Makinig sa Sinasabi ng Espiritu!
“Ang may tainga ay makinig sa sinasabi ng espiritu sa mga kongregasyon.”—APOCALIPSIS 3:22.
1, 2. Anong payo ang inuulit hinggil sa mga mensahe ni Jesus sa pitong kongregasyon na binanggit sa Apocalipsis?
DAPAT magbigay-pansin ang mga lingkod ni Jehova sa kinasihang mga salita ni Jesu-Kristo sa pitong kongregasyon na binanggit sa aklat ng Bibliya na Apocalipsis. Sa katunayan, bawat isa sa mga mensaheng ito ay naglalaman ng payong ito: “Ang may tainga ay makinig sa sinasabi ng espiritu sa mga kongregasyon.”—Apocalipsis 2:7, 11, 17, 29; 3:6, 13, 22.
2 Natalakay na natin ang mga mensahe ni Jesus sa mga anghel, o mga tagapangasiwa, sa Efeso, Smirna, at Pergamo. Paano tayo makikinabang sa sinabi niya sa pamamagitan ng banal na espiritu sa apat na iba pang kongregasyon?
Sa Anghel sa Tiatira
3. Saan matatagpuan ang Tiatira, at sa anong produkto ito lalo nang kilala?
3 Ang “Anak ng Diyos” ay nagbigay ng papuri at pagsaway sa kongregasyon ng Tiatira. (Basahin ang Apocalipsis 2:18-29.) Ang Tiatira (ngayo’y Akhisar) ay itinayo sa tabi ng isang sangang-ilog ng Ilog Gediz (sinaunang Hermus) sa kanlurang Asia Minor. Ang lunsod ay kilala dahil sa maraming gawang-kamay. Ang mga manggagawa nito ng tina ay gumagamit ng ugat ng madder bilang pinagmumulan ng kanilang bantog na iskarlata, o purpura. Si Lydia, na naging Kristiyano noong dumalaw si Pablo sa Filipos sa Gresya, ay “isang tindera ng purpura, na mula sa lunsod ng Tiatira.”—Gawa 16:12-15.
4. Sa anong bagay pinapurihan ang kongregasyon sa Tiatira?
4 Pinapurihan ni Jesus ang kongregasyon sa Tiatira dahil sa mabubuting gawa, pag-ibig, pananampalataya, pagbabata, at gawain nito sa ministeryo. Sa katunayan, ‘ang kanilang mga gawa nitong huli ay higit kaysa sa mga nauna.’ Gayunman, kahit na mayroon tayong mainam na ulat, hindi tayo dapat na maging pabayâ sa ating moralidad.
5-7. (a) Sino ang “babaing iyon na si Jezebel,” at ano ang dapat gawin sa kaniyang impluwensiya? (b) Ang mensahe ni Kristo sa kongregasyon ng Tiatira ay tumutulong sa makadiyos na mga babae na gawin ang ano?
5 Pinahihintulutan ng kongregasyon sa Tiatira ang idolatriya, huwad na turo, at seksuwal na imoralidad. Nasa gitna nila ang “babaing iyon na si Jezebel”—marahil isang grupo ng mga babae na ang mga katangian ay katulad niyaong sa balakyot na si Reyna Jezebel ng sampung-tribong Kaharian ng Israel. Sinasabi ng ilang iskolar na sinubukang akitin ng mga “propetisa” ng Tiatira ang mga Kristiyano upang sumamba sa mga diyos at diyosa ng samahan ng mga mangangalakal at bumahagi sa mga kapistahan na nagsasangkot ng pag-aalay ng pagkain sa mga idolo. Huwag hayaang manipulahin ng nagpapanggap na mga propetisa ang iba sa kongregasyong Kristiyano sa ngayon!
