“Gayon na Lamang ang Pag-ibig Ko sa Iyong Kautusan!”
“Gayon na lamang ang pag-ibig ko sa iyong kautusan! Buong araw ko itong pinag-iisipan.”—AWIT 119:97.
1, 2. (a) Sa anong situwasyon napaharap ang kinasihang manunulat ng Awit 119? (b) Paano siya tumugon dito, at bakit?
NAPAHARAP sa matinding pagsubok ang manunulat ng Awit 119. Hinamak at siniraang-puri siya ng pangahas na mga kaaway na nagwalang-bahala sa kautusan ng Diyos. Nagsanggunian ang mga prinsipe laban sa kaniya at inusig siya. Pinalibutan siya ng masasama, at nanganib ang kaniyang buhay. Bunga ng lahat ng ito, siya ay “puyat dahil sa pamimighati.” (Awit 119:9, 23, 28, 51, 61, 69, 85, 87, 161) Sa kabila ng pagsubok na ito, umawit ang salmista: “Gayon na lamang ang pag-ibig ko sa iyong kautusan! Buong araw ko itong pinag-iisipan.”—Awit 119:97.
2 Kaya makabubuting itanong, “Paano nagdulot ng kaginhawahan at kaaliwan sa salmista ang kautusan ng Diyos?” Ang nagpalakas sa kaniya ay ang pagtitiwala niyang nagmamalasakit sa kaniya si Jehova. Maligaya ang salmista dahil alam niya ang mga kapakinabangan ng pagkakapit sa kautusan na maibiging ibinigay ng Diyos, sa kabila ng paghihirap na idinulot sa kaniya ng mga mananalansang. Nauunawaan niyang matuwid ang pakikitungo ni Jehova sa kaniya. Karagdagan pa, dahil sa pagkakapit sa patnubay ng kautusan ng Diyos, naging mas marunong ang salmista kaysa sa kaniyang mga kaaway at naingatan pa nga ang buhay niya. Ang pagsunod sa kautusan ay nagbigay sa kaniya ng kapayapaan at isang mabuting budhi.—Awit 119:1, 9, 65, 93, 98, 165.
3. Bakit isang hamon para sa mga Kristiyano sa ngayon na mamuhay ayon sa makadiyos na mga pamantayan?
3 Ang ilang lingkod ng Diyos sa ngayon ay nakararanas din ng matitinding pagsubok sa kanilang pananampalataya. Maaaring hindi naman tayo napapaharap sa krisis na nagsasapanganib sa ating buhay gaya ng sa salmista, pero nabubuhay tayo sa “mga panahong mapanganib na mahirap pakitunguhan.” Marami sa mga nakakasalamuha natin araw-araw ang walang pag-ibig sa espirituwal na mga pamantayan—ang kanilang mga tunguhin ay makasarili at materyalistiko. Sila’y mapagmataas at walang galang. (2 Timoteo 3:1-5) Kailangang harapin palagi ng mga kabataang Kristiyano ang mga bagay na sumusubok sa kanilang mga pamantayang moral. Sa gayong kapaligiran, maaaring mahirap mapanatili ang ating pag-ibig kay Jehova at sa kung ano ang tama. Paano natin maipagsasanggalang ang ating sarili?
4. Paano ipinakita ng salmista ang pagpapahalaga sa kautusan ng Diyos, at gayundin ba ang dapat gawin ng mga Kristiyano?
4 Ang nakatulong sa salmista para makayanan ang mga panggigipit na kaniyang naranasan ay ang paglalaan niya ng panahon upang marubdob na pag-aralan at bulay-bulayin ang kautusan ng Diyos. Sa gayong paraan, nalinang niya ang pag-ibig dito. Sa katunayan, binabanggit sa halos bawat talata ng Awit 119 ang isang aspekto ng kautusan ni Jehova.a Sa ngayon, ang mga Kristiyano ay wala sa ilalim ng Kautusang Mosaiko, na ibinigay ng Diyos sa sinaunang bansang Israel. (Colosas 2:14) Gayunman, ang mga simulaing ipinahayag sa Kautusang iyon ay mahalaga pa rin sa ngayon. Ang mga simulaing ito ay nagbigay ng kaaliwan sa salmista at makapagbibigay rin ng kaaliwan sa mga lingkod ng Diyos sa ngayon na nakikipagpunyagi sa mga problema sa buhay.
