Pagbibigay na Nagdudulot ng Kagalakan
TINUTUSTUSAN ni Genival, na naninirahan sa isang pook ng mga barung-barong sa hilagang-silangan ng Brazil, ang kaniyang asawa at mga anak sa pamamagitan ng maliit na suweldong kinikita niya bilang security guard sa isang ospital. Sa kabila ng kaniyang kahirapan, buong-katapatang nagbibigay ng ikapu si Genival. “Kung minsan ay nagugutom ang aking pamilya,” ang gunita niya habang hinahaplos-haplos ang kaniyang tiyan, “ngunit gusto kong ibigay ang pinakamainam sa Diyos, anumang pagsasakripisyo ang kailangan.”
Nang mawalan siya ng trabaho, nagpatuloy pa rin sa pagbibigay ng ikapu si Genival. Hinimok siya ng kaniyang ministro na subukin ang Diyos sa pamamagitan ng pagbibigay ng malaking donasyon. Ginarantiyahan ng klerigo na tiyak na ibubuhos ng Diyos ang pagpapala. Kaya ipinasiya ni Genival na ibenta ang kaniyang tahanan at ibigay sa simbahan ang salaping pinagbentahan.
Hindi lamang si Genival ang gayon kataimtim sa pagbibigay. Maraming napakahirap na mga tao ang buong-katapatang nagbibigay ng ikapu dahil tinuruan sila ng kanilang mga simbahan na ang pagbibigay ng ikapu ay isang kahilingan sa Bibliya. Totoo ba ito?
Ang Pagbibigay ng Ikapu at ang Kautusan
Ang utos na magbigay ng ikapu ay bahagi ng Kautusan na ibinigay ng Diyos na Jehova sa 12 tribo ng sinaunang Israel mahigit na 3,500 taon na ang nakalilipas. Iniutos ng Kautusan na iyon na ang ikasampung bahagi ng ani ng lupain at ng mga namumungang punungkahoy at ang ikasampung bahagi ng idinami ng mga kawan ay ibibigay sa tribo ni Levi bilang pagsuporta sa kanilang mga paglilingkod sa tabernakulo.—Levitico 27:30, 32; Bilang 18:21, 24.
Tiniyak ni Jehova sa mga Israelita na ang Kautusan ay ‘hindi magiging napakahirap para sa kanila.’ (Deuteronomio 30:11) Hangga’t buong-katapatan nilang sinusunod ang mga utos ni Jehova, pati na ang pagbibigay ng ikapu, kakamtin nila ang kaniyang pangakong masasaganang ani. At bilang proteksiyon, isang karagdagang taunang ikapu, na karaniwang ginagamit kapag nagtitipon ang bansa para sa relihiyosong mga kapistahan nito, ang regular na ibinubukod. Sa gayon, ‘ang naninirahang dayuhan, ang batang lalaking walang ama, at ang babaing balo’ ay maaaring mabusog.—Deuteronomio 14:28, 29; 28:1, 2, 11-14.
Walang itinakdang kaparusahan ang Kautusan sa hindi pagbibigay ng ikapu, ngunit ang bawat Israelita ay nasa ilalim ng matinding moral na obligasyon na suportahan ang tunay na pagsamba sa ganitong paraan. Sa katunayan, ang mga Israelita na nagpabaya sa pagbibigay ng ikapu noong panahon ni Malakias ay inakusahan ni Jehova ng ‘pagnanakaw sa kaniya sa mga ikapu at mga handog.’ (Malakias 3:8, New International Version) Maaari rin bang akusahan ng gayon ang mga Kristiyanong hindi nagbibigay ng ikapu?
Buweno, isaalang-alang natin. Ang mga batas ng isang bansa ay karaniwan nang walang bisa sa labas ng mga hangganan ng bansa. Halimbawa, ang batas na humihiling sa mga motorista sa Britanya na magmaneho sa gawing kaliwa ng daan ay hindi kumakapit sa mga nagmamaneho sa Pransiya. Gayundin naman, ang kautusan na humihiling ng pagbibigay ng ikapu ay bahagi ng isang bukod-tanging tipan sa pagitan ng Diyos at ng bansang Israel. (Exodo 19:3-8; Awit 147:19, 20) Tanging ang mga Israelita lamang ang obligadong sumunod sa kautusang iyon.
