Mabibigyan ng Maylalang ng Kahulugan ang Iyong Buhay
“Purihin nila ang pangalan ni Jehova; sapagkat siya ang nag-utos, at sila ay nalalang.”—AWIT 148:5.
1, 2. (a) Anong tanong ang dapat nating isaalang-alang? (b) Paano nasasangkot ang paglalang sa tanong ni Isaias?
HINDI ba ninyo nalaman?” Waring ito ay isang tanong na may ipinahihiwatig, anupat nagpapakilos sa marami na tumugon, ‘Nalaman ang ano?’ Ngunit ito ay isang seryosong tanong. At higit nating mauunawaan ang sagot kung isasaalang-alang ang tagpo—ang ika-40 kabanata ng aklat sa Bibliya na Isaias. Isinulat ito ng isang sinaunang Hebreo, si Isaias, kaya ito’y matagal nang tanong. Gayunman, ito’y tanong pa rin ngayon, na may kaugnayan sa pangunahing kahulugan ng iyong buhay.
2 Yamang ganiyan ito kahalaga, nararapat nating pagtuunan ng matamang pansin ang tanong sa Isaias 40:28: “Hindi ba ninyo nalaman o hindi ba ninyo narinig? Si Jehova, ang Maylalang ng mga dulo ng lupa, ay Diyos hanggang sa panahong walang takda.” Kaya ang ‘pagkaalam’ ay may kaugnayan sa Maylalang ng lupa, at ipinapakita ng konteksto na hindi lamang ang lupa ang nasasangkot. Dalawang talata bago nito, sumulat si Isaias tungkol sa mga bituin: “Itingin ninyo ang inyong mga mata sa itaas at masdan. Sino ang lumalang ng mga bagay na ito? Iyon ang Isa na naglalabas sa hukbo nila ayon sa bilang . . . Dahil sa kasaganaan ng dinamikong lakas, palibhasa’y malakas din ang kaniyang kapangyarihan, walang isa man sa kanila ang nawawala.”
3. Kahit na marami kang alam tungkol sa Maylalang, bakit dapat mong naisin na makaalam pa nang higit?
3 Oo, ang tanong na “Hindi ba ninyo nalaman?” sa katunayan ay tungkol sa Maylalang ng ating uniberso. Maaaring ikaw mismo ay naniniwala na ang Diyos na Jehova ang “Maylalang ng mga dulo ng lupa.” Maaaring marami ka ring nalalaman hinggil sa kaniyang personalidad at sa kaniyang mga daan. Ngunit paano kung makatagpo ka ng isang lalaki o isang babae na nag-aalinlangan kung mayroon ngang Maylalang at maliwanag na walang nalalaman hinggil sa mga katangian niya? Hindi dapat pagtakhan kung maranasan mo ito sapagkat milyun-milyong tao ang hindi nakakakilala o naniniwala sa Maylalang.—Awit 14:1; 53:1.
4. (a) Bakit angkop ngayon na isaalang-alang ang Maylalang? (b) Anong mga sagot ang hindi mailalaan ng siyensiya?
4 Sa mga paaralan ay maraming nagtapos na mga taong mapag-alinlangan na nag-aakalang ang siyensiya ang may taglay (o makasusumpong) ng mga sagot sa mga tanong tungkol sa pinagmulan ng sansinukob at ng buhay. Sa The Origin of Life (orihinal na pamagat sa Pranses: Aux Origines de la Vie), sinabi ng mga awtor na sina Hagene at Lenay: “Ang pinagmulan ng buhay ay pinagtatalunan pa rin sa pagsisimula ng ikadalawampu’t isang siglo. Palibhasa’y napakahirap lutasin, ang suliraning ito ay nangangailangan ng pagsusuri sa lahat ng larangan, mula sa pagkalaki-laking kalawakan hanggang sa kaliit-liitang materya.” Gayunman, ang huling kabanata, “The Question Remains Alive,” ay umamin: “Nasuri na namin ang ilang siyentipikong kasagutan sa tanong na, Paano nagkaroon ng buhay sa lupa? Ngunit bakit nagkaroon ng buhay? May layunin ba ang buhay? Hindi masagot ng siyensiya ang mga tanong na ito. Sinasaliksik lamang nito kung ‘paano’ umiiral ang mga bagay. Ang ‘paano’ at ang ‘bakit’ ay dalawang tanong na lubhang magkaiba. . . . Hinggil sa tanong na ‘bakit,’ ang pilosopiya, relihiyon, at—higit sa lahat—ang bawat isa sa atin ay dapat makasumpong ng sagot.”
