Ikaw Ba’y Talagang Mapagparaya?
IKAW ba’y nagalit na dahil sa di-wastong paggawi ng iba? Kaagad ka bang kumikilos kapag naaapektuhan ng nakasasamang impluwensiya ang iyong malapít na mga kasama?
Kung minsan ay kailangan ang maagap at tiyak na pagkilos upang pahintuin ang paglaganap ng malubhang pagkakasala. Halimbawa, nang ang lantarang paggawa ng kamalian ay magbantang magparungis sa mga Israelita noong ika-15 siglo B.C.E., ang apo ni Aaron na si Pinehas ay gumawa ng tiyak na pagkilos upang alisin ang kasamaan. Sinang-ayunan ng Diyos na Jehova ang ginawa niya, na sinasabi: “Pinawi ni Pinehas . . . ang aking poot mula sa mga anak ni Israel sa hindi niya pagpapahintulot na magkaroon ako ng kaagaw sa gitna nila.”—Bilang 25:1-11.
Gumawa si Pinehas ng angkop na pagkilos upang patigilin ang paglaganap ng masamang impluwensiya. Ngunit kumusta naman ang di-makatuwirang pagkagalit sa mga kamalian ng iba? Kung tayo’y kikilos nang padalus-dalos o nang walang matuwid na dahilan, hindi tayo magiging tagapagtanggol ng katuwiran kundi bagkus pa nga ay isang taong hindi mapagparaya—isa na hindi nagpapalugit sa di-kasakdalan ng iba. Ano ang makatutulong sa atin upang maiwasan ang patibong na ito?
‘Si Jehova ay Nagpapatawad sa Lahat ng Iyong Kamalian’
Si Jehova ay “isang Diyos na mapanibughuin (masigasig); isang Diyos na hindi nagpapahintulot na magkaroon ng kaagaw.” (Exodo 20:5, talababa sa Ingles) Yamang siya ang Maylalang, may karapatan siyang hilingin ang ating bukod-tanging debosyon. (Apocalipsis 4:11) Gayunman, mapagparaya si Jehova sa mga kahinaan ng tao. Kaya umawit ang salmistang si David tungkol sa kaniya: “Si Jehova ay maawain at magandang-loob, mabagal sa pagkagalit at sagana sa maibiging-kabaitan. Hindi siya habang panahong maghahanap ng kamalian . . . Hindi pa niya ginawa sa atin ang ayon nga sa ating mga kasalanan; ni pinasapitan man niya tayo ng nararapat sa atin ayon sa ating mga kamalian.” Oo, kung tayo’y nagsisisi, ang Diyos ‘ay nagpapatawad ng lahat ng ating kamalian.’—Awit 103:3, 8-10.
Sapagkat nauunawaan niya ang pagiging makasalanan ng mga tao, si Jehova ay hindi laging ‘naghahanap ng kamalian’ sa mga nagkasala na nagsisisi. (Awit 51:5; Roma 5:12) Sa katunayan, layunin niya na alisin ang kasalanan at di-kasakdalan. Hangga’t hindi pa iyan lubusang nangyayari, sa halip na pasapitin sa atin ang “nararapat sa atin,” may kagandahang-loob na iginagawad ng Diyos ang kapatawaran salig sa haing pantubos ni Jesu-Kristo. Walang sinuman sa atin ang mahahatulang karapat-dapat sa kaligtasan kung hindi magpapakita si Jehova ng awa kapag angkop naman. (Awit 130:3) Lubos tayong makapagpapasalamat na ang ating makalangit na Ama, na may karapatang humiling ng bukod-tanging debosyon, ay isang Diyos na maawain!
Kailangang Maging Timbang
Yamang ang Soberanong Panginoon ng uniberso ay nagpapakita ng pagpaparaya sa pakikitungo sa mga taong di-sakdal, hindi ba dapat na gayundin ang gawin natin? Ang pagpaparaya ay binibigyang-katuturan bilang ang disposisyon na maging matiisin sa mga opinyon o mga gawain ng iba. Taglay ba natin sa ating sarili ang gayong disposisyon—ang saloobin na magpakita ng pagtitiis at pagtitimpi kapag ang iba ay nagsasabi o gumagawa ng mga bagay na hindi naman maituturing na labis na makasalanan ngunit maaaring di-angkop na sabihin o gawin?
Sabihin pa, kailangan nating iwasan na maging labis-labis na mapagparaya. Halimbawa, malubhang pinsala ang naidudulot kapag kinukunsinti ng relihiyosong mga awtoridad ang mapang-abusong mga pari na paulit-ulit na nangmomolestiya ng mga batang lalaki at babae. “Yamang itinuturing na mga insidente lamang ng pagkakasala ang nangyari sa mga bata,” komento ng isang reporter sa Ireland, “inilipat lamang ng mga awtoridad ng simbahan ang nagkasalang pari [sa ibang lugar].”
