“Panginoon, Turuan Mo Kaming Manalangin”
“Isa sa kaniyang mga alagad ang nagsabi sa kaniya: ‘Panginoon, turuan mo kaming manalangin.’ ”—LUCAS 11:1.
1. Bakit hiniling kay Jesus ng isa sa kaniyang mga alagad na turuan silang manalangin?
SA ISANG pagkakataon noong 32 C.E., isang alagad ni Jesus ang nagmasid sa Kaniya habang nananalangin Siya. Hindi niya naririnig ang sinasabi ni Jesus sa kaniyang Ama, dahil marahil sa tahimik na panalangin ito. Gayunpaman, nang matapos si Jesus, sinabi ng alagad sa kaniya: “Panginoon, turuan mo kaming manalangin.” (Lucas 11:1) Ano ang nag-udyok sa ganitong kahilingan? Regular na bahagi ng buhay at pagsamba ng mga Judio ang panalangin. Napakaraming panalangin ang matatagpuan sa Hebreong Kasulatan sa aklat ng Mga Awit at sa iba pang aklat nito. Kaya hindi humihiling ang alagad na ituro sa kaniya ang isang bagay na doo’y wala siyang kaalam-alam o hindi pa niya nagagawa. Walang alinlangan, pamilyar siya sa pormalistikong mga panalangin ng relihiyosong mga lider ng Judaismo. Ngunit napagmasdan niya ngayong manalangin si Jesus, at malamang na napansin niya na may malaking pagkakaiba sa mapagbanal-banalang mga panalangin ng mga rabbi at sa paraan ng pananalangin ni Jesus.—Mateo 6:5-8.
2. (a) Ano ang nagpapahiwatig na hindi ibig sabihin ni Jesus na dapat nating ulitin nang salita por salita ang huwarang panalangin? (b) Bakit interesado tayong matutong manalangin?
2 Mga 18 buwan bago ito, sa kaniyang Sermon sa Bundok, binigyan ni Jesus ng huwaran ang kaniyang mga alagad na pagbabatayan ng kanilang mga panalangin. (Mateo 6:9-13) Malamang na wala noong pagkakataong iyon ang alagad na ito, kaya may-kabaitang inulit ni Jesus ang mahahalagang punto ng huwarang panalanging iyon. Kapansin-pansin ang bagay na hindi niya ito inulit nang salita por salita, anupat ipinahihiwatig na hindi siya nagbibigay ng liturhikong panalangin na paulit-ulit na bibigkasin nang saulado. (Lucas 11:1-4) Tulad ng alagad na iyon na di-binanggit ang pangalan, gusto rin natin na tayo’y turuang manalangin upang higit tayong ilapit ng ating mga panalangin kay Jehova. Kung gayon, suriin natin ang mas kumpletong bersiyon ng huwarang panalangin, gaya ng iniulat ni apostol Mateo. Mayroon itong pitong kahilingan, na ang tatlo rito ay hinggil sa mga layunin ng Diyos at ang apat naman ay tungkol sa ating materyal at espirituwal na mga pangangailangan. Sa artikulong ito, isasaalang-alang natin ang unang tatlong kahilingan.
Isang Maibiging Ama
3, 4. Ano ang ipinahihiwatig ng pagtawag natin kay Jehova na “Ama namin”?
3 Sa simula pa lamang, ipinakita na ni Jesus na dapat mabanaag sa ating mga panalangin ang matalik ngunit may-paggalang na kaugnayan kay Jehova. Noong nagsasalita siya pangunahin na para sa kapakinabangan ng mga alagad niya na nagtipon malapit sa kaniya sa gilid ng bundok na iyon, sinabi sa kanila ni Jesus na tawagin si Jehova na “Ama namin na nasa langit.” (Mateo 6:9) Ayon sa isang iskolar, nagsalita man si Jesus sa popular na anyo ng Hebreo o Aramaiko, ang ginamit niyang termino para sa “Ama” ay katulad ng mapagmahal na mga pagtawag ng isang sanggol, ‘isang salita ng bata.’ Ang pagtawag kay Jehova na “Ama namin” ay nagpapahiwatig ng magiliw at may-pagtitiwalang kaugnayan.
