Alagaan ang mga Ulila at mga Babaing Balo sa Kanilang Kapighatian
Hindi mahirap maunawaan na tayo ay nabubuhay sa isang daigdig na salat sa pag-ibig. Bilang pagtukoy sa uri ng mga tao na nabubuhay sa “mga huling araw,” si apostol Pablo ay sumulat: “Darating ang mga panahong mapanganib na mahirap pakitunguhan. Sapagkat ang mga tao ay magiging mga maibigin sa kanilang sarili, . . . mga walang likas na pagmamahal.” (2 Timoteo 3:1-3) Pagkatotoo nga ng mga salitang iyon!
ANG kalagayan sa moral sa ating panahon ang isa sa mga dahilan ng kakulangan ng pagkamadamayin sa puso ng marami. Ang mga tao ay lalo at lalo pang nawawalan ng interes sa kapakanan ng iba at sa ilang kalagayan ay maging sa kapakanan ng mga miyembro ng kanilang sariling pamilya.
Nagpapahirap ito sa marami na naging maralita dahilan sa iba’t ibang kalagayan. Patuloy na dumarami ang bilang ng mga babaing balo at mga ulila dahil sa mga digmaan, likas na mga kasakunaan, at paglikas ng mga taong naghahanap ng mapagkakanlungan. (Eclesiastes 3:19) “Mahigit na 1 milyon [na mga bata] ang naulila o nawalay sa kanilang mga pamilya dahil sa digmaan,” ang sabi ng isang ulat mula sa United Nations Children’s Fund. Batid mo rin ang tungkol sa maraming nagsosolo, abandonado, o diniborsiyong ina na napapaharap sa mahirap na tungkulin ng paghanap ng ikabubuhay at pagpapalaki sa kani-kanilang mga pamilya nang nag-iisa. Ang situwasyon ay pinalalala pa ng katotohanan na ang ilang bansa ay napapaharap sa malubhang krisis sa ekonomiya, na nagiging dahilan upang mamuhay sa matinding kahirapan ang marami sa kanilang mga mamamayan.
Dahil dito, mayroon bang anumang pag-asa para sa mga dumaranas ng kapighatian? Paano maiibsan ang pagdurusa ng mga babaing balo at mga ulila? Mapapawi pa kaya ang suliraning ito?
Maibiging Pangangalaga Noong Panahon ng Bibliya
Ang pangangalaga sa pisikal at espirituwal na mga pangangailangan ng mga babaing balo at mga ulila ay malaon nang isang mahalagang bahagi ng pagsamba sa Diyos. Kapag nag-aani ng kanilang butil o mga prutas, hindi dapat kunin ng mga Israelita ang mga natira sa bukid, anupat naghihimalay sa pinanggalingan nila. Ang mga himalay ay dapat na iwan “para sa naninirahang dayuhan, para sa batang lalaking walang ama at para sa babaing balo.” (Deuteronomio 24:19-21) Ang Kautusan ni Moises ay espesipikong nagsabi: “Huwag ninyong pipighatiin ang sinumang babaing balo o batang lalaking walang ama.” (Exodo 22:22, 23) Ang mga babaing balo at mga ulila na tinutukoy sa Bibliya ay angkop na kumatawan sa mga taong dukha, yamang pagkamatay ng asawang lalaki at ama o ng dalawang magulang, ang mga natitirang miyembro ng pamilya ay maaaring maiwang nag-iisa at nagdarahop. Ang patriyarkang si Job ay nagsabi: “Inililigtas ko ang napipighati na humihingi ng tulong, at ang batang lalaking walang ama at ang sinumang walang katulong.”—Job 29:12.
Noong unang mga araw ng kongregasyong Kristiyano, ang pangangalaga sa mga napipighati at tunay na nangangailangan dahil sa pagkamatay ng mga magulang o ng isang asawang lalaki ay isang pagkakakilanlang katangian ng tunay na pagsamba. Taglay ang masidhing interes sa kapakanan ng gayong mga tao, ang alagad na si Santiago ay sumulat: “Ang anyo ng pagsamba na malinis at walang dungis sa pangmalas ng ating Diyos at Ama ay ito: alagaan ang mga ulila at mga babaing balo sa kanilang kapighatian, at ingatan ang sarili na walang batik mula sa sanlibutan.”—Santiago 1:27.
