Tayo ang Uri na May Pananampalataya
Pag-aalok ng Mensahe ng Kaaliwan sa Italya
SI Jehova “ang Diyos ng buong kaaliwan.” Sa pamamagitan ng pagkatutong matularan siya, ‘maaaliw [ng kaniyang mga lingkod] . . . yaong mga nasa anumang uri ng kapighatian.’ (2 Corinto 1:3, 4; Efeso 5:1) Ito ang isa sa mga pangunahing layunin ng gawaing pangangaral na isinasagawa ng mga Saksi ni Jehova.
Pagtulong sa Isang Babaing Nangangailangan
Lalo na nitong nakaraang mga taon na ang kahirapan, digmaan, at ang pagnanais na makasumpong ng isang mas mabuting buhay ang nagpakilos sa marami na mandayuhan sa mas mauunlad na bansa. Ngunit hindi madali ang makibagay sa bagong kapaligiran. Si Manjola ay naninirahang kasama ng mga kapuwa Albaniano sa Borgomanero. Yamang naninirahan siya sa Italya nang ilegal, nag-atubili siya na makipag-usap kay Wanda, na isa sa mga Saksi ni Jehova. Sa kabila nito, sa wakas ay nakapagsaayos si Wanda na makipagtagpo kay Manjola, na mabilis na nagpakita ng malaking interes sa pag-aaral ng Salita ng Diyos, bagaman ang hadlang sa wika ang nagpahirap nito. Gayunman, pagkalipas ng ilang pagdalaw, wala nang masumpungang tao si Wanda sa bahay. Ano ang nangyari? Nalaman ni Wanda na ang lahat ng mga naninirahan sa bahay na iyon ay umalis dahil sa ang isa sa kanila—ang kasintahan ni Manjola—ay pinaghahanap dahil sa pagpatay!
Pagkalipas ng apat na buwan, nakitang muli ni Wanda si Manjola. “Maputla at payat, taglay niya ang anyo ng isa na talagang nakaranas ng mahirap na kalagayan,” gunita ni Wanda. Ipinaliwanag ni Manjola na ang kaniyang dating kasintahan ay nasa bilangguan at na buong kapaitang binigo siya ng mga kaibigan na hiningan niya ng tulong. Sa kawalang pag-asa, nanalangin siya sa Diyos para sa tulong. Pagkatapos ay naalaala niya si Wanda, na nagsalita tungkol sa Bibliya. Kay ligaya ni Manjola na makita siyang muli!
Isang pag-aaral sa Bibliya ang ipinagpatuloy, at di-nagtagal ay nagsimulang dumalo si Manjola sa mga pulong Kristiyano. Nagtagumpay siya sa pagkuha ng legal na pahintulot upang manatili sa Italya. Pagkalipas ng isang taon, si Manjola ay naging isang bautisadong Saksi. Palibhasa’y naaliw ng mga pangako ng Diyos, siya ay bumalik sa Albania upang ibahagi ang nakaaaliw na mensahe ng Bibliya sa kaniyang mga kababayan.
Pangangaral sa Isang Kampo ng mga Nandayuhan
Maraming kongregasyong Italyano ang gumawa ng mga kaayusan upang mangaral sa mga dayuhang tulad ni Manjola. Halimbawa, isang kongregasyon sa Florence ang gumawa ng mga kaayusan upang regular na dalawin ang isang kampo ng mga nandayuhan. Ang mga residente ng kampo—marami ang nagmula sa Silangang Europa, Macedonia, at Kosovo—ay dumaranas ng iba’t ibang mga kahirapan. Ang ilan ay may mga suliranin sa droga o alkohol. Tinutustusan ng marami ang kanilang sarili sa pamamagitan ng paunti-unting pagnanakaw.
Ang pangangaral sa pamayanang ito ay isang hamon. Gayunman, isang buong-panahong ebanghelisador na nagngangalang Paola ang nakipag-usap kay Jaklina nang bandang huli, isang babaing taga-Macedonia. Pagkalipas ng ilang pakikipag-usap, hinimok ni Jaklina ang kaniyang kaibigan na si Susanna na suriin ang Bibliya. Si Susanna naman ay nakipag-usap sa ibang kamag-anak. Di-nagtagal, lima sa pamilya ang regular na nag-aaral ng Bibliya, dumadalo sa mga pulong Kristiyano, at nagkakapit ng kanilang natututuhan. Sa kabila ng mga suliranin na kailangan nilang harapin, sila’y nakasusumpong ng kaaliwan mula kay Jehova at sa kaniyang Salita.
Isang Madre ang Tumanggap ng Kaaliwan Mula kay Jehova
Sa bayan ng Formia, isang buong-panahong ebanghelisador na nagngangalang Assunta ang nakipag-usap sa isang babae na medyo nahihirapang maglakad. Ang babae ay isang madre na kabilang sa isang relihiyosong orden na tumutulong sa may sakit at mahina kapuwa sa mga ospital at sa pribadong mga tahanan.
Sinabi ni Assunta sa madre: “Kayo rin po ay nagdurusa, di po ba? Nakalulungkot, lahat tayo ay may mga suliranin na dapat pagtiisan.” Dahil dito ay napaluha ang madre at ipinaliwanag na siya ay may malulubhang suliranin sa kalusugan. Pinatibay-loob siya ni Assunta, sa pagsasabing maaaliw siya ng Diyos ng Bibliya. Tinanggap ng madre ang salig-Bibliyang mga magasin na inialok ni Assunta sa kaniya.
Sa kanilang sumunod na pag-uusap, ang madre, na ang pangalan ay Palmira, ay umamin na siya ay nagdurusa nang labis-labis. Matagal na panahon na siyang naninirahan sa isang institusyon na pinatatakbo ng mga madre. Nang kailanganin niyang pansamantalang umalis dahil sa mga kadahilanang pangkalusugan, hindi na siya pinayagang bumalik. Sa kabila nito, nadarama ni Palmira na siya ay nakatali sa Diyos dahil sa mga panata na ginawa niya bilang isang madre. Bumaling siya sa mga tagapagpagaling para sa “paggamot” ngunit nagkatrauma dahil sa karanasang iyon. Sumang-ayon si Palmira na mag-aral ng Bibliya, at dumalo siya sa mga pulong Kristiyano sa loob ng isang taon. Pagkatapos ay lumipat siya sa ibang lugar, at hindi na siya nakita pa ng Saksi. Dalawang taon ang lumipas bago siya nakitang muli ni Assunta. Nakaranas si Palmira ng labis na pagsalansang mula sa kaniyang pamilya at sa klero. Sa kabila nito, ipinagpatuloy niya ang kaniyang pag-aaral ng Bibliya, sumulong sa espirituwal, at nabautismuhan bilang isa sa mga Saksi ni Jehova.
Oo, marami ang napakilos sa pamamagitan ng mensahe ng ‘Diyos na naglalaan ng kaaliwan.’ (Roma 15:4, 5) Kaya naman, ang Italyanong mga Saksi ni Jehova ay determinado na magpatuloy sa pagtulad sa Diyos sa pamamagitan ng pag-aalok sa iba ng kaniyang kamangha-manghang mensahe ng kaaliwan.