Mga Aral Mula sa Ulat ng Pagsilang ni Jesus
MILYUN-MILYON ang naaakit sa mga pangyayaring nasasangkot sa pagsilang ni Jesus. Makikita ito sa napakaraming mga Belen na nakadispley at mga dulang kaugnay ng Belen na itinatanghal sa buong daigdig sa panahon ng Kapaskuhan. Bagaman kaakit-akit, ang mga pangyayaring nasasangkot sa pagsilang ni Jesus ay hindi iniulat sa Bibliya para aliwin ang mga tao. Sa halip, ang mga ito’y bahagi ng lahat ng Kasulatan na kinasihan ng Diyos para sa pagtuturo at sa pagtutuwid ng mga bagay-bagay.—2 Timoteo 3:16.
Kung ginusto ng Diyos na ipagdiwang ng mga Kristiyano ang pagsilang ni Jesus, inilagay sana sa Bibliya ang eksaktong petsa nito. Nakalagay nga ba? Matapos banggitin na si Jesus ay isinilang noong gabing ang mga pastol ay nasa labas at nagbabantay sa kanilang mga kawan, ganito ang naging palagay ng ika-19-na-siglong iskolar sa Bibliya na si Albert Barnes: “Maliwanag mula rito na ang ating Manunubos ay isinilang bago ang ika-25 ng Disyembre . . . Napakalamig nang panahong iyon, lalo na sa matataas at bulubunduking lugar na malapit sa Betlehem. Inilihim ng Diyos ang pagsilang [ni Jesus]. . . . Hindi na mahalagang malaman pa ang petsa; kung mahalaga ito, dapat sana’y iningatan ng Diyos ang ulat tungkol dito.”
Sa kabaligtaran naman, maliwanag na ipinababatid sa atin ng apat na sumulat ng Ebanghelyo ang araw ng kamatayan ni Jesus. Naganap ito noong araw ng Paskuwa, na idinaos noong ika-14 na araw ng Judiong buwan ng Nisan, noong tagsibol. Bukod dito, partikular na inutusan ni Jesus ang kaniyang mga tagasunod na ipagdiwang ang araw na iyon bilang pag-alaala sa kaniya. (Lucas 22:19) Walang iniuutos ang Bibliya na ipagdiwang ang kaarawan ni Jesus, ni ang kaarawan man ng sinumang tao. Nakalulungkot, maaaring matabunan ng mga kontrobersiya hinggil sa petsa ng kapanganakan ni Jesus ang mas mahahalagang pangyayaring naganap noong panahong iyon.
Mga Magulang na Pinili ng Diyos
Sa libu-libong pamilya sa Israel, anong uri ng mga magulang ang pinili ng Diyos na magpalaki sa kaniyang Anak? Itinuring ba Niyang mahalaga ang mga bagay na gaya ng katanyagan at kariwasaan? Hindi. Sa halip, ang tiningnan ni Jehova ay ang espirituwal na mga katangian ng mga magulang na ito. Suriin ang awit ng papuri ni Maria, gaya ng nakaulat sa Lucas 1:46-55, na inawit niya matapos sabihin sa kaniya ang pribilehiyo niyang maging ina ng Mesiyas. Bukod sa ibang bagay, sinabi niya: “Dinadakila ng aking kaluluwa si Jehova . . . sapagkat tiningnan niya ang mababang kalagayan ng kaniyang aliping babae.” Mapagpakumbaba niyang minalas ang kaniyang sarili bilang isa na may “mababang kalagayan,” isang aliping babae ni Jehova. Ang higit na mahalaga, ang magagandang kapahayagan ng papuri sa awit ni Maria ay nagsisiwalat na siya’y isang espirituwal na taong pamilyar sa Kasulatan. Bagaman isang makasalanang inapo ni Adan, tamang-tama ang pagkakapili sa kaniya bilang makalupang ina ng Anak ng Diyos.
Kumusta naman ang asawa ni Maria, na naging ama-amahan ni Jesus? Si Jose ay isang lalaking marunong sa karpinterya. Dahil sa masikap niyang pagtatrabaho sa pamamagitan ng kaniyang mga kamay, napaglaanan niya ang isang pamilya na nang maglaon ay nagkaroon ng limang anak na lalaki at di-kukulangin sa dalawang anak na babae. (Mateo 13:55, 56) Hindi mayaman si Jose. Noong panahon na para iharap ni Maria ang kaniyang panganay na anak sa templo ng Diyos, malamang na nalungkot si Jose dahil hindi siya nakapaghandog ng hain na isang tupa. Sa halip, ang inihandog nila ay yaong ipinahihintulot sa mahihirap. May kinalaman sa ina ng bagong-silang na anak na lalaki, ganito ang sabi ng kautusan ng Diyos: “Kung ang kaniyang kaya ay hindi sapat para sa isang tupa, kukuha nga siya ng dalawang batu-bato o dalawang inakáy na kalapati, ang isa ay bilang handog na sinusunog at ang isa ay bilang handog ukol sa kasalanan, at ang saserdote ay magbabayad-sala para sa kaniya, at siya ay magiging malinis.”—Levitico 12:8; Lucas 2:22-24.
