Ano ang Nagbibigay ng Tunay na Kahulugan sa Buhay?
NANG tanungin si Jesse, isang 17-taóng-gulang na estudyante sa haiskul, hinggil sa kahulugan ng buhay, sumagot siya, “Magpakasaya ka sa abot ng iyong makakaya, hangga’t buháy ka.” May naiiba namang pangmalas si Suzie. “Lubos ang paniniwala ko na tayo mismo ang nagbibigay ng kahulugan sa ating buhay,” ang sabi niya.
Napag-isipan mo na ba kung ano ang kahulugan ng buhay? Mayroon bang iisang layunin para sa buong sangkatauhan? O tama kaya si Suzie—na tayo ang sadyang nagbibigay ng kahulugan sa ating buhay? Anuman ang maging pagsulong ng lipunan sa larangan ng teknolohiya, mayroon tayong panloob na hangaring malaman ang kahulugan ng buhay. Sa isang yugto ng ating buhay, iniisip ng marami sa atin, ‘Bakit tayo naririto?’
Sinisikap ng modernong siyensiya na sagutin ang tanong na iyan. Ano ang resulta? “Ang pagiging buháy ay likas na walang kahulugan sa proseso ng ebolusyon,” ang sabi ni David P. Barash, propesor sa sikolohiya at soolohiya. Para sa mga biyologong naniniwala sa ebolusyon, ang nabubuhay na mga bagay ay may iisang layunin lamang: manatiling buháy at magparami. Kaya, iminumungkahi ni Propesor Barash: “Sa isang napakalawak na sansinukob na salat sa layunin at walang malasakit sa mga tao, responsibilidad ng mga tao na bigyang-kahulugan ang ating buhay sa pamamagitan ng malaya, may-kabatiran, at sadyang mga pagpili na ginagawa natin.”
Ang Pinagmumulan ng Kahulugan at Layunin
Kung gayon, iyon lamang ba ang kahulugan ng buhay—bawat isa sa atin ay gumagawa ng anumang kaniyang maibigan? Sa halip na hayaan tayong magpalabuy-laboy nang walang patutunguhan sa isang sansinukob na walang layunin o kahulugan, matagal nang isinisiwalat ng Bibliya na may dahilan kung bakit tayo naririto. Hindi lamang nagkataon ang ating pag-iral. Ipinababatid sa atin na gumugol ang Maylalang ng napakatagal na panahon sa paghahanda sa lupa para panirahan ng tao. Walang anumang bagay ang umiral nang di-sinasadya. Tiniyak niya na ang lahat ay “napakabuti.” (Genesis 1:31; Isaias 45:18) Bakit? Ito’y dahil may layunin ang Diyos para sa tao.
Gayunman, kapansin-pansin na hindi itinadhana ng Diyos ang kinabukasan ng bawat indibiduwal, sa pamamagitan man ng Kaniyang pakikialam o sa pamamagitan ng ilang biyolohikal na proseso. Bagaman naiimpluwensiyahan tayo ng ating namanang mga gene, tayo mismo ang pangunahing kumokontrol sa ating mga paggawi. Malaya tayong pumili ng ating sariling landasin sa buhay.
Bagaman nakasalalay sa bawat isa sa atin kung ano ang ipapasiya nating gawin sa ating buhay, isang pagkakamali na ipuwera ang Maylalang sa ating mga plano. Sa katunayan, natutuklasan ng marami na ang tunay na kahulugan at layunin sa buhay ay nakasalalay sa pakikipag-ugnayan sa Diyos. Ang mahalagang kaugnayan sa pagitan ng Diyos at ng ating layunin sa buhay ay itinatampok sa personal na pangalan ng Diyos, na Jehova, na literal na nangangahulugang, “Kaniyang Pinangyayaring Magkagayon.” (Exodo 6:3; Awit 83:18) Nangangahulugan ito na pasulong niyang tinutupad ang anumang kaniyang ipinangako at lagi niyang isinasagawa ang nilalayon niyang gawin. (Exodo 3:14; Isaias 55:10, 11) Pag-isipan iyon. Ang pangalang Jehova ay isang garantiya para sa ating lahat na siya ang orihinal at walang-hanggang Pinagmumulan ng makabuluhang layunin.
