“Ang Kaniyang Oras ay Hindi Pa Dumarating”
“Walang sinumang nagsunggab ng kamay sa kaniya, dahil ang kaniyang oras ay hindi pa dumarating.”—JUAN 7:30.
1. Anong dalawang salik ang umugit sa landasin ng pagkilos ni Jesus?
“ANG Anak ng tao ay dumating, hindi upang paglingkuran, kundi upang maglingkod at ibigay ang kaniyang kaluluwa bilang pantubos na kapalit ng marami,” sabi ni Jesu-Kristo sa kaniyang mga apostol. (Mateo 20:28) Sa Romanong gobernador na si Poncio Pilato, sinabi niya: “Dahil dito ako ipinanganak, at dahil dito ako dumating sa sanlibutan, upang ako ay magpatotoo sa katotohanan.” (Juan 18:37) Alam na alam ni Jesus kung bakit siya mamamatay at kung anong gawain ang dapat niyang isagawa bago siya mamatay. Alam din niya kung gaanong panahon ang taglay niya upang tapusin ang kaniyang misyon. Ang kaniyang ministeryo sa lupa bilang ang Mesiyas ay tatlo at kalahating taon lamang ang haba. Nagsimula ito noong siya’y bautismuhan sa tubig sa Ilog Jordan (noong 29 C.E.) sa pagsisimula ng inihulang ika-70 makasagisag na sanlinggo at nagtapos sa kaniyang kamatayan sa isang pahirapang tulos sa kalagitnaan ng sanlinggong iyon (noong 33 C.E.). (Daniel 9:24-27; Mateo 3:16, 17; 20:17-19) Kaya naman, ang buong landasin ng pagkilos ni Jesus sa lupa ay sadyang inugitan ng dalawang salik: ang layunin ng kaniyang pagparito at isang matalas na pakiramdam sa panahon.
2. Paano inilalarawan si Jesu-Kristo sa mga Ebanghelyo, at paano niya ipinakitang may kabatiran siya sa kaniyang misyon?
2 Ang mga ulat sa Ebanghelyo ay naglalarawan kay Jesu-Kristo bilang isang lalaking kilala sa gawa na naglakbay sa kahabaan at kalaparan ng lupain ng Palestina, na naghahayag ng mabuting balita ng Kaharian ng Diyos at nagsasagawa ng maraming makapangyarihang mga gawa. Noong unang bahagi ng mabisang ministeryo ni Jesus, ganito ang sinabi tungkol sa kaniya: “Ang kaniyang oras ay hindi pa dumarating.” Sinabi mismo ni Jesus: “Ang aking takdang panahon ay hindi pa lubusang dumarating.” Nang malapit nang magtapos ang kaniyang ministeryo, ginamit niya ang pananalitang “ang oras ay dumating na.” (Juan 7:8, 30; 12:23) Ang kabatiran ni Jesus sa oras, o sa panahon para sa kaniyang atas na gawain, lakip na ang kaniyang mapagsakripisyong kamatayan, ay tiyak na nakaapekto sa kaniyang sinabi at ginawa. Ang pagkaunawa rito ay makapagbibigay sa atin ng kaunawaan hinggil sa kaniyang personalidad at sa takbo ng kaniyang pag-iisip, anupat tumutulong sa atin na mas maingat na ‘sundan ang kaniyang mga yapak.’—1 Pedro 2:21.
Determinadong Gawin ang Kalooban ng Diyos
3, 4. (a) Ano ang nangyari sa isang piging ng kasalan sa Cana? (b) Bakit tumutol ang Anak ng Diyos sa mungkahi ni Maria na gumawa siya ng paraan hinggil sa kakapusan ng alak, at ano ang matututuhan natin mula rito?
3 Ang taon ay 29 C.E. Ilang araw lamang ang nakalilipas matapos na piliin mismo ni Jesus ang kaniyang unang mga alagad. Silang lahat ngayon ay dumating sa nayon ng Cana sa distrito ng Galilea upang dumalo sa isang piging ng kasalan. Ang ina ni Jesus, si Maria, ay naroroon din. Kinapos sa alak. Sa pagmumungkahi na gumawa siya ng paraan, sinabi ni Maria sa kaniyang anak: ‘Wala na silang alak.’ Ngunit sumagot si Jesus: “Ano ang kinalaman ko sa iyo, babae? Ang aking oras ay hindi pa dumarating.”—Juan 1:35-51; 2:1-4.
