“Patuloy na Patunayan Kung Ano Nga Kayo”
“Patuloy na subukin kung kayo ay nasa pananampalataya, patuloy na patunayan kung ano nga kayo.”—2 CORINTO 13:5.
1, 2. (a) Paano nakaaapekto sa atin ang kawalang-katiyakan sa ating mga paniniwala? (b) Anong situwasyon sa Corinto noong unang siglo ang maaaring naging dahilan kung kaya hindi matiyak ng ilan ang daan na dapat nilang lakaran?
ISANG lalaking naglalakbay sa probinsiya ang nakarating sa isang sangandaan. Palibhasa’y hindi niya tiyak kung aling daan ang patungo sa kaniyang destinasyon, nagtanong siya ng direksiyon sa mga nagdaraan ngunit magkakasalungat ang natanggap niyang impormasyon. Dahil nalito na, hindi na siya makapagpatuloy sa paglalakbay. Gayundin ang epekto sa atin kapag nag-aalinlangan tayo sa ating mga paniniwala. Ang gayong kawalang-katiyakan ay makahahadlang sa ating kakayahang magpasiya, anupat nagiging dahilan upang hindi natin matiyak ang daan na dapat lakaran.
2 May bumangong situwasyon na posibleng nagkaroon ng gayong epekto sa ilang tao sa kongregasyong Kristiyano sa Corinto, Gresya, noong unang siglo. Kinukuwestiyon ng “ubod-galing na mga apostol” ang awtoridad ni apostol Pablo, na sinasabi: “Ang kaniyang mga liham ay mabigat at mapuwersa, ngunit ang kaniyang pagkanaririto sa personal ay mahina at ang kaniyang pananalita ay kahamak-hamak.” (2 Corinto 10:7-12; 11:5, 6) Ang gayong pangmalas ay maaaring naging dahilan kung kaya hindi matiyak ng ilan sa kongregasyon sa Corinto kung paano sila lalakad.
3, 4. Bakit tayo dapat maging interesado sa payo ni Pablo sa mga taga-Corinto?
3 Itinatag ni Pablo ang kongregasyon sa Corinto nang dumalaw siya roon noong 50 C.E. Namalagi siya sa Corinto nang “isang taon at anim na buwan, na itinuturo sa kanila ang salita ng Diyos.” Sa katunayan, “marami sa mga taga-Corinto na nakarinig ang nagsimulang maniwala at mabautismuhan.” (Gawa 18:5-11) Interesadung-interesado si Pablo sa espirituwal na kapakanan ng kaniyang mga kapananampalataya sa Corinto. Bukod diyan, sumulat ang mga taga-Corinto kay Pablo para humingi ng payo sa ilang bagay. (1 Corinto 7:1) Kaya binigyan niya sila ng napakainam na payo.
4 “Patuloy na subukin kung kayo ay nasa pananampalataya,” ang sulat ni Pablo, “patuloy na patunayan kung ano nga kayo.” (2 Corinto 13:5) Ang pagkakapit sa payong ito ay nagsanggalang sana sa mga kapatid na iyon sa Corinto upang hindi sila malito kung aling daan ang dapat nilang lakaran. Gayundin ang magagawa nito sa atin sa ngayon. Kung gayon, paano natin masusunod ang payo ni Pablo? Paano natin masusubok kung tayo nga ay nasa pananampalataya? At ano ang nasasangkot sa pagpapatunay kung ano nga tayo?
“Patuloy na Subukin Kung Kayo ay Nasa Pananampalataya”
5, 6. Anong pamantayan ang taglay natin para masubok kung tayo nga ay nasa pananampalataya, at bakit iyon ang tamang-tamang pamantayan?
5 Sa isang pagsubok, karaniwan nang may isang tao o isang bagay na sinusubok, at may isang saligan o pamantayan na pinagbabatayan ng pagsubok. Sa kasong ito, ang sinusubok ay hindi ang pananampalataya—ang kalipunan ng mga paniniwalang pinanghahawakan natin. Ang sinusubok ay tayo bilang mga indibiduwal. Upang maisagawa ang pagsubok, mayroon tayong sakdal na pamantayan. Sinasabi ng isang awitin na kinatha ng salmistang si David: “Ang kautusan ni Jehova ay sakdal, na nagpapanauli ng kaluluwa. Ang paalaala ni Jehova ay mapagkakatiwalaan, na nagpaparunong sa walang-karanasan. Ang mga pag-uutos mula kay Jehova ay matuwid, na nagpapasaya ng puso; ang utos ni Jehova ay malinis, na nagpapaningning ng mga mata.” (Awit 19:7, 8) Nasa Bibliya ang sakdal na mga kautusan at matuwid na mga pag-uutos ni Jehova, ang mapagkakatiwalaang mga paalaala at malilinis na utos niya. Ang mensaheng masusumpungan dito ang tamang-tamang pamantayan para sa pagsubok.