6 Malapit nang ‘ihagis ni Kristo sa higaan ng karamdaman ang babaing si Jezebel, at yaong mga nangangalunya sa kaniya tungo sa malaking kapighatian, malibang pagsisihan nila ang kaniyang mga gawa.’ Hindi dapat bigyang-daan kailanman ng mga tagapangasiwa ang gayong balakyot na mga turo at impluwensiya, at hindi na kailangan pang gumawa ng espirituwal at pisikal na pakikiapid ang isang Kristiyano o makibahagi sa idolatriya upang matanto na ang “malalalim na bagay ni Satanas” ay talagang napakasama. Kung susundin natin ang babala ni Jesus, ‘panghahawakan nating mahigpit ang taglay natin,’ at ang kasalanan ay hindi mangingibabaw sa atin. Dahil iwinaksi nila ang di-makadiyos na mga gawain, pita, at mga tunguhin, ang binuhay-muling mga pinahiran ay makatatanggap ng “awtoridad sa mga bansa” at makakasama ni Kristo sa pagdurog sa mga bansa. Ang mga kongregasyon sa ngayon ay may makasagisag na mga bituin, at ipagkakaloob sa mga pinahiran ang “maningning na bituing pang-umaga,” ang Kasintahang Lalaki, si Jesu-Kristo, kapag binuhay silang muli sa langit.—Apocalipsis 22:16.
7 Ang kongregasyon ng Tiatira ay binabalaan na huwag pahintulutan ang masamang impluwensiya ng mga babaing nag-aapostata. Ang kinasihan-ng-espiritung mensahe ni Kristo sa kongregasyon ay tumutulong sa makadiyos na mga babae upang makapanatili sa kanilang iniatas-ng-Diyos na dako sa ngayon. Hindi nila sinisikap na magkaroon ng awtoridad sa mga lalaki at hindi nila sinisikap na akitin ang sinumang kapatid na lalaki sa espirituwal o pisikal na pakikiapid. (1 Timoteo 2:12) Sa halip, ang mga babaing ito ay nagpapakita ng halimbawa sa maiinam na gawa at sa paglilingkod ukol sa kapurihan ng Diyos. (Awit 68:11; 1 Pedro 3:1-6) Kung babantayan ng kongregasyon ang taglay nito—dalisay na doktrina at paggawi at pinakaiingatang paglilingkod sa Kaharian—darating si Kristo taglay, hindi ang kahatulan, kundi ang kamangha-manghang mga pagpapala.
Sa Anghel sa Sardis
8. (a) Saan matatagpuan ang Sardis, at ano ang ilang detalye tungkol dito? (b) Bakit kailangan ng kongregasyon sa Sardis ang tulong?
8 Kailangang-kailangan ng kongregasyon sa Sardis ang tulong sapagkat patay ito sa espirituwal. (Basahin ang Apocalipsis 3:1-6.) Ang Sardis, na mga 50 kilometro ang layo mula sa timog ng Tiatira, ay isang maunlad na lunsod. Ang komersiyo, matabang lupain, at ang produksiyon ng mga lanang tela at alpombra ay nakatulong upang maging mayaman ang lunsod na noon ay may mga 50,000 residente. Ayon sa istoryador na si Josephus, ang Sardis ay may malaking komunidad ng mga Judio noong unang siglo B.C.E. Kabilang sa mga kagibaan ng lunsod ang isang sinagoga at isang templo ng diyosa ng Efeso na si Artemis.
9. Ano ang dapat gawin kung ang ating mga gawain sa paglilingkod ay itinuturing natin na rutin na lamang?
9 Sinabi ni Kristo sa anghel ng kongregasyon ng Sardis: “Alam ko ang iyong mga gawa, na taglay mo ang pangalan na ikaw ay buháy, ngunit ikaw ay patay.” Paano kung may reputasyon tayo ng pagiging gisíng sa espirituwal ngunit sa kalakhang bahagi ay natutulog naman pagdating sa mga pribilehiyong Kristiyano at itinuturing na rutin lamang ang ating mga gawain sa paglilingkod at ‘malapit na tayong mamatay’ sa espirituwal na paraan? Kung gayon ay kailangan nating ‘patuloy na isaisip kung paano natin tinanggap at narinig’ ang mensahe ng Kaharian, at dapat nating muling paningasin ang ating mga pagsisikap sa sagradong paglilingkod. Dapat na magsimula na tayong makibahagi nang buong puso sa mga Kristiyanong pagpupulong. (Hebreo 10:24, 25) Binabalaan ni Kristo ang kongregasyon sa Sardis: ‘Malibang gumising kayo, darating ako na gaya ng magnanakaw, at hindi na ninyo malalaman pa kung anong oras ako darating sa inyo.’ Kumusta naman sa ating panahon? Di-magtatagal at magsusulit din tayo.