4 Ang sagot ni Jesus na, “Ano ang kinalaman ko sa iyo, babae?” ay nasa isang sinaunang anyo ng tanong na nagpapahiwatig ng pagtutol sa iminungkahi o ipinanukala. Bakit tumutol si Jesus sa mga salita ni Maria? Buweno, siya’y 30 taóng gulang na. Ilang linggo lamang ang nakalilipas, siya’y binautismuhan, pinahiran ng banal na espiritu, at ipinakilala ni Juan na Tagapagbautismo bilang “ang Kordero ng Diyos na nag-aalis ng kasalanan ng sanlibutan.” (Juan 1:29-34; Lucas 3:21-23) Nararapat lamang ngayon na ang utos sa kaniya ay manggaling sa Kataas-taasang Awtoridad na nagsugo sa kaniya. (1 Corinto 11:3) Walang sinuman, kahit isang malapit na kamag-anak, ang pahihintulutang humadlang sa gawain na naging dahilan ng pagpunta ni Jesus sa lupa. Tunay ngang naihayag ang matibay na determinasyong gawin ang kalooban ng kaniyang Ama sa naging sagot ni Jesus kay Maria! Maging determinasyon din sana natin na ganapin ang ating “buong katungkulan” sa Diyos.—Eclesiastes 12:13.
5. Anong himala ang ginawa ni Jesu-Kristo sa Cana, at ano ang naging epekto nito sa iba?
5 Palibhasa’y naintindihan ang ibig sabihin ng pananalita ng kaniyang anak, agad na sumaisantabi si Maria at tinagubilinan ang mga tagapaglingkod: “Anuman ang sabihin niya sa inyo, gawin ninyo.” At nilutas ni Jesus ang problema. Sinabihan niya ang mga tagapaglingkod na punuin ng tubig ang mga banga, at ginawa niyang napakainam na alak ang tubig. Nangyari ito bilang pagpapakilala sa kapangyarihan ni Jesus na maghimala, anupat nagbibigay ng palatandaan na ang espiritu ng Diyos ay sumasakaniya. Nang makita ng mga bagong alagad ang himalang ito, ang kanilang pananampalataya ay tumibay.—Juan 2:5-11.
Masigasig Para sa Bahay ni Jehova
6. Bakit galit na galit si Jesus sa kaniyang nakita sa templo sa Jerusalem, at ano ang kaniyang ikinilos?
6 Magtatagsibol na ng 30 C.E., at si Jesus at ang kaniyang mga kasama ay patungo sa Jerusalem upang ipagdiwang ang Paskuwa. Habang naroroon, nakita ng kaniyang mga alagad ang kanilang Lider na gumagawi sa paraang marahil ay ngayon lamang nila nakita. Ang sakim na mga mangangalakal na Judio ay nagtitinda ng mga inihahaing hayop at ibon sa loob mismo ng templo. At napakamahal ng sinisingil nila sa tapat na mga mananambang Judio. Dahil sa matinding galit, kumilos si Jesus. Gumawa siya ng isang panghagupit na lubid at itinaboy niya ang mga nagtitinda. Habang ibinubuhos niya ang mga barya ng mga tagapagpalit ng salapi, pinagtataob niya ang kanilang mga mesa. “Alisin ninyo ang mga bagay na ito mula rito!” utos niya sa mga nagtitinda ng mga kalapati. Nang makita ng mga alagad ni Jesus ang gayong nag-aalab na paggawi, naalaala nila ang hula tungkol sa Anak ng Diyos: “Uubusin ako ng sigasig para sa iyong bahay.” (Juan 2:13-17; Awit 69:9) Tayo rin ay dapat na buong-sigasig na magbantay laban sa pagpapahintulot na parumihin ang ating pagsamba ng makasanlibutang mga hilig.
7. (a) Ano ang nag-udyok kay Nicodemo na pumaroon sa Mesiyas? (b) Ano ang matututuhan natin sa pagpapatotoo ni Jesus sa isang Samaritana?