6 Hinggil sa mensaheng iyan na kinasihan ng Diyos, sinasabi ni apostol Pablo: “Ang salita ng Diyos ay buháy at may lakas at mas matalas kaysa sa anumang tabak na may dalawang talim at tumatagos maging hanggang sa paghihiwalay ng kaluluwa at espiritu, at ng mga kasukasuan at ng kanilang utak sa buto, at may kakayahang umunawa ng mga kaisipan at mga intensiyon ng puso.” (Hebreo 4:12) Oo, maaaring subukin ng salita ng Diyos ang ating puso—kung ano talaga ang ating panloob na pagkatao. Paano natin personal na maikakapit ang matalas at malakas na mensaheng ito? Niliwanag sa atin ng salmista kung ano ang nasasangkot dito. Umawit siya: “Maligaya ang taong . . . ang kaniyang kaluguran ay sa kautusan ni Jehova, at sa kaniyang kautusan ay nagbabasa siya nang pabulong araw at gabi.” (Awit 1:1, 2) Ang “kautusan ni Jehova” ay masusumpungan sa nakasulat na Salita ng Diyos, ang Bibliya. Dapat tayong malugod sa pagbabasa ng Salita ni Jehova. Sa katunayan, dapat tayong mag-iskedyul upang basahin ito nang pabulong, o bulay-bulayin ito. Habang ginagawa natin ito, kailangan nating suriin ang ating sarili—ang mga sinusubok—salig sa mga nakasulat doon.
7. Ano ang pangunahing paraan ng pagsubok kung tayo nga ay nasa pananampalataya?
7 Kung gayon, ang pangunahing paraan ng pagsubok kung tayo nga ay nasa pananampalataya ay basahin at bulay-bulayin nang may pananalangin ang Salita ng Diyos at suriin kung hanggang saan nakaayon ang ating paggawi sa ating natututuhan. Matutuwa tayo na marami tayong pantulong upang maunawaan ang Salita ng Diyos.
8. Paano tayo tinutulungan ng mga publikasyon ng “tapat at maingat na alipin” upang masubok kung tayo nga ay nasa pananampalataya?
8 Naglalaan si Jehova ng mga turo at tagubilin sa pamamagitan ng mga publikasyon ng “tapat at maingat na alipin,” na nagpapaliwanag sa Kasulatan. (Mateo 24:45) Halimbawa, isaalang-alang ang kahong pinamagatang “Mga Tanong Para sa Pagbubulay-bulay” sa katapusan ng karamihan sa mga kabanata ng aklat na Maging Malapít kay Jehova.a Kay-inam ngang mga pagkakataon para sa personal na pagbubulay-bulay ang inilalaan ng bahaging ito ng aklat! Nakatutulong din sa atin ang napakaraming paksa na tinalakay sa ating mga babasahin, Ang Bantayan at Gumising!, upang masubok kung tayo nga ay nasa pananampalataya. Tungkol sa mga artikulong may kaugnayan sa aklat ng Mga Kawikaan sa kamakailang mga isyu ng Ang Bantayan, isang babaing Kristiyano ang nagsabi: “Napakapraktikal ng mga artikulong ito para sa akin. Tinutulungan ako nitong suriin kung nakaaabot sa matuwid na mga pamantayan ni Jehova ang aking pananalita, paggawi, at saloobin.”
9, 10. Anu-anong paglalaan ni Jehova ang tumutulong sa atin na patuloy na subukin kung tayo nga ay nasa pananampalataya?
