Ang Karilagan ng Nilalang ni Jehova
“Ang mga Punungkahoy ni Jehova ay Busóg”
NASUBUKAN mo na bang tumayo sa kagubatan habang sumisinag ang liwanag ng araw sa pagitan ng matataas na punungkahoy? Naririnig mo ba ang kaluskos ng mga dahon habang nagdaraan ang hangin?—Isaias 7:2.
May panahon ng taon sa ilang dako ng lupa na ang mga dahon ng iba’t ibang punungkahoy ay halos nagliliyab na pula, kahel, dilaw, at iba pang kulay. Oo, parang nasusunog ang kagubatan! Pagkaangkup-angkop nga nito sa bulalas na: “Magsaya kayo, kayong mga bundok, na may hiyaw ng kagalakan, ikaw na kagubatan at lahat kayong mga punungkahoy na nariyan!”—Isaias 44:23.a
Halos sangkatlo ng sukat ng lupa ng ating planeta ay natatakpan ng kagubatan. Sa kahanga-hangang paraan, niluluwalhati ng kagubatan at ng napakaraming buhay rito ang kanilang Disenyador at Maylalang, ang Diyos na Jehova. “Purihin ninyo si Jehova,” ang awit ng kinasihang salmista, “kayong mga namumungang punungkahoy at kayong lahat na mga sedro.”—Awit 148:7-9.
“Ang mga punungkahoy ay naglalaan sa mga tao ng materyal na mga pangangailangan at ng magagandang bagay,” ang sabi ng aklat na The Trees Around Us. Pinoprotektahan, tinutustusan, at dinadalisay ng kagubatan ang panustos na sariwang tubig ng sangkatauhan. Dinadalisay rin ng mga punungkahoy ang hangin. Sa pamamagitan ng kamangha-manghang proseso ng potosintesis, ginagawa ng mga selula ng dahon ang carbon dioxide, tubig, mga mineral, at liwanag ng araw na maging mga sustansiya at oksiheno.
Ang kagubatan ay isang obra maestra ng kagandahan at disenyo. Karaniwan nang ang pagkalalaking punungkahoy ang pinakakahanga-hangang miyembro ng kagubatan. Tumutubo sa gitna nila ang maraming pakô, lumot, baging, palumpong, at mga yerba. Ang mga halamang iyon ay nakadepende sa kapaligiran na nililikha ng mga punungkahoy, anupat tumutubo sa kanilang lilim at sumisipsip ng halumigmig na inilalaan ng kagubatan.
Sa ilang kagubatang pinanlalagasan ng mga dahon, umaabot ng 25 milyong dahon ang maaaring mahulog sa isang ektarya ng pinakasahig ng kagubatan sa dulo ng taon. Ano ang nangyayari sa mga ito? Sa dakong huli, ginagawa naman ng mga insekto, halamang-singaw, bulati, at iba pang organismo ang lahat ng organikong materyales na ito na maging lupang-itim (humus), isang mahalagang sangkap ng matabang lupa. Oo, walang nasasayang habang inihahanda ng tahimik na mga manggagawang ito ang lupa para sa bagong pananim.
Sa ilalim ng mga dahong tuyo, ang lupa ng kagubatan ay tirahan ng napakaraming nilalang. Ayon sa aklat na The Forest, “umaabot sa 1,350 nilalang . . . ang maaaring masumpungan sa isang sukat ng lupa na 30 sentimetro kuwadrado at 2.5 sentimetro ang lalim, at hindi pa kasali riyan ang bilyun-bilyong pagkaliliit na mga organismo sa bawat sandakot na lupa.” Karagdagan pa, napakaraming reptilya, ibon, insekto, at mamal sa kagubatan. Sino ang dapat tumanggap ng papuri para sa kagandahan at pagkakasari-saring ito? Angkop naman, ipinahahayag ng kanilang Maylalang: “Akin ang bawat mailap na hayop sa kagubatan, ang mga hayop sa ibabaw ng isang libong bundok.”—Awit 50:10.
Ang ilang mga hayop ay nilalang taglay ang katangi-tanging kakayahang matulog sa buong panahon ng taglamig at maligtasan ang matinding ginaw ng taglamig at ang mahabang panahon ng hindi pagkain. Subalit hindi lahat ng mga hayop ay natutulog sa panahon ng taglamig. Kahit na sa kalagitnaan ng taglamig, maaaring makakita ka ng kawan ng usa na paluksu-lukso sa parang. Ang mga usa ay hindi natutulog sa panahon ng taglamig ni nag-iimbak man ng pagkain, kundi nanginginain sila ng murang maliliit na sanga at mga usbong, gaya ng makikita mo sa kalakip na larawan mula sa Alemanya.
Ang buhay-halaman ay prominenteng itinatampok sa Kasulatan. Ayon sa isang bilang, binabanggit ng Bibliya ang halos 130 iba’t ibang halaman, pati na ang mga 30 uri ng punungkahoy. Sa pagkokomento hinggil sa kahalagahan ng gayong mga pagtukoy sa Bibliya, ganito ang sinabi ng botanikong si Michael Zohary: “Kahit na sa ordinaryo at hindi propesyonal na sekular na literatura, hindi ka makasusumpong ng napakaraming pagtukoy sa mga halaman na nauugnay sa iba’t ibang aspekto ng buhay na gaya ng lumilitaw sa Bibliya.”
Ang mga punungkahoy at kagubatan ay napakagagandang kaloob mula sa isang maibiging Maylalang. Kung nakapunta na tayo sa kakahuyan, tiyak na sasang-ayon tayo sa pananalita ng salmista: “Ang mga punungkahoy ni Jehova ay busóg, ang mga sedro ng Lebanon na kaniyang itinanim, na pinamumugaran ng mga ibon.”—Awit 104:16, 17.
[Talababa]
a Tingnan ang 2004 Calendar of Jehovah’s Witnesses, January/February.
[Kahon/Mga larawan sa pahina 9]
Ang isa sa pinakakahanga-hangang mga namumungang punungkahoy sa Gitnang Silangan ay ang punong almendras. Isa ito sa mga punungkahoy na pinakamaagang namumulaklak pagkatapos ng taglamig. Tinatawag ng sinaunang mga Hebreo ang punong almendras na isa na gumigising, na tumutukoy sa maaga nitong pamumulaklak. Ang punungkahoy ay waring gumigising taglay ang balabal nito na magandang kulay-rosas o puting mga bulaklak.—Eclesiastes 12:5.
Sa mga 9,000 kilalang uri ng mga ibon, halos 5,000 ang inuuri bilang mga ibong umaawit. Binabasag ng kanilang mga awit ang katahimikan ng masusukal na kagubatan. (Awit 104:12) Bilang halimbawa, ang awit ng maya ay may masasayang himig. Ang mga ibong mourning warbler, gaya ng isa na nakalarawan dito, ay mumunting mang-aawit na napapalamutian ng magandang kombinasyon ng kulay-abo, dilaw, at berdeng olibo.—Awit 148:1, 10.
[Larawan sa pahina 9]
Kagubatan sa Normandy, Pransiya