Ano ang Iyong Pangmalas sa Kamatayan?
ANG kamatayan ay laging nakaabang sa atin samantalang isinasagawa natin ang ating araw-araw na mga gawain sa buhay, gaano man tayo kalusog o kayaman. Maaari tayong mamatay sa susunod na pagtawid natin sa lansangan o paghiga sa kama. Ang mga sakuna na gaya ng pag-atake ng mga terorista noong Setyembre 11, 2001, sa New York City at Washington, D.C., ay nagpapatotoo sa atin na ang “huling kaaway,” ang kamatayan, ay kumukuha ng mga biktima mula sa lahat ng antas ng pamumuhay at mula sa lahat ng grupo anuman ang kanilang edad, anupat kung minsan ay bumibiktima ng libu-libo sa loob ng ilang minuto lamang.—1 Corinto 15:26.
Gayunman, ang kamatayan ay waring nakapupukaw ng interes sa mga tao. Waring wala nang mas magpaparami pa sa benta ng mga pahayagan o mas makaaakit sa maraming tao na manood ng telebisyon kaysa sa mga ulat tungkol sa kamatayan, lalo na yaong tungkol sa kamatayan ng maraming tao sa kahindik-hindik na mga paraan. Tila hindi nagsasawa rito ang mga tao, ito man ay kamatayang sanhi ng digmaan, likas na kasakunaan, krimen, o sakit. Ang labis na interes na ito sa kamatayan ay makikita sa lubhang nakalilitong paraan ng pagpapahayag ng masisidhing damdamin kapag may namatay na mga kilaláng tao at mga artista.
Hindi maikakaila ang lahat ng ito. Patuloy na napupukaw ang interes ng mga tao sa kamatayan—sa kamatayan ng ibang mga tao. Subalit kapag napaharap sa kanilang sariling kamatayan, ayaw nila itong pag-isipan. Ang mismong kamatayan natin ang kaisa-isang paksa na ayaw pag-isipan ng karamihan sa atin.
Nagugulumihanan Hinggil sa Kamatayan?
Ang pag-iisip tungkol sa mismong kamatayan natin ay laging di-kaayaaya at mananatili itong gayon. Bakit? Sapagkat inilagay sa atin ng Diyos ang masidhing hangarin na mabuhay magpakailanman. “Inilagay rin niya ang kawalang-hanggan sa kanilang puso,” ang sabi ng Eclesiastes 3:11, ayon sa Anchor Bible. Dahil dito, ang pagiging di-maiiwasan ng kamatayan ay nagbangon ng pagkakasalungatan sa kalooban ng mga tao, isang namamalaging di-pagkakasuwato. Upang mapagkasundo ang pagkakasalungatang ito sa kalooban ng mga tao at masapatan ang likas na pagnanais na mabuhay nang patuluyan, ang mga tao ay nag-imbento ng lahat ng uri ng paniniwala, mula sa doktrina ng imortalidad ng kaluluwa hanggang sa paniniwala sa reinkarnasyon.
Magkagayunman, ang kamatayan ay isang nakaliligalig, nakapanghihilakbot na pangyayari, at ang takot sa kamatayan ay laganap. Kaya naman, hindi natin dapat ipagtaka na sa pangkalahatan ay itinuturing ng lipunan ng tao ang kamatayan bilang isang nakatatakot na hantungan. Unang-una na, inihahayag ng kamatayan ang lubos na kawalang-saysay ng isang buhay na nakatalaga sa pagkakamal ng kayamanan at kapangyarihan.
Ibinukod ng Kamatayan?
Noong una, ang isang tao na may taning na ang buhay o malubhang nasugatan ay karaniwan nang hinahayaang mamatay sa pamilyar at maibiging kapaligiran ng kaniyang sariling tahanan. Iyan ang karaniwang nangyayari noong panahon ng Bibliya, at totoo pa rin ito sa ilang kultura. (Genesis 49:1, 2, 33) Sa gayong mga kalagayan, nagtitipun-tipon ang pamilya, at ang mga bata ay kasali sa usapan. Ipinadarama nito sa bawat miyembro ng pamilya na hindi siya mag-isang namimighati at inilalaan nito ang kaaliwang dulot ng sama-samang pananagutan at sama-samang pagdadalamhati.
Ibang-iba ito sa nagaganap sa isang lipunan na doo’y bawal pag-usapan ang tungkol sa kamatayan, anupat itinuturing itong di-kanais-nais, at doo’y hindi isinasali ang mga bata dahil sa pag-aakalang ito ay magiging “sobrang pahirap sa damdamin” para sa kanila. Ang nangyayari sa mga namamatay sa ngayon ay ibang-iba sa maraming paraan, at kadalasan ay mas malungkot ito. Bagaman gusto ng karamihan na mamatay sa tahanan, na payapa at maibiging kinakalinga ng pamilya, ang mapait na katotohanan para sa marami ay na namamatay sila sa ospital, kadalasa’y nakabukod at naghihirap, anupat may nakakabit sa kanila na nakatatakot at sala-salabid na makabagong kagamitan. Sa kabilang panig naman, milyun-milyon ang basta na lamang namamatay nang di-nakikilala—mga walang pagkakakilanlang biktima ng paglipol ng lahi, taggutom, AIDS, digmaang sibil, o maging ng labis na kahirapan lamang.
Isang Paksa na Dapat Pag-isipan
Hindi sinasabi ng Bibliya na hindi magandang pag-isipan ang tungkol sa kamatayan. Sa katunayan, sinasabi sa atin ng Eclesiastes 7:2: “Mas mabuti ang pumaroon sa bahay ng pagdadalamhati kaysa pumaroon sa bahay ng pigingan, sapagkat iyon ang wakas ng lahat ng mga tao.” Kapag napaharap sa katotohanan hinggil sa kamatayan, baka iiwan natin ang ating karaniwang pinagkakaabalahan o mga gawain at magtutuon ng pansin sa kaiklian ng buhay. Makatutulong ito sa atin na mamuhay sa mas makabuluhang paraan sa halip na basta mamuhay nang walang tunguhin o sayangin ito.
Ano ang iyong pangmalas sa kamatayan? Sinuri mo na ba ang iyong mga damdamin, paniniwala, pag-asa, at mga takot tungkol sa wakas ng iyong buhay?
Tulad ng kalikasan ng buhay, ang kalikasan ng kamatayan ay hindi kayang ipaliwanag at unawain ng tao. Ang tanging isa na makapagpapaliwanag sa bagay na ito na nagtataglay ng mapananaligang awtoridad ay ang ating Maylalang. Nasa kaniya “ang bukal ng buhay,” at nasa kaniya “ang mga daang malalabasan mula sa kamatayan.” (Awit 36:9; 68:20) Bagaman waring nakagugulat, ang pagsusuri sa ilang popular na paniniwala tungkol sa kamatayan sa liwanag ng Salita ng Diyos ay mapatutunayang kapuwa nakaaaliw at nakagiginhawa. Isisiwalat nito na ang kamatayan ay hindi nangangahulugang katapusan na ng lahat ng bagay.
[Blurb sa pahina 4]
Ang posibilidad na mamatay ay tumutulong sa atin na mamuhay sa mas makabuluhang paraan