Bukod sa pagbanggit sa mga ulila at mga babaing balo, nagpakita rin si Santiago ng masidhing pagmamalasakit sa ibang mga dukha at mga nagdarahop. (Santiago 2:5, 6, 15, 16) Ipinamalas ni apostol Pablo ang gayunding pagkamaalalahanin. Nang sila ni Bernabe ay bigyan ng kanilang atas sa pangangaral, kabilang sa mga tagubilin na tinanggap nila ang “ingatan sa isipan ang mga dukha.” “Ang mismong bagay na ito ang marubdob ko ring pinagsisikapang gawin,” ang masasabi ni Pablo taglay ang mabuting budhi. (Galacia 2:9, 10) Ang ulat ng mga gawain ng kongregasyong Kristiyano di-kalaunan matapos itong itatag ay nagsabi: “Walang isa man sa kanila ang nangangailangan . . . At ginagawa naman ang pamamahagi sa bawat isa, ayon sa kaniyang pangangailangan.” (Gawa 4:34, 35) Oo, ang kaayusang itinatag sa sinaunang Israel ukol sa pangangalaga sa mga ulila, mga babaing balo, at sa mga nagdarahop ay ipinagpatuloy rin sa Kristiyanong kongregasyon.
Sabihin pa, ang tulong na inilaan ay limitado lamang at ayon sa kakayahan ng bawat kongregasyon. Ang salapi ay hindi inaksaya, at yaong mga tinulungan ay talagang nangangailangan. Hindi dapat na maging mapagsamantala ang sinumang Kristiyano sa kaayusang ito, at hindi iaatang sa kongregasyon ang anumang di-kinakailangang pasanin. Ito’y maliwanag na makikita sa mga tagubilin ni Pablo na binabanggit sa 1 Timoteo 5:3-16. Doon ay makikita natin na kapag ang mga kamag-anak ng nangangailangan ay may kakayahang tulungan sila, ang mga ito ang dapat bumalikat sa pananagutang iyon. Kailangang matugunan ng mga nangangailangang babaing balo ang ilang kahilingan upang maging kuwalipikado para sa tulong. Ang lahat ng ito ay nagpapakita sa matalinong kaayusan na ginagamit ni Jehova upang pangalagaan ang mga nangangailangan. Gayunman, ipinakikita rin nito na kailangang maging timbang upang walang sinumang magsamantala sa kabaitang ipinakikita.—2 Tesalonica 3:10-12.
Pangangalaga sa mga Ulila at mga Babaing Balo sa Ngayon
Ang mga simulain na sinunod ng mga lingkod ng Diyos noong nakalipas ay ikinakapit pa rin sa mga kongregasyon ng mga Saksi ni Jehova pagdating sa pagmamalasakit at pagtulong sa mga dumaranas ng kapighatian. Ang pag-ibig na pangkapatid ay isang pagkakakilanlang katangian, gaya ng sinabi ni Jesus: “Sa ganito malalaman ng lahat na kayo ay aking mga alagad, kung kayo ay may pag-ibig sa isa’t isa.” (Juan 13:35) Kapag ang ilan ay nagdarahop o naging mga biktima ng isang sakuna o ng mga epekto ng digmaan o alitang sibil, ang ibang miyembro ng internasyonal na kapatiran ay sabik na humanap ng mga paraan upang makatulong sa espirituwal at materyal na paraan. Bigyang-pansin natin ang ilan sa makabagong-panahong mga karanasan na nagpapakita kung ano ang isinasagawa may kaugnayan dito.
