“Gusto Naming Sabihing, ‘Oo!’”
ANG tanggapang pansangay ng mga Saksi ni Jehova sa Nigeria ay nakatanggap kamakailan ng liham, na sa isang bahagi ay nagsasabi ng ganito:
“Namatay ang anak naming lalaki, si Anderson, nang siya’y 14 na taóng gulang. Bago siya namatay, nagpapalaki siya ng dalawang manok. Gusto niyang ipagbili ang mga ito at pagkatapos ay ipadala ang salapi sa tanggapang pansangay bilang kontribusyon sa pambuong-daigdig na gawaing pangangaral. Subalit namatay siya bago pa maipagbili ang mga ito.
“Upang matupad ang kagustuhan niya, kami, na mga magulang niya, ang nagpalaki sa mga manok at ipinagbili namin ang mga ito. Ipinadadala namin ang salapi sa inyo bilang kontribusyon ni Anderson. Dahil sa pangako ni Jehova, nakatitiyak kami na malapit na naming makitang muli si Anderson—malapit na malapit na. Gusto naming sabihing, ‘Oo!’ kapag itinanong niya kung nagawa namin ang gustung-gusto niyang gawin. Talagang inaasam-asam naming makita hindi lamang si Anderson kundi gayundin ang ‘malaking ulap ng mga Saksi’ na bubuhaying muli.”—Hebreo 12:1; Juan 5:28, 29.
Gaya ng malinaw na ipinakikita ng liham sa itaas, ang paniniwala sa pagkabuhay-muli ay isang pag-asang nagpapalakas sa tunay na mga Kristiyano. Kaylaking kagalakan ang mararanasan ng milyun-milyong pamilya kapag, gaya ng pamilya ni Anderson, sinalubong nila ang kanilang mga mahal sa buhay na napawalay sa kanila dahil sa kaaway na kamatayan!—1 Corinto 15:24-26.
Ibinibigay ng Salita ng Diyos ang nakaaaliw na pag-asang ito na pagkabuhay-muli bilang isa sa maraming kamangha-manghang bagay na malapit nang matupad sa matuwid na bagong sanlibutan sa ilalim ng Kaharian ng Diyos. (2 Pedro 3:13) Hinggil sa gagawin ng Diyos para sa mga tao sa panahong iyon, sinasabi ng Bibliya: “Papahirin niya ang bawat luha sa kanilang mga mata, at hindi na magkakaroon ng kamatayan, ni ng pagdadalamhati o ng paghiyaw o ng kirot pa man. Ang mga dating bagay ay lumipas na.”—Apocalipsis 21:4.