Makokontrol Mo ba ang Iyong Kahihinatnan?
NAKATAKDA na kaya ang mangyayari sa atin sa dakong huli? Wala bang epekto sa ating kinabukasan ang mga pagpiling ginagawa natin sa buhay?
Ipagpalagay nating kontrolado ng tao ang kaniyang kahihinatnan. Kung gayon, maaari kayang patiunang italaga ang sinumang indibiduwal upang ganapin ang isang partikular na gawain o hawakan ang isang katungkulan? At paano maisasagawa ng Diyos ang kaniyang kalooban sa lupa kung malayang nakokontrol ng mga tao ang kanilang sariling kahihinatnan? Naglalaan ang Bibliya ng kasiya-siyang mga sagot sa tanong na ito.
Predestinasyon at Malayang Kalooban—Magkasuwato?
Isaalang-alang ang pagkalalang sa atin ng Diyos na Jehova. “Nilalang niya [ang tao] ayon sa larawan ng Diyos; nilalang niya sila na lalaki at babae,” ang sabi sa Bibliya. (Genesis 1:27) Palibhasa’y ginawa sa wangis ng Diyos, kaya nating ipamalas ang kaniyang mga katangian gaya ng pag-ibig, katarungan, karunungan, at kapangyarihan. Binigyan din tayo ng Diyos ng malayang kalooban, o kalayaang pumili. Ito ang ipinagkaiba natin sa iba pang nilalang niya sa lupa. Maaari tayong magpasiya kung susundin natin o hindi ang patnubay ng Diyos hinggil sa moral. Kaya naman masasabi ng propetang si Moises: “Kinukuha ko ang langit at ang lupa bilang mga saksi laban sa inyo ngayon, na inilagay ko ang buhay at kamatayan sa harap mo, ang pagpapala at ang sumpa; at piliin mo ang buhay upang manatili kang buháy, ikaw at ang iyong supling, sa pamamagitan ng pag-ibig kay Jehova na iyong Diyos, sa pamamagitan ng pakikinig sa kaniyang tinig at sa pamamagitan ng pananatili sa kaniya.”—Deuteronomio 30:19, 20.
Gayunman, ang kaloob na kalayaang pumili ay hindi nangangahulugan ng lubus-lubusang kalayaan. Hindi tayo pinalalaya nito mula sa pisikal at moral na mga kautusang ginawa ng Diyos alang-alang sa katatagan at kapayapaan ng sansinukob. Itinakda ang mga kautusang ito para sa ating kapakinabangan, at ang anumang paglabag dito ay hahantong sa masasamang kahihinatnan. Isip-isipin na lamang ang mangyayari kung ipagwawalang-bahala natin ang batas ng grabidad at tatalon tayo mula sa bubong ng isang mataas na gusali!—Galacia 6:7.
Ang kalayaang pumili ay nag-aatang sa atin ng ilang pananagutan na hindi taglay ng mga nilalang na walang gayong uri ng kalayaan. Ganito ang itinanong ng manunulat na si Corliss Lamont: “Paano natin papanagutin ang mga tao sa kanilang paggawi, at parurusahan sila dahil sa masamang gawa, kung inaamin naman natin . . . na patiuna nang itinakda ang kanilang mga pasiya at paggawi?” Siyempre, hindi natin puwedeng gawin iyon. Palibhasa’y pinakikilos lamang ng katutubong ugali, hindi maaaring panagutin ang mga hayop sa ginagawa ng mga ito, ni maaari mang sisihin ang mga computer sa mga gawain na nakaprograma nang gawin nito. Kaya mabigat ang responsibilidad na nakaatang sa atin at mananagot tayo sa ating mga paggawi dahil sa taglay nating kalayaan na pumili.
Kawalang-pag-ibig at kawalang-katarungan sa bahagi ng Diyos na Jehova kung bago pa man tayo ipanganak ay patiuna na niyang itinakda ang landas na itataguyod natin at pagkatapos ay papanagutin tayo sa ating mga paggawi! Hindi niya ginagawa ito sapagkat “ang Diyos ay pag-ibig,” at ang “lahat ng kaniyang mga daan ay katarungan.” (1 Juan 4:8; Deuteronomio 32:4) Pinagkalooban tayo ng Diyos ng kalayaang pumili, kaya hindi niya ‘itinakda mula pa noong unang panahon kung sino ang ililigtas niya at kung sino ang ipapahamak niya,’ gaya ng iginigiit ng mga naniniwala sa predestinasyon. Sa pagkakaroon natin ng kalayaang pumili, maliwanag na hindi totoo ang predestinasyon.
