Ano ba ang Espirituwal na Paraiso?
SI Gustavo ay pinalaki sa isang maliit na lunsod sa Brazil.a Mula pagkabata ay naturuan na siya na ang mabubuting tao ay nagtutungo sa langit pagkamatay. Wala siyang alam hinggil sa layunin ng Diyos na ang tapat na sangkatauhan ay magtatamasa balang araw ng sakdal na buhay sa isang paraiso sa lupa. (Apocalipsis 21:3, 4) At mayroon pa siyang di-nalalaman. Hindi niya natatanto na maging sa ngayon ay maaari siyang mapasa isang espirituwal na paraiso.
May narinig ka na ba hinggil sa espirituwal na paraisong iyan? Alam mo ba kung ano ito at ano ang kahilingan upang mapabilang dito? Sinumang nagnanais na maging tunay na maligaya ay dapat na makaalam hinggil sa paraisong iyan.
Paghanap sa Espirituwal na Paraiso
Ang sabihing maging sa ngayon ay maaaring manirahan ang isang tao sa paraiso ay waring di-makatotohanan. Ang daigdig na ito ay talagang hindi isang paraiso. Napakaraming tao ang dumaranas sa inilarawan ng isang sinaunang haring Hebreo: “Narito! ang mga luha niyaong mga sinisiil, ngunit wala silang mang-aaliw; at sa panig ng kanilang mga maniniil ay may kapangyarihan, anupat wala silang mang-aaliw.” (Eclesiastes 4:1) Daan-daang milyong tao ang nagdurusa sa ilalim ng mga sistema ng pulitika, relihiyon, at ekonomiya, at wala silang kaginhawahan, walang “mang-aaliw.” Maraming iba pa ang nagpupunyagi upang mabayaran ang kanilang mga utang, palakihin ang kanilang mga anak, at gumawa ng maraming iba pang bagay upang mabuhay. Malamang na tatanggapin din ng mga ito ang isang mang-aaliw, isa na makapagpapagaan sa pasanin nang kahit bahagya. Para sa kanilang lahat, ang buhay ay malayo sa pagiging isang paraiso.
Kung gayon, nasaan ang espirituwal na paraiso? Buweno, ang salitang Ingles na “paraiso” ay nauugnay sa mga salitang Griego, Persiano, at Hebreo na lahat ay nagtataglay ng kaisipan ng isang parke o hardin, isang mapayapa at nakagiginhawang dako. Ipinangangako ng Bibliya na balang araw ay magiging isang pisikal na paraiso ang lupa, isang tulad-harding tahanan para sa walang-kasalanang lahi ng tao. (Awit 37:10, 11) Taglay ito sa isipan, mauunawaan natin na ang isang espirituwal na paraiso ay isang kapaligirang kalugud-lugod pagmasdan at tiwasay, na nagpapahintulot sa isa na matamasa ang pakikipagpayapaan sa kaniyang kapuwa at sa Diyos. Sa ngayon, gaya ng natuklasan ni Gustavo, ang gayong paraiso ay umiiral, at sinasaklaw nito ang dumaraming bilang ng mga tao.
Sa edad na 12, ipinasiya ni Gustavo na gusto niyang maging isang paring Romano Katoliko. Sa pahintulot ng kaniyang mga magulang, pumasok siya sa isang seminaryo ng relihiyon. Doon ay nasangkot siya sa musika, teatro, at pulitika, na itinataguyod ng simbahan upang akitin ang mga kabataan. Alam niyang dapat sana’y iukol ng isang pari ang kaniyang sarili sa mga tao at na hindi ito maaaring mag-asawa. Gayunman, ang ilan sa mga pari at mga seminarista na kilala ni Gustavo ay nakikibahagi sa imoral na mga gawain. Sa gayong kalagayan, di-nagtagal ay nagsimulang maglasing si Gustavo. Maliwanag na hindi pa niya natagpuan ang isang espirituwal na paraiso.