Isa bang halimbawa ng angkop na pagpaparaya ang paglilipat lamang sa gayong tao? Hindi nga! Ipagpalagay nang pinayagan ng isang lupon ng mediko ang isang iresponsableng siruhano na patuloy na mag-opera, anupat inililipat lamang siya sa iba’t ibang ospital, kahit pinapatay niya o pinipinsala ang kaniyang mga pasyente. Ang maling pagkaunawa sa katapatan sa kasamahan sa propesyon ay maaaring magbunga ng gayong “pagpaparaya.” Subalit kumusta naman ang mga biktimang namatay o napinsala dahil sa kapabayaan o kriminal na mga gawain pa nga?
May panganib din sa pagpapakita ng babahagyang pagpaparaya. Nang nasa lupa si Jesus, may-kamaliang sinikap ng ilang Judio na tinatawag na mga Zealot na gamitin ang halimbawa ni Pinehas sa pagtatangkang ipagmatuwid ang kanilang sariling mga gawain. Ang isang sukdulang pagkilos ng ilang Zealot ay “ang makihalubilo sa mga pulutong sa Jerusalem sa panahon ng mga kapistahan at ng katulad na mga okasyon at saksakin ng sundang ang kanilang mga kinapopootan na walang kamalay-malay.”
Bilang mga Kristiyano, hindi natin kailanman gagawin ang ginawa ng mga Zealot na pisikal na pagsalakay sa mga hindi natin kinalulugdan. Subalit inaakay ba tayo ng isang antas ng di-pagpaparaya na salakayin sa ibang paraan yaong mga kinaiinisan natin—marahil ay sa pamamagitan ng pagsasalita nang may pang-aabuso sa kanila? Kung tayo’y talagang mapagparaya, hindi tayo gagamit ng gayong nakasasakit na pananalita.
Ang unang-siglong mga Pariseo ay isa pang grupo na hindi mapagparaya. Palagi nilang hinahatulan ang iba at hindi sila nagpapalugit sa di-kasakdalan ng mga tao. Hinahamak ng mapagmapuring mga Pariseo ang mga karaniwang tao, anupat nilalait sila bilang “mga taong isinumpa.” (Juan 7:49) May mabuting dahilan kung bakit tinuligsa ni Jesus ang gayong mga tao na mapagmatuwid sa sarili, sa pagsasabi: “Sa aba ninyo, mga eskriba at mga Pariseo, mga mapagpaimbabaw! sapagkat ibinibigay ninyo ang ikasampu ng yerbabuena at ng eneldo at ng komino, ngunit winalang-halaga ninyo ang mas mabibigat na bagay ng Kautusan, samakatuwid nga, katarungan at awa at katapatan. Ang mga bagay na ito ay kinakailangang gawin, gayunma’y huwag waling-halaga ang iba pang mga bagay.”—Mateo 23:23.
Sa pagsasabi nito, hindi minamaliit ni Jesus ang kahalagahan ng pagtupad sa Kautusang Mosaiko. Ipinakikita lamang niya na ang “mas mabibigat” o mas mahahalagang aspekto ng Kautusan ay humihiling ng pagkakapit nito taglay ang pagkamakatuwiran at awa. Tunay ngang namukod-tangi si Jesus at ang kaniyang mga alagad kung ihahambing sa di-mapagparayang mga Pariseo at mga Zealot!
Hindi kinukunsinti ng Diyos na Jehova o ni Jesu-Kristo ang kasamaan. Hindi na magtatagal, ‘pasasapitin ang paghihiganti doon sa mga hindi nakakakilala sa Diyos at doon sa mga hindi sumusunod sa mabuting balita.’ (2 Tesalonica 1:6-10) Gayunman, sa kaniyang sigasig para sa katuwiran, laging ipinamamalas ni Jesus ang matiisin, maawain, at maibiging pagkabahala ng kaniyang makalangit na Ama sa lahat ng nagnanais na gumawa ng tama. (Isaias 42:1-3; Mateo 11:28-30; 12:18-21) Kay inam na halimbawa ang ipinakita ni Jesus para sa atin!
May Pagtitiyagang Pagtiisan ang Isa’t Isa
Bagaman maaaring matindi ang ating sigasig sa kabutihan, ikapit natin ang payo ni apostol Pablo: “Patuloy ninyong pagtiisan ang isa’t isa at lubusang patawarin ang isa’t isa kung ang sinuman ay may dahilan sa pagrereklamo laban sa iba. Kung paanong si Jehova ay lubusang nagpatawad sa inyo, gayon din naman ang gawin ninyo.” (Colosas 3:13; Mateo 6:14, 15) Ang pagpaparaya ay humihiling na pagtiisan ang mga pagkukulang at mga pagkakamali ng isa’t isa sa di-sakdal na daigdig na ito. Kailangan nating maging makatuwiran sa mga inaasahan natin mula sa iba.—Filipos 4:5.