Maliwanag na ipinakikita ng Bibliya na ang mga pagpiling ginagawa natin ay babago sa ating kahihinatnan. Halimbawa, ganito ang panawagan ng Diyos sa mga manggagawa ng kamalian: “Manumbalik kayo, pakisuyo, bawat isa mula sa kaniyang masamang lakad at mula sa kasamaan ng inyong mga pakikitungo . . . upang hindi ako magpangyari ng kapahamakan sa inyo.” (Jeremias 25:5, 6) Walang kabuluhan ang panawagang ito kung patiuna nang itinakda ng Diyos ang kahihinatnan ng bawat indibiduwal. Bukod diyan, sinasabi ng Salita ng Diyos: “Kaya nga magsisi kayo, at manumbalik upang mapawi ang inyong mga kasalanan, upang ang mga kapanahunan ng pagpapaginhawa ay dumating mula sa mismong persona ni Jehova.” (Gawa 3:19) Bakit pa sasabihan ni Jehova ang mga tao na magsisi at manumbalik kung alam naman niyang wala silang magagawa upang baguhin ang kanilang kahihinatnan?
Bumabanggit ang Kasulatan hinggil sa ilang indibiduwal na inanyayahan ng Diyos na mamahalang kasama ni Jesu-Kristo sa langit. (Mateo 22:14; Lucas 12:32) Gayunman, sinasabi ng Bibliya na maaari nilang maiwala ang pribilehiyong iyon kung hindi sila magbabata hanggang sa wakas. (Apocalipsis 2:10) Bakit pa sila aanyayahan ng Diyos kung naipasiya na niyang hindi sila pipiliin? Isaalang-alang din ang sinabi ni apostol Pablo sa kaniyang mga kapananampalataya. Isinulat niya: “Kung sinasadya nating mamihasa sa kasalanan pagkatapos na matanggap ang tumpak na kaalaman sa katotohanan, wala nang anumang haing natitira pa para sa kasalanan.” (Hebreo 10:26) Walang kabuluhan ang babalang iyon kung patiuna nang itinalaga ng Diyos ang kanilang kahihinatnan. Subalit hindi ba patiuna nang itinalaga ng Diyos na mamahalang kasama ni Jesu-Kristo ang ilang indibiduwal?
Patiunang Itinalaga—Bilang mga Indibiduwal o Bilang Isang Grupo?
“Pinagpala . . . tayo [ng Diyos] ng bawat espirituwal na pagpapala sa makalangit na mga dako kaisa ni Kristo,” ang sulat ni apostol Pablo, “kung paanong pinili niya tayo na kaisa niya bago pa ang pagkakatatag ng sanlibutan . . . Sapagkat patiuna niya tayong itinalaga sa pag-aampon sa pamamagitan ni Jesu-Kristo bilang mga anak sa ganang kaniya.” (Efeso 1:3-5) Ano ba ang patiunang itinalaga ng Diyos, at ano ang kahulugan ng pagiging napili “bago pa ang pagkakatatag ng sanlibutan”?
Sinasabi sa tekstong ito na pinili ng Diyos ang ilang inapo ng unang tao, si Adan, upang mamahalang kasama ni Kristo sa mga langit. (Roma 8:14-17, 28-30; Apocalipsis 5:9, 10) Gayunman, ang palagay na patiunang itinalaga ng Diyos na Jehova ang espesipikong mga indibiduwal upang tumanggap ng pribilehiyong ito libu-libong taon bago pa sila ipanganak ay salungat sa katotohanang ang mga tao ay pinagkalooban ng kalayaang pumili. Ang patiunang itinalaga ng Diyos ay isang grupo, o uri ng mga tao, hindi mga indibiduwal.
Upang ilarawan: Ipagpalagay nating nagpasiya ang pamahalaan na bumuo ng isang ahensiya. Patiunang itatakda ng pamahalaan ang magiging papel, ang kapangyarihan, at ang laki ng ahensiyang ito. Sa wakas, nagsimula na ang gawain ng ahensiya ilang panahon matapos itong itatag, at ang mga miyembro nito ay nagbigay ng isang opisyal na pahayag na sinasabi: “Ilang taon na ang nakararaan, itinakda ng pamahalaan ang magiging gawain namin. Pasisimulan na namin ngayon ang gawaing iniatang sa amin.” Iisipin mo ba na itinakda na ng pamahalaan kung sino ang magiging indibiduwal na mga miyembro ng ahensiyang iyon mga ilang taon ang kaagahan? Tiyak na hindi. Sa katulad na paraan, matagal nang itinakda ni Jehova na bubuo siya ng isang pantanging ahensiya upang lunasan ang mga epekto ng kasalanan ni Adan. Patiuna niyang itinalaga ang uri ng mga tao na maglilingkod sa ahensiyang iyon—subalit hindi ang mga indibiduwal. Pinili lamang sila nang maglaon, at nakasalalay sa mga pasiyang gagawin nila sa buhay kung sila ay sasang-ayunan o hindi sa dakong huli.
Anong sanlibutan ang nasa isip ni apostol Pablo nang sabihin niya: “Pinili . . . tayo [ng Diyos] na kaisa niya bago pa ang pagkakatatag ng sanlibutan”? Ang sanlibutang tinutukoy rito ni Pablo ay hindi ang sanlibutan na pinasimulan ng Diyos nang lalangin niya sina Adan at Eva. “Napakabuti” ng sanlibutang iyon—malayang-malaya sa kasalanan at kasiraan. (Genesis 1:31) Hindi nito kailangan ang “paglaya” sa kasalanan.—Efeso 1:7.