Ang pagtanggap pa lamang sa pag-iral ng Maylalang ay may malaki nang epekto sa pangmalas ng isang tao sa buhay. Si Linet, 19 na taóng gulang, ay nagsabi ng ganito: “Ang pagkaalam sa lahat ng kamangha-manghang bagay na nilalang ni Jehova at sa layunin ng mga ito ay nagpapabatid sa akin na may dahilan din kung bakit ako nilalang.” Idinagdag pa ni Amber: “Kapag sinasabi ng mga tao na hindi nila alam kung umiiral ang Diyos, nagpapasalamat ako na nalalaman kong umiiral siya. Makikita ang katibayan na umiiral si Jehova sa mismong mga bagay na kaniyang ginawa.” (Roma 1:20) Sabihin pa, isang bagay ang kilalanin na umiiral ang Maylalang, subalit ibang bagay naman ang paglilinang ng makabuluhang kaugnayan sa kaniya.
Pakikipagkaibigan sa Diyos
Makatutulong din ang Bibliya hinggil sa bagay na ito. Ang pambungad na mga kabanata nito ay nagbibigay ng malinaw na katibayan na ang Diyos na Jehova ay isang maibiging Ama. Halimbawa, hindi niya nilalang sina Adan at Eva at pagkatapos ay iniwan sila na walang nalalaman tungkol sa kaniya. Sa halip, regular siyang nakipagtalastasan sa kanila. Hindi niya sila iniwan sa Eden nang walang patnubay at pagkatapos ay nagpakaabala naman sa ibang mga bagay. Sa halip, binigyan niya sila ng espesipikong tagubilin hinggil sa pinakamahusay na paraan ng pamumuhay. Binigyan niya sila ng kasiya-siyang gawain, at gumawa siya ng kaayusan upang patuloy silang maturuan. (Genesis 1:26-30; 2:7-9) Hindi ba’t ganito ang aasahan mo sa isang may-kakayahan at mapagmahal na magulang? Pag-isipan ngayon ang kahulugan niyan. “Ang pagkaalam na nilalang ni Jehova ang lupa at dinisenyo tayo na may kakayahang masiyahan sa kaniyang nilalang,” ang sabi ni Denielle, “ay nagpapabatid sa akin na nais niyang maging maligaya tayo.”
Bukod pa riyan, gaya ng sinumang maibiging ama, nais ni Jehova na magkaroon ng personal na kaugnayan sa kaniya ang lahat ng kaniyang mga anak. Hinggil sa bagay na ito, tinitiyak sa atin ng Gawa 17:27: “Hindi siya malayo sa bawat isa sa atin.” Ano ang kahalagahan nito? Ganito ang sabi ni Amber: “Ang pagkakilala kay Jehova ay nagbigay-katiyakan sa akin na hindi ako kailanman lubusang nag-iisa. Anuman ang mangyari, lagi akong may malalapitan.” Bukod diyan, habang nakikilala mo si Jehova, masusumpungan mo na siya’y mabait, makatarungan, at mabuti. Maaasahan mo siya. “Nang maging matalik kong kaibigan si Jehova,” ang sabi ni Jeff, “nalaman kong wala nang sinuman ang higit na handang maglaan ng tulong kapag kailangan ko ito.”
Nakalulungkot, maraming di-kaayaayang bagay ang sinasabi hinggil kay Jehova. Siya ang sinisisi sa maraming pagdurusang nararanasan ng tao at sa mga problemang dulot ng maling paggawi ng relihiyosong mga tao. Ang ilan sa pinakamalulubhang kabuktutan sa kasaysayan ng tao ay ibinibintang sa kaniya. Subalit ipinaliliwanag ng Deuteronomio 32:4, 5: “Ang lahat ng kaniyang mga daan ay katarungan. . . . Sila ay gumawi nang kapaha-pahamak sa ganang kanila; sila ay hindi niya mga anak, ang kapintasan ay kanila.” Kaya, kinakailangang tayo mismo ang magsuri sa mga katotohanan.—Deuteronomio 30:19, 20.
