Ang Waring Imposibleng Pag-aasawa Nina Boaz at Ruth
ABALANG-ABALA ang giikan malapit sa Betlehem dahil sa gawain sa panahon ng tagsibol. Nakapapagod ang buong maghapon. Ang amoy ng bagong binusang butil ay nagpapahiwatig sa gutóm na mga manggagawa na oras na para kumain. Malalasap ng bawat isa ang mga bunga ng kanilang pagpapagal.
Si Boaz, isang mayamang may-ari ng lupa, ay nagpakabusog sa pagkain at inumin at nagpahinga sa tabi ng isang malaking bunton ng butil. Nang maglaon, natapos din ang araw ng pag-aani, at bawat lalaki ay naghanap ng maginhawang dako na matutulugan. Palibhasa’y kontento na, si Boaz ay nagkumot na at natulog.
Isang Palihim na Pagtatagpo
Nang hatinggabi na, nagising si Boaz na giniginaw at nanginginig. Aba, sadyang inalisan ng kumot ang kaniyang mga paa, at may nakahiga sa mismong paanan niya! Dahil sa hindi makilala sa dilim kung sino iyon, nagtanong siya: “Sino ka?” Tinig ng isang babae ang sumagot: “Ako ay si Ruth na iyong aliping babae, at ilukob mo ang iyong laylayan sa iyong aliping babae, sapagkat ikaw ay isang manunubos.”—Ruth 3:1-9.
Silang dalawa lamang ang nag-uusap sa dilim. Hindi ito ginagawa ng mga babae sa isang giikan. (Ruth 3:14) Magkagayunman, dahil sa paanyaya ni Boaz, nanatiling nakahiga si Ruth sa paanan ni Boaz hanggang sa bago magbukang-liwayway nang siya ay bumangon at umalis, sa gayo’y naiwasan ang anumang walang-saligang pamumuna.
Ito ba’y isang romantikong pagtatagpo? Ang mayaman at mas nakatatandang lalaki bang ito ay may-katusuhang inakit ni Ruth—isang mahirap at kabataang babaing balo na nagmula sa isang paganong bansa? O sinamantala ba ni Boaz ang kalagayan at kalungkutan ni Ruth nang gabing iyon? Ang sagot sa mga tanong na ito ay pawang may kaugnayan sa katapatan at pag-ibig sa Diyos. At makabagbag-damdamin din ang mga pangyayari.
Pero sino ba si Ruth? Ano ang kaniyang motibo? At sino ang mayamang lalaking ito na si Boaz?
“Isang Mahusay na Babae”
Maraming taon bago ang pangyayaring ito, nagkaroon ng taggutom sa Juda. Isang pamilyang Israelita na may apat na miyembro—si Elimelec; ang kaniyang asawang si Noemi; at ang kanilang dalawang anak na lalaki, sina Mahalon at Kilion—ay nandayuhan sa mabungang lupain ng Moab. Pinakasalan ng mga anak na lalaking ito ang dalawang babaing Moabita, sina Ruth at Orpa. Nang mamatay ang tatlong lalaking ito sa Moab, nabalitaan ng tatlong babae na bumuti na ang mga kalagayan sa Israel. Kaya si Noemi—na isa nang balo, naghihinanakit at walang anak o apo—ay nagpasiyang bumalik sa kaniyang tinubuang-bayan.—Ruth 1:1-14.
Nang patungo na sila sa Israel, nakumbinsi ni Noemi si Orpa na bumalik sa kaniyang bayan. Pagkatapos ay sinabi naman ni Noemi kay Ruth: “Narito! Ang iyong balong bilas ay bumalik na sa kaniyang bayan at sa kaniyang mga diyos. Bumalik kang kasama ng iyong balong bilas.” Ngunit sinabi ni Ruth: “Huwag mo akong pakiusapan na iwanan ka, . . . sapagkat kung saan ka paroroon ay paroroon ako . . . Ang iyong bayan ay magiging aking bayan, at ang iyong Diyos ay aking Diyos. Kung saan ka mamamatay ay mamamatay ako, at doon ako ililibing.” (Ruth 1:15-17) Kaya ang dalawang naghihikahos na balo ay bumalik sa Betlehem. Doon ay humanga ang mga kapitbahay sa pag-ibig at pagmamalasakit ni Ruth sa kaniyang biyenang babae, anupat itinuring nila siya na “mas mabuti [para kay Noemi] kaysa sa pitong anak na lalaki.” Inilarawan naman siya ng iba na “isang mahusay na babae.”—Ruth 3:11; 4:15.