10. Maging sa situwasyong katulad ng sa Sardis, ano ang maaaring totoo sa ilang Kristiyano?
10 Maging sa situwasyong katulad ng sa Sardis, marahil ay may ilan na ‘hindi nagpaparungis ng kanilang mga panlabas na kasuutan at makalalakad kasama ni Kristo na nakaputi sapagkat sila ay karapat-dapat.’ Napananatili nila ang kanilang pagkakakilanlan bilang Kristiyano, nananatiling walang dungis, at walang moral at espirituwal na batik mula sa sanlibutang ito. (Santiago 1:27) Kaya naman, ‘hindi sa anumang paraan papawiin ni Jesus ang kanilang pangalan mula sa aklat ng buhay, kundi kikilalanin niya sila sa harap ng kaniyang Ama at sa harap ng mga anghel.’ Palibhasa’y inihayag na karapat-dapat lumakad kasama ni Kristo, ang kaniyang uring kasintahang babae ng mga pinahiran ay magagayakan ng maningning, malinis, mainam na lino, na sumasagisag sa matuwid na mga gawa ng mga banal ng Diyos. (Apocalipsis 19:8) Ang kamangha-manghang mga pribilehiyo sa paglilingkod na naghihintay sa kanila sa langit ay nagpapasigla sa kanila na daigin ang sanlibutang ito. Nakahanda rin ang mga pagpapala sa mga nakahanay para sa buhay na walang hanggan sa lupa. Ang kanilang mga pangalan ay nakasulat din sa aklat ng buhay.
11. Ano ang dapat nating gawin kung tayo ay inaantok sa espirituwal na paraan?
11 Walang sinuman sa atin ang nais mapasadlak sa malungkot na espirituwal na kalagayan ng kongregasyon sa Sardis. Pero paano kung napapansin natin na inaantok tayo sa espirituwal na paraan? Kailangan tayong kumilos kaagad para sa ating kabutihan. Ipagpalagay na nahihila tayo sa di-makadiyos na mga gawi o nagiging pabaya sa pagdalo sa mga pulong o sa ating ministeryo. Hilingin natin ang tulong ni Jehova sa pamamagitan ng taimtim na pananalangin. (Filipos 4:6, 7, 13) Ang araw-araw na pagbabasa ng Bibliya at pag-aaral ng Kasulatan at ng mga publikasyon ng “tapat na katiwala” ay makatutulong sa ating pagiging gising sa espirituwal. (Lucas 12:42-44) Sa gayon ay magiging tulad tayo ng mga nasa Sardis na may pagsang-ayon ni Kristo, at magiging isang pagpapala tayo sa ating mga kapananampalataya.
Sa Anghel sa Filadelfia
12. Paano mo ilalarawan ang kalagayan ng relihiyon sa sinaunang Filadelfia?
12 Pinapurihan ni Jesus ang kongregasyon ng Filadelfia. (Basahin ang Apocalipsis 3:7-13.) Ang Filadelfia (ngayo’y Alasehir) ay dating maunlad na sentro ng isang rehiyong gumagawa ng alak sa kanlurang Asia Minor. Sa katunayan, ang pangunahing bathala nito ay si Dionisus, ang diyos ng alak. Lumilitaw na nabigong hikayatin ng mga Judio sa Filadelfia ang mga Judiong Kristiyano roon na manatili o bumalik sa ilang kaugalian sa Kautusang Mosaiko.
13. Paano ginamit ni Kristo ang “susi ni David”?
13 Si Kristo ang “may taglay ng susi ni David,” at sa gayo’y ipinagkatiwala sa kaniya ang lahat ng kapakanan ng Kaharian at ang pangangasiwa sa sambahayan ng mga sumasampalataya. (Isaias 22:22; Lucas 1:32) Ginamit ni Jesus ang susing iyon upang buksan ang mga oportunidad at mga pribilehiyo ng Kaharian sa mga Kristiyano sa sinaunang Filadelfia at sa iba pang dako. Mula noong 1919 ay iniharap niya sa “tapat na katiwala” ang “isang malaking pinto” na umaakay sa pangangaral ng Kaharian na hindi kayang isara ng sinumang mananalansang. (1 Corinto 16:9; Colosas 4:2-4) Sabihin pa, ang pintong umaakay sa mga pribilehiyo ng Kaharian ay isinara sa mga kabilang sa “sinagoga ni Satanas,” sapagkat hindi sila espirituwal na mga Israelita.