Walang gaanong maalaala si Pedro tungkol sa kaniyang ina, na namatay noong siya’y isa’t kalahating taóng gulang pa lamang. Nang si Pedro ay limang taóng gulang, namatay rin ang kaniyang ama. Kaya naiwan si Pedro kasama ng kaniyang mga kapatid na lalaki. Dati nang dinadalaw ng mga Saksi ni Jehova ang kanilang ama, kaya si Pedro at ang kaniyang mga kuya ay pawang tumanggap ng pantahanang pag-aaral sa Bibliya.
Ganito ang sabi ni Pedro: “Nang sumunod na linggo, nagsimula kaming dumalo sa mga pulong. Habang nakikisama kami sa mga kapatid, nadarama namin ang pag-ibig na ipinakikita nila sa amin. Ang kongregasyon ay naging kanlungan para sa akin dahil pinagpakitaan ako ng mga kapatid ng pag-ibig at pagmamahal, na para bang sila ang mga magulang ko.” Natatandaan ni Pedro na isa sa mga Kristiyanong matatanda ang nag-aanyaya sa kaniya sa bahay nito. Doon ay nakikibahagi si Pedro sa mga pag-uusap at paglilibang ng pamilya. “Ang mga ito ay mga alaalang pinakaiingat-ingatan ko,” sabi ni Pedro, na nagsimulang mangaral hinggil sa kaniyang pananampalataya sa edad na 11 at nabautismuhan noong siya’y 15 taóng gulang. Sa tulong ng mga nasa kongregasyon, ang kaniyang mga kuya ay nakagawa rin ng malaking pagsulong sa espirituwal na paraan.
Nariyan din ang pangyayari sa buhay ni David. Sila ng kaniyang kakambal na babae ay inabandona nang maghiwalay ang kanilang mga magulang. Ang kanilang lolo’t lola at isang tiyahin ang nagpalaki sa kanila. “Nang lumaki na kami at matalos ang aming situwasyon, pinanaigan kami ng pagkadama ng kawalang-katiyakan at kalungkutan. Kinailangan namin ang masasandalan. Ang aking tiya ay naging isang Saksi ni Jehova at dahil dito, naturuan kami ng katotohanan sa Bibliya. Ipinadama sa amin ng mga kapatid ang kanilang pagmamahal at pakikipagkaibigan. Malaki ang pagkagiliw nila sa amin at pinatibay nila kami na umabot ng mga tunguhin at patuloy na gumawa para kay Jehova. Noong ako ay mga sampung taóng gulang, isang ministeryal na lingkod ang sumusundo sa akin upang makabahagi ako sa ministeryo sa larangan. Isa namang kapatid na lalaki ang tumutustos sa aking mga gastusin kapag dumadalo ako sa mga kombensiyon. Tinulungan pa nga ako ng isang kapatid upang makapag-abuloy ako sa Kingdom Hall.”
Si David ay nabautismuhan nang siya’y 17 taóng gulang, at nang maglaon ay nagsimula siyang maglingkod sa tanggapang pansangay ng mga Saksi ni Jehova sa Mexico. Hanggang ngayon ay kinikilala niya: “May ilang matatanda na tumutulong nang malaki sa aking edukasyon at naglalaan sa akin ng matulunging payo. Sa ganitong paraan ay napagtatagumpayan ko ang pagkadama ng kawalang-katiyakan at kalumbayan.”
Si Abel, isang matanda sa isang kongregasyon sa Mexico kung saan may ilang babaing balo na nangangailangan ng tulong, ay nagsabi: “Kumbinsido ako na ang kailangang-kailangan ng mga babaing balo ay ang emosyonal na suporta. Kung minsan ay dumaranas sila ng mga panahon ng panlulumo; nalulungkot sila. Kaya naman napakahalaga na maging matulungin, anupat pinakikinggan sila. Kami [ang matatanda sa kongregasyon] ay laging dumadalaw sa kanila. Mahalagang maglaan ng panahon sa pag-aasikaso sa kanilang mga suliranin. Ito’y nakatutulong upang makadama sila ng espirituwal na kaaliwan.” Gayunman, kailangan din kung minsan ang tulong na pangkabuhayan. “Itinatayo namin ngayon ang isang bahay para sa isang balong kapatid na babae,” ang salaysay ni Abel kanina lamang. “Ginugugol namin ang ilang Sabado at ilang hapon sa loob ng sanlinggo sa pagtatrabaho sa kaniyang bahay.”