9 Tumatanggap din tayo ng saganang patnubay at pampatibay-loob sa mga pulong ng kongregasyon, asamblea, at mga kombensiyon. Kabilang ang mga ito sa espirituwal na mga paglalaan ng Diyos para sa mga pinatutungkulan ng hula ni Isaias: “Mangyayari sa huling bahagi ng mga araw na ang bundok ng bahay ni Jehova ay matibay na matatatag na mataas pa sa taluktok ng mga bundok, at iyon ay mátataás pa nga sa mga burol; at doon ay huhugos ang lahat ng mga bansa. At maraming bayan ang yayaon nga at magsasabi: ‘Halikayo, at umahon tayo sa bundok ni Jehova, . . . at tuturuan niya tayo tungkol sa kaniyang mga daan, at lalakad tayo sa kaniyang mga landas.’ ” (Isaias 2:2, 3) Talaga ngang isang pagpapala na magkaroon ng gayong tagubilin tungkol sa mga daan ni Jehova.
10 Hindi rin natin dapat kaligtaan ang payo mula sa mga may espirituwal na kuwalipikasyon, kasali na ang Kristiyanong matatanda. Hinggil sa kanila, sinasabi ng Bibliya: “Mga kapatid, bagaman ang isang tao ay makagawa ng anumang maling hakbang bago niya mabatid ito, kayong may mga espirituwal na kuwalipikasyon ay magsikap na ibalik sa ayos ang gayong tao sa espiritu ng kahinahunan, habang minamataan ng bawat isa ang kaniyang sarili, dahil baka matukso rin kayo.” (Galacia 6:1) Kaylaki nga ng ating pasasalamat sa paglalaang ito upang tayo ay maibalik sa ayos!
11. Ano ang kinakailangan upang masubok kung tayo nga ay nasa pananampalataya?
11 Ang ating mga publikasyon, mga pulong Kristiyano, hinirang na mga lalaki—ang mga ito ay napakagagandang paglalaan mula kay Jehova. Subalit upang masubok kung tayo nga ay nasa pananampalataya, kailangan ang pagsusuri sa sarili. Kaya kapag binabasa natin ang ating mga publikasyon o nakikinig sa maka-Kasulatang payo, kailangan nating tanungin ang ating sarili: ‘Ganito ba ako? Ginagawa ko ba ito? Sumusunod ba ako sa kalipunan ng mga paniniwalang Kristiyano?’ Ang ating saloobin sa impormasyong natatanggap natin sa pamamagitan ng mga paglalaang ito ay may epekto rin sa ating espirituwal na kalagayan. “Ang isang taong pisikal ay hindi tumatanggap ng mga bagay ng espiritu ng Diyos, sapagkat ang mga ito ay kamangmangan sa kaniya,” ang sabi ng Bibliya. “Gayunman, ang taong espirituwal ay talagang nagsusuri sa lahat ng bagay.” (1 Corinto 2:14, 15) Hindi ba’t dapat tayong magsikap na panatilihin ang positibo at espirituwal na pangmalas sa nababasa natin sa ating mga aklat, magasin, at iba pang mga publikasyon at sa naririnig natin sa ating mga pulong at sa matatanda?
“Patuloy na Patunayan Kung Ano Nga Kayo”
12. Ano ang kailangan upang patunayan kung ano nga tayo?
12 Upang mapatunayan kung ano nga tayo, kailangan ang pagsusuri sa sarili. Oo, maaaring nasa katotohanan nga tayo, ngunit kumusta naman ang ating espirituwalidad? Upang patunayan kung ano nga tayo, kailangan nating ipakita ang katunayan ng pagkamaygulang at ang tunay na pagpapahalaga sa espirituwal na mga paglalaan.
13. Ayon sa Hebreo 5:14, ano ang nagsisilbing patunay ng ating pagkamaygulang?
13 Anong patunay ng Kristiyanong pagkamaygulang ang hahanapin natin sa ating sarili? Sumulat si apostol Pablo: “Ang matigas na pagkain ay nauukol sa mga taong may-gulang, sa kanila na dahil sa paggamit ay nasanay ang kanilang mga kakayahan sa pang-unawa na makilala kapuwa ang tama at ang mali.” (Hebreo 5:14) Naipakikita natin ang katunayan ng pagkamaygulang sa pamamagitan ng pagsasanay sa ating mga kakayahan sa pang-unawa. Kung paanong kailangang sanayin ang ilang kalamnan sa katawan ng isang atleta sa pamamagitan ng paulit-ulit na paggamit sa mga ito bago siya maging mahusay sa kaniyang isport, ang ating mga kakayahan sa pang-unawa ay kailangan ding sanayin sa pamamagitan ng paggamit may kaugnayan sa pagkakapit ng mga simulain ng Bibliya.
14, 15. Bakit tayo dapat puspusang magsikap upang pag-aralan ang mas malalalim na bagay ng Salita ng Diyos?