4 Sa pagsasabing “Ama namin,” kinikilala rin natin na kabilang tayo sa isang malaking pamilya ng mga lalaki at babae na kumikilala kay Jehova bilang ang Tagapagbigay-Buhay. (Isaias 64:8; Gawa 17:24, 28) Inampon ang mga Kristiyanong inianak sa espiritu bilang “mga anak ng Diyos,” at sa kaniya ay ‘makasisigaw sila ng: “Abba, Ama!” ’ (Roma 8:14, 15) Milyun-milyon ang naging matapat na mga kasamahan nila. Inialay ng mga ito ang kanilang buhay kay Jehova at sinagisagan ang kanilang pag-aalay sa pamamagitan ng bautismo sa tubig. Maaari ring lumapit kay Jehova ang “ibang mga tupa” na ito sa pangalan ni Jesus at tumawag sa Kaniya na “Ama namin.” (Juan 10:16; 14:6) Maaari tayong regular na manalangin sa ating makalangit na Ama upang purihin siya, upang pasalamatan siya sa lahat ng kapahayagan ng kaniyang kabutihan sa atin, at upang ibigay sa kaniya ang ating mga pasanin, anupat nagtitiwalang nagmamalasakit siya sa atin.—Filipos 4:6, 7; 1 Pedro 5:6, 7.
Pag-ibig sa Pangalan ni Jehova
5. Ano ang pambungad na kahilingan sa huwarang panalangin, at bakit ito angkop?
5 Kaagad na inuuna ng pambungad na kahilingan ang mga bagay na dapat mauna. Sinasabi nito: “Pakabanalin nawa ang iyong pangalan.” (Mateo 6:9) Oo, dapat na maging napakahalaga sa atin ang pagpapabanal sa pangalan ni Jehova dahil iniibig natin siya at kinapopootan nating makita ang lahat ng pag-upasala sa kaniyang pangalan. Ang paghihimagsik ni Satanas at ang paghikayat niya sa unang mag-asawa na sumuway sa Diyos na Jehova ay sumirang-puri sa pangalan Niya sa pamamagitan ng pagdududa sa paraan ng paggamit ng Diyos sa kaniyang pansansinukob na soberanya. (Genesis 3:1-6) Bukod dito, sa loob ng maraming siglo, inuupasala na ang pangalan ni Jehova sa pamamagitan ng kahiya-hiyang mga gawa at mga turo ng mga nag-aangking kumakatawan sa kaniya.
6. Ano ang hindi natin gagawin kung nananalangin tayo na pakabanalin ang pangalan ni Jehova?
6 Ang panalangin natin na pakabanalin ang pangalan ni Jehova ay nagpapakita kung saan tayo nakapanig sa isyu ng pansansinukob na soberanya—lubos tayong sumusuporta sa karapatan ni Jehova na pamahalaan ang sansinukob. Nais ni Jehova na manirahan sa sansinukob ang matatalinong nilalang na kusang-loob at nagagalak na magpasakop sa kaniyang matuwid na soberanya dahil iniibig nila siya at ang lahat ng kinakatawanan ng kaniyang pangalan. (1 Cronica 29:10-13; Awit 8:1; 148:13) Tutulong ang pag-ibig natin sa pangalan ni Jehova upang hindi tayo makagawa ng anumang maaaring magdulot ng upasala sa banal na pangalang iyan. (Ezekiel 36:20, 21; Roma 2:21-24) Yamang nakasalalay ang kapayapaan ng sansinukob at ng mga naninirahan dito sa pagpapabanal sa pangalan ni Jehova at sa maibiging pagpapasakop sa kaniyang soberanya, ang ating panalangin na “pakabanalin nawa ang iyong pangalan” ay isang kapahayagan ng ating pagtitiwala na matutupad ang layunin ni Jehova sa ikapupuri niya.—Ezekiel 38:23.
