Tunay na Kasaganaan sa Bagong Sanlibutan ng Diyos
SI David,a isang Kristiyanong asawa at ama, ay nagpunta sa Estados Unidos, na naniniwalang ginagawa niya ito para sa kaniyang pamilya. Bagaman hindi niya gustong iwan ang kaniyang asawa at mga anak, nakatitiyak siyang mas bubuti ang buhay nilang lahat kung mas marami silang pera. Kaya tinanggap niya ang paanyaya ng kaniyang mga kamag-anak sa New York at di-nagtagal ay nakahanap ng trabaho roon.
Gayunman, sa paglipas ng mga buwan, unti-unting nagbago ang positibong pananaw ni David. Halos wala na siyang panahon para sa espirituwal na mga gawain. Dumating pa nga ang pagkakataon na halos wala na siyang pananampalataya sa Diyos. Nagising lamang siya sa katotohanan nang makagawa siya ng imoralidad. Ang kaniyang pagtutuon ng pansin sa materyal na kasaganaan ay unti-unting umakay sa kaniya palayo sa lahat ng bagay na talagang mahalaga sa kaniya. Dapat siyang gumawa ng mga pagbabago.
Gaya ni David, maraming nagmula sa mahihirap na lupain ang nandarayuhan taun-taon, na umaasang bubuti ang kanilang buhay. Subalit kadalasan, napakalaking kawalan sa espirituwal ang nagiging resulta nito. Nag-iisip-isip ang ilan, ‘Mapagsasabay ba ng isang Kristiyano ang pagtataguyod ng materyal na kayamanan at pagiging mayaman sa Diyos?’ Sinasabi ng kilalang mga manunulat at mga pastor na posible ito. Pero gaya ng natutuhan ni David at ng iba pa, mahirap pagsabayin ang dalawa.—Lucas 18:24.
Hindi Masama ang Pera
Siyempre, ang pera ay gawa ng tao. Gaya ng maraming bagay na gawa ng tao, hindi naman ito masama. Ang totoo, ito ay ginagamit lamang na pambayad sa mga bagay-bagay. Kaya kung gagamitin nang wasto, maaari itong maging kapaki-pakinabang. Halimbawa, kinikilala ng Bibliya na “ang salapi ay pananggalang,” lalo na laban sa mga problemang nauugnay sa karalitaan. (Eclesiastes 7:12) Waring sa isang antas, “ang salapi ay sumasagot sa lahat ng bagay.”—Eclesiastes 10:19, Ang Biblia.
Hinahatulan ng Kasulatan ang katamaran at pinasisigla nito ang kasipagan. Dapat nating paglaanan ang ating sariling pamilya, at kung may kaunting sobra sa kinita natin, ‘may maipamamahagi tayo sa sinumang nangangailangan.’ (Efeso 4:28; 1 Timoteo 5:8) Sabihin pa, hindi naman pinasisigla ng Bibliya ang pagkakait sa sarili, kundi sa halip ay ang masiyahan sa ating mga tinataglay. Sinasabi nito na ‘kunin ang ating takdang bahagi’ at masiyahan sa bunga ng ating pagpapagal. (Eclesiastes 5:18-20) Sa katunayan, may ilang halimbawa sa Bibliya ng tapat na mga lalaki at babae na mayaman naman.
Mga Taong Mayaman at Tapat
Si Abraham, isang tapat na lingkod ng Diyos, ay nagkaroon ng maraming kawan at bakahan, pilak at ginto, at isang malaking sambahayan ng daan-daang mga lingkod. (Genesis 12:5; 13:2, 6, 7) Napakayaman din ng matuwid na si Job—marami siyang kawan, lingkod, ginto, at pilak. (Job 1:3; 42:11, 12) Kahit sa panahon natin, maituturing na mayaman sa materyal ang mga taong ito, pero mayaman din sila sa Diyos.
Tinawag ni apostol Pablo si Abraham na “ama ng lahat niyaong may pananampalataya.” Si Abraham ay hindi maramot ni labis na nagpapahalaga sa taglay niya. (Roma 4:11; Genesis 13:9; 18:1-8) Sa katulad na paraan, inilarawan mismo ng Diyos si Job bilang “walang kapintasan at matuwid.” (Job 1:8) Palagi siyang handang tumulong sa mahihirap at napipighati. (Job 29:12-16) Kapuwa sina Abraham at Job ay nagtiwala sa Diyos sa halip na sa kanilang kayamanan.—Genesis 14:22-24; Job 1:21, 22; Roma 4:9-12.
