Kinapopootan ni Jehova ang Landas ng Kataksilan
‘Huwag makitungo sa isa’t isa nang may kataksilan.’—MALAKIAS 2:10.
1. Ano ang hinihiling ng Diyos sa atin upang makatanggap tayo ng buhay na walang hanggan?
NAIS mo ba ng buhay na walang hanggan? Kung naniniwala ka sa pag-asang iyan gaya ng ipinangako sa Bibliya, marahil ay sasabihin mo, ‘Siyempre.’ Ngunit kung nais mong pagkalooban ka ng Diyos ng walang-hanggang buhay sa kaniyang bagong sanlibutan, kailangang maabot mo ang kaniyang mga kahilingan. (Eclesiastes 12:13; Juan 17:3) Talaga bang di-makatuwirang asahan na magagawa iyan ng di-sakdal na mga tao? Hindi, sapagkat si Jehova ay may ganitong nakapagpapatibay na pananalita: “Sa maibiging-kabaitan ako nalulugod, at hindi sa hain; at sa kaalaman sa Diyos sa halip na sa mga buong handog na sinusunog.” (Oseas 6:6) Kaya kahit ang madalas-magkamaling mga tao ay makaaabot sa mga kahilingan ng Diyos.
2. Paano nakitungo nang may kataksilan kay Jehova ang maraming Israelita?
2 Gayunman, hindi lahat ay nagnanais na gawin ang kalooban ni Jehova. Isinisiwalat ni Oseas na maging ang maraming Israelita ay hindi nagnanais na gawin ito. Bilang isang bansa, sumang-ayon sila na pagtibayin ang isang tipan, isang kasunduan, na sundin ang mga kautusan ng Diyos. (Exodo 24:1-8) Subalit di-nagtagal, sila ay ‘lumalabag na sa tipan’ sa pamamagitan ng pagsuway sa kaniyang mga kautusan. Kaya, sinabi ni Jehova na ang mga Israelitang iyon ay “nakitungo nang may kataksilan” sa kaniya. (Oseas 6:7) At gayundin ang ginawa ng maraming tao simula noon. Ngunit kinapopootan ni Jehova ang landas ng kataksilan, gawin man ito sa kaniya o sa mga umiibig at naglilingkod sa kaniya.
3. Anong pagsusuri ang gagawin sa pag-aaral na ito?
3 Hindi lamang si Oseas ang propetang nagtampok sa pangmalas ng Diyos hinggil sa kataksilan, isang pangmalas na kailangan nating tanggapin kung umaasa tayong magtamasa ng maligayang buhay. Sa naunang artikulo, sinimulan nating suriin ang marami sa makahulang mensahe ni Malakias, pasimula sa unang kabanata ng kaniyang aklat. Ngayon ay tunghayan natin ang ikalawang kabanata ng aklat na iyan at tingnan kung paano higit na binigyang-pansin ang pangmalas ng Diyos hinggil sa kataksilan. Bagaman tinatalakay ni Malakias ang kalagayang umiral sa gitna ng bayan ng Diyos mga ilang dekada pagkaraan ng kanilang pagbabalik mula sa pagkakabihag sa Babilonya, ang ikalawang kabanatang iyan ay may tunay na kahulugan para sa atin sa ngayon.
Mga Saserdoteng Karapat-dapat Sisihin
4. Anong babala ang ibinigay ni Jehova sa mga saserdote?
4 Ang kabanata 2 ay nagsisimula sa paghatol ni Jehova sa mga saserdoteng Judio dahil sa paglihis nila mula sa kaniyang matuwid na mga daan. Kung hindi nila isasapuso ang kaniyang payo at itutuwid ang kanilang mga daan, tiyak na sasapit sa kanila ang malulubhang kahihinatnan. Pansinin ang unang dalawang talata: “ ‘Ang utos na ito ay sa inyo, O mga saserdote. Kung hindi kayo makikinig, at kung hindi ninyo isasapuso na magbigay ng kaluwalhatian sa aking pangalan,’ ang sabi ni Jehova ng mga hukbo, ‘tiyak na pasasapitin ko rin sa inyo ang sumpa, at isusumpa ko ang inyong mga pagpapala.’ ” Kung itinuro sana ng mga saserdote ang mga kautusan ng Diyos sa bayan at tinupad ang mga ito, pinagpala sana sila. Subalit dahil sa pagwawalang-bahala sa kalooban ng Diyos, isang sumpa, isang maldisyon, ang sa halip ay sasapit sa kanila. Maging ang mga pagpapala na binigkas ng mga saserdote ay magiging isang sumpa.