Paghanap sa mga Sagot at Kahulugan
5. Anong uri ng mga tao ang maaaring lalo nang makinabang sa pagkaalam nang higit tungkol sa Maylalang?
5 Oo, nais nating maunawaan kung bakit may buhay—at lalo na kung bakit tayo naririto. Isa pa, dapat tayong maging interesado sa mga taong hindi pa kumbinsido na may isang Maylalang at tiyak na kaunti ang nalalaman tungkol sa kaniyang mga daan. O isipin ang mga taong may kinagisnang ideya hinggil sa Diyos na ibang-iba sa ipinaliliwanag ng Bibliya. Bilyun-bilyon ang lumaki sa Silangan o sa ibang lugar na ang karamihan sa mga tao ay hindi nag-iisip na may isang personal na Diyos, isang tunay na persona na may kaakit-akit na personalidad. Sa kanila, ang salitang “diyos” ay nagpapasaisip ng basta lamang isang walang-linaw na puwersa o isang di-tiyak na tagapagpangyari. Hindi nila ‘nalaman ang tungkol sa Maylalang’ o ang kaniyang mga daan. Kung sila, o ang milyun-milyon na may ganito ring pangmalas, ay mapaniniwala na talaga ngang umiiral ang Maylalang, kayraming kapakinabangan ang matatamo nila, kalakip na ang walang-hanggang kinabukasan! Matatamo rin nila ang isang bagay na talagang pambihira—ang tunay na kahulugan, tunay na layunin at kapayapaan ng isip, sa kanilang buhay.
6. Paano natutulad sa karanasan ni Paul Gauguin at sa isa sa kaniyang mga ipininta ang buhay ng marami sa ngayon?
6 Bilang halimbawa: Noong 1891, ang Pranses na pintor na si Paul Gauguin ay humayo upang hanapin ang isang makabuluhang buhay sa French Polynesia, sa isang mistulang paraiso. Subalit di-nagtagal at ang kaniyang dating imoral na pamumuhay ay nagdulot ng sakit sa kaniyang sarili at sa iba. Habang nadarama niyang malapit na siyang mamatay, nagpinta siya ng isang malaking larawan na doo’y waring ‘binibigyang-kahulugan niya ang buhay bilang isang malaking misteryo.’ Alam mo ba kung ano ang itinawag ni Gauguin sa larawang iyon? “Saan Tayo Nanggaling? Ano ba Tayo? Saan Tayo Patungo?” Baka naringgan mo na ang iba na may ganito ring mga tanong. Marami ang gayon. Ngunit kapag wala silang masumpungang kasiya-siyang mga sagot—walang tunay na kahulugan ang buhay—saan sila babaling? Baka isipin nila na ang kanilang buhay ay walang gaanong pagkakaiba sa buhay ng mga hayop.—2 Pedro 2:12.a
7, 8. Bakit hindi sapat sa ganang sarili nito ang mga pagsusuri ng siyensiya?
7 Kaya mauunawaan mo kung bakit ang isa na katulad ng propesor sa pisika na si Freeman Dyson ay sumulat: “Katulad ko ang kaisipan ng maraming kagalang-galang na mga tao kapag muli kong ibinangon ang mga tanong ni Job. Bakit tayo nagdurusa? Bakit gayon na lamang ang kawalang-katarungan sa daigdig? Ano ang layunin ng kirot at sakuna?” (Job 3:20, 21; 10:2, 18; 21:7) Gaya ng nabanggit na, maraming tao ang bumabaling sa siyensiya sa halip na sa Diyos para sa kasagutan. Ang mga biyologo, eksperto sa karagatan, at iba pa ay nagdaragdag sa kaalaman hinggil sa ating globo at sa buhay rito. Sa pagsasaliksik sa iba namang direksiyon, ang mga astronomo at pisiko ay natututo nang higit at higit tungkol sa ating sistema solar, sa mga bituin, maging sa malalayong galaksi. (Ihambing ang Genesis 11:6.) Anong makatuwirang konklusyon ang itinuturo ng gayong mga katotohanan?