Si Haring Solomon ay isa pang halimbawa. Bilang tagapagmana sa trono ng Diyos sa Jerusalem, si Solomon ay pinagpala hindi lamang ng makadiyos na karunungan kundi pati ng malaking kayamanan at kaluwalhatian. (1 Hari 3:4-14) Siya ay naging tapat sa kalakhang bahagi ng buhay niya. Subalit sa huling mga taon ng kaniyang buhay, ang “puso [ni Solomon] ay hindi naging sakdal kay Jehova.” (1 Hari 11:1-8) Sa katunayan, inilalarawan ng kaniyang malungkot na karanasan ang ilan sa karaniwang mga bitag ng materyal na kasaganaan. Isaalang-alang ang ilan.
Mga Bitag ng Kayamanan
Ang pinakamalubhang panganib nito ay ang maging isa na umiibig sa salapi at sa kayang bilhin nito. Dahil sa kayamanan, ang ilan ay nagkakaroon ng pagnanasang hindi kailanman mabibigyang-kasiyahan. Noong unang yugto ng paghahari ni Solomon, napansin niya ang tendensiyang ito sa iba. Sumulat siya: “Ang maibigin sa pilak ay hindi masisiyahan sa pilak, ni ang sinumang maibigin sa yaman ay masisiyahan sa kita. Ito rin ay walang kabuluhan.” (Eclesiastes 5:10) Nang maglaon, kapuwa sina Jesus at Pablo ay nagbabala sa mga Kristiyano hinggil sa mapanlinlang na pag-ibig na ito.—Marcos 4:18, 19; 2 Timoteo 3:2.
Kapag naging pangunahin sa atin ang pera sa halip na ituring ito na isang pamamaraan lamang upang maisagawa ang mga bagay-bagay, nahahantad tayo sa lahat ng tukso sa moral, kasama na rito ang pagsisinungaling, pagnanakaw, at pandaraya. Ipinagkanulo ni Hudas Iscariote, isa sa mga apostol ni Kristo, ang kaniyang panginoon para lamang sa 30 piraso ng pilak. (Marcos 14:11; Juan 12:6) Ang iba naman ay nagiging labis-labis ang pag-ibig sa salapi anupat ito na ang kanilang sinasamba sa halip na ang Diyos. (1 Timoteo 6:10) Kung gayon, dapat na palaging pagsikapan ng mga Kristiyano na maging tapat sa kanilang sarili may kinalaman sa kanilang tunay na motibo sa pagkita ng mas maraming salapi.—Hebreo 13:5.
Ang pagtataguyod ng kayamanan ay naghaharap din ng mga panganib na hindi gaanong napapansin. Una, pinasisigla ng kayamanan ang pagtitiwala sa sarili. Binanggit ito ni Jesus nang tukuyin niya ang “mapanlinlang na kapangyarihan ng kayamanan.” (Mateo 13:22) Ang manunulat ng Bibliya na si Santiago ay nagbabala rin sa mga Kristiyano laban sa paglimot sa Diyos kapag nagpaplano may kinalaman sa negosyo. (Santiago 4:13-16) Yamang waring nagkakaroon tayo ng isang antas ng kalayaan dahil sa pera, palaging naroroon ang panganib na magtiwala sa pera sa halip na sa Diyos.—Kawikaan 30:7-9; Gawa 8:18-24.
Ikalawa, gaya ng natanto ni David, na binanggit kanina, kadalasan nang umuubos ng panahon at lakas ng isa ang pagpapayaman anupat unti-unti siyang inilalayo nito sa espirituwal na mga bagay. (Lucas 12:13-21) Para sa mayayaman, nariyan din ang tukso na gamitin ang tinataglay nila pangunahin na para sa kaluguran o personal na mga kapakanan.
Posible kayang ang espirituwal na pagbagsak ni Solomon ay sa isang antas dahil sa kaniyang maluhong paraan ng pamumuhay? (Lucas 21:34) Alam niyang tuwirang ipinagbabawal ng Diyos ang pakikipag-alyansa ukol sa pag-aasawa sa banyagang mga bansa. Subalit nang dakong huli, nagkaroon siya ng isang harem ng mga isang libong babae. (Deuteronomio 7:3) Dahil sa kagustuhang paluguran ang kaniyang banyagang mga asawa, tinangka niyang makiisa sa kanilang pananampalataya para sa kanilang kapakinabangan. Gaya ng nabanggit kanina, unti-unting lumayo ang puso ni Solomon kay Jehova.
