Sino ang mga Anabaptist?
ANG mga taong nakapasyal sa kauna-unahang pagkakataon sa sentro ng lunsod ng Münster sa Westphalia, Alemanya, ay halos palaging humihinto upang tingnang maigi ang tatlong bakal na kulungang nakabitin sa isang tore ng simbahan. Maliban sa ilang maiikling yugto ng panahon, ang mga kulungang iyon ay naroroon na sa loob ng halos 500 taon. Naroroon dati ang mga katawan ng tatlong lalaking pinahirapan at pinatay sa madla. Ang mga lalaki ay mga Anabaptist, at ang mga kulungan ay mga relikya ng kanilang kaharian.
Sino ang mga Anabaptist? Paano ba nagsimula ang kanilang grupo? Ano ang kanilang pangunahing mga turo? Bakit kaya pinatay ang mga lalaking iyon? At ano ang kaugnayan ng tatlong kulungan sa isang kaharian?
Repormahin ang Simbahan—Ngunit Paano?
Noong huling bahagi ng ika-15 siglo at unang bahagi ng ika-16 na siglo, tumindi ang kritisismo laban sa Simbahang Romano Katoliko at sa klero. Laganap ang katiwalian at imoralidad sa simbahan; kaya, marami ang nag-akalang kailangan ang malalaking pagbabago. Noong 1517, hayagang hiniling ni Martin Luther ang pagrereporma sa simbahan, at dahil sumama ang iba pa sa pagtatalo, di-nagtagal ay nagsimula ang Repormasyong Protestante.
Pero walang iisang plano ang mga repormador hinggil sa kung ano ang dapat gawin o kung gaano kalaki ang dapat gawing pagbabago. Natanto ng marami ang pangangailangan na manghawakan sa Bibliya pagdating sa mga bagay-bagay hinggil sa pagsamba. Gayunman, hindi magkasundo ang mga repormador kahit man lamang sa iisang interpretasyon sa mga turo ng Bibliya. Inakala naman ng ilan na napakabagal ng pagsulong ng Repormasyon. At sa mga repormador na ito nagsimula ang grupong Anabaptist.
“Ang totoo, hindi lamang iisa ang grupo ng mga baptist; may iba pang mga grupo,” ang sulat ni Hans-Jürgen Goertz sa kaniyang aklat na Die Täufer—Geschichte und Deutung. Halimbawa, noong 1521, apat na lalaking nakilala bilang mga propeta ng Zwickau ang nakapukaw ng pansin ng marami nang ipangaral nila ang mga turo ng mga Anabaptist sa Wittenberg. At noong 1525, isang hiwalay na grupo ng mga Anabaptist ang itinatag sa Zurich, Switzerland. Itinatag din ang mga komunidad ng mga Anabaptist sa Moravia—ngayo’y Czech Republic—at sa Netherlands.
Bautismo—Para sa mga Bata o Para sa mga Adulto?
Maliliit ang karamihan sa mga komunidad ng mga Anabaptist, at sa pangkalahatan, mapapayapa naman ang mga miyembro nito. Hindi inililihim ng mga tagapagtaguyod nito ang kanilang mga paniniwala; sa katunayan, nangangaral sila sa iba. Ang pangunahing mga doktrina ng pananampalataya ng mga Anabaptist ay binanggit sa Schleitheim Confession noong 1527. Kasama rito ang pagtanggi nilang magsundalo, pananatiling hiwalay sa sanlibutan, at pagtitiwalag sa mga manggagawa ng kamalian. Pero ang pinakanamumukod-tanging paniniwala nila, na malinaw na naghiwalay sa mga Anabaptist mula sa iba pang mga relihiyon, ay ang paninindigang ang bautismo ay para sa mga adulto at hindi para sa mga bata.a
Ang bautismo sa mga adulto ay hindi lamang isang isyu hinggil sa relihiyosong doktrina; isa itong isyu hinggil sa kapangyarihan. Kapag ipinagpaliban ang bautismo hanggang sa pagkaadulto—sa gayo’y pinahihintulutan ang indibiduwal na magpasiya salig sa pananampalataya—baka hindi na kailanman mabautismuhan ang ilan. At ang mga indibiduwal na hindi bautisado, sa isang antas, ay mananatiling wala sa ilalim ng kontrol ng simbahan. Para sa ilang simbahan, ang bautismo sa mga adulto ay nangangahulugan ng pagkawala ng kapangyarihan.