Isang araw, nabasa ni Gustavo ang isang tract sa Bibliya na tumatalakay hinggil sa paraiso sa lupa. Pinag-isip siya nito hinggil sa layunin ng buhay. Sinabi niya: “Sinimulan kong basahin ang Bibliya nang madalas, ngunit hindi ko ito maunawaan. Hindi ko man lamang nakita na ang Diyos pala ay may pangalan.” Iniwan niya ang seminaryo at lumapit sa mga Saksi ni Jehova, na humihingi ng tulong upang maunawaan ang Bibliya. Pagkatapos nito, naging mabilis ang kaniyang pagsulong at di-nagtagal ay inialay ang kaniyang buhay sa Diyos. Natututuhan na ni Gustavo ang tungkol sa espirituwal na paraiso.
Isang Bayan Ukol sa Pangalan ng Diyos
Natutuhan ni Gustavo na ang pangalan ng Diyos, Jehova, ay hindi lamang isang karaniwang impormasyon para sa isang estudyante ng Bibliya. (Exodo 6:3) Ito ay isang mahalagang bahagi ng tunay na pagsamba. Tinuruan ni Jesus ang kaniyang mga tagasunod na manalangin: “Ama namin na nasa langit, pakabanalin nawa ang iyong pangalan.” (Mateo 6:9) Sa pagtukoy sa mga Gentil na naging mga Kristiyano, ang alagad na si Santiago ay nagsabi: “Ibinaling ng Diyos ang kaniyang pansin sa mga bansa upang kumuha mula sa kanila ng isang bayan ukol sa kaniyang pangalan.” (Gawa 15:14) Noong unang siglo, ang “bayan ukol sa kaniyang pangalan” ay ang kongregasyong Kristiyano. May isang bayan ba ukol sa pangalan ng Diyos sa ngayon? Oo, at natanto ni Gustavo na ang mga Saksi ni Jehova ang bayan na iyan.
Ang mga Saksi ni Jehova ay aktibo sa 235 lupain at mga teritoryo. May bilang silang mahigit sa anim na milyong ministro, at walong milyon pang mga interesadong tao ang dumalo na sa kanilang mga pulong. Kilala sa kanilang pangmadlang ministeryo, tinutupad nila ang mga salita ni Jesus: “Ang mabuting balitang ito ng kaharian ay ipangangaral sa buong tinatahanang lupa bilang patotoo sa lahat ng mga bansa.” (Mateo 24:14) Gayunman, bakit nadama ni Gustavo na natagpuan na niya ang isang espirituwal na paraiso sa pakikisama sa mga Saksi ni Jehova? Sinabi niya: “Inihambing ko ang nakita ko sa sanlibutan at lalo na sa seminaryo sa nasumpungan ko sa mga Saksi ni Jehova. Ang malaking pagkakaiba ay ang pag-ibig sa gitna ng mga Saksi.”
Ang iba ay may gayunding mga komento hinggil sa mga Saksi ni Jehova. Si Miriam, isang kabataang babaing taga-Brazil ay nagsabi: “Hindi ko alam kung paano maging maligaya, kahit sa aking pamilya. Ang kauna-unahang pagkakataon na nakakita ako ng pag-ibig na isinasagawa ay sa gitna ng mga Saksi ni Jehova.” Isang lalaki na nagngangalang Christian ang nagsabi: “Paminsan-minsan ay nagsasagawa ako ng espiritismo, ngunit hindi mahalaga sa akin ang relihiyon. Mas pinahahalagahan ko ang aking katayuan sa lipunan at ang aking trabaho bilang isang inhinyero. Gayunman, nang magsimulang makipag-aral ang aking asawa sa mga Saksi ni Jehova, nakita ko ang kaniyang pagbabago. Labis din akong humanga sa kagalakan at sa kasigasigan ng mga babaing Kristiyano na dumadalaw sa kaniya.” Bakit ganiyan ang sinasabi ng mga tao hinggil sa mga Saksi ni Jehova?
Ano ang Espirituwal na Paraiso?
