Talambuhay
Natanggap Ko ‘ang mga Kahilingan ng Aking Puso’
AYON SA SALAYSAY NI DOMINIQUE MORGOU
Sa wakas, noong Disyembre 1998, nasa Aprika na ako! Nagkatotoo na ang pangarap ko noong bata pa ako. Noon pa ma’y natutuwa na ako kapag naiisip ko ang malalawak na kaparangan at kawili-wiling maiilap na hayop sa Aprika. Ngayon ay naroon na mismo ako! Kasabay nito, isa pang pangarap ang nagkatotoo. Isa na akong buong-panahong ebanghelisador na naglilingkod sa banyagang lupain. Para sa marami, waring imposible ito. Masyado na kasing malabo ang aking paningin, at ang giyang aso na katulong ko sa paglalakad sa mabuhanging mga lansangan ng nayon ng Aprika ay sanáy sa mga lansangan ng lunsod ng Europa. Hayaan mong ikuwento ko kung paano ako nakapaglingkod sa Aprika at kung paano ibinigay ni Jehova ‘ang mga kahilingan ng aking puso.’—Awit 37:4.
ISINILANG ako noong Hunyo 9, 1966, sa timugang Pransiya. Ako ang bunso sa pitong magkakapatid—dalawang lalaki at limang babae—na pawang inalagaan ng maibiging mga magulang. Gayunman, may malungkot na nangyari sa akin noong bata pa ako. Gaya ng aking lola, ina, at isang ate, may namana akong sakit na sa dakong huli ay hahantong sa aking pagkabulag.
Noong tin-edyer ako, nahirapan ako dahil sa pagtatangi ng lahi, diskriminasyon, at pagpapaimbabaw, na naging dahilan ng paghihimagsik ko sa lipunan. Lumipat kami sa rehiyon ng Hérault noong mahirap na panahong iyon. Doon, may magandang nangyari.
Isang Linggo ng umaga, dalawang Saksi ni Jehova ang dumalaw sa aming bahay. Kilalá sila ng aking ina kaya pinatuloy niya sila. Ang isa sa mga babae ay nagtanong kay Inay kung natatandaan niya na nangako siya noon na balang-araw, tatanggap siya ng pag-aaral sa Bibliya. Natandaan iyon ni Inay kaya nagtanong siya, “Kailan tayo magsisimula?” Nagkasundo silang magkita-kita tuwing Linggo ng umaga, at ganito nagsimulang matuto ng “katotohanan ng mabuting balita” ang aking ina.—Galacia 2:14.
Pagtatamo ng Kaunawaan
Talagang nagsikap si Inay na maunawaan at matandaan ang kaniyang natututuhan. Palibhasa’y bulag, kailangan niyang sauluhin ang lahat. Napakatiyaga ng mga Saksi sa kaniya. Ako naman, kapag dumarating ang mga Saksi, nagtatago ako sa aking silid at lumalabas lamang kapag wala na sila. Subalit isang hapon, natiyempuhan ako ni Eugénie, isa sa mga Saksi, at kinausap ako. Sinabi niya sa akin na wawakasan ng Kaharian ng Diyos ang lahat ng pagpapaimbabaw, pagkapoot, at diskriminasyon sa daigdig. “Tanging ang Diyos ang makapagbibigay ng solusyon,” ang sabi niya. Gusto ko raw bang makaalam nang higit pa tungkol dito? Kinabukasan, nag-aral na ako ng Bibliya.
Bago sa akin ang lahat ng napag-aralan ko. Naunawaan ko na ngayon na may mabubuting dahilan ang Diyos na pansamantalang pahintulutan ang kabalakyutan sa lupa. (Genesis 3:15; Juan 3:16; Roma 9:17) Natutuhan ko rin na hindi tayo hinahayaan ni Jehova nang walang pag-asa. Ibinigay niya sa atin ang kamangha-manghang pangako na mabuhay nang walang hanggan sa isang paraisong lupa. (Awit 37:29; 96:11, 12; Isaias 35:1, 2; 45:18) Sa Paraisong iyon, muling lilinaw ang aking paningin, na unti-unti nang lumalabo.—Isaias 35:5.
Pagpasok sa Buong-Panahong Paglilingkod
Noong Disyembre 12, 1985, sinagisagan ko ang aking pag-aalay kay Jehova sa pamamagitan ng bautismo sa tubig, anupat tinularan ang aking ate na si Marie-Claire, na naunang nabautismuhan. Di-nagtagal ay nagpabautismo na rin si Kuya Jean-Pierre, pati na ang aking mahal na ina.