Ang Kaharian na Ipinapanalangin Natin
7, 8. (a)Ano ang Kaharian na itinuro ni Jesus na ipanalangin natin? (b) Ano ang matututuhan natin tungkol sa Kahariang ito sa mga aklat ng Daniel at Apocalipsis?
7 Ang ikalawang kahilingan sa huwarang panalangin ay: “Dumating nawa ang iyong kaharian.” (Mateo 6:10) May malapit na kaugnayan ang kahilingang ito sa unang nabanggit. Ang gagamitin ni Jehova sa pagpapabanal sa kaniyang banal na pangalan ay ang Mesiyanikong Kaharian, na ang wastong hinirang na Hari rito ay ang kaniyang Anak, si Jesu-Kristo. (Awit 2:1-9) Inilalarawan ng hula ni Daniel ang Mesiyanikong Kaharian bilang “isang bato” na natibag sa isang “bundok.” (Daniel 2:34, 35, 44, 45) Kumakatawan ang bundok sa pansansinukob na soberanya ni Jehova, kaya ang Kahariang kinakatawan ng bato ay isang bagong kapahayagan ng pansansinukob na pamamahala ni Jehova. Sa hula, ang bato naman ay “naging isang malaking bundok at pinunô nito ang buong lupa,” na nagpapahiwatig na kakatawanin ng Mesiyanikong Kaharian ang soberanya ng Diyos sa pamamahala sa lupa.
8 Kasama ni Kristo sa pamahalaang ito ng Kaharian ang 144,000 iba pa, na “binili mula sa sangkatauhan” upang mamahalang kasama niya bilang mga hari at mga saserdote. (Apocalipsis 5:9, 10; 14:1-4; 20:6) Tinutukoy sila ni Daniel bilang “mga banal ng Kadaki-dakilaan,” na tatanggap, kasama ni Kristo na kanilang Ulo, ‘ng kaharian at ng pamamahala at ng karingalan ng mga kaharian sa silong ng buong langit. Ang kanilang kaharian ay isang kahariang namamalagi nang walang takda, at ang lahat ng mga pamamahala ay maglilingkod at susunod sa kanila.’ (Daniel 7:13, 14, 18, 27) Iyan ang makalangit na pamahalaan na itinuro ni Kristo na ipanalangin ng kaniyang mga tagasunod.
Bakit Ipananalangin Pa Rin na Dumating ang Kaharian?
9. Bakit angkop na ipanalangin nating dumating ang Kaharian ng Diyos?
9 Sa kaniyang huwarang panalangin, tinuruan tayo ni Kristo na ipanalangin ang pagdating ng Kaharian ng Diyos. Ipinahihiwatig ng katuparan ng hula ng Bibliya na naitatag na sa langit ang Mesiyanikong Kaharian noong 1914.a Kung gayon, angkop pa rin bang ipanalangin nating “dumating” ang Kahariang iyon? Siyempre. Sapagkat sa hula ni Daniel, ang Mesiyanikong Kaharian, na isinasagisag ng isang bato, ay tuwirang makakabangga ng pulitikal na mga pamahalaan ng tao, na isinasagisag ng isang pagkalaki-laking imahen. Tatama pa lamang ang bato sa imaheng iyon, anupat mapupulbos ang imahen dahil sa pagtamang iyon. Sinasabi ng hula ni Daniel: “Ang kaharian ay hindi isasalin sa iba pang bayan. Dudurugin nito at wawakasan ang lahat ng mga kahariang ito, at iyon ay mananatili hanggang sa mga panahong walang takda.”—Daniel 2:44.
10. Bakit natin inaasam-asam ang pagdating ng Kaharian ng Diyos?
10 Inaasam-asam nating makita ang pagdating ng Kaharian ng Diyos laban sa balakyot na sistema ng mga bagay ni Satanas dahil mangangahulugan ito ng pagpapabanal sa banal na pangalan ni Jehova at ng pagpawi sa lahat ng sumasalansang sa soberanya ng Diyos. Marubdob nating ipinapanalangin: “Dumating nawa ang iyong kaharian,” at kasama ni apostol Juan, sinasabi natin: “Amen! Pumarito ka, Panginoong Jesus.” (Apocalipsis 22:20) Oo, dumating nawa si Jesus upang pakabanalin ang pangalan ni Jehova at ipagbangong-puri ang Kaniyang soberanya, upang matupad ang mga salita ng salmista: “Upang malaman ng mga tao na ikaw, na ang pangalan ay Jehova, ikaw lamang ang Kataas-taasan sa buong lupa.”—Awit 83:18.