7 Habang nasa Jerusalem, gumawa si Jesus ng kahanga-hangang mga tanda, at maraming tao ang nanampalataya sa kaniya. Maging si Nicodemo, isang miyembro ng Sanedrin, o mataas na hukumang Judio, ay humanga kay Jesus at pumaroon sa kaniya sa gabi upang matuto pa nang higit. Pagkatapos, si Jesus at ang kaniyang mga alagad ay nanatili sa “lalawigang Judeano” sa loob ng mga walong buwan, na nangangaral at gumagawa ng mga alagad. Gayunman, nang mabilanggo si Juan na Tagapagbautismo, sila’y umalis sa Judea at pumunta sa Galilea. Habang sila’y naglalakbay sa distrito ng Samaria, sinamantala ni Jesus ang pagkakataon na lubusang makapagpatotoo sa isang Samaritana. Ito ang naging daan upang ang mga Samaritano ay maging mga mananampalataya. Maging alisto rin tayo sa mga pagkakataon na ipakipag-usap ang tungkol sa Kaharian.—Juan 2:23; 3:1-22; 4:1-42; Marcos 1:14.
Malawakang Pagtuturo sa Galilea
8. Anong gawain ang pinasimulan ni Jesus sa Galilea?
8 Bago ang “oras” ng kamatayan ni Jesus, napakarami niyang dapat gawin sa paglilingkod sa kaniyang makalangit na Ama. Sa Galilea, pinasimulan ni Jesus ang mas malawak pang ministeryo kaysa sa Judea at Jerusalem. Nagpunta siya “sa lahat ng dako ng buong Galilea, na nagtuturo sa kanilang mga sinagoga at nangangaral ng mabuting balita ng kaharian at nagpapagaling ng bawat uri ng karamdaman at bawat uri ng kapansanan sa gitna ng mga tao.” (Mateo 4:23) Ang kaniyang matitinding salita na: “Magsisi kayo, sapagkat ang kaharian ng mga langit ay malapit na,” ay umalingawngaw sa buong distrito. (Mateo 4:17) Pagkalipas ng ilang buwan, nang ang dalawang alagad ni Juan na Tagapagbautismo ay dumating upang kumuha mismo ng ulat tungkol kay Jesus, sinabi niya sa kanila: “Humayo kayo, iulat ninyo kay Juan ang inyong nakita at narinig: ang mga bulag ay tumanggap ng paningin, ang mga pilay ay lumalakad, ang mga ketongin ay nililinisan at ang mga bingi ay nakaririnig, ang mga patay ay ibinabangon, ang mga dukha ay sinasabihan ng mabuting balita. At maligaya siya na hindi natitisod sa akin.”—Lucas 7:22,23.
9. Bakit dinumog ng mga pulutong si Jesu-Kristo, at anong aral ang maaari nating makuha mula rito?
9 ‘Ang mabuting usapan may kinalaman kay Jesus ay lumaganap sa lahat ng nakapaligid na lalawigan,’ at dinumog siya ng malalaking pulutong—mula sa Galilea, Decapolis, Jerusalem, Judea, at mula sa ibayo ng Ilog Jordan. (Lucas 4:14, 15; Mateo 4:24, 25) Sila’y pumaroon sa kaniya hindi lamang dahil sa kaniyang makahimalang pagpapagaling kundi dahil din sa kaniyang kahanga-hangang pagtuturo. Ang kaniyang mensahe ay nakawiwili at nakapagpapasigla. (Mateo 5:1–7:27) Ang mga salita ni Jesus ay kaakit-akit at kalugud-lugod. (Lucas 4:22) “Namangha nang lubha [ang mga pulutong] sa kaniyang paraan ng pagtuturo,” sapagkat siya’y nagsasalita mula sa Kasulatan taglay ang awtoridad. (Mateo 7:28, 29; Lucas 4:32) Sino nga ba ang hindi maaakit sa gayong tao? Sana’y linangin din natin ang sining ng pagtuturo upang ang tapat-pusong mga indibiduwal ay maakit sa katotohanan.
10. Bakit pinagtangkaang patayin ng taong-bayan ng Nazaret si Jesus, at bakit sila nabigo?
10 Magkagayunman, hindi lahat ng tagapakinig ni Jesus ay tumanggap. Kahit sa pasimula pa lamang ng kaniyang ministeryo, noong siya’y nagtuturo sa sinagoga sa kaniyang sariling bayan sa Nazaret, may pagtatangka nang patayin siya. Bagaman ang taong-bayan ay humahanga sa kaniyang “kaakit-akit na mga salita,” nais nilang makakita ng mga himala. Subalit, sa halip na magsagawa ng maraming makapangyarihang gawa doon, inilantad ni Jesus ang kanilang kasakiman at kawalan ng pananampalataya. Palibhasa’y napuspos ng galit, tumindig ang mga nasa sinagoga, sinunggaban si Jesus, at inilabas siya patungo sa gilid ng bundok upang ihagis siya sa bangin nang patiwarik. Subalit nakahulagpos siya sa kanilang pagkakahawak at ligtas na nakatakas. Hindi pa dumarating ang “oras” ng kaniyang kamatayan.—Lucas 4:16-30.