5, 6. (a) Bakit higit na karapat-dapat sisihin ang mga saserdote? (b) Paano ipinahayag ni Jehova ang pagkasuklam sa mga saserdote?
5 Bakit higit na karapat-dapat sisihin ang mga saserdote? Ang talata 7 ay nagbibigay ng malinaw na pahiwatig: “Ang mga labi ng saserdote ang siyang dapat mag-ingat ng kaalaman, at ang kautusan ang dapat na hanapin ng bayan mula sa kaniyang bibig; sapagkat siya ang mensahero ni Jehova ng mga hukbo.” Mahigit na sanlibong taon bago nito, ang mga kautusan ng Diyos na ibinigay sa Israel sa pamamagitan ni Moises ay nagsabi na ang mga saserdote ay may tungkulin na “ituro sa mga anak ni Israel ang lahat ng mga tuntunin na sinalita ni Jehova.” (Levitico 10:11) Nakalulungkot, nang maglaon ay iniulat ng manunulat ng 2 Cronica 15:3: “Marami ang mga araw noon na ang Israel ay walang tunay na Diyos at walang saserdoteng nagtuturo at walang Kautusan.”
6 Nang panahon ni Malakias, noong ikalimang siglo B.C.E., gayundin ang situwasyon ng mga saserdote. Hindi nila itinuturo ang Kautusan ng Diyos sa bayan. Kaya karapat-dapat na papagsulitin ang mga saserdoteng iyon. Pansinin ang matitinding salita na ipinatutungkol ni Jehova laban sa kanila. Sinasabi ng Malakias 2:3: “Kakalatan ko ng dumi ang inyong mga mukha, ng dumi ng inyong mga kapistahan.” Anong tinding pagsaway! Ang dumi ng inihaing mga hayop ay dapat sanang dalhin sa labas ng kampo at sunugin. (Levitico 16:27) Subalit nang sabihin ni Jehova na ang dumi ay ikakalat na lamang sa kanilang mga mukha, maliwanag na ipinakikita nito na kinasuklaman niya at tinanggihan ang kanilang mga hain at yaong mga naghahandog sa mga ito.
7. Bakit galít si Jehova sa mga guro ng Kautusan?
7 Maraming siglo bago ang panahon ni Malakias, iniatas ni Jehova sa mga Levita ang pag-aasikaso sa tabernakulo at nang maglaon ay sa templo at sa sagradong paglilingkod dito. Sila ang mga guro sa bansang Israel. Ang pagtupad sa kanilang atas ay nangangahulugan ng buhay at kapayapaan para sa kanila at sa bansa. (Bilang 3:5-8) Gayunman, naiwala ng mga Levita ang pagkatakot sa Diyos na tinaglay nila noong una. Kaya, sinabi ni Jehova sa kanila: “Lumihis kayo mula sa daan. Pinangyari ninyong matisod sa kautusan ang marami. Sinira ninyo ang tipan ni Levi . . . Hindi ninyo [iniingatan ang] aking mga daan.” (Malakias 2:8, 9) Dahil hindi nila itinuro ang katotohanan at dahil sa kanilang masamang halimbawa, iniligaw ng mga saserdote ang maraming Israelita, kaya si Jehova ay may katuwirang magalit sa kanila.