“Mangyari Nawa ang Iyong Kalooban”
11, 12. (a) Ano ang hinihiling natin kapag nananalangin tayong ‘mangyari ang kalooban ng Diyos, kung paano sa langit, gayundin sa lupa’? (b) Ano pa ang kahulugan ng ipinapanalangin natin na mangyari nawa ang kalooban ni Jehova?
11 Sumunod ay itinuro ni Jesus sa kaniyang mga alagad na ipanalangin: “Mangyari nawa ang iyong kalooban, kung paano sa langit, gayundin sa lupa.” (Mateo 6:10) Umiral ang sansinukob dahil sa kalooban ni Jehova. Sumigaw ang makapangyarihang mga nilalang sa langit: “Ikaw ang karapat-dapat, Jehova, na Diyos nga namin, na tumanggap ng kaluwalhatian at ng karangalan at ng kapangyarihan, sapagkat nilalang mo ang lahat ng bagay, at dahil sa iyong kalooban ay umiral sila at nalalang.” (Apocalipsis 4:11) May layunin si Jehova para sa “mga bagay na nasa langit at [sa] mga bagay na nasa lupa.” (Efeso 1:8-10) Sa pamamagitan ng pananalangin na mangyari nawa ang kalooban ng Diyos, ang totoo ay hinihiling natin kay Jehova na isakatuparan ang kaniyang layunin. Bukod diyan, ipinakikita natin kung gayon na nananabik tayong makita ang katuparan ng kalooban ng Diyos sa buong sansinukob.
12 Sa pamamagitan ng panalanging ito, ipinakikita rin natin ang ating pagnanais na mamuhay kaayon ng kalooban ni Jehova. Sinabi ni Jesus: “Ang aking pagkain ay ang gawin ko ang kalooban niya na nagsugo sa akin at tapusin ang kaniyang gawain.” (Juan 4:34) Gaya ni Jesus, bilang nakaalay na mga Kristiyano, nalulugod tayo sa paggawa ng kalooban ng Diyos. Pinakikilos tayo ng ating pag-ibig kay Jehova at sa kaniyang Anak na mamuhay “hindi na ukol sa mga pagnanasa ng mga tao, kundi ukol sa kalooban ng Diyos.” (1 Pedro 4:1, 2; 2 Corinto 5:14, 15) Sinisikap nating iwasan na gumawa ng mga bagay na alam nating salungat sa kalooban ni Jehova. (1 Tesalonica 4:3-5) Sa pagbili ng panahon para magbasa at mag-aral ng Bibliya, ‘patuloy nating inuunawa kung ano ang kalooban ni Jehova,’ kasali rito ang aktibong pakikibahagi natin sa pangangaral ng “mabuting balitang ito ng kaharian.”—Efeso 5:15-17; Mateo 24:14.
Ang Kalooban ni Jehova sa Langit
13. Paanong noon pa man ay nangyayari na ang kalooban ng Diyos bago pa naganap ang paghihimagsik ni Satanas?
13 Matagal nang nagaganap sa langit ang kalooban ni Jehova bago pa naghimagsik at naging Satanas ang isa sa kaniyang mga espiritung anak. Inilalarawan ng aklat ng Mga Kawikaan ang panganay na Anak ng Diyos bilang personipikasyon ng karunungan. Ipinakikita nito na sa loob ng di-mabilang na haba ng panahon, ang bugtong na Anak ng Diyos ay “nagagalak sa harap niya sa lahat ng panahon,” anupat natutuwang gawin ang kalooban ng kaniyang Ama. Nang dakong huli, siya ay naging “dalubhasang manggagawa” ni Jehova sa paglalang sa lahat ng bagay “sa langit at sa ibabaw ng lupa, ang mga bagay na nakikita at ang mga bagay na di-nakikita.” (Kawikaan 8:22-31; Colosas 1:15-17) Ginamit ni Jehova si Jesus bilang kaniyang Salita, o Tagapagsalita.—Juan 1:1-3.
