May mga Buháy na Hiyas sa Namibia!
ANG Namibia ay umaabot ng halos 1,500 kilometro sa kahabaan ng timog-kanlurang baybayin ng Aprika. Ang buong baybayin ng bansa ay binubuo ng mga tagaytay ng buhangin, mabatong mga burol, at malawak na mga kapatagan ng graba. Nakahalo sa maliliit na bato sa mga dalampasigan ng Namibia ang mga batong hiyas ng lahat ng kulay. Nasusumpungan pa nga roon paminsan-minsan ang mga diamante. Subalit ang bansa ay may bagay na mas mahalaga kaysa mga batong ito. Ang Namibia ay may buháy na mga hiyas—ang mga tao mula sa maraming pambansang grupo nito.
Ang pinakamaagang mga nanirahan sa Namibia ay nagsalita ng isang grupo ng mga wika na tinatawag na Khoisan. Ang kanilang pananalita ay kilala sa palatak na tunog nito. Kabilang sa mga nagsasalita ng Khoisan sa ngayon ang maiitim-ang-balat na mga Damara, ang mapuputi-ang-balat na maliliit na tao na tinatawag na mga Nama, at ang kilalang mga mangangasong Bushman. Maraming tribong itim ang nagpunta rin sa Namibia nito lamang nakalipas na mga siglo. Ang mga ito’y inuuri sa tatlong pangunahing pambansang grupo: ang mga Ovambo (ang pinakamalaking etnikong grupo sa Namibia), ang mga Herero, at ang mga Kavango. Nagsimulang manirahan ang mga Europeo sa Namibia noong ika-19 na siglo. Marami pang mandarayuhan ang dumating pagkatapos matuklasan ang mga diamante sa mga buhangin ng disyerto.
Ang mga naninirahan sa Namibia ay mahalaga sapagkat sila’y bahagi ng daigdig ng sangkatauhan na doo’y ipinagkaloob ng Diyos ang kaniyang Anak, sa gayo’y binubuksan ang daan tungo sa buhay na walang hanggan. (Juan 3:16) Daan-daang taga-Namibia mula sa maraming tribo ang tumugon na sa mensahe ng kaligtasan. Ang mga ito’y maihahalintulad sa buháy na mga batong hiyas sapagkat sila’y kabilang sa “mga kanais-nais na bagay ng lahat ng mga bansa” na ngayo’y tinitipon sa bahay ng pagsamba kay Jehova.—Hagai 2:7.
Nagsimula ang Espirituwal na Pagmimina
Noong 1928 nagsimula ang pagmimina ng espirituwal na mga hiyas sa Namibia. Noong taóng iyon, ang sangay ng Samahang Watch Tower sa Timog Aprika ay nagpadala sa koreo ng 50,000 piraso ng literatura sa Bibliya sa mga taong nakakalat sa buong bansa. Noong sumunod na taon isang pinahirang Kristiyano mula sa Timog Aprika na nagngangalang Lenie Theron ang dumalaw sa mga nagpakita ng interes. Sa loob ng apat na buwan ay mag-isa siyang nagpabalik-balik sa malawak na bansa, anupat nakapagpasakamay ng mahigit na 6,000 pantulong sa pag-aaral ng Bibliya sa mga wikang Afrikaan, Ingles, at Aleman. Lahat ng gawang ito ay tiyak na hindi walang kabuluhan.
Halimbawa, isaalang-alang si Bernhard Baade, isang minerong Aleman. Noong 1929, siya’y dinalhan ng mga itlog ng isang magbubukid na binalot ang bawat itlog sa isang pahina mula sa isang publikasyon ng Watch Tower. Buong pananabik na binasa ni Bernhard ang bawat pahina, na nagtatanong kung sino kaya ang sumulat ng aklat. Sa wakas ay nakarating siya sa huling pahina, na nagbibigay ng direksiyon ng Samahang Watch Tower sa Alemanya. Si Bernhard ay sumulat para sa higit pang literatura at naging ang unang taga-Namibia na nanindigan sa katotohanan.
Dumating ang Buong-Panahong mga Manggagawa
Noong 1950, apat na misyonerong sinanay sa Watchtower Bible School of Gilead ang dumating sa Namibia. Ang bilang ng mga misyonero ay umabot sa walo noong 1953. Kabilang sina Dick at Coralie Waldron, isang mag-asawang Australiano na matapat na naglilingkod pa rin dito. Nakibahagi rin ang maraming iba pang buong-panahong tagapaghayag ng Kaharian mula sa Timog Aprika at sa ibang bansa sa pagmimina ng espirituwal na mga hiyas sa Namibia. Nagpadala ng iba pang misyonero, gayundin ng mga nagtapos sa Ministerial Training School, sa Namibia.