11. (a) Bakit dumating ang ilang lider ng relihiyon upang marinig si Jesus? (b) Bakit pinaratangan si Jesus ng paglabag sa Sabbath?
11 Ang mga lider ng relihiyon—mga eskriba, Fariseo, Saduceo, at iba pa—ay madalas ding naroroon sa lugar na pinangangaralan ni Jesus. Marami sa kanila ang naroroon, hindi upang makinig at matuto, kundi upang humanap ng mali at subuking lansihin siya. (Mateo 12:38; 16:1; Lucas 5:17; 6:1, 2) Halimbawa, habang dumadalaw sa Jerusalem para sa Paskuwa ng 31 C.E., pinagaling ni Jesus ang isang lalaki na 38 taon nang may sakit. Pinaratangan ng mga Judiong lider ng relihiyon si Jesus ng paglabag sa Sabbath. Sumagot siya: “Ang aking Ama ay patuloy na gumagawa hanggang ngayon, at ako ay patuloy na gumagawa.” Ngayon naman ay pinaratangan siya ng mga Judio ng pamumusong dahil sa pag-aangkin niyang siya’y Anak ng Diyos sa pamamagitan ng pagtawag sa kaniya ng Ama. Sinikap nilang patayin si Jesus, subalit siya at ang kaniyang mga alagad ay umalis sa Jerusalem at pumunta sa Galilea. Gayundin naman, isang katalinuhan para sa atin na umiwas sa di-kinakailangang pakikipagharap sa mga mananalansang habang iniuukol natin ang ating lakas sa gawaing pangangaral ng Kaharian at paggawa ng mga alagad.—Juan 5:1-18; 6:1.
12. Gaano kalawak ang ginawang pagsaklaw ni Jesus sa teritoryo sa Galilea?
12 Nang sumunod na mga isa’t kalahating taon, iniukol ni Jesus sa Galilea ang kalakhang bahagi ng kaniyang ministeryo, na dumadalaw lamang sa Jerusalem upang dumalo sa tatlong taunang kapistahan ng mga Judio. Lahat-lahat, tatlong ulit siyang nakapaglibot sa Galilea para mangaral: ang una ay noong kasama niya ang 4 na bagong alagad, ang ikalawa ay noong kasama niya ang 12 apostol, at yaong isa na pinalawak kasama ang sinanay na mga apostol na isinugo rin. Kay lawak ngang patotoo sa katotohanan ang ibinigay sa Galilea!—Mateo 4:18-25; Lucas 8:1-3; 9:1-6.
Buong-Tapang na Pagpapatotoo sa Judea at Perea
13, 14. (a) Sa anong pagkakataon sinikap ng mga Judio na dakpin si Jesus? (b) Bakit nabigo ang mga opisyal na arestuhin si Jesus?
13 Noon ay taglagas ng 32 C.E., at ang “oras” ni Jesus ay sa hinaharap pa. Malapit na ang Kapistahan ng mga Tabernakulo. Ngayon ay inuudyukan si Jesus ng kaniyang mga kapatid sa ina: “Lumipat ka mula rito at pumaroon ka sa Judea.” Nais nilang ipakita ni Jesus ang makahimalang kapangyarihan nito sa lahat ng mga nagtitipon sa kapistahan sa Jerusalem. Subalit, batid ni Jesus ang panganib. Kaya sinabi niya sa kaniyang mga kapatid: “Ako ay hindi pa aahon sa kapistahang ito, sapagkat ang aking takdang panahon ay hindi pa lubusang dumarating.”—Juan 7:1-8.
14 Habang nagluluwat sa Galilea sa loob ng ilang panahon, si Jesus ay umahon sa Jerusalem “hindi lantaran kundi gaya ng sa lihim.” Hinahanap nga siya ng mga Judio sa kapistahan, na nagsasabi: “Nasaan ang taong iyon?” Nang ang kapistahan ay nasa kalagitnaan na, si Jesus ay pumunta sa templo at buong-tapang na nagturo. Sinikap nilang dakpin siya, marahil upang siya’y ipabilanggo o ipapatay. Subalit, hindi sila nagtagumpay dahil ang “kaniyang oras ay hindi pa dumarating.” Marami ang nananampalataya ngayon kay Jesus. Maging ang mga opisyal na isinugo ng mga Fariseo upang dakpin siya ay bumalik na walang dala, na nagsasabi: “Hindi kailanman nakapagsalita ang ibang tao nang tulad nito.”—Juan 7:9-14, 30-46.