14. Ano ang matututuhan natin mula sa Awit 103 tungkol sa kung paano ginaganap ng mga anghel ang kalooban ni Jehova sa langit?
14 Ipinakikita ng salmista na nangingibabaw sa lahat ang soberanya ni Jehova at nakikinig sa Kaniyang mga tagubilin at sa Kaniyang mga utos ang pagkarami-raming anghel. Mababasa natin: “Itinatag ni Jehova nang matibay ang kaniyang trono sa mismong langit; at ang kaniyang paghahari ay nagpupuno sa lahat. Pagpalain ninyo si Jehova, O ninyong mga anghel niya, makapangyarihan sa kalakasan, na tumutupad ng kaniyang salita, sa pakikinig sa tinig ng kaniyang salita. Pagpalain ninyo si Jehova, ninyong lahat na mga hukbo niya, ninyong mga lingkod niya, na gumagawa ng kaniyang kalooban. Pagpalain ninyo si Jehova, ninyong lahat na mga gawa niya, sa lahat ng dakong kaniyang pinamumunuan [o, “soberanya”].”—Awit 103:19-22.
15. Paano nakaapekto sa paggawa ng kalooban ng Diyos sa langit ang pagtanggap ni Jesus ng kapangyarihan ng Kaharian?
15 Pagkatapos ng kaniyang paghihimagsik, nakapupunta pa rin si Satanas sa langit, gaya ng ipinahihiwatig sa aklat ng Job. (Job 1:6-12; 2:1-7) Gayunman, inihula ng aklat ng Apocalipsis na darating ang panahon na palalayasin sa langit si Satanas at ang kaniyang mga demonyo. Lumilitaw na sumapit ang panahong iyon di-nagtagal pagkaraang tanggapin ni Jesu-Kristo ang kapangyarihan ng Kaharian noong 1914. Mula noon, wala nang dako sa langit ang mga rebeldeng iyon. Pinanatili na sila sa palibot ng lupa. (Apocalipsis 12:7-12) Wala nang naririnig na tumututol na tinig sa langit, pawang mga tinig na lamang na nagsasama-sama sa pagbubunyi sa “Kordero,” si Kristo Jesus, at sa mapagpasakop na pagpuri kay Jehova. (Apocalipsis 4:9-11) Talaga ngang nagaganap na ang kalooban ni Jehova sa langit.
Ang Kalooban ni Jehova Para sa Lupa
16. Paano pinabubulaanan ng huwarang panalangin ang turo ng Sangkakristiyanuhan may kinalaman sa pag-asa ng sangkatauhan?
16 Hindi isinasama ng mga simbahan ng Sangkakristiyanuhan ang lupa sa mga layunin ng Diyos, anupat iginigiit na magtutungo sa langit ang lahat ng mabubuting tao. Ngunit tinuruan tayo ni Jesus na ipanalangin: “Dumating nawa ang iyong kaharian. Mangyari nawa ang iyong kalooban, kung paano sa langit, gayundin sa lupa.” (Mateo 6:10) Masasabi ba, kahit sa guniguni man lamang, na nagaganap na sa pangkalahatan ang kalooban ni Jehova sa ngayon sa isang lupa na sinasalot ng karahasan, kawalang-katarungan, sakit, at kamatayan? Hinding-hindi! Kung gayon, dapat nating marubdob na ipanalangin na mangyari nawa ang kalooban ng Diyos sa lupa, kasuwato ng pangako na iniulat ni apostol Pedro: “May mga bagong langit [ang pamahalaan ng Mesiyanikong Kaharian sa pamamagitan ni Kristo] at isang bagong lupa [isang matuwid na lipunan ng tao] na ating hinihintay ayon sa kaniyang pangako, at sa mga ito ay tatahan ang katuwiran.”—2 Pedro 3:13.