Kaya nais kapuwa ng mga Katoliko at mga Luterano na hadlangan ang pagsasagawa ng mga bautismo sa mga adulto. Pagkatapos ng 1529, sa ilang lugar sa paanuman, yaong mga nagsasagawa ng bautismo sa mga adulto o yaong mga binautismuhan bilang mga adulto ay malamang na makatanggap ng parusang kamatayan. Ipinaliwanag ng peryodistang si Thomas Seifert na ang mga Anabaptist ay “malupit na inusig sa buong Banal na Imperyong Romano ng Bansang Aleman.” Pinakamatindi ang pag-uusig sa Münster.
Hinangad ng Münster Noong Edad Medya ang Pagbabago
Mga 10,000 ang tumatahan sa Münster noong Edad Medya at pinalilibutan ito ng kuta na halos di-magagapi, mga 90 metro ang lapad at mga 5 kilometro ang sirkumperensiya. Subalit ang situwasyon sa loob ng lunsod ay hindi kasintatag ng depensa nito. Binanggit ng The Kingdom of the Anabaptists, na inilathala ng City Museum of Münster, ang “panloob na mga di-pagkakasundo sa pulitika sa pagitan ng mga Konsehal ng Lunsod at ng mga Samahan.” Karagdagan pa, galít ang mga residente sa paggawi ng klero. Tinanggap ng Münster ang Repormasyon at noong 1533, nagbago ito mula sa pagiging Katolikong lunsod tungo sa pagiging Luterano.
Ang isa sa pangunahing mga mangangarál na repormista sa Münster ay si Bernhard Rothmann, isang waring mapusok na indibiduwal. Ipinaliwanag ng awtor na si Friedrich Oehninger na ang “mga pangmalas [ni Rothmann] ay malinaw na Anabaptist; siya at ang iba pa niyang mga kasamahan ay tumangging magbautismo ng mga sanggol.” Marami ang sumuporta sa kaniya sa Münster, bagaman ang radikal niyang mga pangmalas ay labis-labis para sa ilan. “Parami nang parami sa mga umiibig sa dating kaayusan ang umalis sa lunsod, taglay ang kabalisahan at pangamba. Nagdagsaan naman sa Münster ang mga Anabaptist mula sa lahat ng panig, na umaasang matutupad ang kanilang mga mithiin.” Ang pag-iipong ito ng mga Anabaptist sa Münster ay umakay sa isang kahila-hilakbot na kaganapan.
Kinubkob ang Bagong Jerusalem
Dalawang Olandes na nandayuhan sa Münster—si Jan Mathys, isang panadero mula sa Haarlem, at si Jan Beuckelson, na kilala bilang John of Leiden—ang gumanap ng mahalagang papel sa mga kaganapan doon. Sinabi ni Mathys na isa raw siyang propeta at inihayag ang Abril 1534 bilang ang panahon ng ikalawang pagdating ni Kristo. Idineklara ang lunsod bilang ang Bagong Jerusalem na binabanggit sa Bibliya, at ang pakiramdam ng karamihan ay waring malapit nang dumating ang wakas. Nagpasiya si Rothmann na lahat ng ari-arian ay dapat gawing pagmamay-ari ng buong komunidad. Dapat magpasiya ang mga adultong residente: Magpabautismo o umalis sa lunsod. Kasama sa lansakang pagbabautismo ang mga nagpabautismo para lamang hindi nila maiwanan ang kanilang tahanan at mga ari-arian.
Nadismaya naman ang ibang komunidad nang ang Münster ay maging ang unang lunsod kung saan ang mga Anabaptist ang pinakamalakas na relihiyoso at pulitikal na puwersa. Dahil dito, ayon sa aklat na Die Täufer zu Münster, “napoot sa Münster ang buong Banal na Imperyong Romano ng Bansang Aleman.” Isang lokal na dignitaryo, ang prinsipe-obispo na si Konde Franz von Waldeck, ang nagtipon ng isang hukbo upang kubkubin ang Münster. Ang hukbong iyon ay binubuo ng mga Luterano at mga Katoliko. Ang dalawang relihiyong ito, na dati’y magkaaway sa Repormasyon at di-magtatagal ay magkakaroon ng alitan sa Tatlumpung Taóng Digmaan, ay nagsanib ng puwersa laban sa mga Anabaptist.