14 Subalit bago natin masanay ang ating mga kakayahan sa pang-unawa, dapat muna tayong magkaroon ng kaalaman. Para makamit ito, kailangan ang masikap na personal na pag-aaral. Kapag regular ang ating personal na pag-aaral—lalo na tungkol sa mas malalalim na bagay ng Salita ng Diyos—sumusulong ang ating mga kakayahan sa pang-unawa. Sa nakalipas na mga taon, marami nang malalalim na paksa ang tinalakay sa Ang Bantayan. Paano tayo tumutugon kapag may nakita tayong artikulo na tumatalakay sa mas malalalim na katotohanan? Iniiwasan ba natin ang mga ito dahil lamang sa naglalaman ito ng “ilang bagay na mahirap unawain”? (2 Pedro 3:16) Sa kabaligtaran, higit pa tayong nagsisikap na maunawaan ang tinatalakay.—Efeso 3:18.
15 Paano kung mahirap para sa atin ang personal na pag-aaral? Mahalaga na sikapin nating magkaroon o malinang ang pananabik dito.b (1 Pedro 2:2) Upang lumaki tungo sa pagkamaygulang, dapat tayong matutong kumain ng matigas na pagkain, ng mas malalalim na katotohanan ng Salita ng Diyos. Kung hindi, mananatiling limitado ang ating mga kakayahan sa pang-unawa. Gayunman, ang pagpapakita ng katunayan ng pagkamaygulang ay hindi lamang nagsasangkot ng pagkakaroon ng mga kakayahan sa pang-unawa. Dapat nating ikapit sa araw-araw na pamumuhay ang kaalamang natatamo natin sa masikap na personal na pag-aaral.
16, 17. Ano ang ipinayo ng alagad na si Santiago tungkol sa pagiging ‘mga tagatupad ng salita’?
16 Ang katunayan kung ano nga tayo ay masusumpungan din sa mga kapahayagan ng ating pagpapahalaga sa katotohanan—ang ating mga gawa ng pananampalataya. Gamit ang mabisang ilustrasyon upang ilarawan ang pitak na ito ng pagsusuri sa sarili, sinabi ng alagad na si Santiago: “Maging mga tagatupad kayo ng salita, at hindi mga tagapakinig lamang, na nililinlang ang inyong sarili sa pamamagitan ng maling pangangatuwiran. Sapagkat kung ang sinuman ay tagapakinig ng salita, at hindi tagatupad, ang isang ito ay tulad ng isang tao na tumitingin sa kaniyang likas na mukha sa salamin. Sapagkat tinitingnan niya ang kaniyang sarili, at siya ay umaalis at kaagad na nalilimutan kung anong uri siya ng tao. Ngunit siya na nagmamasid sa sakdal na kautusan na nauukol sa kalayaan at nananatili rito, ang taong ito, sa dahilang siya ay hindi isang tagapakinig na malilimutin kundi isang tagatupad ng gawain, ay magiging maligaya sa paggawa niya nito.”—Santiago 1:22-25.
17 Sinasabi ni Santiago: ‘Pagmasdan ang salamin ng salita ng Diyos, at suriin ang iyong sarili. Magpatuloy sa paggawa nito, at siyasatin ang iyong sarili batay sa nasusumpungan mo sa salita ng Diyos. Pagkatapos, huwag kaagad kalilimutan ang iyong nakita. Gawin ang kinakailangang mga pagtutuwid.’ Kung minsan, nagiging isang hamon ang pagsunod sa payong ito.
18. Bakit nagiging isang hamon ang pagsunod sa payo ni Santiago?
18 Kuning halimbawa ang kahilingang makibahagi sa gawaing pangangaral ng Kaharian. “Sa pamamagitan ng puso ang isa ay nananampalataya ukol sa katuwiran,” ang sulat ni Pablo, “ngunit sa pamamagitan ng bibig ang isa ay gumagawa ng pangmadlang pagpapahayag ukol sa kaligtasan.” (Roma 10:10) Upang makagawa ng pangmadlang pagpapahayag ukol sa kaligtasan sa pamamagitan ng ating bibig, kailangan ang ilang pagbabago. Hindi gayon kadali para sa karamihan sa atin ang pakikibahagi sa gawaing pangangaral. Ang pagiging masigasig dito at ang pagbibigay sa gawaing ito ng nararapat na dako sa ating buhay ay nangangailangan ng higit pang mga pagbabago at sakripisyo. (Mateo 6:33) Ngunit kapag naging mga tagatupad tayo ng bigay-Diyos na gawaing ito, maligaya tayo dahil sa papuring idinudulot nito kay Jehova. Kung gayon, tayo ba’y masisigasig na tagapaghayag ng Kaharian?