15. Bakit pumulot ng mga bato ang mga Judio upang ipukol kay Jesus, at anong kampanya sa pangangaral ang sumunod na pinasimulan niya?
15 Nagpatuloy ang salungatan sa pagitan ni Jesus at ng kaniyang mga mananalansang na Judio habang itinuturo niya ang tungkol sa kaniyang Ama sa templo sa panahon ng kapistahan. Nang huling araw ng kapistahan, palibhasa’y nagsiklab sa galit sa sinabi ni Jesus tungkol sa kaniyang pag-iral bago naging tao, pumulot ng mga bato ang mga Judio upang ipukol sa kaniya. Subalit siya ay nagtago at tumakas nang hindi nasaktan. (Juan 8:12-59) Habang nasa labas ng Jerusalem, pinasimulan ni Jesus ang isang kampanya ng lubusang pagpapatotoo sa Judea. Pumili siya ng 70 alagad at, matapos silang tagubilinan, isinugo sila nang dala-dalawa upang gumawa sa teritoryo. Sila’y naunang pumaroon sa bawat dako at lunsod na doon si Jesus, kasama ng kaniyang mga apostol, ay nagpaplanong pumaroon.—Lucas 10:1-24.
16. Anong panganib ang tinakasan ni Jesus noong Kapistahan ng Pag-aalay, at sa anong gawain muli na naman siyang naging abala?
16 Noong taglamig ng 32 C.E., nalalapit na ang “oras” ni Jesus. Pumaroon siya sa Jerusalem para sa Kapistahan ng Pag-aalay. Sinisikap pa rin ng mga Judio na patayin siya. Habang si Jesus ay naglalakad sa kolonada ng templo, pinalibutan nila siya. Sa muling pagpaparatang na siya’y namumusong, dumampot sila ng mga bato upang patayin siya. Subalit gaya ng ginawa niya noong nakaraang mga pagkakataon, tumakas si Jesus. Di-nagtagal at lumilibot na naman siya upang magturo, sa pagkakataong ito ay mula sa lunsod at lunsod at nayon at nayon sa distrito ng Perea, sa ibayo ng Jordan mula sa Judea. At marami ang nanampalataya sa kaniya. Subalit isang balita tungkol sa kaniyang mahal na kaibigang si Lazaro ang nagpabalik sa kaniya sa Judea.—Lucas 13:33; Juan 10:20-42.
17. (a) Anong apurahang mensahe ang tinanggap ni Jesus habang nangangaral sa Perea? (b) Ano ang nagpapakita na batid ni Jesus ang layunin ng dapat niyang ikilos at ang panahon ng mga pangyayari?
17 Ang apurahang mensahe ay mula kina Marta at Maria, mga kapatid ni Lazaro, na nakatira sa Betania ng Judea. “Panginoon, tingnan mo! ang isa na minamahal mo ay may sakit,” salaysay ng mensahero. “Ang sakit na ito ay hindi kamatayan ang tunguhin,” sagot ni Jesus, “kundi para sa kaluwalhatian ng Diyos, upang ang Anak ng Diyos ay luwalhatiin sa pamamagitan nito.” Upang maganap ang layuning ito, si Jesus ay kusang nanatili sa kinaroroonan niya sa loob ng dalawang araw. Pagkatapos ay sinabi niya sa kaniyang mga alagad: “Pumunta tayong muli sa Judea.” Sa paraang nag-aalinlangan, sila’y sumagot: “Rabbi, kamakailan lamang ay ninasa ng mga Judeano na batuhin ka, at pupunta ka bang muli roon?” Subalit batid ni Jesus na ang natitira sa mga “oras na liwanag ng araw,” o ang panahon na inilaan ng Diyos para sa kaniyang ministeryo sa lupa, ay maikli na. Alam na alam niya ang dapat niyang gawin at kung bakit.—Juan 11:1-10.