Pagkawasak ng Kaharian ng mga Anabaptist
Hindi natakot sa lakas ng kumukubkob na hukbo ang mga taong ipinagsasanggalang ng mga pader ng lunsod. Noong Abril 1534, sa panahong ipinapalagay na magaganap ang ikalawang pagdating ni Kristo, lumabas si Mathys sa lunsod sakay ng isang puting kabayo, anupat umaasa ng proteksiyon mula sa Diyos. Gunigunihin ang panghihilakbot ng mga tagasuporta ni Mathys nang sumilip sila sa itaas ng pader ng lunsod at makitang pinagputul-putol ng kumukubkob na mga sundalo si Mathys at itinaas sa isang tulos ang kaniyang ulo.
Si John of Leiden ang humalili kay Mathys at pinanganlang Haring Jan ng mga Anabaptist sa Münster. Sinikap niyang ituwid ang pagiging di-balanse ng mga kasarian—mas maraming babae sa lunsod kaysa sa mga lalaki—sa pamamagitan ng pagpapasigla sa mga lalaki na kumuha ng maraming asawa hangga’t gusto nila. Bilang paglalarawan sa mga kalabisan sa paggawi sa loob ng kaharian ng mga Anabaptist sa Münster, ang parusa sa pangangalunya at pakikiapid ay kamatayan, samantalang ang poligamya ay pinahihintulutan, anupat pinasisigla pa nga. Si Haring Jan mismo ay may 16 na asawa. Nang ang isa sa kanila, si Elisabeth Wandscherer, ay humingi ng pahintulot na umalis sa lunsod, pinugutan siya ng ulo sa madla.
Tumagal ang pagkubkob nang 14 na buwan, hanggang Hunyo 1535 nang sa wakas ay bumagsak ang lunsod. Naranasan ng Münster ang pagkawasak na gaya ng pagkawasak dito noong Digmaang Pandaigdig II. Nakatakas si Rothmann, pero si Haring Jan at ang dalawang iba pang nangungunang Anabaptist ay nahuli, pinahirapan, at pinatay. Ang mga katawan nila ay inilagay sa mga kulungang ibinitin sa tore ng Simbahan ng St. Lambert. Ang layunin nito ay “upang magsilbing isang nakapanghihilakbot na babala sa lahat ng potensiyal na manggugulo,” ang paliwanag ni Seifert. Oo, ang pakikialam sa pulitika ay nagdulot ng mararahas na resulta.
Ano kaya ang nangyari sa iba pang mga komunidad ng mga Anabaptist? Nagpatuloy ang pag-uusig sa loob ng ilang taon sa buong Europa. Ang karamihan sa mga Anabaptist ay nanghawakan sa kanilang mga simulaing pasipista, bagaman may ilang nakipagdigma. Nang maglaon, ang dating pari na si Menno Simons ang nanguna sa mga Anabaptist, at ang grupo ay nakilala sa dakong huli bilang mga Mennonita o sa ibang mga pangalan.
Ang Tatlong Kulungan
Ang mga Anabaptist ay pangunahin nang relihiyosong mga tao na nagsikap manghawakan sa mga simulain ng Bibliya. Ngunit ang mga radikal sa Münster ang umakay sa mga Anabaptist na talikuran ang landasing iyan at makisangkot sa pulitika. Nang mangyari ito, ang grupo ay naging isang rebolusyonaryong puwersa. Nangahulugan ito ng kapahamakan sa grupong Anabaptist at sa lunsod ng Münster noong Edad Medya.
Ang mga pumapasyal sa sentro ng lunsod na ito ay napaaalalahanan pa rin hinggil sa kahila-hilakbot na mga pangyayaring ito halos 500 taon na ang nakalilipas. Paano? Sa pamamagitan ng tatlong bakal na kulungang nakabitin sa tore ng simbahan.
[Talababa]
a Hindi sinusuri ng artikulong ito ang mga argumentong sumusuporta o sumasalungat sa bautismo sa mga bata. Para sa higit pang detalye hinggil sa paksang ito, tingnan ang artikulong “Dapat Bang Bautismuhan ang mga Sanggol?” sa Ang Bantayan ng Marso 15, 1986.
[Mga larawan sa pahina 13]
Si King Jan ay pinahirapan, pinatay, at ibinitin sa tore ng Simbahan ng St. Lambert