Naganyak na Maglingkod
ANO ang magpapakilos sa 24 na mag-asawang nasa kalakasan ng kanilang buhay na iwanan ang kani-kanilang pamilya, kaibigan, at kinasanayang kapaligiran upang maging misyonero sa ibang lupain? Bakit sila malulugod na pumunta sa mga dakong tulad ng Papua New Guinea at Taiwan, gayundin sa mga bansa sa Aprika at Latin Amerika? Ito kaya ay dahil sa hilig na makipagsapalaran? Hindi. Sa halip, sila ay ginanyak ng tunay na pag-ibig sa Diyos at sa kapuwa.—Mateo 22:37-39.
Sino ang mga taong ito? Sila ang mga nagtapos sa ika-109 na klase ng Watchtower Bible School of Gilead. Noong Sabado, Setyembre 9, 2000, ang kabuuang bilang na 5,198 ay natipon sa Watchtower Educational Center—sa Patterson, New York—at sa malalapit na lugar upang makinig sa maibiging payo na tutulong sa mga nagtapos na maging matagumpay na mga misyonero.
Ang tsirman ng programa ay si Stephen Lett, isang miyembro ng Teaching Committee ng Lupong Tagapamahala ng mga Saksi ni Jehova. Ibinatay niya ang kaniyang pambungad na mga pananalita sa Mateo 5:13, “Kayo ang asin ng lupa.” Ipinaliwanag ni Brother Lett na ang mga salita ni Jesus ay tiyak na kumakapit sa magsisipagtapos na mga estudyante. Halimbawa, ang asin ay may kakayahang gawing kaayaaya ang mga bagay-bagay. Gayundin naman, sa pamamagitan ng kanilang mabisang pangangaral, ang mga misyonero ay katulad ng asin sa makasagisag na paraan.
Pampatibay-Loob na Pamamaalam
Sumunod ay ipinakilala ni Brother Lett ang ilan sa matatagal nang mga lingkod ni Jehova na nagbigay ng maiikli ngunit mapupuwersang pahayag salig sa Kasulatan. Ang una ay si John Wischuk, na naglilingkod sa Writing Department. Ang kaniyang tema, “Itinataguyod ng Pinakamaikling Awit ang Espiritu ng Pagmimisyonero,” ay ibinatay sa Awit 117. Sa ngayon ay may pandaigdig na pangangailangan upang magpatotoo sa “mga bansa” at “mga lipi” tungkol kay Jehova at sa kaniyang Kaharian. Napasigla ang mga estudyante na tuparin ang sinasabi ng Awit 117 sa pamamagitan ng paghimok sa iba na ‘Purihin si Jah.’
Pagkatapos ay ipinakilala ng tsirman si Guy Pierce ng Lupong Tagapamahala. Tinalakay niya ang paksang “Maging Handang Makibagay, Gayunma’y Matatag.” Ang Salita ng Diyos ay matatag. Tinatawag na Bato sa Deuteronomio 32:4 ang Diyos na Jehova, gayunma’y ipinahihintulot ng kaniyang Salita ang pagiging handang makibagay anupat isinulat ito para sa lahat ng wika o kultura—oo, para sa buong sangkatauhan. Pinaalalahanan ang mga estudyante na ipangaral ang Salita ng Diyos, na hinahayaang maantig ng mensahe nito ang puso at budhi ng mga tao. (2 Corinto 4:2) “Maging matatag sa matuwid na mga simulain, ngunit maging handang makibagay. Huwag hamakin yaong mga tao sa inyong atas dahil sa naiiba ang kanilang kultura,” ang masidhing payo ni Brother Pierce.
Si Karl Adams, isa sa mga instruktor ng Gilead, at naglilingkod sa pandaigdig na punong-tanggapan sa loob ng halos 53 taon, ay nagpahayag tungkol sa pumupukaw-kaisipang temang “Saan Ka Pupunta Pagkagaling Dito?” Totoo, tinanggap ng 24 na mag-asawa ang kani-kanilang atas sa pagmimisyonero sa 20 iba’t ibang bansa sa buong daigdig, ngunit ibinangon ang tanong, Sa sandaling dumating ka roon at makita iyon, ano ngayon ang gagawin mo? Tayo ay nabubuhay sa isang sanlibutan na walang pagkakontento. Ibig ng mga tao na pumunta sa mga bagong lugar at gawin ang mga bagong bagay sa pagsisikap na paluguran ang kanilang mga sarili. Sa kabilang panig naman, ang mga estudyante ay tumanggap ng isang atas mula kay Jehova tungo sa isang dako kung saan niya ibig na dumoon sila upang alagaan nang walang pag-iimbot ang kaniyang mga “tupa.” Hindi sila dapat maging katulad niyaong nasa sinaunang Israel na dahil sa kaimbutan ay naiwala nila ang pagkakataon na gamitin sila ni Jehova upang pagpalain ang buong sangkatauhan. Sa halip, dapat nilang tularan si Jesu-Kristo, na laging ginagawa nang walang pag-iimbot ang kalooban ng kaniyang Ama at naging masunurin sa bawat kalagayang mapaharap sa kaniya.—Juan 8:29; 10:16.