5. Anu-anong aspekto ng Kautusang Mosaiko ang tatalakayin natin?
5 Tingnan natin kung anong pampatibay-loob ang makukuha natin kahit sa tatlong aspekto lamang ng Kautusang Mosaiko: ang kaayusan ng Sabbath, ang paglalaan para sa paghihimalay, at ang utos laban sa kaimbutan. Sa bawat aspekto, masusumpungan natin na napakahalagang maunawaan ang mga simulaing nasa likod ng mga kautusang ito upang maharap natin ang mga hamong nararanasan natin sa ating panahon.
Dapat Sapatan ang Ating Espirituwal na Pangangailangan
6. Anu-ano ang pangunahing pangangailangan ng lahat ng tao?
6 Nilalang ang sangkatauhan nang may ilang pangangailangan. Halimbawa, ang pagkain, inumin, at tirahan ay mahalaga upang manatiling malusog ang pangangatawan ng isang tao. Pero kailangan ding sapatan ng tao ang kaniyang “espirituwal na pangangailangan.” Hindi siya talaga magiging maligaya malibang gawin niya ito. (Mateo 5:3) Napakahalaga kay Jehova na masapatan ang likas na pangangailangang ito anupat inutusan niya ang kaniyang bayan na ihinto nila ang kanilang normal na mga gawain sa loob ng isang buong araw linggu-linggo upang bigyang-pansin ang espirituwal na mga bagay.
7, 8. (a) Paano ginawa ng Diyos na namumukod-tanging araw ang Sabbath kung ihahambing sa ibang mga araw? (b) Ano ang layunin ng Sabbath?
7 Idiniin ng kaayusan ng Sabbath ang kahalagahan ng pagtataguyod ng espirituwal na mga bagay. Ang unang paglitaw ng salitang “sabbath” sa Bibliya ay may kaugnayan sa paglalaan ng manna habang nasa ilang ang mga Israelita. Sinabi sa kanila na dapat silang magtipon ng makahimalang tinapay na ito sa loob ng anim na araw. Sa ikaanim na araw, magtitipon sila ng “tinapay para sa dalawang araw,” dahil sa ikapitong araw, walang ibibigay na manna. Ang ikapitong araw ay magiging “isang banal na sabbath kay Jehova,” kung kailan ang bawat isa ay dapat manatiling nakaupo sa kaniyang sariling dako. (Exodo 16:13-30) Itinatagubilin ng isa sa Sampung Utos na walang anumang trabaho ang dapat gawin kapag Sabbath. Sagrado ang araw na ito. Kamatayan ang parusa sa hindi pangingilin nito.—Exodo 20:8-11; Bilang 15:32-36.
8 Ipinakita ng kautusan ng Sabbath ang pagmamalasakit ni Jehova sa pisikal at espirituwal na kapakanan ng kaniyang bayan. “Ang sabbath ay umiral alang-alang sa tao,” ang sabi ni Jesus. (Marcos 2:27) Nagbigay ito ng pagkakataon sa mga Israelita hindi lamang para makapagpahinga kundi para mapalapít din sa kanilang Maylalang at maipakita ang kanilang pag-ibig sa kaniya. (Deuteronomio 5:12) Isa itong araw na bukod-tanging itinalaga para sa espirituwal na mga bagay. Kasama rito ang pagsamba bilang pamilya, pananalangin, at pagbubulay-bulay sa Kautusan ng Diyos. Ang kaayusang ito ay nagsilbing proteksiyon sa mga Israelita upang hindi nila gamitin ang lahat ng kanilang panahon at lakas sa pagtataguyod ng materyal na mga bagay. Ipinaalaala sa kanila ng Sabbath na ang kanilang kaugnayan kay Jehova ang pinakamahalaga sa kanilang buhay. Inulit ni Jesus ang di-nagbabagong simulaing ito nang sabihin niya: “Nasusulat, ‘Ang tao ay mabubuhay, hindi sa tinapay lamang, kundi sa bawat pananalitang lumalabas sa bibig ni Jehova.’”—Mateo 4:4.