Sa kongregasyong kinauugnayan ko, maraming regular pioneer, o buong-panahong mga ebanghelisador. Napasigla ako ng kanilang kagalakan at sigasig sa ministeryo. Kahit si Marie-Claire, na mayroon ding sakit sa mata at may nakakabit pang pansuporta sa isang paa, ay pumasok sa buong-panahong paglilingkod. Hanggang sa ngayon, isa pa rin siyang espirituwal na pampatibay-loob sa akin. Dahil marami akong kasamang payunir sa kongregasyon at sa pamilya, nakatulong ito sa akin na malinang ang masidhing hangarin na ako mismo ay makibahagi sa buong-panahong paglilingkod. Kaya noong Nobyembre 1990, nagsimula akong magpayunir sa Béziers.—Awit 94:17-19.
Pagharap sa Panghihina ng Loob
Sa ministeryo, tinulungan ako ng maasikasong pangangalaga ng ibang payunir. Magkagayunman, paminsan-minsan ay pinanghihinaan pa rin ako ng loob dahil sa aking mga limitasyon at nangangarap na sana’y higit pa ang magagawa ko. Gayunman, pinalakas ako ni Jehova sa mga panahong iyon na pinanghihinaan ako ng loob. Nagsaliksik ako sa Watch Tower Publications Index, at naghanap ng mga talambuhay ng mga payunir na katulad kong may kapansanan sa paningin. Nagulat ako na napakarami pala nila! Ang praktikal at nakapagpapatibay-loob na mga ulat na ito ay nagturo sa akin na pahalagahan ang kaya kong gawin at tanggapin ang aking mga limitasyon.
Upang tustusan ang aking mga pangangailangan, naglilinis ako sa mga shopping mall kasama ng iba pang Saksi. Isang araw, napansin ko na inuulit ng aking mga katrabaho ang mga lugar na nalinis ko na. Maliwanag, marami akong nalalampasang dumi. Kinausap ko si Valérie, ang payunir na nangangasiwa sa aming grupo ng mga tagapaglinis, at hiniling ko sa kaniya na tapatin ako kung nahihirapan ang lahat dahil sa akin. May-kabaitan niyang ipinaubaya sa akin ang pagpapasiya kung hindi ko na kaya ang trabaho. Noong Marso 1994, huminto na ako bilang tagapaglinis.
Muli akong nadaig ng pagkadama na wala akong silbi. Marubdob akong nanalangin kay Jehova, at alam kong narinig niya ang aking mga pagsamo. Naging malaking tulong na naman sa akin ang pag-aaral sa Bibliya at mga publikasyong Kristiyano. Magkagayunman, sumisidhi pa rin ang aking hangaring paglingkuran si Jehova, bagaman lumalabo na ang aking paningin. Ano ang maaari kong gawin?
Matagal na Paghihintay, Biglaang Pagpapasiya
Nag-aplay ako para sanayin sa Rehabilitation Center for the Blind and Visually Impaired sa Nîmes at sa wakas ay sinanay sa loob ng tatlong buwan. Sulit ang panahong ginugol ko. Naunawaan ko kung gaano kalala ang aking kapansanan at natutuhan kong makibagay rito. Ang pakikisama sa mga taong may iba’t ibang uri ng kapansanan ay nakatulong sa akin na mapag-isip-isip kung gaano kahalaga ang aking pag-asang Kristiyano. Kahit paano ay may tunguhin ako at nakagagawa ng makabuluhang bagay. Bukod dito, natuto ako ng Braille sa wikang Pranses.
Nang makauwi ako, napansin ng aking pamilya kung gaano kalaki ang naitulong sa akin ng pagsasanay. Ngunit ang hindi ko talaga nagustuhan ay ang puting tungkod na kailangan kong gamitin. Hindi ko matanggap na kailangan kong gumamit ng tungkod. Mas maganda sana na may ibang pantulong—marahil ay isang giyang aso.
Nagsumite ako ng kahilingan para sa isang aso ngunit sinabi sa akin na mahaba ang listahan ng mga naghihintay na mabigyan. Isa pa, kailangan munang magsiyasat ang ahensiya. Hindi basta-basta binibigyan ng giyang aso ang isang tao. Isang araw, sinabi sa akin ng isang babae na tumutulong sa pangangasiwa sa isang samahan para sa mga bulag na isang tennis club sa aming lugar ang magbibigay ng giyang aso sa isang bulag o di-gaanong nakakakita na nakatira sa aming lugar. Sinabi niya na naisip niya ako. Tatanggapin ko ba iyon? Naunawaan ko na pagkilos ito ni Jehova kaya tinanggap ko ang alok. Gayunpaman, kailangan ko pa ring hintayin ang aso.