Ang isang bagay na nagpapangyaring maging bukod-tangi ang mga Saksi ni Jehova ay ang kanilang pagpapahalaga sa kaalaman sa Bibliya. Naniniwala sila na ang Bibliya ay totoo at na ito’y Salita ng Diyos. Kaya, hindi sila nasisiyahan na basta lamang malaman ang mga saligang turo ng kanilang relihiyon. Mayroon silang patuluyang programa ng personal na pag-aaral at pagbabasa ng Bibliya. Mientras mas matagal na nakikisama ang isang tao sa mga Saksi ni Jehova, mas marami siyang natututuhan hinggil sa Diyos at sa Kaniyang kalooban gaya ng isinisiwalat sa Bibliya.
Ang gayong kaalaman ay nagpapalaya sa mga Saksi ni Jehova mula sa mga bagay na umaagaw ng kaligayahan sa mga tao, gaya ng mga pamahiin at nakapipinsalang mga kaisipan. Sinabi ni Jesus: “Ang katotohanan ay magpapalaya sa inyo,” at natuklasan ng mga Saksi ni Jehova na gayon nga. (Juan 8:32) Si Fernando, na nagsasagawa noon ng espiritismo, ay nagsabi: “Ang pagkatuto hinggil sa buhay na walang hanggan ay isang napakalaking kaginhawahan. Natatakot ako noon na baka mamatay ang alinman sa aking mga magulang o kaya ako.” Pinalaya ng katotohanan si Fernando mula sa kaniyang pagkatakot sa daigdig ng mga espiritu at sa tinatawag na kabilang-buhay.
Sa Bibliya, ang kaalaman ng Diyos ay may malapit na kaugnayan sa paraiso. Si propeta Isaias ay nagsabi: “Hindi sila mananakit o maninira man sa aking buong banal na bundok; sapagkat ang lupa ay tiyak na mapupuno ng kaalaman kay Jehova gaya ng tubig na tumatakip sa dagat.”—Isaias 11:9.
Sabihin pa, ang kaalaman sa ganang sarili ay hindi sapat upang magdulot ng kapayapaan na inihula ni Isaias. Ang isang tao ay kailangang kumilos ayon sa kaniyang natututuhan. Ganito ang naging komento ni Fernando: “Kapag nililinang ng isang tao ang mga bunga ng espiritu, nakatutulong siya sa espirituwal na paraiso.” Ang tinutukoy ni Fernando ay ang mga salita ni apostol Pablo, na nagtaguri sa mabubuting katangian na dapat linangin ng isang Kristiyano bilang “mga bunga ng espiritu.” Itinala niya ang mga ito bilang “pag-ibig, kagalakan, kapayapaan, mahabang pagtitiis, kabaitan, kabutihan, pananampalataya, kahinahunan, pagpipigil sa sarili.”—Galacia 5:22, 23.
Nakikita mo ba kung bakit ang pakikisama sa isang komunidad ng mga indibiduwal na nagsisikap na maglinang ng gayong mga katangian ay talagang magiging gaya ng pagiging nasa paraiso? Ang espirituwal na paraiso na inihula ni propeta Zefanias ay iiral sa gitna ng gayong mga tao. Sinabi niya: “Hindi sila gagawa ng kalikuan, ni magsasalita man ng kasinungalingan, ni masusumpungan man sa kanilang mga bibig ang mapandayang dila; sapagkat sila mismo ay kakain at hihigang nakaunat, at walang sinumang magpapanginig sa kanila.”—Zefanias 3:13.
Ang Mahalagang Papel ng Pag-ibig
Maaaring napansin mo na ang una sa mga bunga ng espiritu na binanggit ni Pablo ay pag-ibig. Ito ay isang katangian kung saan maraming sinasabi ang Bibliya. Sinabi ni Jesus: “Sa ganito malalaman ng lahat na kayo ay aking mga alagad, kung kayo ay may pag-ibig sa isa’t isa.” (Juan 13:35) Totoo, ang mga Saksi ni Jehova ay hindi sakdal. Nagkakaroon sila kung minsan ng mga personal na di-pagkakaunawaan sa gitna nila gaya ng mga apostol ni Jesus. Ngunit talagang iniibig nila ang isa’t isa, at nananalangin sila ukol sa tulong ng banal na espiritu habang nililinang nila ang katangiang ito.