Karagdagan pa, bagaman totoo na hindi nagbabago ang Diyos, ang kaniyang mga kahilingan naman ay nagbabago kung minsan. (Malakias 3:6) Tiyakang sinasabi ng Bibliya na “pinawi” ng sakripisyong kamatayan ni Jesus, noong 33 C.E., ang Kautusan at kalakip nito ang “utos na lumikom ng mga ikapu.”—Colosas 2:13, 14; Efeso 2:13-15; Hebreo 7:5, 18.
Kristiyanong Pagbibigay
Gayunman, ang mga kontribusyon upang suportahan ang tunay na pagsamba ay kailangan pa rin. Inatasan ni Jesus ang kaniyang mga alagad na ‘maging mga saksi sa pinakamalayong bahagi ng lupa.’ (Gawa 1:8) Habang dumarami ang bilang ng mga mananampalataya, dumarami rin ang pangangailangang dalawin at palakasin ng Kristiyanong mga guro at mga tagapangasiwa ang mga kongregasyon. Kung minsan ay kailangang alagaan ang mga babaing balo, ulila, at iba pang nangangailangan. Paano tinustusan ng unang-siglong mga Kristiyano ang mga gastusing kasangkot?
Noong mga 55 C.E., isang panawagan ang ipinaabot sa mga Gentil na Kristiyano sa Europa at Asia Minor alang-alang sa dukhang kongregasyon sa Judea. Sa kaniyang mga liham sa kongregasyon sa Corinto, inilalarawan ni apostol Pablo kung paano inorganisa ang ‘paglikom na ito para sa mga banal.’ (1 Corinto 16:1) Baka magulat ka sa isinisiwalat ng mga salita ni Pablo hinggil sa Kristiyanong pagbibigay.
Hindi labis na hinikayat ni apostol Pablo ang mga kapananampalataya na magbigay. Sa katunayan, ang mga Kristiyanong taga-Macedonia na nasa “ilalim ng kapighatian” at “matinding karalitaan” ay kinailangan pa ngang ‘patuloy na magsumamo sa kaniya na may matinding pamamanhik upang magkaroon ng pribilehiyong magbigay nang may kabaitan at ng isang bahagi sa ministeryong itinalaga para sa mga banal.’—2 Corinto 8:1-4.
Totoo, pinasigla ni Pablo ang mas maririwasang taga-Corinto na tularan ang kanilang bukas-palad na mga kapatid sa Macedonia. Magkagayunman, ang sabi ng isang reperensiyang akda, ‘tumanggi siyang magpalabas ng mga utos, anupat mas pinili pa nga ang pakikiusap, pagmumungkahi, pagpapasigla, o pamamanhik. Hindi makikita ang pagkukusa at pagkamagiliw sa pagbibigay ng mga taga-Corinto kung may ginawang pamimilit.’ Alam ni Pablo na “iniibig ng Diyos ang masayang nagbibigay,” hindi ang isa na nagbibigay nang “mabigat sa loob o sa ilalim ng pamimilit.”—2 Corinto 9:7.
Ang saganang pananampalataya at kaalaman lakip na ang tunay na pag-ibig para sa mga kapuwa Kristiyano ang malamang na nag-udyok sa mga taga-Corinto na magbigay nang kusa.—2 Corinto 8:7, 8.
“Ayon sa Ipinasiya Niya sa Kaniyang Puso”
Sa halip na magtakda ng halaga o porsiyento, iminungkahi lamang ni Pablo na “tuwing unang araw ng sanlinggo, bawat isa . . . ay dapat magbukod ng isang halaga ng salapi ayon sa kaniyang kinikita.” (Amin ang italiko; 1 Corinto 16:2, NIV) Sa pamamagitan ng regular na pagpaplano at pagbubukod ng isang halaga, ang mga taga-Corinto ay hindi makadarama na sila’y ginigipit na magbigay nang napipilitan o dahil sa silakbo ng damdamin kapag dumating si Pablo. Para sa bawat Kristiyano, ang pasiya kung magkano ang ibibigay ay isang pribadong bagay, isa na “ipinasiya niya sa kaniyang puso.”—2 Corinto 9:5, 7.
