa lahat ng ito, hindi kailanman nag-urong-sulong si Pablo sa kaniyang pasiyang maging isang masigasig na tagapangaral ng mabuting balita. Mula sa sariling karanasan, sumulat siya: “Sa lahat ng kalagayan ay natutuhan ko ang lihim kapuwa kung paanong mabusog at kung paanong magutom, kapuwa kung paanong magkaroon ng kasaganaan at kung paanong magtiis ng kakapusan. Sa lahat ng mga bagay ay may lakas ako dahil sa kaniya na nagbibigay ng kapangyarihan sa akin.”—Filipos 4:12, 13.
Hindi kailanman dapat pahinain ng mga problema sa buhay ang ating pasiyang maging masisigasig na ministro ng tunay na Diyos! Kapag bumangon ang mga di-inaasahang pagsubok, ihagis natin ang ating pasan kay Jehova. (Awit 55:22) Pagkatapos, matiyaga nating hintayin kung paano niya pangyayarihing maging posible na mabata natin ang pagsubok. Samantala, patuloy natin siyang paglingkuran nang buong katapatan, na nagtitiwalang siya’y may malasakit sa atin. (1 Corinto 10:13; 1 Pedro 5:7) Sa pananatiling tapat, anuman ang mangyari, tayo—gaya ni Pablo—ay makapagtatagumpay sa mahihirap na kalagayan.
[Mga talababa]
a Ang isang dipa ay karaniwan nang katumbas ng apat na siko, o mga anim na talampakan.
b Ang skiff ay ginagamit upang makarating sa pampang kapag ang barko ay nakaangkla malapit sa baybayin. Maliwanag, sinisikap ng mga magdaragat na iligtas ang kanilang sariling buhay at iwan na lamang ang iba, na mga walang kasanayan sa barko.
c Ganito ang sabi ng Word Origins ni Wilfred Funk: “Mababa ang tingin ng mga Griego sa mga wikang iba sa kanila, at sinabi nilang ang tunog ng mga ito’y parang ‘bar-bar’ at tinawag nila ang sinumang nagsasalita nito na barbaros.”