Bunga nito, ang kanilang pagsasamahan ay pambihira. Walang pagtatangi ng tribo o bumabahaging nasyonalismo sa gitna nila. Sa katunayan, ipinagsanggalang ng maraming Saksi na napagitna sa etnikong paglilinis at paglipol ng lahi noong huling mga taon ng ika-20 siglo ang isa’t isa kahit na ibuwis nila ang kanilang sariling buhay. Bagaman “mula sa lahat ng mga bansa at mga tribo at mga bayan at mga wika,” nagtatamasa sila ng pagkakaisa na mahirap maunawaan hangga’t hindi mo maranasan ito.—Apocalipsis 7:9.
Paraiso sa Gitna ng mga Gumagawa ng Kalooban ng Diyos
Walang dako sa espirituwal na paraiso ang kasakiman, imoralidad, at pagkamakasarili. Sinabi sa mga Kristiyano: “Huwag na kayong magpahubog ayon sa sistemang ito ng mga bagay, kundi magbagong-anyo kayo sa pamamagitan ng pagbabago ng inyong pag-iisip, upang mapatunayan ninyo sa inyong sarili ang mabuti at kaayaaya at sakdal na kalooban ng Diyos.” (Roma 12:2) Kapag namumuhay tayo ng malinis at moral na buhay at ginagawa ang kalooban ng Diyos sa ibang mga paraan, nakatutulong tayo na itatag ang espirituwal na paraiso at nadaragdagan natin ang ating sariling kaligayahan. Nasumpungan ni Carla na ito’y totoo. Sinabi niya: “Tinuruan ako ng aking ama na magpagal upang matustusan ang aking sarili. Ngunit bagaman nakapagbigay man sa akin ng kapanatagan ang aking pag-aaral sa unibersidad, hinahanap-hanap ko ang pagkakaisa ng pamilya at ang kapanatagan na tanging ang kaalaman mula sa Salita ng Diyos ang makapagbibigay sa atin.”
Siyempre pa, ang pagtatamasa ng espirituwal na paraiso ay hindi nag-aalis ng pisikal na mga suliranin sa buhay. Nagkakasakit pa rin ang mga Kristiyano. Ang tinitirhan nilang bansa ay maaaring masangkot sa labanang sibil. Marami ang nagbabata ng kahirapan. Gayunman, ang pagkakaroon ng malapit na kaugnayan sa Diyos na Jehova—na isang mahalagang bahagi ng espirituwal na paraiso—ay nangangahulugan na makaaasa tayo sa kaniya ng tulong. Sa katunayan, inaanyayahan niya tayo na ‘ihagis natin ang ating pasanin sa kaniya,’ at marami ang makapagpapatotoo sa kamangha-manghang paraan ng pagtulong niya sa kanila sa pinakamahihirap na kalagayan. (Awit 55:22; 86:16, 17) Nangangako ang Diyos na sasamahan niya ang kaniyang mga mananamba maging sa “libis ng matinding karimlan.” (Awit 23:4) Ang pagtitiwala sa pagiging handa ng Diyos na umalalay sa atin ay tutulong upang maingatan ang ating ‘kapayapaan sa Diyos na nakahihigit sa lahat ng kaisipan,’ na siyang susi sa espirituwal na paraiso.—Filipos 4:7.
Pagtulong sa Espirituwal na Paraiso
Karamihan sa mga tao ay nasisiyahang mamasyal sa isang parke o hardin. Gustung-gusto nilang maglakad dito o marahil maupo sa isang bangko at masiyahan sa kapaligiran. Sa katulad na paraan, marami ang nasisiyahan sa pakikisama sa mga Saksi ni Jehova. Nasusumpungan nilang ang pakikipagsamahan ay nakagiginhawa, mapayapa, at nakapagpapanauli ng lakas. Gayunman, ang isang magandang hardin ay kailangang alagaan upang manatili itong mala-paraiso. Sa katulad na paraan, ang espirituwal na paraiso ay umiiral sa lubhang di-paraisong daigdig na ito tangi lamang dahil sa nililinang ito ng mga Saksi ni Jehova, at pinagpapala ng Diyos ang kanilang mga pagsisikap. Kung gayon, paano makagagawa ang isa ng makabuluhang tulong sa paraisong iyan?