Upang umani nang sagana, ang mga taga-Corinto ay kailangang maghasik nang sagana. Walang anumang ipinahiwatig hinggil sa pagbibigay nang higit sa makakaya ng isa. ‘Hindi ko layon na maging mahirap iyon sa inyo,’ ang tiniyak ni Pablo sa kanila. Ang mga kontribusyon ay “lalo nang kaayaaya ayon sa taglay ng isang tao, hindi ayon sa hindi taglay ng isang tao.” (2 Corinto 8:12, 13; 9:6) Sa isang liham nang maglaon, nagbabala ang apostol: “Kung ang sinuman . . . ay hindi naglalaan para roon . . . sa mga miyembro ng kaniyang sambahayan, itinatwa na niya ang pananampalataya at lalong masama kaysa sa taong walang pananampalataya.” (1 Timoteo 5:8) Hindi pinasigla ni Pablo ang pagbibigay na lumalabag sa simulaing ito.
Kapansin-pansin na pinangasiwaan ni Pablo ang ‘paglikom para sa mga banal’ na nangangailangan. Wala tayong mababasa sa Kasulatan tungkol kay Pablo o sa ibang mga apostol na nag-oorganisa ng paglikom o pagtanggap ng mga ikapu upang tustusan ang kanilang sariling ministeryo. (Gawa 3:6) Bagaman laging nagpapahalaga sa pagtanggap ng mga kaloob na ipinadadala sa kaniya ng mga kongregasyon, buong-katapatang iniwasan ni Pablo na magtakda ng “magastos na pasanin” sa kaniyang mga kapatid.—1 Tesalonica 2:9; Filipos 4:15-18.
Ang Kusang-Loob na Pagbibigay sa Ngayon
Maliwanag, noong unang siglo, isinagawa ng mga tagasunod ni Kristo ang kusang-loob na pagbibigay, hindi ang pagbibigay ng ikapu. Gayunman, baka iniisip mo kung ito pa rin ay isang mabisang paraan ng pagtustos sa pangangaral ng mabuting balita at pangangalaga sa mga Kristiyanong nangangailangan.
Isaalang-alang ang sumusunod. Noong 1879, ang mga editor ng magasing ito ay hayagang nagsabi na hindi sila “kailanman manghihingi ni makikiusap sa mga tao upang tumustos.” Nakahadlang ba ang pasiyang iyon sa mga pagsisikap ng mga Saksi ni Jehova na palaganapin ang katotohanan sa Bibliya?
Sa kasalukuyan, ang mga Saksi ay namamahagi ng mga Bibliya, mga aklat ng mga Kristiyano, at iba pang mga publikasyon sa 235 lupain. Noong simula, ang buwanang pamamahagi ng Ang Bantayan, isang magasin sa pagtuturo ng Bibliya, ay 6,000 kopya sa iisang wika. Ito ngayon ay isa nang magasin na inilalabas nang dalawang beses sa isang buwan at inililimbag nang mahigit sa 24,000,000 kopya na makukuha sa 146 na wika. Upang maorganisa ang kanilang pangglobong gawaing pagtuturo ng Bibliya, ang mga Saksi ay nagtayo o bumili ng mga sentrong pampangasiwaan sa 110 bansa. Bukod dito, nagtayo sila ng libu-libong lokal na mga dakong pulungan gayundin ng malalaking assembly hall upang mapaglaanan ng upuan ang mga interesadong tumanggap ng higit pang tagubilin mula sa Bibliya.