Isang Himala na Walang Sinuman ang Makapagwawalang-Bahala
18. Nang dumating si Jesus sa Betania, ano ang kalagayan doon, at ano ang nangyari pagdating niya?
18 Sa Betania, si Marta ang unang sumalubong kay Jesus, na nagsasabi: “Panginoon, kung ikaw ay narito ang aking kapatid ay hindi sana namatay.” Si Maria at ang mga pumaroon sa kanilang bahay ay sumunod. Lahat ay tumatangis. “Saan ninyo siya inilagay?” tanong ni Jesus. Sila’y sumagot: “Panginoon, halika at tingnan mo.” Nang sila’y sumapit sa alaalang libingan—isang yungib na may isang batong nakatakip sa bukana nito—nagpahayag si Jesus: “Alisin ninyo ang bato.” Palibhasa’y hindi nauunawaan ang binabalak na gawin ni Jesus, tumutol si Marta: “Panginoon, sa ngayon ay nangangamoy na siya, sapagkat apat na araw na.” Subalit nagtanong si Jesus: “Hindi ko ba sinabi sa iyo na kung ikaw ay maniniwala ay makikita mo ang kaluwalhatian ng Diyos?”—Juan 11:17-40.
19. Bakit nanalangin si Jesus sa harap ng madla bago buhaying-muli si Lazaro?
19 Nang alisin ang batong nakatakip sa pasukan ng libingan ni Lazaro, malakas na nanalangin si Jesus upang malaman ng mga tao na ang gagawin niya ay magaganap sa pamamagitan ng kapangyarihan ng Diyos. Pagkatapos ay sumigaw siya sa malakas na tinig: “Lazaro, lumabas ka!” Lumabas si Lazaro na ang kaniyang mga paa at mga kamay ay nagagapusan ng mga pambalot na panlibing at ang kaniyang mukha ay nababalutan ng tela. “Kalagan ninyo siya at hayaan siyang makalaya,” sabi ni Jesus.—Juan 11:41-44.
20. Paano tumugon yaong mga nakakita sa pagbuhay-muli ni Jesus kay Lazaro?
20 Nang makita ang himalang ito, marami sa mga Judio na dumating upang umaliw kina Marta at Maria ay nanampalataya kay Jesus. Ang iba naman ay umalis upang sabihin sa mga Fariseo ang nangyari. Ang kanilang reaksiyon? Karaka-raka, sila at ang mga punong saserdote ay tumawag ng biglaang pagpupulong ng Sanedrin. Sa pagkataranta, sila’y nanaghoy: “Ano ang ating gagawin, sapagkat ang taong ito ay nagsasagawa ng maraming tanda? Kung pababayaan natin siya nang ganito, silang lahat ay mananampalataya sa kaniya, at darating ang mga Romano at kukunin kapuwa ang ating dako at ang ating bansa.” Ngunit sinabi sa kanila ng Mataas na Saserdote na si Caifas: “Hindi kayo nangangatuwiran na sa inyong kapakinabangan na ang isang tao ay mamatay alang-alang sa mga tao at hindi mapuksa ang buong bansa.” Sa gayon, mula nang araw na iyon ay nagsanggunian silang patayin siya.—Juan 11:45-53.
21. Ang himala ng pagkabuhay-muli ni Lazaro ay pasimula ng ano?
21 Kaya nga sa pamamagitan ng pagpapaliban sa kaniyang pagdating sa Betania, si Jesus ay nakagawa ng isang himala na walang sinuman ang makapagwawalang-bahala. Palibhasa’y binigyang-kapangyarihan ng Diyos, binuhay-muli ni Jesus ang isang lalaking apat na araw nang patay. Maging ang marangal na Sanedrin ay napilitang magbigay-pansin at magpalabas ng sentensiyang kamatayan sa Manggagawa ng Himala! Kaya nga ang himala ay nagsisilbing isang pasimula ng isang mahalagang pagbabago sa ministeryo ni Jesus—isang pagbabago mula sa panahon na ang “kaniyang oras ay hindi pa dumarating” tungo sa panahon na “ang oras ay dumating na.”
Paano Mo Sasagutin?
• Paano ipinakita ni Jesus na batid niya ang kaniyang iniatas-ng-Diyos na gawain?
• Bakit tumutol si Jesus sa mungkahi ng kaniyang ina hinggil sa alak?
• Ano ang matututuhan natin sa paraang madalas gamitin ni Jesus sa pagharap sa mga mananalansang?
• Bakit nagpaliban si Jesus sa pagtugon sa karamdaman ni Lazaro?
[Mga larawan sa pahina 12]
Iniukol ni Jesus ang kaniyang lakas sa kaniyang bigay-Diyos na pananagutan