Sinasabi ng Bibliya na si Jose ay “matuwid.” (Mateo 1:19) Halimbawa, hindi siya nakipagtalik sa kaniyang birheng asawa hanggang sa ipanganak si Jesus. Nahadlangan nito ang anumang maling pagkaunawa sa kung sino talaga ang Ama ni Jesus. Hindi madali para sa bagong mag-asawa na magpigil sa pagtatalik habang nakatira sa iisang bubong, subalit ipinakita nito na kapuwa nila pinahalagahan ang pribilehiyong mapili upang magpalaki sa Anak ng Diyos.—Mateo 1:24, 25.
Gaya ni Maria, si Jose ay isang espirituwal na tao. Tumitigil siya sa pagtatrabaho taun-taon at isinasama ang kaniyang pamilya sa tatlong-araw na paglalakbay mula Nasaret hanggang Jerusalem upang dumalo sa taunang kapistahan ng Paskuwa. (Lucas 2:41) Gayundin, malamang na sinanay ni Jose ang batang si Jesus sa lingguhang kaugalian ng pakikibahagi sa pagsamba sa sinagoga roon, kung saan binabasa at ipinaliliwanag ang Salita ng Diyos. (Lucas 2:51; 4:16) Kaya, walang-alinlangang pinili ng Diyos ang tamang makalupang ina at ama-amahan para sa kaniyang Anak.
Isang Dakilang Pagpapala Para sa mga Hamak na Pastol
Bagaman mahirap para sa kaniyang asawa, na ngayo’y siyam na buwan nang nagdadalang-tao, si Jose ay naglakbay pa rin patungo sa lunsod ng kaniyang mga ninuno upang magparehistro, bilang pagsunod sa batas ni Cesar. Pagdating ng mag-asawa sa Betlehem, wala na silang makitang matutuluyan sa masikip na lunsod. Sa gayon ay napilitan silang tumuloy sa isang kuwadra, kung saan isinilang at inihiga si Jesus sa isang sabsaban. Upang mapatibay ang kanilang pananampalataya, tiniyak ni Jehova sa mapagpakumbabang mga magulang na ang pagsisilang na ito ay talagang kalooban ng Diyos. Nagpadala ba siya ng isang delegasyon ng prominenteng matatandang lalaki mula sa Betlehem upang magpatibay-loob sa mag-asawa? Hindi. Sa halip, isiniwalat ng Diyos na Jehova ang bagay na ito sa masisipag na pastol na magdamagang nagbabantay sa kanilang mga kawan sa labas.
Nagpakita sa kanila ang anghel ng Diyos at pinapunta sila sa Betlehem, kung saan masusumpungan nila ang bagong-silang na Mesiyas na “nakahiga sa sabsaban.” Natigilan ba o nahiya ang mga hamak na lalaking ito nang marinig nilang nasa kuwadra ang bagong-silang na Mesiyas? Hinding-hindi! Agad nilang iniwan ang kanilang mga kawan at naglakbay patungong Betlehem. Nang makita nila si Jesus, sinabi nila kina Jose at Maria ang sinabi ng anghel ng Diyos. Walang-alinlangang napatibay nito ang pananampalataya ng mag-asawa na lahat ng bagay ay nagaganap ayon sa nilayon ng Diyos. “Ang mga pastol,” sa ganang kanila, ‘ay bumalik na niluluwalhati at pinupuri ang Diyos dahil sa lahat ng mga bagay na kanilang narinig at nakita.’ (Lucas 2:8-20) Oo, sa pagsisiwalat ng mga bagay na ito sa mga pastol na may takot sa Diyos, tama ang pagkapili ni Jehova.
Mula sa nabanggit sa itaas, nabatid natin kung anong uri ng pagkatao ang dapat nating taglayin upang makamit ang pabor ni Jehova. Hindi na tayo kailangang maghangad pa ng katanyagan o kariwasaan. Sa halip, gaya ni Jose, ni Maria, at ng mga pastol, kailangan tayong sumunod sa Diyos at patunayan ang ating pag-ibig sa kaniya sa pamamagitan ng pag-una sa espirituwal na mga kapakanan bago ang materyal na mga bagay. Sa katunayan, matututuhan natin ang maiinam na aral sa pamamagitan ng pagbubulay-bulay sa ulat ng mga pangyayaring naganap noong panahon ng pagsilang ni Jesus.
[Larawan sa pahina 7]
Ano ang ipinahihiwatig ng paghahandog ni Maria ng dalawang kalapati?
[Larawan sa pahina 7]
Pinili ng Diyos na isiwalat ang pagsilang ni Jesus sa ilang hamak na mga pastol