9. Anong aral ang matututuhan ng mga Kristiyano sa kaayusan ng Sabbath?
9 Ang bayan ng Diyos ay hindi na hinihilingang ipangilin ang isang literal na 24-oras na pamamahinga sa araw ng sabbath, pero ang kaayusan ng Sabbath ay hindi lamang basta kasaysayan. (Colosas 2:16) Hindi ba’t ipinaaalaala nito sa atin na dapat din nating unahin sa ating buhay ang espirituwal na mga gawain? Ang sagradong mga kapakanan ay hindi dapat matabunan ng pagtataguyod ng materyal na mga bagay o ng libangan. (Hebreo 4:9, 10) Kaya maaari nating itanong: “Ano ba ang pangunahin sa buhay ko? Inuuna ko ba ang pag-aaral, pananalangin, pagdalo sa mga Kristiyanong pagpupulong, at pangangaral ng mabuting balita ng Kaharian? O nagiging pangalawahin na lamang ang mga ito dahil sa pagtataguyod ko ng ibang mga bagay?” Kung inuuna natin sa ating buhay ang espirituwal na mga bagay, tinitiyak sa atin ni Jehova na masasapatan ang ating mga pangangailangan sa buhay.—Mateo 6:24-33.
10. Paano tayo makikinabang sa paglalaan ng panahon para sa espirituwal na mga bagay?
10 Ang panahong ginugugol sa pag-aaral ng Bibliya at salig-Bibliyang mga publikasyon, gayundin ang pagbubulay-bulay hinggil sa mensahe ng mga ito, ay makatutulong sa atin na maging mas malapít kay Jehova. (Santiago 4:8) Inamin ni Susan, na nagsimulang maglaan ng panahon para sa regular na pag-aaral sa Bibliya mga 40 taon na ang nakalilipas, na hindi ito naging kawili-wili noong una. Naging pabigat ito. Pero miyentras nagbabasa siya, higit siyang nasisiyahan dito. Sa ngayon, talagang nalulungkot siya kapag hindi siya nakakapag-aral nang personal dahil sa isang partikular na kadahilanan. “Natulungan ako ng pag-aaral na makilala si Jehova bilang Ama,” ang sabi niya. “Makapagtitiwala ako sa kaniya at malayang makalalapit sa kaniya sa panalangin. Talagang kahanga-hangang malaman kung gaano kamahal ni Jehova ang kaniyang mga lingkod, kung gaano kalaki ang pagmamalasakit niya sa akin bilang indibiduwal, at kung paano siya kumikilos alang-alang sa akin.” Kaylaki ngang kagalakan ang maaari rin nating matamasa sa regular na pagsapat sa ating espirituwal na mga pangangailangan!
Kautusan ng Diyos sa Paghihimalay
11. Ipaliwanag ang kaayusan sa paghihimalay.
11 Ang ikalawang aspekto ng Kautusang Mosaiko na nagpapakita ng pagmamalasakit ng Diyos sa kapakanan ng kaniyang bayan ay ang karapatang maghimalay. Iniutos ni Jehova na kapag nag-aani ang isang Israelitang magsasaka sa kaniyang bukid, dapat niyang pahintulutan ang nagdarahop na tipunin ang iniwan ng mga mang-aani. Hindi dapat lubusang gapasin ng mga magsasaka ang gilid ng kanilang bukid, ni pitasin ang natirang mga ubas o olibo. Ang mga tungkos ng butil na di-sinasadyang naiwan sa bukid ay hindi dapat balikan. Isa itong maibiging kaayusan para sa mga dukha, naninirahang dayuhan, ulila, at mga babaing balo. Totoo, kailangan din nilang magpagal sa paghihimalay, pero sa pamamagitan nito, maiiwasan nilang mamalimos.—Levitico 19:9, 10; Deuteronomio 24:19-22; Awit 37:25.