Iniisip Pa Rin ang Aprika
Samantalang naghihintay, ibinaling ko ang aking pansin sa ibang bagay. Gaya ng nabanggit ko na, mula pagkabata ay interesadung-interesado na ako sa Aprika. Sa kabila ng aking lumalabong paningin, masidhi pa rin ang interes na iyon, lalo na’t nalaman ko na napakaraming tao sa Aprika ang interesado sa Bibliya at sa paglilingkod kay Jehova. Noon, nabanggit ko na kay Valérie na gusto kong pumunta sa Aprika. Papayag kaya siyang sumama sa akin? Pumayag siya, kaya sumulat kami sa ilang sangay ng mga Saksi ni Jehova sa Aprika na gumagamit ng wikang Pranses.
May sagot na dumating mula sa Togo. Palibhasa’y tuwang-tuwa, hiniling ko kay Valérie na basahin ito sa akin. Nakapagpapatibay ang liham, kaya sinabi ni Valérie: “Aba, bakit hindi?” Nang sumulat ako sa mga kapatid sa sangay, sinabi sa akin na makipag-ugnayan ako kay Sandra, isang payunir sa Lomé, ang kabiserang lunsod. Ipinasiya naming umalis noong Disyembre 1, 1998.
Kaylaki ng pagkakaiba, ngunit tuwang-tuwa naman ako! Pagkalapag namin sa Lomé, agad naming nadama ang alinsangan sa Aprika nang lumabas kami sa eroplano. Sinalubong kami ni Sandra. Noon pa lamang kami nagkita, pero parang matagal na kaming magkakaibigan. Bago kami dumating, naatasan si Sandra at ang kaniyang kasamang si Christine bilang mga special pioneer sa Tabligbo, isang maliit na bayan sa gawing loob ng lupain. Pribilehiyo namin ngayon na samahan sila sa kanilang bagong atas. Halos dalawang buwan kaming nanatili roon, at nang umalis kami, alam kong babalik ako.
Tuwang-tuwa na Makabalik
Sa Pransiya, agad akong naghanda para sa aking pagbabalik sa Togo. Sa tulong ng aking pamilya, naisaayos ko na manatili roon sa loob ng anim na buwan. Kaya noong Setyembre 1999, papunta na naman ako ng Togo sakay ng eroplano. Subalit sa pagkakataong ito, mag-isa na lang ako. Gunigunihin ang nadama ng aking pamilya nang makita akong paalis nang nag-iisa sa kabila ng aking kapansanan! Ngunit walang dahilan para mag-alala sila. Tiniyak ko sa aking mga magulang na ang aking mga kaibigan, na parang kapamilya ko na, ay naghihintay sa akin sa Lomé.
Tuwang-tuwa akong makabalik sa lugar kung saan napakaraming tao ang interesado sa Bibliya! Karaniwan na lamang na makita ang mga tao na nagbabasa ng Bibliya sa lansangan. Sa Tabligbo, tatawagin ka ng mga tao para lamang makipag-usap tungkol sa Bibliya. At isa ngang pribilehiyo na makasama sa simpleng tuluyan ang dalawang sister na special pioneer! Natutuhan ko ang ibang kultura, isang naiibang pangmalas sa mga bagay-bagay. Higit sa lahat, napansin ko na inuuna ng mga kapatid na Kristiyano sa Aprika ang kapakanan ng Kaharian sa kanilang buhay. Halimbawa, hindi nakahahadlang sa pagdalo nila sa mga pulong ang paglalakad nang maraming kilometro patungo sa Kingdom Hall. Marami rin akong natutuhang aral mula sa kanilang pagiging magiliw at mapagpatuloy.
Isang araw, pag-uwi ko galing sa paglilingkod sa larangan, ipinagtapat ko kay Sandra na nangangamba ako sa aking pag-uwi sa Pransiya. Lalo kasing lumabo ang aking paningin. Naisip ko ang siksikan at maiingay na lansangan sa Béziers, ang mga hagdan sa mga gusaling apartment, at ang napakarami pang bagay na nagpapahirap sa buhay ng isang may malabong paningin. Kabaligtaran naman, ang mga lansangan sa Tabligbo, bagaman hindi sementado, ay tahimik—kakaunti ang tao at walang gaanong sasakyan. Paano ako mabubuhay sa Pransiya gayong nasanay na ako sa Tabligbo?
Pagkalipas ng dalawang araw, tumawag ang aking ina upang ipaalam na ang paaralan para sa mga giyang aso ay naghihintay na sa akin. Isang bata pang Labrador retriever (isang uri ng aso) na pinanganlang Océane ang handa nang maging “mga mata” ko. Minsan pa, napangalagaan ang aking mga pangangailangan at napawi ang aking kabalisahan. Pagkalipas ng anim na buwan na maligayang paglilingkod sa Tabligbo, pauwi na ako sa Pransiya upang makilala si Océane.
