Mahusay na Pamumuno—Ang Pambuong-Daigdig na Hamon
Ang lalaki ay isang manunulat at isang makata. Ang kaniyang puso ay lipos ng pag-asa sa hinaharap. Mga 90 taon na ang nakalilipas, naguniguni niya ang isang lugar “kung saan ang isip ay walang pangamba at ang ulo ay taas-noo; kung saan ang kaalaman ay walang bayad; kung saan ang daigdig ay hindi nabaha-bahagi ng tulad-pader na mga hangganan; kung saan ang mga pananalitang namumutawi ay mula sa kaibuturan ng katotohanan; kung saan iniuunat ng walang-kapagurang mga pagsisikap ang mga bisig nito tungo sa kasakdalan.”
PAGKATAPOS ay ipinahayag ng manunulat na ito ang pag-asa na balang araw ay mamumulat na lamang ang kaniyang bansa gayundin ang ibang bahagi ng daigdig sa gayong dako. Kung nabubuhay sa ngayon ang makatang ito na nagwagi ng Nobel Prize, tiyak na siya’y labis na makadarama ng kabiguan. Sa kabila ng lahat ng mga pagsulong nito at mga bagong tuklas, ang daigdig ay lalo pang nagkakawatak-watak. At ang pangkalahatang pananaw sa kinabukasan ng tao ay nananatiling mapanglaw.
Nang tanungin kung bakit biglang sumiklab ang karahasan sa pagitan ng ilang paksiyon sa kaniyang bansa, isang magsasaka ang tumukoy sa itinuturing niyang isang dahilan. “Ito ay dahilan sa tiwaling lider,” ang sabi niya. Sa kaniyang aklat na Humanity—A Moral History of the Twentieth Century, ipinahahayag ng istoryador na si Jonathan Glover ang gayunding pangmalas, na sinasabi: “Ang paglipol ng lahi [sa lupain ding iyon] ay hindi isang biglaang pagsiklab ng pagkakapootan ng mga tribo, ito ay isinaplano ng mga taong nagnanais manatili sa kapangyarihan.”
Nang sumiklab ang digmaan sa pagitan ng dalawang republika ng dating Yugoslavia noong unang mga taon ng dekada 1990, isang peryodista ang sumulat: “Namumuhay kami nang maligaya at magkakasama sa loob ng maraming taon at ngayon ay nauwi ito sa pagpatay sa kani-kanilang mga anak. Ano ang nangyayari sa amin?”
Libu-libong kilometro ang layo mula sa Europa at Aprika ay matatagpuan ang bansang India, ang bayang sinilangan ng makata na nabanggit sa pasimula. Sa isang lektyur na pinamagatang “Makapananatili Kayang Isang Bansa ang India?,” sinabi ng awtor na si Pranay Gupte: ‘Mga 70 porsiyento ng malaking populasyon ng India ay wala pang 30 taóng gulang, gayunma’y walang mga lider na magsisilbing mabuting halimbawa sa kanila.’
Sa ilang bansa, ang mga lider ay kinailangang magbitiw sa kanilang posisyon dahil sa mga paratang ng katiwalian. Kung gayon, dahil sa iba’t ibang kadahilanan ay maliwanag na nakararanas ang daigdig ng krisis ukol sa pamumuno. Pinatutunayan ng mga kalagayan ang pagiging totoo ng mga salita ng isang propeta na nabuhay mga 2,600 taon na ang nakalilipas. Sinabi niya: “Ang lakad ng makalupang tao ay hindi sa kaniyang sarili. Hindi sa taong lumalakad ang magtuwid man lamang ng kaniyang hakbang.”—Jeremias 10:23.
Mayroon bang solusyon sa kasalukuyang kabagabagan sa daigdig? Sino ang maaaring umakay sa sangkatauhan tungo sa isang daigdig kung saan ang lipunan ng tao ay hindi ginigiyagis ng alitan ni sinasaklot ng takot, kung saan ang tunay na kaalaman ay walang bayad at sagana, at kung saan ang sangkatauhan ay sumusulong tungo sa kasakdalan?
[Picture Credit Line sa pahina 3]
Fatmir Boshnjaku