Pagsunod sa mga Pamantayan ng Diyos
8. Kalabisan bang asahan na masusunod ng mga tao ang mga pamantayan ng Diyos? Ipaliwanag.
8 Huwag nating isipin na ang mga saserdoteng iyon ay marapat sa simpatiya at dapat sana’y pinatawad dahil sila ay mga taong di-sakdal lamang at hindi maaasahan na masusunod nila ang mga pamantayan ng Diyos. Ang totoo ay maaaring sundin ng mga tao ang mga utos ng Diyos, sapagkat hindi inaasahan ni Jehova sa kanila ang hindi nila magagawa. Malamang, may ilang indibiduwal na mga saserdote noon na sumunod sa mga pamantayan ng Diyos, at walang-alinlangang may isa na sumunod sa mga iyon nang dakong huli—si Jesus, ang dakilang “mataas na saserdote.” (Hebreo 3:1) Tungkol sa kaniya, tunay na masasabi: “Ang mismong kautusan ng katotohanan ay nasa kaniyang bibig, at walang kalikuang masusumpungan sa kaniyang mga labi. Sa kapayapaan at sa katuwiran ay lumakad siyang kasama ko, at marami siyang ipinanumbalik mula sa kamalian.”—Malakias 2:6.
9. Sino ang may-katapatang namamahagi ng katotohanan sa ating panahon?
9 Sa katulad na paraan, sa loob ng mahigit sa isang siglo na ngayon, ang pinahirang mga kapatid ni Kristo, yaong mga may makalangit na pag-asa, ay naglilingkod bilang “isang banal na pagkasaserdote, upang maghandog ng espirituwal na mga haing kaayaaya sa Diyos.” (1 Pedro 2:5) Nanguna sila sa pamamahagi sa iba ng mga katotohanan sa Bibliya. Habang natututuhan mo ang mga katotohanan na itinuturo nila, hindi ba nasumpungan mo mula sa karanasan na ang mismong kautusan ng katotohanan ay talagang nasa bibig nila? Natulungan nila ang marami na talikuran ang kamalian ng relihiyon, anupat ngayon ay milyun-milyon na sa buong daigdig ang nakaalam ng mga katotohanan sa Bibliya at may pag-asa na buhay na walang hanggan. Ang mga ito naman ay may pribilehiyo na magturo ng kautusan ng katotohanan sa milyun-milyong iba pa.—Juan 10:16; Apocalipsis 7:9.
Dahilan Para Mag-ingat
10. Bakit may dahilan tayo upang maging maingat?
10 Gayunman, may dahilan tayo para mag-ingat. Baka hindi natin makuha ang mga aral na ipinahihiwatig sa Malakias 2:1-9. Tayo ba mismo ay alisto, upang walang masumpungang kalikuan sa ating mga labi? Halimbawa, talaga bang mapagkakatiwalaan ng mga miyembro ng ating pamilya ang ating sinasabi? Mapagkakatiwalaan din ba tayo ng ating mga kapatid sa kongregasyon? Napakadaling maging kinaugalian na gumamit ng mga salita na sa teknikal na paraan ay tumpak ngunit nakalilinlang naman. O maaaring palabisin o ilihim ng isa ang ilang detalye may kinalaman sa negosyo. Hindi ba iyon makikita ni Jehova? At kung sinusunod natin ang gayong mga gawain, tatanggapin kaya niya ang mga hain ng papuri mula sa ating mga labi?
11. Sino lalo na ang kailangang maging maingat?
11 Kung tungkol sa mga may pribilehiyong magturo ng Salita ng Diyos sa mga kongregasyon sa ngayon, ang Malakias 2:7 ay dapat magsilbing babala. Sinasabi nito na ang kanilang mga labi ay “dapat mag-ingat ng kaalaman, at ang kautusan ang dapat na hanapin ng bayan” mula sa kanilang bibig. May mabigat na pananagutan ang gayong mga guro, sapagkat ipinahihiwatig ng Santiago 3:1 na sila ay ‘tatanggap ng mas mabigat na hatol.’ Bagaman dapat silang magturo nang may sigla at pananabik, ang kanilang turo ay dapat na matibay na nakasalig sa nasusulat na Salita ng Diyos at sa tagubilin na nanggagaling sa organisasyon ni Jehova. Sa gayong paraan ay magiging “lubusang kuwalipikado [sila] na magturo naman sa iba.” Kaya naman, pinapayuhan sila: “Gawin mo ang iyong buong makakaya na iharap sa Diyos ang iyong sarili bilang sinang-ayunan, manggagawa na walang anumang ikinahihiya, na ginagamit nang wasto ang salita ng katotohanan.”—2 Timoteo 2:2, 15.