“Pahalagahan ang Malalalim na Bagay ng Diyos” ang tema ni Wallace Liverance, ang tagapagrehistro sa Paaralang Gilead. Paulit-ulit na itinutulad ng Kasulatan ang Salita ng Diyos sa kayamanan, mamahaling mga bato, mahahalagang metal, at mga bagay na lubhang minamahalaga at hinahanap. Ipinakikita ng Kawikaan 2:1-5 na upang masumpungan “ang mismong kaalaman ng Diyos,” dapat nating saliksikin iyon na gaya ng “nakatagong kayaman.” Pinasigla ng tagapagsalita ang mga estudyante na patuloy na hukayin ang malalalim na bagay ng Diyos habang naglilingkuran sila sa kanilang mga bagong atas. Nangatuwiran si Brother Liverance: “Ito ay praktikal, sapagkat nililinang nito ang pananampalataya at pagtitiwala kay Jehova at papatibayin nito ang iyong determinasyong manatili sa iyong atas. Tutulungan ka nito na magsalita nang may pananalig at maging lalong mabisang guro habang ipinaliliwanag mo sa iba ang mga layunin ng Diyos.”
Sa pamamagitan ng paggamit ng tagpo sa silid-aralan, nirepaso ng isa pang instruktor ng Paaralang Gilead kung paano pinagpala ni Jehova ang nagawa ng mga estudyante sa paglilingkod sa larangan sa nakaraang limang buwan. Idiniin ni Lawrence Bowen ang mga salita ni apostol Pablo sa Gawa 20:20 may kinalaman sa pangmadlang ministeryo nito sa Efeso, na nagtatampok sa pagsasamantala ni Pablo sa lahat ng pagkakataon na makapagpatotoo. Ipinakikita ng naging mga karanasan ng mga estudyante, tulad ni apostol Pablo, na yaong naudyukan ng pag-ibig sa Diyos at sa kapuwa, sa panahon natin, ay hindi kailanman tumitigil sa pagsasalita ng katotohanan at sa pagpapahintulot sa Salita ng Diyos na makaimpluwensiya sa iba. Ito ay nagbubunga ng mayamang pagpapala ni Jehova.
Nagsalita ang mga Makaranasan
Sa panahon ng kanilang pag-aaral, ang mga estudyante sa klaseng ito ng Gilead ay lalo nang nakinabang dahil sa pagkakataong makasalamuha ang mga miyembro ng Branch Committee mula sa 23 lupain, na nasa Patterson Educational Center din para sa pantanging pagsasanay. Pinangunahan nina Leon Weaver at Merton Campbell mula sa Service Department ang pakikipanayam sa iba’t ibang miyembro ng Branch Committee, na ang ilan sa kanila ay mga nagtapos din sa Gilead. Tunay na nakapagpapalakas-loob para sa mga estudyante at sa kani-kanilang pamilya at mga kaibigan na mapakinggan ang makaranasang mga misyonerong ito.
Kabilang sa payo para sa klase ng mga magsisipagtapos upang tulungan silang maibagay ang kanilang sarili sa kanilang atas sa ibang lupain ay ang mga pananalitang tulad ng: “Maging positibo. Kung nakararanas ka ng isang bagay na lubhang kakaiba sa iyo o hindi mo maunawaan, huwag kang sumuko. Manalig ka kay Jehova”; “pag-aralang maging maligaya anuman ang naroroon, at magtiwalang paglalaanan ka ni Jehova ng iyong mga pangangailangan sa buhay.” Ang ibang mga komento ay nakatuon sa pagtulong sa mga estudyante na mapanatili ang kagalakan sa kanilang atas. Ang ilang mga kapahayagan ay: “Huwag ihambing ang dakong iniatas sa iyo sa lugar na pinanggalingan mo”; “pag-aralan ang lokal na wika at salitain ito nang wasto upang makausap mo ang mga tao”; “pag-aralan ang mga kaugalian at kultura ng mga tao, sapagkat tutulong ito sa iyo na manatili sa iyong atas.” Ang mga komentong ito ay malaking pampatibay-loob para sa mga bagong misyonero.