8 Binabanggit ng ilang siyentipiko ang “kaisipan” ng Diyos o ang kaniyang “sulat-kamay” na isinisiwalat sa sansinukob. Subalit maaari kayang hindi nito makuha ang pangunahing punto? Nagkomento ang magasing Science: “Kapag sinasabi ng mga mananaliksik na isinisiwalat ng kosmolohiya ang ‘kaisipan’ o ‘sulat-kamay’ ng Diyos, iniuukol nila sa Diyos ang bagay na sa totoo ay walang iba kundi ang mas mababang aspekto ng sansinukob—ang pisikal na kayarian nito.” Sa katunayan, ang pisiko at ginawaran ng Nobel na si Steven Weinberg ay sumulat: “Habang waring higit nating nauunawaan ang sansinukob, lalong higit na lumilitaw na wala itong layunin.”
9. Anong ebidensiya ang makatutulong sa atin at sa iba na makaalam ng tungkol sa Maylalang?
9 Gayunpaman, maaaring isa ka sa milyun-milyon na seryosong pinag-aralan ang bagay na ito at nakaunawa na ang tunay na kahulugan ng buhay ay may kaugnayan sa pagkilala sa Maylalang. Alalahanin ang isinulat ni apostol Pablo: “Hindi maaaring sabihin ng mga tao na hindi nila nakikilala ang Diyos. Sa pasimula pa ng sanlibutan, nakikita na ng mga tao kung ano ang mga katangian ng Diyos sa pamamagitan ng mga bagay na Kaniyang ginawa. Ipinapakita nito ang Kaniyang kapangyarihan na walang hanggan. Ipinapakita nito sa Siya ang Diyos.” (Roma 1:20, Holy Bible, New Life Version) Oo, may mga katotohanan tungkol sa ating daigdig at tungkol sa atin mismo na makatutulong sa mga tao na kilalanin ang Maylalang at makasumpong ng layunin may kaugnayan sa kaniya. Isaalang-alang ang tatlong aspekto nito: ang sansinukob sa ating paligid, ang pinagmulan ng buhay, at ang ating sariling kakayahang mag-isip.
Mga Dahilan Upang Maniwala
10. Bakit dapat nating pag-isipan ang tungkol sa “pasimula”? (Genesis 1:1; Awit 111:10)
10 Paano umiral ang ating sansinukob? Marahil ay nabatid mo mula sa mga ulat tungkol sa mga teleskopyo at panggagalugad sa kalawakan na natatalos ng karamihan ng mga siyentipiko na hindi umiral noon ang ating sansinukob. Nagkaroon ito ng pasimula, at patuloy itong lumalawak. Ano ang ipinahihiwatig nito? Pakinggan ang astronomong si Sir Bernard Lovell: “Kung may panahon noong una, na ang Uniberso ay halos binubuo lamang ng iisang masa na totoong napakaliit at totoong masinsin, kailangan nating itanong kung ano ang umiral bago nito . . . Kailangan nating harapin ang suliranin na may Pasimula.”
11. (a) Gaano kalawak ang sansinukob? (b) Ano ang ipinahihiwatig ng eksaktong kaayusan ng sansinukob?
11 Masasalamin sa kayarian ng uniberso, kasali na ang ating lupa, na ito’y may kagila-gilalas na pagkakatugma. Halimbawa, dalawang pambihirang katangian ng ating araw at ng iba pang mga bituin ang tumatagal na kahusayan at katatagan ng mga ito. Ang kasalukuyang mga pagtaya tungkol sa dami ng mga galaksi sa nakikitang sansinukob ay mula sa 50 bilyon (50,000,000,000) hanggang sa 125 bilyon. At ang ating Milky Way na galaksi ay may bilyun-bilyong bituin. Pag-isipan ito ngayon: Alam natin na ang makina ng isang kotse ay may eksaktong timpla ng gasolina at hangin. Kung mayroon kang kotse, baka umupa ka ng isang bihasang mekaniko upang ikondisyon ang makina nito, upang mas suwabe at hindi palyado ang pag-andar ng iyong kotse. Kung totoo iyon sa isang simpleng makina, kumusta kaya, halimbawa, ang ating araw na “nagniningas” nang walang palya? Maliwanag, ang pangunahing mga puwersang nasasangkot ay eksaktong pinagtugma-tugma upang umiral ang buhay sa lupa. Nagkataon ba lamang ito? Si Job noong una ay tinanong: “Ikaw ba ang nag-utos ng mga alituntuning gumagabay sa mga langit, o nagtakda ng mga batas ng kalikasan sa lupa?” (Job 38:33, The New English Bible) Walang tao ang nakagawa nito. Kaya saan nagmula ang eksaktong kaayusang ito?—Awit 19:1.