14. (a) Anong pangako ang ibinigay ni Jesus sa kongregasyon ng Filadelfia? (b) Paano natin maiiwasang mabuwal sa “oras ng pagsubok”?
14 Ganito ang pangako ni Jesus sa mga Kristiyano sa sinaunang Filadelfia: ‘Sapagkat iningatan ninyo ang salita tungkol sa aking pagbabata, iingatan ko rin kayo mula sa oras ng pagsubok, na darating sa buong tinatahanang lupa.’ Ang pangangaral ay humihiling ng uri ng pagbabata na ipinakita ni Jesus. Hindi siya kailanman sumuko sa kaaway kundi patuloy niyang ginawa ang kalooban ng kaniyang Ama. Kaya naman, binuhay muli si Kristo tungo sa imortal na buhay sa langit. Kung manghahawakan tayong mahigpit sa ating kapasiyahan na sambahin si Jehova at susuportahan natin ang Kaharian sa pamamagitan ng pangangaral ng mabuting balita, maiiwasan nating mabuwal sa kasalukuyang panahon ng pagsubok, ang “oras ng pagsubok.” ‘Magpapatuloy tayo sa paghawak nang mahigpit sa taglay natin’ mula kay Kristo sa pamamagitan ng pagsisikap na palaguin ang mga kapakanang iyon ng Kaharian. Ang paggawa nito ay magdudulot ng walang-katumbas na makalangit na korona para sa mga pinahiran at buhay na walang hanggan sa lupa para sa kanilang tapat na mga kasamahan.
15. Ano ang hinihiling sa magiging ‘mga haligi sa templo ng Diyos’?
15 Idinagdag pa ni Kristo: “Ang nananaig—gagawin ko siyang isang haligi sa templo ng aking Diyos, . . . at isusulat ko sa kaniya ang pangalan ng aking Diyos at ang pangalan ng lunsod ng aking Diyos, ang bagong Jerusalem na bumababa mula sa langit mula sa aking Diyos, at ang bagong pangalan kong iyon.” Dapat itaguyod ng pinahirang mga tagapangasiwa ang tunay na pagsamba. Dapat na manatili silang kuwalipikado na maging miyembro ng “bagong Jerusalem” sa pamamagitan ng pangangaral hinggil sa Kaharian ng Diyos at pananatiling malinis sa espirituwal na paraan. Mahalaga ito kung nais nilang maging mga haligi sa niluwalhating makalangit na templo at kung tataglayin nila ang pangalan ng lunsod ng Diyos bilang makalangit na mga mamamayan at makikibahagi sa pangalan ni Kristo bilang kaniyang kasintahang babae. At siyempre pa, kailangang “makinig [sila] sa sinasabi ng espiritu sa mga kongregasyon.”
Sa Anghel sa Laodicea
16. Ano ang ilang impormasyon hinggil sa Laodicea?
16 Sinaway ni Kristo ang kampanteng kongregasyon sa Laodicea. (Basahin ang Apocalipsis 3:14-22.) Ang Laodicea ay may layong mga 150 kilometro sa silangan ng Efeso at masusumpungan sa pinagsasalubungan ng pangunahing mga ruta ng pangangalakal sa mabungang libis ng Ilog Lycus, at isang napakaunlad na lunsod ng mga pagawaan at sentro ng pananalapi. Ang mga kasuutang gawa sa itim na lana ng rehiyon ay kilalang-kilala. Yamang ito ang kinaroroonan ng isang tanyag na paaralan ng medisina, marahil ang Laodicea ang gumagawa ng gamot sa mata na kilala bilang pulbos ng Frigia. Si Asclepius, ang diyos ng panggagamot, ay isa sa mga pangunahing bathala ng lunsod. Waring maraming Judio ang nakatira sa Laodicea, na ang ilan sa mga ito ay lumilitaw na mayayaman.