Noong magsisimula ang pag-aani ng sebada sa Betlehem, sinabi ni Ruth kay Noemi: “Pakisuyo, pahintulutan mo akong pumaroon sa bukid at maghimalay ng mga uhay ng butil kasunod ng sinuman na sa kaniyang paningin ay makasumpong ako ng lingap.”—Ruth 2:2.
Di-sinasadyang napadpad siya sa bukid na pag-aari ni Boaz, na kamag-anak ng kaniyang biyenang lalaki na si Elimelec. Humingi siya ng pahintulot sa tagapangasiwa para maghimalay. Namumukod-tangi ang kaniyang kasipagan sa paghihimalay, at ipinagmalaki ng tagapangasiwa kay Boaz ang pagtatrabaho ni Ruth.—Ruth 1:22–2:7.
Isang Tagapagsanggalang at Tagapagpala
Si Boaz ay isang debotong mananamba ni Jehova. Tuwing umaga, binabati ni Boaz ang kaniyang mga tagapag-ani sa pamamagitan ng mga salitang: “Sumainyo nawa si Jehova,” at sumasagot naman sila: “Pagpalain ka nawa ni Jehova.” (Ruth 2:4) Matapos masaksihan ang kasipagan ni Ruth sa paggawa at mabatid ang kaniyang katapatan kay Noemi, gumawa ng pantanging kaayusan si Boaz para sa paghihimalay ni Ruth. Sa maikli, sinabi niya kay Ruth: ‘Manatili ka sa bukid ko; hindi ka na kailangang magtungo pa sa iba. Manatili kang malapit sa aking mga kabataang babae; magiging ligtas ka kasama nila. Inutusan ko ang mga kabataang lalaki na huwag kang gagalawin. Kapag nauuhaw ka, sasalok sila ng sariwang tubig para sa iyo.’—Ruth 2:8, 9.
Yumukod sa lupa si Ruth at nagsabi: ‘Paano ngang nakasumpong ako ng lingap sa iyong paningin gayong ako ay isang banyaga?’ Sumagot si Boaz: ‘Natanggap ko ang buong ulat ng lahat ng ginawa mo sa iyong biyenan pagkamatay ng iyong asawa—kung paanong iniwan mo ang iyong ama, ina, mga kamag-anak, at ang iyong tinubuang-bayan upang mapabilang sa isang bayan na hindi mo dating kilala. Gantihan nawa ni Jehova ang iyong paggawi. Pagkalooban ka nawa niya ng sakdal na kabayaran.’—Ruth 2:10-12.
Hindi sinisikap ni Boaz na mapaibig si Ruth. Ang papuri niya ay taimtim. Si Ruth ay may magandang-loob at mapagpakumbaba, anupat pinasasalamatan si Boaz dahil sa kaniyang nagbibigay-katiyakang pag-aliw. Itinuring niyang hindi siya karapat-dapat sa bagay na iyon at patuloy niyang pinag-ibayo ang kaniyang pagtatrabaho. Nang maglaon, sa oras ng kainan, tinawag ni Boaz si Ruth: ‘Lumapit ka at kumain ng tinapay at isawsaw mo sa sukà ang iyong piraso ng tinapay.’ Kumain siya hanggang sa mabusog at nagtira siya ng pagkaing maiuuwi para kay Noemi.—Ruth 2:14.
Sa pagtatapos ng araw, nakapaghimalay si Ruth ng mga 22 litro ng sebada. Iniuwi niya ito at ang natirang pagkain kay Noemi. (Ruth 2:15-18) Palibhasa’y natuwa sa dami nito, nagtanong si Noemi: “Saan ka naghimalay ngayon? . . . Pagpalain nawa ang isa na nagbigay-pansin sa iyo.” Nang malaman niya na iyon ay si Boaz, sinabi ni Noemi: “Pagpalain siya ni Jehova, na hindi nagpabaya ng kaniyang maibiging-kabaitan sa buháy at sa patay. . . . Ang lalaking iyon ay kamag-anak natin. Siya ay isa sa ating mga manunubos.”—Ruth 2:19, 20.