12. Bakit makatuwirang isipin na may isang makapangyarihang Talino na nasa likod ng paglalang?
12 Posible kayang ito’y nagmula sa isang bagay o isang Persona na hindi nakikita ng mga mata ng tao? Isaalang-alang ang tanong na ito mula sa pangmalas ng makabagong siyensiya. Tinatanggap ngayon ng karamihan ng mga astronomo na may umiiral na napakalalakas na materya sa langit —ang mga black hole. Ang mga black hole na ito ay hindi nakikita, ngunit kumbinsido ang mga eksperto na umiiral ang mga ito. Kahawig nito, iniuulat ng Bibliya na sa iba namang daigdig ay may mga makapangyarihang nilalang na hindi nakikita—mga espiritung nilalang. Kung may gayong makapangyarihan at di-nakikitang mga nilalang, hindi ba makatuwiran na ang may-pagkaeksaktong kaayusang isinisiwalat sa buong sansinukob ay nagmula sa isang makapangyarihang Talino?—Nehemias 9:6.
13, 14. (a) Ano ang aktuwal na pinatunayan ng siyensiya hinggil sa pinagmulan ng buhay? (b) Ano ang itinuturo ng pag-iral ng buhay sa lupa?
13 Ang pangalawang hanay ng ebidensiya na maaaring tumulong sa mga tao na kumilala sa isang Maylalang ay may kaugnayan sa pinagmulan ng buhay. Mula pa nang panahon ng mga eksperimento ni Louis Pasteur, tinatanggap na ang buhay ay hindi sumulpot na lamang mula sa wala sa pamamagitan ng spontaneous generation. Kaya paano nagsimula ang buhay sa lupa? Noong dekada ng 1950, pinagsikapang patunayan ng mga siyentipiko na ito ay maaaring unti-unting nabuo sa isang sinaunang karagatan nang ang primitibong atmospera ay palaging tinatamaan ng kidlat. Subalit, ipinapakita ng ebidensiya kamakailan lamang na mahirap mangyari ang gayong pinagmulan ng buhay sa lupa sapagkat ang gayong uri ng atmospera ay hindi kailanman umiral. Kaya naman, ang ilang siyentipiko ay naghahanap ng isang paliwanag na hindi gayon kaimposible. Ngunit hindi rin ba nila nakuha ang punto?
14 Matapos gumugol ng ilang dekada upang pag-aralan ang sansinukob at ang buhay rito, nagkomento ang Britanong siyentipiko na si Sir Fred Hoyle: “Sa halip na tanggapin ang pagkaliit-liit na posibilidad na ang buhay ay kusang lumitaw dahil sa mga walang-direksiyong puwersa ng kalikasan, lalong mabuting pagwariin na ang pasimula ng buhay ay isang sinadyang gawa ng talino.” Oo, habang lalo tayong natututo hinggil sa mga kababalaghan ng buhay, lalong nagiging makatuwiran na ang buhay ay may matalinong Pinagmulan.—Job 33:4; Awit 8:3, 4; 36:9; Gawa 17:28.
15. Bakit masasabi na ikaw ay bukod-tangi?
15 Kaya sa unang hanay ng pangangatuwiran ay nasasangkot ang sansinukob, at sa pangalawa, ang pinagmulan ng buhay sa lupa. Pansinin ang ikatlo—ang ating pagiging bukod-tangi. Sa maraming paraan, ang lahat ng tao ay bukod-tangi, kaya nangangahulugan na gayon ka rin. Sa paanong paraan? Maaaring narinig mo na ang utak ay inihahalintulad sa isang napakahusay na computer. Gayunman, ipinapakita ng mga natuklasan kamakailan lamang na ang paghahalintulad na ito ay malayung-malayo sa tunay na kalagayan. Isang siyentipiko sa Institute of Technology sa Massachusetts ang nagsabi: “Ang mga modernong computer ay malayung-malayo sa kakayahan ng isang 4-na-taóng-gulang na bata na makakita, magsalita, kumilos, o gumamit ng sentido kumon. . . . Tinataya na ang kapasidad ng pinakamahusay na supercomputer sa paghahanay-hanay ng impormasyon ay katumbas lamang ng nervous system ng isang susô—kapiraso lamang ng kakayahan ng supercomputer na nasa loob ng [iyong] bungo.”