Isa pang salik na nakatulong sa espirituwal na pagsulong sa Namibia ay ang pagsasalin at paglalathala ng literatura sa Bibliya sa pangunahing mga wika roon, gaya sa wikang Herero, Kwangali, Kwanyama, Nama/Damara, at Ndonga. Mula noong 1990, isang mainam na tanggapan sa pagsasalin at tahanan para sa buong-panahong boluntaryong mga manggagawa ang matatagpuan na sa kabisera, sa Windhoek. Ganito ang sabi ni Karen Deppisch, na kasama ng kaniyang asawa sa buong-panahong gawain ng pag-eebanghelyo sa iba’t ibang bahagi ng Namibia: “Marami ang nagugulat kapag nag-aalok kami sa kanila ng literatura sa kanilang sariling wika, lalo na’t kakaunting aklat ng anumang uri ang makukuha sa partikular na wikang iyon.”
Pagpapakinis sa mga Batong Hiyas
Ang ilan sa literal na mga hiyas sa Namibia ay pinakinis ng alon at buhangin sa nakalipas na libu-libong taon. Subalit, sabihin pa, ang likas na prosesong ito ay hindi nakagagawa ng buháy na mga batong hiyas. Nangangailangan ng pagsisikap para sa mga di-sakdal na tao upang “alisin ang lumang personalidad” at bihisan ang kanilang sarili ng bagong tulad-Kristong personalidad. (Efeso 4:20-24) Halimbawa, ang pagsamba sa patay na mga ninuno ay isang matibay na tradisyon sa maraming tribo ng Namibia. Ang mga hindi nagsasagawa ng pagsamba sa ninuno ay kadalasang pinag-uusig ng mga miyembro ng pamilya at ng mga kapitbahay. Kapag natuto ang mga indibiduwal mula sa Bibliya na ang mga patay ay “walang anumang kabatiran,” napapaharap sila sa pagsubok. (Eclesiastes 9:5) Sa anong paraan?
Ganito ang paliwanag ng isang Saksing Herero: “Malaking hamon ang maging masunurin sa katotohanan. Tinanggap ko ang isang pakikipag-aral sa Bibliya sa mga Saksi ni Jehova, subalit matagal bago ko naikapit ang mga bagay na aking natututuhan. Una, kailangan kong matiyak kung ligtas ba para sa akin na huwag magsagawa ng tradisyonal na mga paniniwala. Halimbawa, nilalampasan ko ang ilang dako sa Namibia habang nagmamaneho nang hindi humihinto upang maglagay ng isang bato sa isang libingan o magtaas ng sombrero bilang pagbati sa patay. Unti-unti, nakumbinsi ako na walang anumang mangyayari sa akin kung hindi ako sasamba sa patay na mga ninuno. Anong ligaya ko na pinagpala ni Jehova ang aking mga pagsisikap upang tulungan ang aking pamilya at ang iba pang interesado na matuto ng katotohanan!”
Ang Pangangailangan Para sa Espirituwal na mga Minero
Bago dumating ang mga misyonero noong 1950, may isa lamang mamamahayag ng mabuting balita sa Namibia. Ang bilang ay patuloy na dumami hanggang sa pinakamataas na bilang na 995. Subalit, marami pa ang dapat na gawin. Sa katunayan, halos hindi pa nagagawa ang ilang rehiyon. Nasa kalagayan ka bang maglingkod kung saan malaki ang pangangailangan para sa masigasig na mga tagapaghayag ng Kaharian? Kung gayon, pakisuyong magtungo ka sa Namibia at tulungan mo kami na maghanap at magpakinis ng mas marami pang espirituwal na mga batong hiyas.—Ihambing ang Gawa 16:9.
[Mapa/Mga Larawan sa pahina 26]
(Para sa aktuwal na format, tingnan ang publikasyon)
APRIKA
NAMIBIA
[Mga larawan]
Ang Namibia ay isang bansa na may magagandang batong hiyas
[Credit Lines]
Mga mapa: Mountain High Maps® Copyright © 1997 Digital Wisdom, Inc.; Mga brilyante: Sa kagandahang-loob ng Namdek Diamond Corporation
[Mga larawan sa pahina 26]
Ang mabuting balita ay ipinangangaral sa lahat ng etnikong grupo sa Namibia
[Larawan sa pahina 28]
Maaari ka bang maglingkod kung saan mas malaki ang pangangailangan para sa mga tagapaghayag ng Kaharian?