17. Ano ang layunin ni Jehova para sa lupa?
17 May layunin si Jehova sa paglalang sa lupa. Kinasihan niya si propeta Isaias upang isulat: “Ito ang sinabi ni Jehova, na Maylalang ng langit, Siya na tunay na Diyos, na Tagapag-anyo ng lupa at Maylikha nito, Siya na nagtatag nito nang matibay, na hindi niya nilalang na walang kabuluhan, na nag-anyo nito upang tahanan: ‘Ako ay si Jehova, at wala nang iba pa.’ ” (Isaias 45:18) Inilagay ng Diyos ang unang mag-asawa sa isang paraisong hardin at inutusan sila: “Magpalaanakin kayo at magpakarami at punuin ninyo ang lupa at supilin iyon.” (Genesis 1:27, 28; 2:15) Maliwanag, layunin ng Maylalang na panahanan ang lupa ng sakdal na lahi ng matutuwid na tao na maligayang nagpapasakop sa soberanya ni Jehova at namumuhay nang walang hanggan sa Paraisong ipinangako ni Kristo.—Awit 37:11, 29; Lucas 23:43.
18, 19. (a) Ano ang dapat munang gawin bago lubos na mangyari ang kalooban ng Diyos sa lupa? (b) Anu-ano pang ibang aspekto ng huwarang panalangin ni Jesus ang susuriin sa susunod na artikulo?
18 Hindi lubos na magaganap kailanman ang kalooban ni Jehova may kaugnayan sa lupa habang pinananahanan ang lupa ng mga lalaki at babae na sumasalansang sa kaniyang soberanya. Ginagamit ang makapangyarihang mga puwersang espiritu sa ilalim ng pangunguna ni Kristo, ‘ipapahamak ng Diyos yaong mga nagpapahamak sa lupa.’ Papawiin na magpakailanman ang buong balakyot na sistema ng mga bagay ni Satanas, kasama na ang huwad na relihiyon, tiwaling pulitika, sakim at di-matapat na komersiyo, at mapamuksang militar nito. (Apocalipsis 11:18; 18:21; 19:1, 2, 11-18) Ipagbabangong-puri ang soberanya ni Jehova at pakababanalin ang kaniyang pangalan. Ipinapanalangin natin ang lahat ng ito kapag sinasabi natin: “Ama namin na nasa langit, pakabanalin nawa ang iyong pangalan. Dumating nawa ang iyong kaharian. Mangyari nawa ang iyong kalooban, kung paano sa langit, gayundin sa lupa.”—Mateo 6:9, 10.
19 Gayunman, sa kaniyang huwarang panalangin, ipinakita ni Jesus na maaari rin tayong manalangin tungkol sa personal na mga bagay. Susuriin sa susunod na artikulo ang mga aspektong ito ng kaniyang tagubilin hinggil sa panalangin.
[Talababa]
a Tingnan ang kabanata 6 ng aklat na Magbigay-Pansin sa Hula ni Daniel!, inilathala ng mga Saksi ni Jehova.
Bilang Repaso
• Bakit angkop na tawagin nating “Ama namin” si Jehova?
• Bakit napakahalaga para sa atin na ipanalangin ang pagpapabanal sa pangalan ni Jehova?
• Bakit ipinapanalangin natin ang pagdating ng Kaharian ng Diyos?
• Ano ang ipinahihiwatig kapag ipinapanalangin natin na mangyari nawa ang kalooban ng Diyos sa lupa kung paano sa langit?
[Larawan sa pahina 9]
Malaki ang pagkakaiba ng mga panalangin ni Jesus sa mapagbanal-banalang mga panalangin ng mga Pariseo
[Larawan sa pahina 10]
Ipinapanalangin ng mga Kristiyano na dumating ang Kaharian ng Diyos, pakabanalin ang kaniyang pangalan, at mangyari ang kaniyang kalooban