16. Ang iyong kakayahang magsalita ng wika ay nagtuturo ng ano?
16 Ang wika ay isa sa mga kakayahang taglay mo dahil sa iyong utak. May mga taong nagsasalita ng dalawa, tatlo, o higit pang wika, subalit ang kakayahang magsalita ng kahit isa lamang wika ay tanda na tayo’y bukod-tangi. (Isaias 36:11; Gawa 21:37-40) Ang mga propesor na sina R. S. at D. H. Fouts ay nagtanong: “Ang tao ba lamang . . . ang may kakayahang makipagtalastasan sa pamamagitan ng wika? . . . Lahat ng nakatataas na uri ng hayop ay walang pagsalang nakikipagtalastasan sa pamamagitan ng . . . mga kumpas, amoy, hiyaw, ungol, at mga huni, at maging ng sayaw ng mga bubuyog. Subalit ang mga hayop, maliban sa tao, ay walang organisadong wika na may balarila. At, higit na mahalaga, ang mga hayop ay hindi gumuguhit ng anumang mga larawan. Ang pinakamahusay na magagawa nila ay ang padaskul-daskol na pagguhit lamang.” Tunay, ang tao lamang ang maaaring gumamit ng utak upang magsalita ng wika at gumuhit ng makabuluhang mga larawan.—Ihambing ang Isaias 8:1; 30:8; Lucas 1:3.
17. Ano ang saligang pagkakaiba ng pagharap ng isang hayop sa salamin at ng paggawa ng gayon ng isang tao?
17 Bukod dito, mayroon kang kabatiran sa sarili; may kamalayan ka sa iyong sarili. (Kawikaan 14:10) Napagmasdan mo na ba ang isang ibon, aso, o pusa na tumingin sa salamin at pagkatapos ay tumuka, umungol, o dumamba? Akala nito ay may ibang hayop na nakikita, palibhasa’y hindi nakikilala ang sarili. Sa kabaligtaran, kapag tumingin ka sa salamin, alam mong ikaw na nga iyon. (Santiago 1:23, 24) Maaari mong suriin ang iyong hitsura o isipin kung ano ang magiging hitsura mo makalipas ang ilang taon. Hindi ito ginagawa ng mga hayop. Oo, ikaw ay bukod-tangi dahil sa iyong utak. Saan dapat iukol ang papuri? Paano kaya posibleng umiral ang iyong utak, kung hindi dahil sa Diyos?
18. Anong mga kakayahan ng isip ang nagpapakitang naiiba ka sa mga hayop?
18 Dahil din sa iyong utak ay maaari kang magpahalaga sa sining at sa musika at magkaroon ng mga moral na pamantayan. (Exodo 15:20; Hukom 11:34; 1 Hari 6:1, 29-35; Mateo 11:16, 17) Bakit ibinigay ito sa iyo at hindi sa mga hayop? Ginagamit ng mga ito ang kanilang mga utak upang masapatan lamang ang kanilang kagyat na pangangailangan—ang pagkuha ng pagkain, paghanap ng kabiyak, o paggawa ng pugad. Mga tao lamang ang nag-iisip hinggil sa hinaharap. Ang ilan pa nga ay nag-iisip kung paanong ang ginagawa nila ay makaaapekto sa kapaligiran o sa kanilang mga inapo maraming taon pa sa hinaharap. Bakit? Sinasabi ng Eclesiastes 3:11 tungkol sa mga tao: “Maging ang panahong walang takda ay inilagay [ng Maylalang] sa kanilang puso.” Oo, namumukod-tangi ang kakayahan mo na isaalang-alang ang kahulugan ng panahong walang-takda o gunigunihin ang buhay na walang hanggan.
Hayaan ang Maylalang na Magbigay ng Kahulugan
19. Anong hanay ng pangangatuwiran na may tatlong bahagi ang maaaring magamit mo sa pagtulong sa iba na pag-isipan ang tungkol sa Maylalang?