Maliwanag na ipinakikita ng mga halimbawang ito ang katotohanan ng payo ni Jesus: “Hindi kayo maaaring magpaalipin sa Diyos at sa Kayamanan.” (Mateo 6:24) Kung gayon, paano mapagtatagumpayan ng isang Kristiyano ang mga problema sa kabuhayan na kinakaharap ng karamihan sa ngayon? Higit sa lahat, may pag-asa ba tayong magkaroon ng mas magandang buhay sa hinaharap?
Tunay na Kasaganaan sa Hinaharap
Di-tulad ng mga patriyarkang sina Abraham at Job at ng bansang Israel, ang mga tagasunod ni Jesus ay may atas na “gumawa ng mga alagad sa mga tao ng lahat ng mga bansa.” (Mateo 28:19, 20) Ang pagtupad sa atas na ito ay humihiling ng panahon at pagsisikap na maaari rin namang gamitin sa pagtataguyod ng sekular na mga bagay. Kaya ang tagumpay ay nakasalalay sa sinabi ni Jesus na gawin natin: “Patuloy, kung gayon, na hanapin muna ang kaharian [ng Diyos] at ang kaniyang katuwiran, at ang lahat ng iba pang mga bagay na ito ay idaragdag sa inyo.”—Mateo 6:33.
Sa wakas, nang muntik nang maiwala ni David ang kaniyang pamilya at espirituwalidad, naituwid niya ang kaniyang buhay. Gaya ng ipinangako ni Jesus, nang muling unahin ni David sa kaniyang buhay ang pag-aaral ng Bibliya, pananalangin, at ang kaniyang ministeryo, muling nagkaroon ng direksiyon ang kaniyang buhay. Unti-unting naibalik ang kaniyang ugnayan sa kaniyang asawa at mga anak. Natamasa niyang muli ang kagalakan at kasiyahan. Nagpapagal pa rin naman siya. Ang kaniyang buhay ay hindi kuwento ng isang pulubi na naging mayaman. Subalit natuto siya ng ilang mahahalagang aral mula sa kaniyang mapait na karanasan.
Pinag-isipan ni David kung matalino nga ba ang ginawa niyang paglipat sa Estados Unidos, at nagpasiya siyang hinding-hindi na niya pahihintulutan ang pera na mangibabaw sa kaniyang mga pasiya. Natanto niya na ang pinakamahahalagang bagay sa buhay—maibiging pamilya, mabubuting kaibigan, at kaugnayan sa Diyos—ay hindi mabibili ng pera. (Kawikaan 17:17; 24:27; Isaias 55:1, 2) Tunay nga, ang malinis na pamumuhay ay mas mahalaga kaysa sa materyal na kayamanan. (Kawikaan 19:1; 22:1) Kasama ng kaniyang pamilya, determinado si David na unahin sa buhay ang mga bagay na dapat unahin.—Filipos 1:10.
Paulit-ulit na nabibigo ang pagsisikap ng tao na bumuo ng isang lipunang tunay na mayaman at may malinis na pamumuhay. Subalit nangangako ang Diyos na ang kaniyang Kaharian ay maglalaan ng saganang materyal at espirituwal na mga bagay na kailangan natin upang mamuhay nang maligaya. (Awit 72:16; Isaias 65:21-23) Itinuro ni Jesus na ang tunay na kasaganaan ay nagsisimula sa pagiging palaisip sa espirituwal. (Mateo 5:3) Kaya mayaman man tayo o mahirap, ang pag-una sa espirituwal na mga bagay ang pinakamahusay na paraan ngayon upang maging handa tayo sa bagong sanlibutan ng Diyos na napakalapit na. (1 Timoteo 6:17-19) Ang sanlibutang iyon ay tunay na magiging isang lipunan na sagana sa materyal at espirituwal na paraan.
[Mga talababa]
a Binago ang pangalan.
[Mga larawan sa pahina 5]
Nagtiwala si Job sa Diyos, hindi sa kaniyang kayamanan
[Mga larawan sa pahina 7]
Ang pinakamahahalagang bagay sa buhay ay hindi mabibili ng pera