12. Yaong mga nagtuturo ay kailangang magsagawa ng anong pag-iingat?
12 Kung hindi tayo mag-iingat, baka matukso tayong maglakip ng sariling mga kagustuhan o mga opinyon sa ating pagtuturo. Iyon ay lalo nang magiging isang panganib sa isa na may hilig na magtiwala sa kaniyang sariling mga palagay kahit sumasalungat ang mga ito sa itinuturo ng organisasyon ni Jehova. Ngunit ipinakikita ng Malakias kabanata 2 na dapat nating asahan na ang mga guro sa kongregasyon ay manghahawakan sa kaalamang mula sa Diyos at hindi sa personal na mga ideya, na maaaring makatisod sa mga tupa. Sinabi ni Jesus: “Sinumang tumitisod sa isa sa maliliit na ito na nananampalataya sa akin, higit na kapaki-pakinabang sa kaniya na bitinan ang kaniyang leeg ng isang gilingang-bato na gaya niyaong iniikot ng isang asno at ilubog sa malawak na laot ng dagat.”—Mateo 18:6.
Pag-aasawa ng Di-sumasampalataya
13, 14. Ano ang isang landas ng kataksilan na itinampok ni Malakias?
13 Mula sa talata 10 patuloy, itinatampok ng Malakias kabanata 2 ang kataksilan nang lalong tuwiran. Nagtuon ng pansin si Malakias sa dalawang magkaugnay na landasin na hinggil sa mga ito ay paulit-ulit niyang ginamit ang mga salitang “nang may kataksilan.” Una, pansinin na pinasimulan ni Malakias ang kaniyang payo sa pamamagitan ng ganitong mga tanong: “Hindi ba tayong lahat ay may iisang ama? Hindi ba iisang Diyos ang lumalang sa atin? Bakit tayo nakikitungo sa isa’t isa nang may kataksilan, sa paglapastangan sa tipan ng ating mga ninuno?” Pagkatapos ay idinagdag ng talata 11 na ang landas ng kataksilan ng Israel ay katulad na rin ng paglapastangan sa “kabanalan ni Jehova.” Ano ba ang ginagawa nila na napakalubha? Tinutukoy ng talatang iyan ang isa sa maling mga gawain: ‘Inari nila ang anak na babae ng banyagang diyos bilang babaing pakakasalan.’
14 Sa ibang pananalita, ang ilang Israelita, na kabilang sa isang bansang nakaalay kay Jehova, ay nag-asawa ng mga hindi sumasamba sa kaniya. Tinutulungan tayo ng konteksto na makita kung bakit iyon ay napakalubha. Sinasabi ng talata 10 na mayroon silang iisang ama. Hindi ito tumutukoy kay Jacob (na ang pangalan ay ginawang Israel) o kay Abraham o kay Adan man. Ipinakikita ng Malakias 1:6 na si Jehova ang “iisang ama.” Ang bansang Israel ay may kaugnayan sa kaniya, kabahagi sa tipan na ipinakipagtipan sa kanilang mga ninuno. Ang isa sa mga kautusan sa tipang iyon ay: “Huwag kang makikipag-alyansa sa kanila ukol sa pag-aasawa. Ang iyong anak na babae ay huwag mong ibibigay sa kaniyang anak na lalaki, at ang kaniyang anak na babae ay huwag mong kukunin para sa iyong anak na lalaki.”—Deuteronomio 7:3.
15. (a) Paano maaaring sikapin ng ilan na bigyang-matuwid ang pag-aasawa ng di-sumasampalataya? (b) Paano ipinahahayag ni Jehova ang kaniyang sarili kung tungkol sa pag-aasawa?