Bagaman ang pangangalaga sa espirituwal na mga pangangailangan ng mga tao ang siyang pangunahin, hindi kinaliligtaan ng mga Saksi ni Jehova ang materyal na mga pangangailangan ng mga kapananampalataya. Kapag dinanas ng kanilang mga kapatid ang mga epekto ng mga digmaan, lindol, tagtuyot, at mga bagyo, sila’y agad na naglalaan ng mga gamot, pagkain, damit, at iba pang mga kinakailangan. Ang mga ito ay tinutustusan sa pamamagitan ng mga donasyon ng indibiduwal na mga Kristiyano at ng mga kongregasyon.
Bukod sa pagiging mabisa nito, ang kusang-loob na paraan ng pagbibigay ng kontribusyon ay nag-aalis ng pasanin sa mga dukha, tulad ni Genival, na binanggit kanina. Mabuti na lamang, bago niya naibenta ang kaniyang tahanan, si Genival ay dinalaw ni Maria, isang buong-panahong ministro ng mga Saksi ni Jehova. “Ang pag-uusap na iyon ay nagligtas sa aking pamilya mula sa napakaraming di-kinakailangang paghihirap,” ang gunita ni Genival.
Natuklasan ni Genival na ang gawain ng Panginoon ay hindi nakasalalay sa mga ikapu. Sa katunayan, ang pagbibigay ng ikapu ay hindi na isang kahilingan sa Kasulatan. Natutuhan niya na ang mga Kristiyano ay pinagpapala kapag nagbibigay sila nang sagana ngunit hindi sila hinihilingang magbigay nang higit sa kanilang makakaya.
Ang kusang-loob na pagbibigay ay nagdulot kay Genival ng tunay na kagalakan. Ipinahahayag niya ito sa ganitong paraan: “Makapagbigay man ako o hindi ng 10 porsiyento, maligaya ako sa aking kontribusyon, at natitiyak ko na maligaya rin si Jehova.”
[Kahon/Mga larawan sa pahina 6]
Itinuro ba ng Sinaunang mga Ama ng Simbahan ang Pagbibigay ng Ikapu?
“Ang mayayaman sa atin ay tumutulong sa mga nangangailangan . . . Ang mga nakaririwasa, at nagnanais, ay nagbibigay ng inaakala nilang nararapat.”—The First Apology, Justin Martyr, c. 150 C.E.
“Totoo na itinalaga ng mga Judio ang mga ikapu ng kanilang mga pag-aari sa Kaniya, ngunit yaong mga nakatanggap ng kalayaan ay nagbubukod ng lahat ng kanilang pag-aari para sa mga layunin ng Panginoon, . . . gaya ng iginawi ng dukhang babaing balo na nagbigay ng lahat ng kaniyang ikabubuhay sa ingatang-yaman ng Diyos.”—Against Heresies, Irenaeus, c. 180 C.E.
“Bagaman mayroon kaming kabang-yaman, ito’y hindi taguan ng perang pambili ng kaligtasan, na parang relihiyon na nagpapabayad. Minsan sa isang buwan, kung nais niya, bawat isa’y naghuhulog ng isang maliit na abuloy; ngunit tangi lamang kung ikinalulugod niya, at tangi lamang kung kaya niya iyon: sapagkat walang pamimilit; ang lahat ay kusang-loob.”—Apology, Tertullian, c. 197 C.E.
“Dahil sa paglago ng Simbahan at pagbangon ng iba’t ibang institusyon, kinailangang gumawa ng mga batas na titiyak sa wasto at patuloy na suporta sa klero. Ang pagbabayad ng mga ikapu ay kinuha mula sa Lumang Kautusan . . . Ang pinakamaagang tiyak na pagsasabatas hinggil sa paksa ay waring nakasaad sa liham ng mga obispo na nagtipon sa Tours noong 567 at sa [mga kanon] ng Konseho ng Macon noong 585.”—The Catholic Encyclopedia.
[Credit Line]
Barya, kaliwa sa itaas: Pictorial Archive (Near Eastern History) Est.
[Larawan sa pahina 4, 5]
Nagdudulot ng kagalakan ang kusang-loob na pagbibigay
[Mga larawan sa pahina 7]
Tinutustusan ng kusang-loob na mga kontribusyon ang gawaing pangangaral, pagtulong sa panahon ng kagipitan, at ang pagtatayo ng mga dakong pulungan