Ang pagiging mapagparaya ay hindi nagpapahiwatig sa paanuman ng pagsang-ayon sa paggawa ng kamalian o pagbubulag-bulagan sa mga pagkakamali. Ang ilang aspekto ng pag-iisip o paggawi ng isang kapananampalataya ay maaaring tila hindi kasuwato ng mga pamantayan ni Jehova. Bagaman ang paglihis ay maaaring hindi pa napakalubha anupat hahantong sa pagtatakwil ng Diyos, maaari itong magbigay ng babalang palatandaan na nagpapahiwatig na kailangan ang ilang pagbabago. (Genesis 4:6, 7) Isa ngang pagpapakita ng matinding pag-ibig kung sisikapin niyaong mga may espirituwal na kuwalipikasyon na ibalik sa ayos ang isang nagkasala sa espiritu ng kahinahunan! (Galacia 6:1) Gayunman, upang magtagumpay sa ganitong pagsisikap, mahalagang kumilos dahil sa pagmamalasakit sa halip na dahil sa mapamintas na saloobin.
“Taglay ang Mahinahong Kalooban at Matinding Paggalang”
Kumusta naman ang pagpapakita ng pagtitiis sa mga taong ang relihiyosong pangmalas ay naiiba sa atin? Ang isang “General Lesson” na nakapaskil sa lahat ng mga Pambansang Paaralan na itinatag sa Ireland noong 1831 ay kababasahan: “Hindi nilayon ni Jesu-Kristo na ipilit ang kaniyang relihiyon sa mga tao sa pamamagitan ng mararahas na paraan. . . . Ang pakikipag-away sa ating mga kapuwa at pang-aabuso sa kanila ay hindi siyang paraan upang makumbinsi sila na tayo ang tama at sila ang mali. Mas malamang na makumbinsi pa sila na wala tayong espiritung Kristiyano.”
Si Jesus ay nagturo at kumilos sa paraang umakit sa mga tao tungo sa Salita ng Diyos, at gayundin ang dapat nating gawin. (Marcos 6:34; Lucas 4:22, 32; 1 Pedro 2:21) Bilang isang taong sakdal na may pantanging bigay-Diyos na pang-unawa, nababasa niya ang mga puso. Kaya noong kinakailangan, si Jesus ay nakabigkas ng masasakit na pagtuligsa sa mga kaaway ni Jehova. (Mateo 23:13-33) Hindi kawalan ng pagpaparaya sa ganang kaniya na gawin ito.
Di-tulad ni Jesus, wala tayong kakayahang bumasa ng mga puso. Dahil dito, dapat nating sundin ang payo ni apostol Pedro: “Pabanalin ang Kristo bilang Panginoon sa inyong mga puso, na laging handang gumawa ng pagtatanggol sa harap ng bawat isa na humihingi sa inyo ng katuwiran para sa pag-asa na nasa inyo, ngunit ginagawa iyon taglay ang mahinahong kalooban at matinding paggalang.” (1 Pedro 3:15) Bilang mga lingkod ni Jehova, dapat nating ipagtanggol ang ating pinaniniwalaan sapagkat ito’y matatag na nakasalig sa Salita ng Diyos. Subalit kailangang gawin natin ito sa isang paraan na nagpapakita ng paggalang sa iba at sa mga paniniwalang taimtim nilang pinanghahawakan. Sumulat si Pablo: “Ang inyong pananalita nawa ay laging may kagandahang-loob, na tinimplahan ng asin, upang malaman kung paano kayo dapat magbigay ng sagot sa bawat isa.”—Colosas 4:6.
Sa kaniyang bantog na Sermon sa Bundok, sinabi ni Jesus: “Lahat ng mga bagay . . . na ibig ninyong gawin ng mga tao sa inyo, gayundin ang dapat ninyong gawin sa kanila.” (Mateo 7:12) Kung gayon, may pagtitiyaga nating pagtiisan ang isa’t isa at magpakita ng paggalang doon sa mga pinangangaralan natin ng mabuting balita. Kung ang ating sigasig sa katuwiran ay titimbangan natin ng salig-Bibliyang pagpaparaya, mapalulugdan natin si Jehova at tayo’y magiging talagang mapagparaya.
[Larawan sa pahina 23]
Iwasan ang di-mapagparayang saloobin ng mga Pariseo
[Larawan sa pahina 23]
Ipinamalas ni Jesus ang mapagparayang espiritu ng kaniyang Ama. Gayon din ba ang ginagawa mo?