15 Ang ilan sa ngayon ay maaaring mangatuwiran: ‘Ang taong nagugustuhan ko ay napakabait. Sa kalaunan, malamang na tatanggapin niya ang tunay na pagsamba.’ Pinatutunayan lamang ng gayong pag-iisip ang kinasihang babala: “Ang puso ay higit na mapandaya kaysa anupamang bagay at mapanganib.” (Jeremias 17:9) Ang pangmalas ng Diyos sa pag-aasawa ng di-sumasampalataya ay ipinahahayag sa Malakias 2:12: “Ihihiwalay ni Jehova ang bawat isa na gumagawa nito.” Kaya, hinihimok ang mga Kristiyano na mag-asawa “tangi lamang sa Panginoon.” (1 Corinto 7:39) Sa ilalim ng Kristiyanong sistema ng mga bagay, ang isang mananampalataya ay hindi ‘inihihiwalay’ dahil sa pag-aasawa ng isang di-sumasampalataya. Gayunman, kung ang di-sumasampalataya ay mananatiling hindi nananampalataya, ano ang mangyayari sa kaniya kapag sa sandaling panahon ay pinasapit na ng Diyos ang wakas ng sistemang ito?—Awit 37:37, 38.
Pagmamaltrato sa Asawa
16, 17. Anong landas ng kataksilan ang tinahak ng ilan?
16 Pagkatapos ay isinaalang-alang naman ni Malakias ang ikalawang kataksilan: ang pagmamaltrato sa asawa, lalo na sa pamamagitan ng di-makatuwirang pagdidiborsiyo. Ganito ang sinasabi sa talata 14 ng kabanata 2: “Si Jehova mismo ay nagpatotoo sa pagitan mo at ng asawa ng iyong kabataan, na pinakitunguhan mo nang may kataksilan, bagaman siya ang iyong kapareha at ang asawa ng iyong tipan.” Sa pakikitungo nang may kataksilan sa kani-kanilang asawa, pinangyari ng mga asawang lalaking Judio na ‘matakpan ng mga luha’ ang altar ni Jehova. (Malakias 2:13) Ang mga lalaking iyon ay nakikipagdiborsiyo salig sa di-lehitimong mga dahilan, anupat may-kamaliang iniiwan ang asawa ng kanilang kabataan, marahil ay upang makapag-asawa ng mas nakababata o paganong mga babae. At pinahintulutan iyon ng mga tiwaling saserdote! Gayunman, sinasabi ng Malakias 2:16: “ ‘Kinapopootan niya ang pagdidiborsiyo,’ ang sabi ni Jehova na Diyos ng Israel.” Nang maglaon, ipinakita ni Jesus na imoralidad lamang ang tanging dahilan para sa isang diborsiyo na magbibigay ng kalayaan sa di-nagkasalang kabiyak na makapag-asawang muli.—Mateo 19:9.
17 Pag-isipang mabuti ang mga salita ni Malakias, at tingnan kung paano nakaaakit ang mga ito sa puso at sa damdamin ng likas na kabaitan. Tinutukoy niya ang “iyong kapareha at ang asawa ng iyong tipan.” Ang bawat lalaking kasangkot ay may asawa na kapuwa niya mananamba, isang babaing Israelita, anupat pinili ito bilang isang kinagigiliwang kasama, isang kapareha sa buhay. Bagaman marahil ay naganap ang pag-aasawang iyon noong silang dalawa ay bata pa, ang paglipas ng panahon at ang pasimula ng pagtanda ay hindi nagpapawalang-bisa sa tipanan na kanilang pinagkasunduan, iyon ay ang tipanan sa pag-aasawa.