Ang sanlibutang tinutukoy ni Pablo ay ang sanlibutang umiral pagkatapos maghimagsik nina Adan at Eva sa Eden—isang sanlibutan na ibang-iba sa sanlibutang nilayon ng Diyos noong pasimula. Ito ang sanlibutang nagpasimula nang isilang ang mga anak nina Adan at Eva. Ang sanlibutang iyon ay binubuo ng mga taong hiwalay sa Diyos at alipin ng kasalanan at kasiraan. Ito ang sanlibutan ng mga tao na maaaring tubusin, hindi tulad nina Adan at Eva na kusang nagkasala.—Roma 5:12; 8:18-21.
Madaliang nilutas ng Diyos na Jehova ang kalagayang ibinunga ng paghihimagsik sa Eden. Nang mismong kailanganin ito, patiuna siyang nagtalaga ng pantanging ahensiya—ang Mesiyanikong Kaharian sa pamumuno ni Jesu-Kristo—na gagamitin niya may kaugnayan sa pagtubos sa sangkatauhan mula sa kasalanang ipinamana ni Adan. (Mateo 6:10) Ginawa ito ng Diyos “bago pa ang pagkakatatag ng sanlibutan” ng matutubos na sangkatauhan, samakatuwid nga, bago magkaanak ang mapaghimagsik na sina Adan at Eva.
Karaniwan nang kailangan ng mga tao ang espesipikong plano upang maisagawa ang nais nilang gawin. Ang predestinasyon ay nauugnay sa paniniwala na ang Diyos ay may detalyadong plano para sa sansinukob kung saan ang lahat ng bagay ay patiunang itinakda. “Ayon sa maraming pilosopo,” ang sulat ni Roy Weatherford, “anumang bagay na walang kumpletong detalye ng bawat pangyayari ay hindi kasuwato ng Karingalan ng Diyos.” Kailangan nga ba talagang detalyado at patiunang isaplano ng Diyos ang lahat ng pangyayari?
Palibhasa’y napakalakas at walang kapantay sa karunungan, kayang harapin ni Jehova ang anumang biglaan o di-inaasahang pangyayari na maaaring ibunga ng paggamit ng kaniyang mga nilalang sa kanilang malayang kalooban. (Isaias 40:25, 26; Roma 11:33) Kaya niyang gawin ito nang mabilisan at nang walang detalyadong plano. Hindi tulad ng di-sakdal na mga tao na may limitadong mga kakayahan, hindi kailangan ng Diyos na Makapangyarihan-sa-lahat ang detalyado at espesipikong plano na patiunang nagtatakda sa kahihinatnan ng bawat tao sa lupa. (Kawikaan 19:21) Sa ilang salin ng Bibliya, mababasa sa Efeso 3:11 ang pagkakaroon ng Diyos ng “walang-hanggang layunin” sa halip na isang itinakdang plano.
Kung Paano Ka Nakaaapekto sa Iyong Kinabukasan
May layunin ang Diyos para sa lupa, at patiunang itinakda ang layuning iyon. Sinasabi sa Apocalipsis 21:3, 4: “Narito! Ang tolda ng Diyos ay nasa sangkatauhan, at tatahan siyang kasama nila, at sila ay magiging kaniyang mga bayan. At ang Diyos mismo ay sasakanila. At papahirin niya ang bawat luha sa kanilang mga mata, at hindi na magkakaroon ng kamatayan, ni ng pagdadalamhati o ng paghiyaw o ng kirot pa man. Ang mga dating bagay ay lumipas na.” Oo, ang lupang ito ay magiging isang paraiso, gaya ng nilayon ni Jehova noong pasimula. (Genesis 1:27, 28) Ang tanong ay, Naroroon ka kaya kapag nangyari iyon? Depende ito sa mga pagpiling ginagawa mo sa ngayon. Hindi itinakda ni Jehova ang iyong kahihinatnan.
Dahil sa haing pantubos ng Anak ng Diyos na si Jesu-Kristo, maaaring magkaroon ng buhay na walang hanggan ang sinumang nananampalataya sa kaniya. (Juan 3:16, 17; Gawa 10:34, 35) “Siya na nananampalataya sa Anak ay may buhay na walang hanggan,” ang sabi sa Bibliya. “Siya na sumusuway sa Anak ay hindi makakakita ng buhay.” (Juan 3:36) Maaari mong piliin ang buhay sa pamamagitan ng pag-aaral hinggil sa Diyos, sa kaniyang Anak, at sa Kaniyang kalooban mula sa mga pahina ng Bibliya at sa pamamagitan ng pagkakapit ng iyong natututuhan. Ang taong kumikilos kasuwato ng tunay na karunungang nakaulat sa Salita ng Diyos ay makatitiyak na “tatahan siya nang tiwasay at hindi maliligalig ng panghihilakbot sa kapahamakan.”—Kawikaan 1:20, 33.
[Mga larawan sa pahina 5]
Di-tulad ng mga hayop, may moral na pananagutan ang mga tao sa kanilang iginagawi
[Credit Line]
Agila: Foto: Cortesía de GREFA