19 Pahapyaw nating natalakay ang tatlong bagay lamang: ang eksaktong kaayusan na nababanaag sa napakalawak na sansinukob, ang pinagmulan ng buhay sa lupa, at ang di-maikakailang pagkabukod-tangi ng utak ng tao, kalakip na ang sari-saring kakayahan nito. Ano ang pinatutunayan ng tatlong ito? Narito ang isang hanay ng pangangatuwiran na maaari mong gamitin sa pagtulong sa iba na magpasiya. Maaari mo munang itanong: Ang sansinukob ba ay may pasimula? Sasang-ayon ang karamihan na may pasimula ito. Pagkatapos ay itanong: Wala bang nagpangyari, o mayroon bang nagpangyari sa pasimulang iyon? Kinikilala ng karamihan ng mga tao na may nagpangyari sa pasimula ng sansinukob. Umaakay ito sa huling katanungan: Ang pasimula ba’y pinapangyari ng isang walang-hanggang bagay o ng isang walang-hanggang Persona? Kapag ganito ang malinaw at makatuwirang pagharap sa mga isyu, marami ang maaakay na magpasiya: Mayroon ngang Maylalang! Kung gayon, hindi ba tiyak na mayroong kahulugan ang buhay?
20, 21. Bakit ang pagkilala sa Maylalang ay mahalaga sa pagkakaroon ng kahulugan ang ating buhay?
20 Ang atin mismong pag-iral, lakip na ang ating pamantayang moral at ang moralidad mismo ay dapat na may kaugnayan sa Maylalang. Minsan ay isinulat ni Dr. Rollo May: “Ang tanging angkop na kayarian para sa moralidad ay batay sa saligang kahulugan ng buhay.” Saan ito masusumpungan? Nagpatuloy siya: “Ang saligang kayarian ay ang kalikasan ng Diyos. Ang mga simulain ng Diyos ang siyang mga simulain na saligan ng buhay mula sa pasimula ng paglalang hanggang sa katapusan.”
21 Mauunawaan natin, kung gayon, kung bakit ang salmista ay nagpamalas kapuwa ng kapakumbabaan at karunungan nang magsumamo siya sa Maylalang: “Ipaalam mo sa akin ang iyong mga daan, O Jehova; ituro mo sa akin ang iyong mga landas. Palakarin mo ako sa iyong katotohanan at turuan mo ako, sapagkat ikaw ang aking Diyos ng kaligtasan.” (Awit 25:4, 5) Habang higit niyang nakikilala ang Maylalang, ang buhay ng salmista ay tiyak na nagkaroon ng higit na kahulugan, layunin, at patutunguhan. Maaaring maging ganito rin ang kalagayan ng bawat isa sa atin.—Exodo 33:13.
22. Ano ang nasasangkot sa pagkaalam ng mga daan ng Maylalang?
22 Kalakip sa pagkaalam ng “mga daan” ng Maylalang ang higit na pagkaalam ng kaniyang mga katangian, kapuwa ng kaniyang personalidad at ng kaniyang mga daan. Ngunit yamang ang Maylalang ay di-nakikita at lubhang makapangyarihan, paano natin siya makikilalang mabuti? Tatalakayin ito sa susunod na artikulo.
[Talababa]
a Sa pagsasaalang-alang sa mga karanasan sa mga kampong piitan ng Nazi, natanto ni Dr. Viktor E. Frankl: “Ang paghahanap ng tao sa kahulugan ay isang pangunahing puwersa sa kaniyang buhay at hindi isang ‘pangalawahing pagbibigay-katuwiran’ sa mga katutubong gawi,” na gaya ng taglay ng mga hayop. Idinagdag pa niya na ilang dekada pagkaraan ng ikalawang digmaang pandaigdig, isang surbey sa Pransiya ang “nagsiwalat na 89% ng mga taong tinanong ay umamin na kailangan ng tao ang ‘isang bagay’ na magbibigay ng dahilan para mabuhay.”
Paano Mo Sasagutin?
◻ Bakit hindi lamang siyentipikong impormasyon tungkol sa ating sansinukob ang dapat nating alamin?
◻ Sa pagtulong sa iba na pag-isipan ang tungkol sa Maylalang, ano ang maaari mong banggitin?
◻ Bakit ang pagkakilala sa Maylalang ay isang susi upang magkaroon ng kasiya-siyang kahulugan ang buhay?
[Dayagram/Larawan sa pahina 18]
(Para sa aktuwal na format, tingnan ang publikasyon)
Ano ang Iyong Konklusyon?
Ang Ating
Sansinukob
↓ ↓
Walang May
pasimula Pasimula
↓ ↓
Walang May
nagpangyari Nagpangyari
↓ ↓
Isang bagay na Isang
walang hanggan Personang
Walang
Hanggan
[Larawan sa pahina 15]
Ang lawak at eksaktong kaayusan ng sansinukob ay umakay sa marami upang pag-isipan ang tungkol sa Maylalang
[Credit Line]
Pahina 15 at 18: Jeff Hester (Arizona State University) at NASA