18. Sa anu-anong paraan kumakapit sa ngayon ang payo ni Malakias hinggil sa kataksilan?
18 Ang payo hinggil sa mga isyung iyon ay kumakapit din sa ngayon. Nakalulungkot na winawalang-bahala ng ilan ang utos ng Diyos hinggil sa pag-aasawa tangi lamang sa Panginoon. At nakalulungkot din na ang ilan ay hindi patuloy na nagsisikap na mapanatiling matibay ang kanilang pag-aasawa. Sa halip, gumagawa sila ng mga dahilan at itinataguyod ang isang landasin na kinapopootan ng Diyos sa pamamagitan ng pagkuha ng di-makakasulatang diborsiyo upang makapag-asawa ng iba. Sa paggawa ng gayong mga bagay, ‘pinanghihimagod nila si Jehova.’ Noong panahon ni Malakias, yaong mga nagwalang-bahala sa payo ng Diyos ay may kapangahasan pa ngang nakadama na hindi makatuwiran si Jehova sa kaniyang mga pangmalas. Sa diwa ay sinasabi nila: “Nasaan ang Diyos ng katarungan?” Napakatiwaling pag-iisip nga! Huwag nawa tayong masilo sa bitag na iyon.—Malakias 2:17.
19. Paano makatatanggap ng espiritu ng Diyos ang mga asawang lalaki at mga asawang babae?
19 Sa nakapagpapatibay na panig naman, ipinakikita ni Malakias na ang ilang asawang lalaki ay hindi nakitungo nang may kataksilan sa kani-kanilang asawa. ‘Taglay nila ang nalalabi sa banal na espiritu ng Diyos.’ (Talata 15) Nakatutuwa naman, ang organisasyon ng Diyos sa ngayon ay sagana sa gayong uri ng mga lalaki na ‘nag-uukol ng karangalan sa kani-kanilang asawa.’ (1 Pedro 3:7) Hindi nila inaabuso ang kani-kanilang asawa sa pisikal o sa bibigang paraan, hindi nila iginigiit ang mababang-uri na mga seksuwal na gawain, at hindi nila inaalisan ng dangal ang kani-kanilang asawa sa pamamagitan ng pakikipagligaw-biro sa ibang mga babae o sa panonood ng pornograpya. Ang organisasyon ni Jehova ay pinagpala rin sa pagkakaroon ng napakaraming tapat na Kristiyanong asawang babae na matapat sa Diyos at sa kaniyang mga kautusan. Nalalaman ng gayong mga lalaki at babae kung ano ang kinapopootan ng Diyos, at sila’y nag-iisip at kumikilos kasuwato nito. Magpatuloy ka nawang maging katulad nila, na ‘sumusunod sa Diyos bilang tagapamahala’ at saganang pinagpapala ng kaniyang banal na espiritu.—Gawa 5:29.
20. Anong panahon ang malapit nang sumapit sa buong sangkatauhan?
20 Di-magtatagal, hahatulan na ni Jehova ang buong sanlibutang ito. Bawat indibiduwal ay magsusulit sa kaniya may kinalaman sa kanilang mga paniniwala at mga gawa. “Ang bawat isa sa atin ay magsusulit sa Diyos para sa kaniyang sarili.” (Roma 14:12) Kaya ang nakapupukaw-interes na tanong sa puntong ito ay: Sino ang makaliligtas sa araw ni Jehova? Ang ikatlo at huling artikulo sa seryeng ito ang tatalakay sa temang iyan.
Maipaliliwanag Mo Ba?
• Sa anong saligang dahilan hinatulan ni Jehova ang mga saserdote sa Israel?
• Bakit hindi imposible para sa mga tao na sundin ang mga pamantayan ng Diyos?
• Bakit dapat tayong maging maingat sa ating pagtuturo sa ngayon?
• Anong dalawang gawain ang pantanging hinatulan ni Jehova?
[Larawan sa pahina 15]
Noong panahon ni Malakias, hinatulan ang mga saserdote dahil sa hindi pagsunod sa mga daan ni Jehova
[Larawan sa pahina 16]
Dapat tayong mag-ingat sa pagtuturo ng mga daan ni Jehova, anupat hindi itinataguyod ang personal na mga kagustuhan
[Mga larawan sa pahina 18]
Hinatulan ni Jehova ang mga Israelitang nakipagdiborsiyo sa kani-kanilang asawang babae salig sa di-mahahalagang mga dahilan at nag-asawa ng mga paganong babae
[Larawan sa pahina 18]
Binibigyang-dangal ng mga Kristiyano sa ngayon ang kanilang tipanan sa pag-aasawa