Natupad ang mga Layunin ng Diyos
Gayunman, anuman ang ipasiya natin, walang makapipigil sa Diyos sa lubusang pagsasakatuparan ng kaniyang layunin para sa lupa at sa sangkatauhan. Tutal, siya ang Maylalang. Kung gayon, ano ang layuning iyon? Tinukoy ito ni Jesu-Kristo sa kaniyang Sermon sa Bundok nang sabihin niya: “Maligaya ang mga mahinahong-loob, yamang mamanahin nila ang lupa.” Nang maglaon, ipinaalam niya sa kaniyang apostol na si Juan na determinado ang Diyos na “ipahamak yaong mga nagpapahamak sa lupa.” (Mateo 5:5; Apocalipsis 11:18) Dahil kasama ng Diyos si Jesus sa panahon ng paglalang, alam niya na mula pa sa pasimula ay layunin na ng Diyos na magkaroon ng isang sakdal na pamilya ng tao na maninirahan sa lupa magpakailanman sa isang paraiso. (Genesis 1:26, 27; Juan 1:1-3) At hindi nagbabago ang Diyos. (Malakias 3:6) “Tiyak na kung ano ang aking inisip,” ang pangako ng Diyos sa atin, “gayon ang mangyayari; at kung ano ang aking ipinasiya, iyon ang magkakatotoo.”—Isaias 14:24.
Sa ating panahon, sinimulan na ni Jehova ang paglalatag ng mga pundasyon ng nagkakaisang komunidad na nakasalig, hindi sa kasakiman at pansariling interes gaya ng umiiral sa ating daigdig sa ngayon, kundi sa pag-ibig sa Diyos at sa kapuwa. (Juan 13:35; Efeso 4:15, 16; Filipos 2:1-4) Isa itong boluntaryong samahan na binubuo ng mga taong interesadong sumulong at lubhang naganyak ng kanilang pananampalataya na tuparin ang kanilang atas—ipangaral ang mabuting balita ng dumarating na Kaharian ng Diyos bago magwakas ang sistemang ito ng mga bagay. (Mateo 24:14; 28:19, 20) Sa mahigit 230 lupain, magkakasama nang sumasamba ang mahigit sa anim na milyong Kristiyano sa isang maibigin at nagkakaisang internasyonal na kapatiran.
Bigyan ng Kahulugan ang Iyong Buhay
Kung hinahangad mong magkaroon ng higit na kahulugan ang iyong buhay, dapat mong malaman na inaanyayahan ka ng Diyos na Jehova na makisama ngayon sa kaniyang bayan—ang kaniyang “matuwid na bansa.” (Isaias 26:2) Subalit marahil ay iniisip-isip mo, ‘Ano kaya ang buhay sa Kristiyanong komunidad na ito? Gusto ko ba talagang maging bahagi nito?’ Pakinggan ang sinasabi ng ilang kabataan:
Quentin: “Ang kongregasyon ang proteksiyon ko mula sa sanlibutan. Ang pagkaalam na bahagi si Jehova ng aking buhay ay tumutulong sa akin na maunawaang umiiral siya at nais niyang maging maligaya ako.”
Jeff: “Ang kongregasyon ang pinakamainam na lugar na maaari kong puntahan upang mapatibay-loob. Naroroon ang aking mga kapatid na lalaki at babae, na nagbibigay ng kanilang suporta at papuri. Sila talaga ang aking kapamilya.”
Linet: “Ang kagalakan na makitang tinanggap ng isa ang katotohanan sa Bibliya at nagpasiyang maglingkod kay Jehova ay hindi maihahambing sa anupamang ibang bagay. Nagdudulot ito ng malaking kasiyahan sa aking buhay.”
Cody: “Walang kabuluhan ang buhay ko kung wala si Jehova. Malamang na walang patutunguhan ang buhay ko tulad ng marami pang iba, na nagsisikap na hanapin ang kaligayahan subalit hindi ito masumpungan. Sa halip, binigyan ako ni Jehova ng napakadakilang pribilehiyo na magkaroon ng kaugnayan sa kaniya, at iyan ang nagbibigay ng kahulugan sa aking buhay.”
Bakit hindi ka mismo magsuri? Matutuklasan mo na sa pamamagitan ng pagiging malapít sa iyong Maylalang, ang Diyos na Jehova, makasusumpong ka ng tunay na kahulugan sa buhay.
[Mga larawan sa pahina 31]
Ang kaugnayan sa Diyos ay nagbibigay ng kahulugan sa ating buhay
[Picture Credit Line sa pahina 29]
NASA photo