Huwag Hayaang ang Iyong Kalakasan ang Maging Iyong Kahinaan
Dahilan sa 16 na silid na hindi pinapasok ng tubig na nasa balangkas nito, ang maluhong barkong Titanic ay itinuturing na di-mapalulubog. Sa unang biyahe nito noong 1912, nagdala lamang ito ng kalahati ng bilang ng mga kinakailangang bangkang panligtas. Nabunggo ng barko ang isang malaking tipak ng yelo at ito’y lumubog, na siyang dahilan ng pagkasawi ng mahigit na 1,500 buhay.
ANG may-takot sa Diyos na si Haring Uzias ng sinaunang Jerusalem ay isang napakatalinong kumandante ng hukbo. Sa tulong ni Jehova, isa-isa niyang natalo ang kaniyang mga kaaway. “Dahil dito ay lumaganap ang kabantugan [ni Uzias] hanggang sa malayo, sapagkat siya ay kamangha-manghang natulungan hanggang sa siya ay lumakas.” Subalit nang maglaon, “ang kaniyang puso ay nagpalalo . . . anupat gumawi siya nang di-tapat laban kay Jehova na kaniyang Diyos.” Dahilan sa kapalaluan ni Uzias, nagkaroon siya ng ketong.—2 Cronica 26:15-21; Kawikaan 16:18.
Ipinakikita sa atin ng dalawang salaysay na ito na ang mga kalakasan, kapag hindi tinimbangan ng karunungan, kahinhinan, at kapakumbabaan, ay maaaring madaling maging kahinaan o disbentaha. Ito ay dapat pag-isipan, sapagkat sa paano man, bawat isa sa atin ay may ilang kalakasan, o mga kaloob, at gusto natin na ang mga ito ay pakinabangan at pagmulan ng ating kagalakan at ng iba, lalo na ng ating Maylalang. Ang totoo, dapat nating gamitin nang lubusan ang anumang kaloob ng Diyos na taglay natin ngunit kasabay nito ay kontrolin ito upang manatili itong isang mahalagang katangian.
Halimbawa, maaaring madaling mabago ng isang taong wiling-wili sa kaniyang trabaho ang kaloob na ito tungo sa pagiging isang kahinaan sa pamamagitan ng pagkalulong sa trabaho. Maaaring ang isang maingat na tao ay hindi nga madaling madaya, o malinlang, ngunit baka naman ang kaniyang pag-iingat ay umabot sa punto na hindi na siya makapagpasiya. Ang kahusayan ay isa ring mainam na katangian, subalit kapag ito’y lumabis, anupat hindi na isinasaalang-alang ang kahinaan ng tao, ang resulta ay maaaring isang matamlay at istriktong kapaligiran na nagdudulot ng kalungkutan. Kaya pag-isipan sandali ang iyong mga kalakasan. Nakokontrol mo bang mabuti ang mga ito? Ang mga ito ba ay pagpapala sa iba? Higit sa lahat, ginagamit mo ba ang mga ito upang parangalan si Jehova, ang Pinagmumulan ng “bawat mabuting kaloob”? (Santiago 1:17) Sa layuning iyan, suriin nating mabuti ang ilang iba pang halimbawa ng mga kalakasan na maaaring maging mga kahinaan, o disbentaha pa nga, kung hindi kokontrolin.
May-Katalinuhang Gamitin ang mga Abilidad ng Isip
Ang matalas na pag-iisip ay tiyak na isang mainam na katangian. Gayunman, maaari itong maging kahinaan kung aakay ito sa labis na kumpiyansa o magpapangyari sa atin na magkaroon ng mataas na pagtingin sa ating sarili, lalo na kung labis tayong pinapupurihan o hinahangaan ng iba. O maaari tayong magkaroon ng intelektuwal na pangmalas sa Salita ng Diyos at sa salig-Bibliyang mga publikasyon na pinag-aaralan.
Ang labis na kumpiyansa ay maaaring mahalata sa iba’t ibang paraan. Halimbawa, kapag ang isa na may napakatalas na pag-iisip ay makatanggap ng atas na magsalita sa Kristiyanong kongregasyon, marahil ay isang pahayag pangmadla o isang pahayag sa Paaralang Teokratiko sa Pagmiministro, maaari niyang ipagpaliban ang paghahanda hanggang sa huling pagkakataon, maaaring hindi pa nga nananalangin ukol sa pagpapala ni Jehova. Sa halip, nagtitiwala siya sa kaniyang naimbak na kaalaman at sa kaniyang abilidad na mag-isip nang mabilis. Maaaring ikubli ng likas na abilidad ang kaniyang pagpapabaya sa loob ng ilang panahon, subalit kung wala ang lubos na pagpapala ni Jehova, ang kaniyang pagsulong sa espirituwal ay babagal, baka mahinto pa nga. Tunay na isang pagsasayang sa mainam na kaloob!—Kawikaan 3:5, 6; Santiago 3:1.