17. Bakit sinaway ang mga taga-Laodicea?
17 Sa kaniyang pakikipag-usap sa kongregasyon sa Laodicea sa pamamagitan ng “anghel” nito, nagsalita si Jesus nang may awtoridad bilang “ang saksing tapat at totoo, ang pasimula ng paglalang ng Diyos.” (Colosas 1:13-16) Sinaway ang mga taga-Laodicea dahil sa kanilang pagiging “hindi malamig ni mainit man” sa espirituwal na paraan. Dahil sa sila ay malahininga, isusuka sila ni Kristo mula sa kaniyang bibig. Hindi naman mahirap para sa kanila na makuha ang puntong iyon. Ang kalapit na Hierapolis ay may maiinit na bukal, at ang Colosas ay may malamig na tubig. Subalit yamang kailangang padaluyin ang tubig mula sa malayo papunta sa Laodicea, malamang na malahininga na ang tubig pagdating nito sa lunsod. Dumaraan din ang tubig sa isang paagusan. Habang papalapit na ito sa Laodicea, dumaraan ito sa binutas na mga bloke ng bato na pinagdikit ng semento.
18, 19. Paano matutulungan ang mga Kristiyano sa ngayon na kagaya ng mga nasa Laodicea?
18 Ang mga indibiduwal na uring taga-Laodicea ay hindi mainit upang makapagpasigla, ni malamig man para makaginhawa. Isusuka silang gaya ng malahiningang tubig! Hindi nais ni Jesus na sila’y maging kaniyang tagapagsalita, bilang pinahirang “mga embahador na humahalili para kay Kristo.” (2 Corinto 5:20) Malibang magsisi sila, maiwawala nila ang kanilang pribilehiyo bilang mga tagapaghayag ng Kaharian. Itinaguyod ng mga taga-Laodicea ang makalupang mga kayamanan at ‘hindi nila alam na sila ay miserable, kahabag-habag, dukha, bulag at hubad.’ Upang maalis ang kanilang espirituwal na karukhaan, pagkabulag, at kahubaran, ang sinumang kagaya nila sa ngayon ay nangangailangang bumili mula kay Kristo ng ‘dinalisay na ginto’ ng subók na pananampalataya, “mga puting panlabas na kasuutan” ng katuwiran, at “pamahid sa mata” na nagpapalinaw ng espirituwal na paningin. Nalulugod ang mga tagapangasiwang Kristiyano na tulungan silang maging palaisip sa kanilang espirituwal na pangangailangan upang sila ay maging “mayaman sa pananampalataya.” (Santiago 2:5; Mateo 5:3) Karagdagan pa, kailangan silang tulungan ng mga tagapangasiwa na magpahid ng espirituwal na “pamahid sa mata”—upang tanggapin at sundin nila ang turo, payo, halimbawa, at pangkaisipang saloobin ni Jesus. Ito ay isang nakapagpapagaling na lunas laban sa ‘pagnanasa ng laman at pagnanasa ng mga mata at pagpaparangya ng kabuhayan ng isa.’—1 Juan 2:15-17.
19 Sinasaway at dinidisiplina ni Jesus ang lahat ng minamahal niya. Ang mga tagapangasiwang nasa ilalim niya ay dapat na gayundin ang gawin taglay ang pagkamagiliw. (Gawa 20:28, 29) Kailangang ‘maging masigasig at magsisi’ ang mga taga-Laodicea, anupat gumagawa ng mga pagbabago sa kanilang pag-iisip at paraan ng pamumuhay. Buweno, nahihirati na ba ang ilan sa atin sa isang istilo ng pamumuhay na ginagawang pangalawahin na lamang sa buhay ang ating sagradong paglilingkod sa Diyos? Kung gayon, ‘bumili tayo kay Jesus ng pamahid sa mata’ upang makita natin ang kahalagahan ng paghanap muna sa Kaharian nang may kasigasigan.—Mateo 6:33.
20, 21. Sinu-sino ang wastong tumutugon sa ‘pagkatok’ ni Jesus sa ngayon, at ano ang kanilang mga pag-asa?
20 “Narito!” ang sabi ni Kristo, “ako ay nakatayo sa pintuan at kumakatok. Kung ang sinuman ay makarinig ng aking tinig at magbukas ng pinto, ako ay papasok sa kaniyang bahay at maghahapunang kasama niya at siya kasama ko.” Kadalasan nang nagbibigay si Jesus ng espirituwal na tagubilin habang kumakain siya. (Lucas 5:29-39; 7:36-50; 14:1-24) Kumakatok siya ngayon sa pintuan ng kongregasyon na kauri ng Laodicea. Tutugon kaya ang mga miyembro nito sa kaniyang pagkatok, panunumbalikin ang kanilang pagmamahal sa kaniya, malugod siyang tatanggapin sa gitna nila, at magpapaturo sa kaniya? Kung oo, kakain si Kristo kasama nila upang makinabang sila nang malaki sa espirituwal.