19. Ano ang dapat na saklaw ng ating mga gawa ng pananampalataya?
19 Gaano ang dapat na saklaw ng ating mga gawa ng pananampalataya? Sinasabi ni Pablo: “Ang mga bagay na inyong natutuhan at tinanggap din at narinig at nakita may kaugnayan sa akin, isagawa ninyo ang mga ito; at ang Diyos ng kapayapaan ay sasainyo.” (Filipos 4:9) Pinatutunayan natin kung ano nga tayo sa pamamagitan ng pagsasagawa ng ating natututuhan, tinatanggap, naririnig, at nakikita—ang kabuuang saklaw ng Kristiyanong pag-aalay at pagiging alagad. “Ito ang daan. Lakaran ninyo ito,” ang tagubilin ni Jehova sa pamamagitan ni propeta Isaias.—Isaias 30:21.
20. Anong uri ng mga indibiduwal ang malaking pagpapala sa kongregasyon?
20 Ang mga lalaki at babae na masisikap na estudyante ng Salita ng Diyos, na masisigasig na mángangarál ng mabuting balita, na walang maipipintas sa kanilang integridad, at na pawang matatapat na tagasuporta ng Kaharian ay malaking pagpapala sa kongregasyon. Ang kanilang presensiya ay nakapagpapatatag sa kongregasyon na kanilang kinauugnayan. Pinatutunayan nilang sila ay malaking tulong, lalo pa’t napakaraming baguhan ang dapat alagaan. Kapag isinasapuso natin ang payo ni Pablo na ‘patuloy na subukin kung tayo ay nasa pananampalataya, patuloy na patunayan kung ano nga tayo,’ nagiging mabubuting impluwensiya rin tayo sa iba.
Malugod sa Paggawa ng Kalooban ng Diyos
21, 22. Paano tayo malulugod sa paggawa ng kalooban ng Diyos?
21 “Ang gawin ang iyong kalooban, O Diyos ko, ay kinalulugdan ko,” ang awit ni Haring David ng sinaunang Israel, “at ang iyong kautusan ay nasa aking mga panloob na bahagi.” (Awit 40:8) Nalugod si David sa paggawa ng kalooban ng Diyos. Bakit? Dahil nasa puso ni David ang kautusan ni Jehova. Natitiyak ni David ang daan na dapat niyang lakaran.
22 Kapag ang kautusan ng Diyos ay nasa ating mga panloob na bahagi, natitiyak natin ang daan na dapat nating lakaran. Nalulugod tayo sa paggawa ng kalooban ng Diyos. Kung gayon, anuman ang mangyari, ‘magpunyagi tayo nang buong lakas’ habang taos-puso nating pinaglilingkuran si Jehova.—Lucas 13:24.
[Mga talababa]
a Inilathala ng mga Saksi ni Jehova.
b Para sa nakatutulong na mga mungkahi kung paano mag-aaral, tingnan ang pahina 27-32 ng aklat na Makinabang sa Edukasyon Mula sa Paaralang Teokratiko Ukol sa Ministeryo, inilathala ng mga Saksi ni Jehova.
Naaalaala Mo Ba?
• Paano natin masusubok kung tayo nga ay nasa pananampalataya?
• Ano ang nasasangkot sa pagpapatunay kung ano nga tayo?
• Anong patunay ang maibibigay natin kung tungkol sa Kristiyanong pagkamaygulang?
• Paano tayo natutulungan ng ating mga gawa ng pananampalataya upang masuri kung ano nga tayo?
[Larawan sa pahina 23]
Alam mo ba ang pangunahing paraan ng pagsubok kung ikaw nga ay nasa pananampalataya?
[Larawan sa pahina 24]
Pinatutunayan natin ang ating Kristiyanong pagkamaygulang sa pamamagitan ng pagsasanay sa ating mga kakayahan sa pang-unawa
[Mga larawan sa pahina 25]
Pinatutunayan natin kung ano nga tayo sa pamamagitan ng pagiging ‘hindi mga tagapakinig na malilimutin, kundi mga tagatupad ng salita’