Ang isa na may matalas na pag-iisip ay baka magkaroon din ng intelektuwal na pangmalas sa Bibliya at sa mga pantulong sa pag-aaral ng Bibliya. Gayunman, ang gayong kaalaman ay “nagmamalaki” lamang, o nagpapapintog ng sarili na tulad sa isang lobo; hindi ito “nagpapatibay” ng maibiging Kristiyanong ugnayan. (1 Corinto 8:1; Galacia 5:26) Sa kabilang panig, ang espirituwal na tao, anuman ang kaniyang mga abilidad sa isip, ay laging nananalangin ukol sa espiritu ng Diyos at nagtitiwala rito. Ang kaniyang kalakasan ay nagiging higit na kapaki-pakinabang habang umuunlad ang kaniyang pag-ibig, pagpapakumbaba, kaalaman, at karunungan—at ang lahat ay may kaiga-igayang pagkakatimbang.—Colosas 1:9, 10.
Ang abilidad ay maaari ring maging isang kahinaan kung dahil dito ay nagkaroon tayo ng mataas na pangmalas sa ating sarili, anupat nagsisiwalat ng kawalan ng kahinhinan. Ang taong may kaloob—at ang sinumang labis na humahanga sa kaniya—ay maaaring nakalilimot na “hindi . . . pinahahalagahan [ni Jehova] ang sinumang marunong ayon sa kanilang sariling puso,” kahit na sila ay may kaloob. (Job 37:24) “Ang karunungan ay nasa mga mahinhin,” ang sabi ng Salita ng Diyos. (Kawikaan 11:2) Si apostol Pablo, bagaman napakatalino at may mataas na pinag-aralan, ay nagsabi sa mga taga-Corinto: “Nang pumariyan ako sa inyo, mga kapatid, ay hindi ako pumariyan taglay ang karangyaan ng pananalita o ng karunungan . . . Pumariyan ako sa inyo sa kahinaan at sa takot at taglay ang matinding panginginig; at ang aking pananalita at ang ipinangaral ko ay hindi sa mapanghikayat na mga salita ng karunungan kundi sa pagtatanghal ng espiritu at kapangyarihan, upang ang inyong pananampalataya ay maging, hindi sa karunungan ng tao, kundi sa kapangyarihan ng Diyos.”—1 Corinto 2:1-5.
Ang tunay na matalinong tao ay hindi nadadaya ng pangmalas ng sanlibutan hinggil sa karunungan, ni sa pagpapakahulugan nito sa tagumpay. Kaya sa halip na gamitin ang kaniyang mga talento upang makamit ang pagsang-ayon ng mga tao o upang magkamal ng makasanlibutang mga kayamanan, ibinibigay niya ang kaniyang buong makakaya sa Isa na nagbigay sa kaniya ng buhay at mga abilidad. (1 Juan 2:15-17) Dahil dito ay pinananatili niyang nauuna sa kaniyang buhay ang mga kapakanan ng Kaharian, anupat nagiging gaya ng mabungang “punungkahoy na nakatanim sa tabi ng mga daloy ng tubig.” Dahil sa pagpapala ni Jehova, hindi sa kaniyang likas na mga talento, “ang lahat ng kaniyang gawin ay magtatagumpay.”—Awit 1:1-3; Mateo 6:33.
Hayaang Makaragdag ang Pagka-Kristiyano sa Iyong Kalakasan
Sa mismong katangian nito, ang Kristiyanismo ay saganang-sagana sa mga kalakasan anupat walang sinabi ang makasanlibutang mga pilosopiya kung ihahambing dito. Halimbawa, ang Kristiyanong paraan ng pamumuhay ay nagluluwal ng napakahuhusay na asawang lalaki at babae, ng napakahuhusay na mga kapitbahay, at ng napakahuhusay na empleado—mga taong tapat, magagalang, mapapayapa, at masisipag. (Colosas 3:18-23) Bukod dito, ang Kristiyanong pagsasanay sa pagsasalita at pagtuturo ay nagpapaunlad ng mabubuting kasanayan sa pakikipag-usap. (1 Timoteo 4:13-15) Kaya naman hindi nakapagtataka na ang mga Kristiyano ang karaniwang napipili ng kanilang mga amo upang dagdagan ng mga pananagutan at itaas sa tungkulin. Subalit ang gayong mga kalakasan ay maaari ring magamit sa maling paraan kung hindi maingat na babantayan. Ang pagkakataas sa tungkulin o ang isang kaakit-akit na alok sa trabaho ay maaaring mangahulugan ng halos pag-aalay ng sarili sa kompanya, anupat regular nang lumiliban sa mga Kristiyanong pagpupulong, o isinasakripisyo ang mahahalagang panahon kasama ng pamilya ng isa.