Una, kailangan mong makisama sa kongregasyon ng mga Saksi ni Jehova, makipag-aral ng Bibliya sa kanila, at magtamo ng kaalaman sa Bibliya na siyang saligan ng espirituwal na paraiso. Ganito ang sabi ni Carla: “Walang espirituwal na paraiso kung walang espirituwal na pagkain.” Kabilang dito ang regular na pagbabasa ng Salita ng Diyos at pag-iisip hinggil sa iyong nabasa. Ang nakamit na kaalaman ay higit na magpapalapit sa iyo sa Diyos na Jehova, at matututuhan mong ibigin siya. Matututuhan mo ring makipag-usap sa kaniya sa panalangin at humiling ng kaniyang patnubay at ng kaniyang espiritu upang alalayan ka habang ginagawa mo ang kaniyang kalooban. Sinabi sa atin ni Jesus na magmatiyaga tayo sa pananalangin. (Lucas 11:9-13) Sinabi ni apostol Pablo: “Manalangin kayo nang walang lubay.” (1 Tesalonica 5:17) Ang pribilehiyong makipag-usap sa Diyos sa panalangin taglay ang lubusang pagtitiwala na dinirinig ka niya ay isang mahalagang bahagi ng espirituwal na paraiso.
Sa paglipas ng panahon, ang iyong buhay ay bubuti dahil sa iyong natututuhan, at sa dakong huli ay nanaisin mong ipakipag-usap sa iba ang tungkol dito. Sa gayo’y masusunod mo ang utos ni Jesus: “Pasikatin ninyo ang inyong liwanag sa harap ng mga tao, upang makita nila ang inyong maiinam na gawa at magbigay ng kaluwalhatian sa inyong Ama na nasa langit.” (Mateo 5:16) Ang pagbabahagi sa iba ng kaalaman ng Diyos na Jehova at ni Jesu-Kristo at pagluwalhati sa dakilang pag-ibig na ipinamalas ng mga ito sa sangkatauhan ay nagdudulot ng malaking kaligayahan.
Ang oras ay dumarating kapag ang buong lupa ay magiging isang pisikal na paraiso—isang tulad-harding dako na walang polusyon at isang angkop na tahanan para sa tapat na sangkatauhan. Ang pag-iral ng espirituwal na paraiso sa “mga panahong [ito na] mapanganib na mahirap pakitunguhan” ay isang patotoo ng kapangyarihan ng Diyos at isang patikim kung ano ang maisasakatuparan at isasakatuparan niya sa hinaharap.—2 Timoteo 3:1.
Maging sa ngayon, yaong mga nagtatamasa ng espirituwal na paraiso ay nakararanas ng isang espirituwal na katuparan ng Isaias 49:10: “Hindi sila magugutom, ni mauuhaw man sila, ni sasaktan man sila ng nakapapasong init o ng araw. Sapagkat ang Isa na nahahabag sa kanila ang aakay sa kanila, at sa tabi ng mga bukal ng tubig ay papatnubayan niya sila.” Patutunayan ni José ang pagiging totoo niyan. Nangarap siyang maging isang sikat na musikero, ngunit nakasumpong siya ng higit na kasiyahan sa paglilingkod sa Diyos kasama ng kongregasyong Kristiyano. Sinabi niya: “Ngayon ay nagtatamasa ako ng makabuluhang buhay. Panatag ako sa loob ng kapatirang Kristiyano, at kilala ko si Jehova bilang isang maibiging Ama na mapagkakatiwalaan natin.” Ang kaligayahan ni José—at ng milyun-milyong iba pa na gaya niya—ay buong inam na inilalarawan sa Awit 64:10: “Ang matuwid ay magsasaya kay Jehova at manganganlong sa kaniya.” Ano ngang inam na paglalarawan sa espirituwal na paraiso!
[Talababa]
a Ang mga indibiduwal na binanggit ay mga tao sa tunay na buhay, ngunit binago ang ilang pangalan.
[Larawan sa pahina 10]
Habang tinatamasa ang espirituwal na paraiso, tumulong sa pagpapalawak nito!