Pagkasumpong ng “Isang Pahingahang-Dako”
Sa pagnanais na makasumpong ng “isang pahingahang-dako,” o tahanan, para sa kaniyang manugang na babae, sinamantala ni Noemi ang pagkakataon upang isaayos ang paghiling ng manunubos, kasuwato ng Kautusan ng Diyos. (Levitico 25:25; Deuteronomio 25:5, 6) Ngayon ay itinuro ni Noemi kay Ruth ang isang napakabisa at waring kapansin-pansin pa ngang balak—isang paraan upang makuha ang atensiyon ni Boaz. Palibhasa’y handa at naturuang mabuti, sa kadiliman ng gabi, nagtungo si Ruth sa giikan na pag-aari ni Boaz. Nasumpungan niya roon si Boaz na natutulog. Inalis niya ang kumot ng mga paa nito at hinintay itong magising.—Ruth 3:1-7.
Nang magising nga si Boaz, ang makasagisag na pagkilos ni Ruth ay walang-alinlangang nakatulong kay Boaz na maunawaan ang kahulugan ng kahilingan ni Ruth na ‘ilukob niya ang kaniyang laylayan sa kaniyang aliping babae.’ Ang pagkilos ni Ruth ay nagpabatid sa nakatatandang Judeanong ito na may pananagutan siya bilang manunubos, yamang siya ay isang kamag-anak ng yumaong asawa ni Ruth na si Mahalon.—Ruth 3:9.
Hindi inaasahan ang pagdalaw ni Ruth nang gabing iyon. Gayunman, ang tugon ni Boaz ay nagpapakita na hindi naman lubos na di-inaasahan ang paghiling ni Ruth para sa pagtubos. Si Boaz ay handang tumugon sa kahilingan ni Ruth.
Ang tinig ni Ruth ay malamang na nagbabadya ng kabalisahan, na nag-udyok kay Boaz upang siya’y patibaying-loob: “Ngayon, anak ko, huwag kang matakot. Ang lahat ng sinasabi mo ay gagawin ko para sa iyo, sapagkat ang lahat ng nasa pintuang-daan ng aking bayan ay nakababatid na ikaw ay isang mahusay na babae.”—Ruth 3:11.
Makikita sa kaniyang mga pananalita na itinuturing ni Boaz na matuwid ang mga pagkilos ni Ruth: “Pagpalain ka nawa ni Jehova, anak ko. Ipinamalas mo ang iyong maibiging-kabaitan nang higit sa huling pagkakataon kaysa sa unang pagkakataon.” (Ruth 3:10) Sa unang pagkakataon, ipinamalas ni Ruth ang maibiging-kabaitan, o matapat na pag-ibig, kay Noemi. Ang huling pagkakataon ay nang walang-pag-iimbot niyang ipakilala ang kaniyang sarili kay Boaz, mas may-edad na lalaki, sapagkat siya ay isang manunubos. Handa siyang magkaroon ng anak alang-alang sa pangalan ni Mahalon, ang kaniyang yumaong asawa, at para kay Noemi.
Umatras ang Isang Manunubos
Kinabukasan, ipinatawag ni Boaz ang isang kamag-anak, na tinukoy bilang “Kuwan,” na mas malapit na kamag-anak ni Noemi kaysa kay Boaz. Sa harap ng mga mamamayan at matatandang lalaki ng lunsod, sinabi ni Boaz: ‘Sa palagay ko’y dapat kong ipaalam sa iyo ang karapatan mo na tubusin mula kay Noemi ang bahagi ng bukid na pag-aari ng kaniyang asawang si Elimelec, sapagkat kailangan niyang ipagbili ito.’ Nagpatuloy si Boaz: ‘Tutubusin mo ba ito? Kung hindi, sa gayon ay ako ang tutubos.’ Pagkasabi niyaon, ipinahiwatig ni Kuwan na siya ang tutubos.—Ruth 4:1-4.
Ngunit magugulat si Kuwan! Ngayon ay sinabi ni Boaz sa harap ng lahat ng saksi: “Sa araw na bilhin mo ang bukid mula sa kamay ni Noemi, bibilhin mo rin iyon mula kay Ruth na babaing Moabita, na asawa ng taong patay, upang ang pangalan ng taong patay ay maibangon sa kaniyang mana.” Palibhasa’y nangangamba na masira niya ang kaniyang sariling mana, isinuko ng mas malapit na kamag-anak ang kaniyang karapatan sa pagtubos sa pagsasabing: “Hindi ko kayang gawin ang pagtubos.”—Ruth 4:5, 6.