Sa Australia, isang Kristiyanong matanda at de-pamilyang lalaki, na isa ring lubhang matagumpay na negosyante, ang nagkaroon ng pagkakataong makamit ang “lahat ng alok ng mundo,” wika nga. Gayunman, tumanggi siyang maging matagumpay sa sistemang ito. “Gusto kong gumugol nang higit pang panahon sa aking pamilya at sa ministeryong Kristiyano,” ang sabi niya. “Kaya kaming mag-asawa ay nagkaisa na maingat kong babawasan ang dami ng panahong ginugugol ko sa aking sekular na trabaho. Bakit ako magtatrabaho ng limang araw sa isang linggo kung hindi naman ito kailangan?” ang dagdag pa niya. Sa pamamagitan ng paggawa ng pinag-isipang-mabuting mga pagbabago sa kaniyang buhay, nasumpungan ng matandang ito na maaari pa rin niyang pangalagaan ang kaniyang pamilya sa pamamagitan ng pagtatrabaho ng tatlo o apat na araw sa isang linggo. Nang maglaon, inanyayahan siyang makibahagi sa ibang mga pribilehiyo sa paglilingkod, gaya ng paglilingkod sa lokal na Assembly Hall Committee at sa pangangasiwa sa pandistritong kombensiyon. Palibhasa’y may-katalinuhang ginamit, ang kaniyang mga kalakasan ay nagdulot sa kaniya at sa kaniyang pamilya ng kagalakan at kasiyahan.
Isang Timbang na Saloobin sa mga Pribilehiyo
Ang mga lalaking Kristiyano ay pinasisigla na umabot ng mga pribilehiyo sa paglilingkod sa kongregasyon. “Kung ang sinumang lalaki ay umaabot sa katungkulan ng tagapangasiwa [o ministeryal na lingkod], siya ay nagnanasa ng isang mainam na gawain.” (1 Timoteo 3:1) Tulad sa mga kalakasang nabanggit na, ang pagiging handang tumanggap ng mga pananagutan ay kailangan ding timbangan ng matinong pagpapasiya. Walang sinuman ang dapat na bumalikat ng napakaraming atas anupat nawawala na ang kaniyang kagalakan sa paglilingkod kay Jehova. Oo, ang isang laging-handang espiritu ay kapuri-puri, talagang kailangan, sapagkat hindi kinalulugdan ni Jehova ang isang palaiwas na saloobin; subalit ang pagiging laging-handa ay kailangan ding magpabanaag ng kahinhinan at ng “katinuan ng pag-iisip.”—Tito 2:12; Apocalipsis 3:15, 16.
Ang pagkamalumanay, kalaliman ng unawa, at talas ng pakiramdam ni Jesus ang dahilan kung kaya kahit ang mga pinakahamak ay palagay ang loob sa kaniya. Gayundin sa ngayon, palagay ang loob ng mga tao sa mga indibiduwal na ang kalakasan ay isang madamayin at mapagmalasakit na personalidad. Sa Kristiyanong kongregasyon, ang gayong magigiliw at madaling lapitan na matatanda ay tunay na pinahahalagahang “mga kaloob na mga tao.” Sila ay “taguang dako sa hangin at dakong kublihan sa bagyong maulan, gaya ng mga bukal ng tubig sa lupaing walang tubig, gaya ng lilim ng malaking bato sa lupaypay na lupain.”—Efeso 4:8; Isaias 32:2.
Subalit dapat na gawing timbang ng matatanda ang panahong ginugugol sa pagtulong sa iba at ang kanilang sariling pangangailangan ukol sa personal na pag-aaral, pagbubulay-bulay, pananalangin, at pangmadlang ministeryo. Siyempre pa, ang may-asawang matatanda ay kailangan ding magbigay ng panahon sa kani-kanilang pamilya, na sa mga ito ay lalo silang dapat na maging madaling lapitan.
