Ginagawa Na ba ang Kalooban ng Diyos?
“Mangyari nawa ang iyong kalooban, kung paano sa langit, gayundin sa lupa.”—Mateo 6:10.
BUONG-PANGHIHILAKBOT na pinanonood nina Julio at Christina ang apat sa kanilang mga anak habang nasusunog ang mga ito hanggang sa mamatay. Ang kanilang nakaparadang kotse ay nabangga ng isang lasing na drayber, at ito’y nagliyab. Ang panlimang anak na si Marcos ay nailigtas mula sa nagngangalit na apoy, subalit lubha nang nadarang sa ningas nito ang kaniyang katawan, na permanenteng sumira sa kaniyang hitsura. Siya ay siyam na taóng gulang. Halos madurog ang puso ng kaniyang ama. Inaliw niya ang sarili at ang kaniyang pamilya sa mga salitang: “Kalooban ito ng Diyos, dapat nating unawain ‘yan, mabuti, masama, kahit ano pa man.”
Sa harap ng malagim na pangyayaring tulad nito, marami ang may ganito ring reaksiyon. ‘Kung ang Diyos ay makapangyarihan-sa-lahat at nagmamalasakit sa atin,’ ang katuwiran nila, ‘ang nangyaring ito ay tiyak na para sa ating ikabubuti sa anumang paraan, bagaman iyan ay mahirap maintindihan.’ Sang-ayon ka ba rito?
Ang opinyon na kalooban daw ng Diyos ang anumang bagay na nangyayari, mabuti man o masama, ay madalas na nakasalig sa mga salita ni Jesus sa tinatawag na Panalangin ng Panginoon, na sinipi sa itaas. Ang kalooban ng Diyos ay ginagawa na sa langit, hindi ba? Sa pananalanging ‘Gawin nawa ang iyong kalooban sa lupa,’ hindi ba’t tinatanggap natin na anuman ang nangyayari sa lupa ay kalooban ng Diyos?
Marami ang nag-aalinlangan sa pangmalas na ito. Para sa kanila, inilalarawan nito ang Diyos bilang isa na manhid sa damdamin ng kaniyang nilalang na mga tao. ‘Bakit naman nanaisin ng isang maibiging Diyos na dumanas ng malagim na bagay ang inosenteng mga tao?’ ang tanong nila. ‘Kung mayroon mang aral na dapat matutuhan, ano naman kaya ang aral na iyon?’ Marahil ay ganiyan ang nadarama mo.
Hinggil dito, ang kapatid ni Jesus sa ina, ang alagad na si Santiago, ay sumulat: “Kapag nasa ilalim ng pagsubok, huwag sabihin ng sinuman: ‘Ako ay sinusubok ng Diyos.’ Sapagkat sa masasamang bagay ay hindi masusubok ang Diyos ni sinusubok man niya ang sinuman.” (Santiago 1:13) Hindi sa Diyos nagmumula ang anumang bagay na masama. Samakatuwid, maliwanag na hindi lahat ng nangyayari ngayon sa lupa ay kalooban ng Diyos. May binabanggit din ang Kasulatan tungkol sa kalooban ng tao, sa kalooban ng mga bansa, at maging sa kalooban ng Diyablo. (Juan 1:13; 2 Timoteo 2:26; 1 Pedro 4:3) Sasang-ayon ka ba na ang nangyari sa pamilya nina Julio at Christina ay hindi maaaring kalooban ng isang maibiging Ama sa langit?
Kung gayon, ano ang ibig sabihin ni Jesus nang turuan niya ang kaniyang mga alagad na manalanging: ‘Gawin nawa ang iyong kalooban’? Ito ba’y isang kahilingan lamang sa Diyos na sana’y mamagitan Siya sa partikular na mga kalagayan, o tinuturuan tayo ni Jesus na ipanalangin ang isang bagay na mas mahalaga at mas maganda, isang pagbabagong maaaring asamin ng lahat? Siyasatin pa natin ang sinasabi ng Bibliya.
[Picture Credit Lines sa pahina 3]
Kotse: Dominique Faget-STF/AFP/Getty Images; bata: FAO photo/B. Imevbore