Ayon sa kaugalian, kailangang hubarin ng lalaking tumangging tumubos ang kaniyang sandalyas at ibigay iyon sa kaniyang kapuwa. Kaya nang sabihin ng manunubos kay Boaz, “Bilhin mo iyon sa ganang iyo,” hinubad niya ang kaniyang sandalyas. Pagkatapos ay sinabi ni Boaz sa matatandang lalaki at sa buong bayan: “Kayo ang mga saksi ngayon na binibili ko ang lahat ng kay Elimelec at lahat ng kay Kilion at kay Mahalon mula sa kamay ni Noemi. At gayundin si Ruth na babaing Moabita, na asawa ni Mahalon, ay binibili ko sa ganang akin bilang asawa upang ibangon ang pangalan ng taong patay sa kaniyang mana . . . Kayo ang mga saksi ngayon.”—Ruth 4:7-10.
Ang buong bayan na nasa pintuan ay nagsabi kay Boaz: “Ipagkaloob nawa ni Jehova na ang asawang papasok sa iyong bahay ay maging gaya ni Raquel at gaya ni Lea, na kapuwa nagtayo ng sambahayan ni Israel; at patunayan mo ang iyong halaga sa Eprata at gumawa ka ng bantog na pangalan sa Betlehem.”—Ruth 4:11, 12.
Taglay ang pagpapala ng bayan, kinuha ni Boaz si Ruth bilang kaniyang asawa. Nagkaanak siya kay Boaz ng lalaki na pinanganlang Obed, at sa gayon sina Ruth at Boaz ay naging mga ninuno ni Haring David at gayundin ni Jesu-Kristo.—Ruth 4:13-17; Mateo 1:5, 6, 16.
“Sakdal na Kabayaran”
Sa buong ulat, mula sa kaniyang mabait na pagbati sa mga manggagawa hanggang sa kaniyang pagtanggap ng pananagutan na panatilihin ang pangalan ng pamilya ni Elimelec, si Boaz ay talagang isang namumukod-tanging lalaki—isang lalaking kilalá sa gawa at awtoridad. Kasabay nito, siya ay isang lalaking may pagpipigil sa sarili, pananampalataya, at integridad. Si Boaz ay bukas-palad din, mabait, malinis sa moral, at ganap na masunurin sa mga utos ni Jehova.
Si Ruth ay namumukod-tangi naman sa kaniyang pag-ibig kay Jehova, sa kaniyang matapat na pag-ibig kay Noemi, at sa kaniyang kasipagan at kapakumbabaan. Hindi nga kataka-taka na itinuring siya ng bayan na “isang mahusay na babae.” Hindi siya kumain ng “tinapay ng katamaran,” at dahil sa kaniyang pagpapagal, may naibabahagi siya sa kaniyang nangangailangang biyenang babae. (Kawikaan 31:27, 31) Nang akuin niya ang pananagutan para kay Noemi, malamang na nadama ni Ruth ang kaligayahang nagmumula sa pagbibigay.—Gawa 20:35; 1 Timoteo 5:4, 8.
Kay-inam ngang mga halimbawa ang masusumpungan natin sa aklat ng Ruth! Inalaala ni Jehova si Noemi. Tumanggap si Ruth ng “sakdal na kabayaran” bilang ninuno ni Jesu-Kristo. Pinagpala si Boaz ng “isang mahusay na babae.” At tayo naman ay nakasusumpong ng mga halimbawa ng pananampalataya sa gayong mga indibiduwal.
[Kahon sa pahina 26]
Isang Silahis ng Pag-asa
Kung nadarama mo na nabubuhay ka sa malungkot na mga panahon, ang kuwento ni Ruth ay makapagbibigay ng kislap ng pag-asa. Kapansin-pansin ito bilang mahalagang konklusyon sa aklat ng Mga Hukom. Sinasabi ng aklat ng Ruth kung paano ginamit ni Jehova ang isang hamak na balo mula sa banyagang bansa ng Moab upang magluwal ng isang hari para sa kaniyang bayan. Kung ihahambing sa tagpo sa aklat ng Mga Hukom, ang pananampalataya ni Ruth ay tulad ng nagniningning na liwanag noong panahong iyon.
Sa pagbabasa ng kuwento ni Ruth, magkakaroon ka ng katiyakan na gaanuman kasama ang panahon, ang Diyos ay laging nagmamalasakit sa kaniyang bayan at nagsasakatuparan ng kaniyang mga layunin.