Hinggil sa kaniyang sariling karanasan sa pagtulong sa mga ulila at mga babaing balo, isa pang matanda sa kongregasyon ang nagsabi: “Naniniwala ako na mga ulila ang lalong higit na nangangailangan ng Kristiyanong pag-ibig kaysa sa mga babaing balo. Napansin ko na mas madali silang makadama na sila’y inaayawan kaysa sa mga bata at mga tin-edyer na may dalawang magulang. Kailangan nila ng maraming kapahayagan ng pag-ibig na pangkapatid. Makabubuting lapitan sila pagkatapos ng mga pulong upang kumustahin sila. May isang may-asawang kapatid na lalaki ang naulila nang siya’y bata pa. Lagi ko siyang binabati nang masigla sa pulong, at niyayakap niya ako kapag ako’y nakikita niya. Ito ang nagpapatibay sa mga buklod ng tunay na pag-ibig na pangkapatid.”
“Ililigtas [ni Jehova] ang Dukha”
Ang pagtitiwala kay Jehova ay mahalaga sa matagumpay na pagharap sa situwasyon ng mga babaing balo at mga ulila. Tungkol sa kaniya ay sinasabi: “Binabantayan ni Jehova ang mga naninirahang dayuhan; ang batang lalaking walang ama at ang babaing balo ay pinagiginhawa niya.” (Awit 146:9) Ang ganap na lunas sa ganitong uri ng mga suliranin ay darating lamang sa pamamagitan ng Kaharian ng Diyos sa kamay ni Jesu-Kristo. Sa makahulang paglalarawan sa pamamahalang iyon ng Mesiyas, ang salmista ay sumulat: “Ililigtas niya ang dukha na humihingi ng tulong, gayundin ang napipighati at ang sinumang walang katulong. Maaawa siya sa maralita at sa dukha, at ang mga kaluluwa ng mga dukha ay ililigtas niya.”—Awit 72:12, 13.
Habang papalapit ang wakas ng kasalukuyang sistema ng mga bagay, tiyak na titindi ang mga panggigipit na mapapaharap sa mga Kristiyano sa pangkalahatan. (Mateo 24:9-13) Araw-araw ay kailangang magpakita ang mga Kristiyano ng higit na pagmamalasakit sa isa’t isa at ‘magkaroon ng masidhing pag-ibig sa isa’t isa.’ (1 Pedro 4:7-10) Ang mga Kristiyanong lalaki, lalo na ang matatanda, ay kailangang magpamalas ng pagmamalasakit at pagkamahabagin sa mga naulila. At ang may-gulang na mga babae sa kongregasyon ay makapagbibigay ng malaking suporta sa mga babaing balo at maaaring pagmulan ng kaaliwan. (Tito 2:3-5) Sa katunayan, ang lahat ay makatutulong sa pamamagitan ng aktibong pagpapamalas ng malasakit sa iba na dumaranas ng kapighatian.
Hindi ‘isinasara [ng mga tunay na Kristiyano] ang pinto ng kanilang magiliw na pagkamahabagin’ kapag kanilang ‘nakikitang nangangailangan ang kanilang kapatid.’ Sila’y lubhang palaisip sa pagsunod sa payo ni apostol Juan: “Mumunting mga anak, umibig tayo, huwag sa salita ni sa dila man, kundi sa gawa at katotohanan.” (1 Juan 3:17, 18) Kaya “alagaan [natin] ang mga ulila at mga babaing balo sa kanilang kapighatian.”—Santiago 1:27.
[Blurb sa pahina 11]
“Umibig tayo, huwag sa salita ni sa dila man, kundi sa gawa at katotohanan.”—1 Juan 3:18
[Mga larawan sa pahina 10]
Inaalagaan ng mga tunay na Kristiyano ang mga ulila at mga babaing balo sa materyal, sa espirituwal, at sa emosyonal na paraan