21 Pinapapasok si Jesus ng “ibang mga tupa” sa ngayon sa makasagisag na paraan, at ang gayong pagkilos ay umaakay sa buhay na walang hanggan. (Juan 10:16; Mateo 25:34-40, 46) Sa bawat nananaig na pinahiran, ipagkakaloob ni Kristo ang pribilehiyo na ‘umupong kasama niya sa kaniyang trono, kung paanong siya ay nanaig at umupong kasama ng kaniyang Ama sa Kaniyang trono.’ Oo, ipinangangako ni Jesus sa nananaig na mga pinahiran ang dakilang gantimpala ng isang trono kasama niya sa kanang kamay ng kaniyang Ama sa langit. At ang nananaig na ibang mga tupa ay makaaasa sa isang kamangha-manghang lugar sa lupa sa ilalim ng pamamahala ng Kaharian.
Mga Aral Para sa Ating Lahat
22, 23. (a) Paano makikinabang ang lahat ng Kristiyano sa mga salita ni Jesus sa pitong kongregasyon? (b) Ano ang dapat nating maging determinasyon?
22 Walang alinlangan na lahat ng Kristiyano ay makikinabang nang malaki sa mga salita ni Jesus sa pitong kongregasyon sa Asia Minor. Halimbawa, yamang napapansin na nagbigay si Kristo ng naaangkop na papuri, napakikilos ang maibiging Kristiyanong matatanda na papurihan ang mga indibiduwal at mga kongregasyon na mahusay sa espirituwal na paraan. Kung saan may mga kahinaan, tinutulungan ng matatanda ang kanilang mga kapananampalataya na magkapit ng maka-Kasulatang mga lunas. Tayong lahat ay patuloy na makikinabang sa iba’t ibang pitak ng payo na ibinigay ni Kristo sa pitong kongregasyon, hangga’t ikinakapit natin ito nang may pananalangin at walang pag-aatubili.a
23 Sa mga huling araw na ito, walang panahon para maging kampante, materyalistiko, o iba pa na maaaring maging dahilan upang gawin nating rutin na lamang ang paglilingkod sa Diyos. Kung gayon, patuloy nawang sumikat nang maliwanag ang lahat ng kongregasyon kagaya ng mga kandelerong pinanatili ni Jesus sa kani-kanilang dako. Bilang tapat na mga Kristiyano, palagi nawa tayong maging determinado na magbigay-pansin kapag nagsasalita si Kristo at makinig sa sinasabi ng espiritu. Kung gayon ay magkakaroon tayo ng namamalaging kagalakan bilang mga tagapagdala ng liwanag sa ikaluluwalhati ni Jehova.
[Talababa]
a Ang Apocalipsis 2:1–3:22 ay tinalakay rin sa kabanata 7 hanggang 13 ng aklat na Apocalipsis—Malapit na ang Dakilang Kasukdulan Nito!, na inilathala ng mga Saksi ni Jehova.
Paano Mo Tutugunin?
• Sino ang “babaing iyon na si Jezebel,” at bakit hindi siya tinutularan ng makadiyos na mga babae?
• Anong kalagayan ang umiiral sa kongregasyon sa Sardis, at ano ang maaari nating gawin upang maiwasan na maging kagaya ng maraming Kristiyano na naninirahan doon?
• Anu-anong pangako ang ibinigay ni Jesus sa kongregasyon ng Filadelfia, at paano kumakapit ang mga ito sa ngayon?
• Bakit sinaway ang mga taga-Laodicea, ngunit anong mga pag-asa ang iniharap sa masisigasig na Kristiyano?
[Larawan sa pahina 16]
Dapat iwasan ang masasamang daan ng “babaing iyon na si Jezebel”
[Mga larawan sa pahina 18]
Iniharap ni Jesus sa kaniyang mga tagasunod ang “isang malaking pinto” na umaakay sa mga pribilehiyo ng Kaharian
[Larawan sa pahina 20]
Malugod mo bang tinatanggap si Jesus at nakikinig ka ba sa kaniya?