Pagkatapos ng ilang buwang pagsasanay, ipinagkatiwala na si Océane sa aking pangangalaga. Sa simula, hindi ito madali. Kailangan naming matutuhang unawain ang isa’t isa. Subalit unti-unti, napag-unawa ko na kailangang-kailangan ko si Océane. Ang totoo, si Océane ay bahagi na ngayon ng aking buhay. Ano ang reaksiyon ng mga tao sa Béziers kapag nakita nila akong dumadalaw sa kanilang tahanan na may kasamang aso? Napakagalang at napakabait nila sa akin. Si Océane ang naging “bayani” ng pamayanan. Yamang maraming tao ang naaasiwa kapag kasama ang isang taong may kapansanan, ang pagkakaroon ng aso ay nakatulong sa akin na mas madaling ipakipag-usap ang tungkol sa aking kapansanan. Napapanatag ang mga tao at nakikinig sa akin. Sa katunayan, si Océane ang naging pinakamainam na tagapagbukás ng usapan.
Kasama si Océane sa Aprika
Hindi ko nakalimutan ang Aprika, at sinimulan ko na namang ihanda ang aking ikatlong pagtungo roon. Sa pagkakataong ito, kasama ko si Océane. Kasama ko rin ang mag-asawang Anthony at Aurore, at ang kaibigan kong si Caroline—pawang mga payunir na gaya ko. Noong Setyembre 10, 2000, dumating kami sa Lomé.
Sa simula, marami ang natakot kay Océane. Iilan lamang sa mga taga-Lomé ang nakakita na ng gayon kalaking aso, yamang maliliit ang karamihan sa mga aso sa Togo. Nang makita nila siyang may tali, inakala ng ilan na isa siyang mabagsik na hayop na kailangang supilin. Si Océane naman ay laging nakahandang magsanggalang sa akin laban sa anumang inaakala niyang banta. Gayunman, di-nagtagal ay naging palagay na rin si Océane sa bago niyang kapaligiran. Kapag may tali siya, alam niyang magtatrabaho siya—disiplinado, responsable, at laging nasa tabi ko. Kapag pinakawalan siya, laro siya nang laro, anupat pilya pa nga kung minsan. Napakasaya niyang kasama.
Kaming lahat ay inanyayahang manuluyan kina Sandra at Christine sa Tabligbo. Upang tulungang masanay ang lokal na mga kapatid kay Océane, inanyayahan namin silang dumalaw sa amin at ipinaliwanag namin ang papel ng isang giyang aso, kung bakit kailangan ko siya, at kung paano sila dapat kumilos kapag nasa paligid siya. Sumang-ayon ang matatanda na isama ko si Océane sa Kingdom Hall. Yamang ang ganitong kaayusan ay talagang pambihira sa Togo, isang patalastas sa kongregasyon ang nagpaliwanag hinggil dito. Sa ministeryo naman, isinasama ko lamang si Océane kapag ako ay dumadalaw-muli at nagdaraos ng mga pag-aaral sa Bibliya—mga situwasyon kung saan mas madaling maunawaan kung bakit kasama ko siya.
Tuwang-tuwa pa rin ako sa pangangaral sa teritoryong ito. Lagi akong naaantig sa pagkamaalalahanin ng malumanay na mga tao, na makikita sa kanilang kabaitan, tulad ng kanilang pagnanais na paupuin ako. Noong Oktubre 2001, sinamahan ako ng nanay ko sa aking ikaapat na pagbalik sa Togo. Pagkalipas ng tatlong linggo, umuwi na siya sa Pransiya, maligaya at nakatitiyak na nasa mabuti akong kalagayan.
Malaki ang pasasalamat ko kay Jehova na nakapaglingkod ako sa Togo. Nagtitiwala ako na patuloy na ibibigay sa akin ni Jehova ‘ang mga kahilingan ng aking puso’ habang patuloy kong ginagamit ang lahat ng taglay ko sa paglilingkod sa kaniya.a
[Talababa]
a Umuwi sa Pransiya si Sister Morgou at nakabalik sa Togo sa ikalimang pagkakataon noong Oktubre 6, 2003 hanggang Pebrero 6, 2004. Nakalulungkot, dahil sa medikal na mga komplikasyon, iyon na marahil ang kahuli-hulihang pagtungo niya sa Togo sa sistemang ito ng mga bagay. Gayunpaman, pinakamasidhi pa rin niyang hangarin ang maglingkod kay Jehova.
[Mga larawan sa pahina 10]
Noon pa ma’y natutuwa na ako kapag naiisip ko ang malalawak na kaparangan at kawili-wiling maiilap na hayop sa Aprika
[Larawan sa pahina 10]
Isinasama ko si Océane sa mga pagdalaw-muli
[Larawan sa pahina 11]
Sumang-ayon ang matatanda na isama ko si Océane sa mga pulong