May-Kakayahang Babae—Isang Napakagandang Pagpapala
Gaya ng may-kakayahang matatanda, ang mga babaing palaisip sa espirituwal ay tunay na kapaki-pakinabang din sa organisasyon ni Jehova. Sa pangkalahatan, ang mga babae ay may kaloob hinggil sa pagkakaroon ng interes sa ibang tao—isang katangian na pinahahalagahan at pinasisigla ni Jehova. Ituon “ang mata, hindi sa personal na interes ng inyong sariling mga bagay-bagay lamang, kundi sa personal na interes din niyaong iba,” ang sulat ni apostol Pablo. (Filipos 2:4) Gayunman, ang “personal na interes” na ito ay may hangganan, sapagkat walang Kristiyano ang nagnanais na maging “isang mapakialam sa mga bagay-bagay ng ibang tao”; ni dapat ding maging tsismosa ang isa.—1 Pedro 4:15; 1 Timoteo 5:13.
Ang mga babae ay may marami pang ibang kaloob. Halimbawa, ang isang Kristiyanong asawang babae ay maaaring higit na pinagkalooban ng talino kaysa sa kaniyang asawa. Gayunman, bilang “isang asawang babae na may kakayahan” na natatakot kay Jehova, igagalang niya ang kaniyang asawa at gagamitin ang kaniyang mga kaloob upang maging kapupunan ng kaniyang asawa, hindi upang makipagpaligsahan sa kaniya. At sa halip na kainggitan o kagalitan siya, pahahalagahan ng isang matalino at mapagpakumbabang asawang lalaki ang mga kakayahan ng kaniyang asawa at ikagagalak ang mga ito. Pasisiglahin niya siya na gamitin nang lubusan ang kaniyang mga talento upang patibayin ang kaniyang sambahayan at upang tulungan ang kaniyang mga anak na ‘matakot kay Jehova,’ gaya mismo ng ginagawa niya. (Kawikaan 31:10, 28-30; Genesis 2:18) Ang gayong mahinhin at mapagpakumbabang mga asawang lalaki at babae ay nagtatagumpay sa pag-aasawa na tunay na nagpaparangal kay Jehova.
Pagsupil sa Isang Malakas na Personalidad
Ang isang malakas na personalidad na nakatalaga sa katuwiran at sa buong-kaluluwang paggawa ng kalooban ni Jehova ay maaaring maging isang mainam na katangian kapag tinimbangan ng kahinhinan at kapakumbabaan. Gayunman, maaari itong maging kahinaan kung nagiging dahilan ito upang dominahan o takutin ng isa ang iba. Ito ay higit na totoo sa loob ng Kristiyanong kongregasyon. Ang mga Kristiyano ay dapat na makadama ng kapanatagan sa isa’t isa, kahit may kasamang matatanda sa kongregasyon.—Mateo 20:25-27.
Ang matatanda naman ay dapat na palagay ang loob kapag kasama ang isa’t isa. At kapag sila ay nagpupulong, ang banal na espiritu, hindi ang lakas ng personalidad, ang dapat na makaimpluwensiya sa kanilang mga pasiya. Sa katunayan, ang banal na espiritu ay maaaring makaimpluwensiya sa sinumang matanda sa lupon, kahit sa pinakabata o pinakatahimik na matanda. Kaya yaong mga may malakas na personalidad, kahit na nadarama nilang sila’y tama, ay dapat na magkontrol sa kanilang kalakasan sa pamamagitan ng pagkatuto sa sining ng pagpaparaya, sa gayon ay ‘nagpapakita ng dangal’ sa kapuwa matatanda. (Roma 12:10) May-kabaitang nagbababala ang Eclesiastes 7:16: “Huwag kang lubhang magpakamatuwid, ni labis-labis na magpakarunong. Bakit mo dudulutan ng kaabahan ang iyong sarili?”
Ganap sa kasakdalan ang paraan ng pagkontrol ni Jehova, ang Pinagmumulan ng “bawat mabuting kaloob,” sa kaniyang kahanga-hangang mga kalakasan. (Santiago 1:17; Deuteronomio 32:4) At siya ang ating Guro! Kaya matuto nawa tayo sa kaniya at magpagal, kapuwa sa pagpapaunlad sa ating likas na mga kaloob, o mga kalakasan, at sa pagkontrol sa mga ito sa matalino, mahinhin, at maibiging paraan. Kung magkagayon ay magiging tunay na pagpapala tayo sa iba!
[Mga larawan sa pahina 27]
Ang espirituwal na pagsulong ay nakasalalay sa may-pananalanging pag-aaral at pananalig kay Jehova
[Larawan sa pahina 29]
Ang personal na interes na may kalakip na kahinhinan ay isang pagpapala
[Picture Credit Line sa pahina 26]
Courtesy of The Mariners’ Museum, Newport News, VA