Pagkatapos ng mga panayam, iniharap ni David Splane, isang dating misyonero at nagtapos sa ika-42 klase ng Gilead na sa ngayon ay naglilingkod bilang miyembro ng Lupong Tagapamahala ng mga Saksi ni Jehova, ang pangunahing pahayag salig sa nakatatawag-pansing tema na “Mga Estudyante o Mga Nagsipagtapos—Alin?” Tinanong niya ang klase ng mga magsisipagtapos: “Paano ninyo mamalasin ang inyong sarili sa pagpunta ninyo sa inyong atas sa pagmimisyonero? Bilang mga nagsipagtapos na nakaaalam ng lahat ng bagay tungkol sa gawaing pagmimisyonero o bilang mga estudyante na marami pang dapat matutuhan?” Idiniin ni Brother Splane na minamalas ng isang matalinong nagsipagtapos ang kaniyang sarili bilang isang estudyante. Dapat malasin ng mga misyonero na bawat isang makatatagpo nila sa kanilang atas sa pagmimisyonero ay may potensiyal na magturo sa kanila ng isang bagay. (Filipos 2:3) Ang mga estudyante ay pinasiglang makipagtulungan nang husto sa kanilang kapuwa misyonero, sa tanggapang pansangay, at sa lokal na kongregasyon. “Naipasá na ninyo ang inyong huling pagsusulit, ngunit hindi kayo titigil sa pagiging mga estudyante. Gawing malinaw sa lahat na naroroon kayo upang matuto,” ang paghimok ni Brother Splane.
Pagkatapos ng pahayag na ito, tinanggap ng mga estudyante ang kani-kanilang diploma, at ipinatalastas sa tagapakinig ang kani-kanilang atas. Nakaaantig ang sumunod na sandali para sa magsisipagtapos na mga estudyante nang binabasa ng isang kinatawan ng klase ang isang resolusyon tungkol sa determinasyon ng mga nagsipagtapos na hahayaan nilang mapakilos sila ng kanilang natutuhan mula sa Salita ng Diyos upang gumawa ng higit na sagradong paglilingkod.
Walang alinlangang sumang-ayon ang lahat ng naroroon na ang payong ibinigay ay nagpatibay sa kapasiyahan ng mga nagsipagtapos na ipakita ang pag-ibig sa Diyos at sa kapuwa. Pinangyari rin nito na sila’y maging determinado higit kailanman na tumulong sa mga tao sa espirituwal na paraan sa kani-kanilang atas sa pagmimisyonero.
[Kahon sa pahina 25]
ESTADISTIKA NG KLASE
Bilang ng mga bansang may kinatawan: 10
Bilang ng mga bansang pinagdestinuhan: 20
Bilang ng mga estudyante: 48
Katamtamang edad: 33.7
Katamtamang taon sa katotohanan: 16.2
Katamtamang taon sa buong-panahong ministeryo: 12.5
[Larawan sa pahina 26]
Ang Ika-109 na Klaseng Nagtapos sa Watchtower Bible School of Gilead
Sa talaan sa ibaba, ang mga hanay ay nilagyan ng bilang mula sa unahan, at itinala ang mga pangalan mula sa kaliwa pakanan sa bawat hanay.
(1) Collins, E.; Miles, L.; Alvarado, A.; Lake, J. (2) Van Dusen, L.; Biharie, A.; Heikkinen, H.; Koós, S.; Smith, H. (3) Ashford, J.; Ashford, C.; Boor, C.; Richard, L.; Wilburn, D.; Lake, J. (4) Chichii, K.; Chichii, H.; Ramirez, M.; Baumann, D.; Becker, G.; Biharie, S.; Ramirez, A. (5) Van Dusen, W.; Lemâtre, H.; Pisko, J.; Cutts, L.; Russell, H.; Johnson, R. (6) Becker, F.; Baumann, D.; Johnson, K.; Pifer, A.; Madsen, C.; Lemâtre, J.; Heikkinen, P. (7) Smith, R.; Russell, J.; Collins, A.; Pisko, D.; Wilburn, R.; Koós, G. (8) Cutts, B.; Boor, J.; Madsen, N.; Pifer, S.; Richard, E.; Miles, B.; Alvarado, R.