12. Dahil sa kaayusan sa paghihimalay, nagkaroon ng anong pagkakataon ang mga magsasaka?
12 Hindi espesipikong itinakda ng kautusan sa paghihimalay kung gaano karaming ani ang dapat itira ng mga magsasaka para sa mga nagdarahop. Bahala na silang magpasiya kung gaano kalapad ang hindi nila gagapasin sa gilid ng kanilang mga bukid. Sa paraang ito, natututo ang mga Israelita ng pagkabukas-palad. Binigyan nito ng pagkakataon ang mga magsasaka na ipakita ang kanilang pasasalamat sa Tagapaglaan ng ani, yamang “ang nagpapakita ng lingap sa dukha ay lumuluwalhati sa [kaniyang Maylikha].” (Kawikaan 14:31) Si Boaz ang isa sa mga gumawa nito. May-kabaitan niyang tiniyak na si Ruth, isang babaing balo na naghihimalay sa kaniyang bukid, ay makakakuha ng sapat na dami ng butil. Saganang ginantimpalaan ni Jehova si Boaz sa kaniyang pagkabukas-palad.—Ruth 2:15, 16; 4:21, 22; Kawikaan 19:17.
13. Ano ang matututuhan natin sa sinaunang kautusan sa paghihimalay?
13 Ang simulain sa likod ng kautusan sa paghihimalay ay hindi nagbago. Inaasahan ni Jehova na maging bukas-palad ang kaniyang mga lingkod, lalo na sa mga nagdarahop. Kapag mas bukas-palad tayo, lalo tayong pagpapalain. “Ugaliin ang pagbibigay, at ang mga tao ay magbibigay sa inyo,” ang sabi ni Jesus. “Ibubuhos nila sa inyong kandungan ang sukat na mainam, pinikpik, niliglig at umaapaw. Sapagkat ang panukat na inyong ipinanunukat ay ipanunukat nila sa inyo bilang ganti.”—Lucas 6:38.
14, 15. Paano natin maipakikita ang pagkabukas-palad, at ano ang posibleng mga kapakinabangan nito sa atin at sa mga tinutulungan natin?
14 Hinihimok tayo ni apostol Pablo na “gumawa tayo ng mabuti sa lahat, ngunit lalo na roon sa mga may kaugnayan sa atin sa pananampalataya.” (Galacia 6:10) Kaya talagang kailangan tayong magmalasakit sa ating kapuwa mga Kristiyano at tiyakin na nakatatanggap sila ng espirituwal na tulong kapag napapaharap sila sa mga pagsubok sa kanilang pananampalataya. Pero kailangan din kaya nila ng praktikal na tulong, halimbawa, sa pagpunta sa Kingdom Hall o sa kanilang pamamalengke? Mayroon ba kayong kakongregasyon na may-edad na, maysakit, o hindi na makaalis ng bahay dahil sa mahinang kalusugan na malulugod na madalaw upang mapatibay o matulungan sa kanilang mga gawain? Kung magiging alisto tayo sa gayong mga pangangailangan, maaari tayong gamitin ni Jehova upang sagutin ang mga panalangin ng isang nangangailangan ng tulong. Bagaman obligasyon ng mga Kristiyano na alagaan ang isa’t isa, nakikinabang din ang nag-aalaga kapag ginagawa niya ito. Ang pagpapakita ng tunay na pag-ibig sa mga kapuwa mananamba ay pinagmumulan ng malaking kagalakan at matinding kasiyahan na nagdudulot ng ngiti ng pagsang-ayon ni Jehova.—Kawikaan 15:29.
15 Ang isa pang mahalagang paraan para maipakita ng mga Kristiyano ang pagkabukas-palad ay ang paggamit ng kanilang panahon at lakas upang ipakipag-usap sa iba ang mga layunin ng Diyos. (Mateo 28:19, 20) Sinumang nakaranas na ng kagalakang matulungan ang isang tao na ialay ang buhay nito kay Jehova ay nakaaalam sa katotohanan ng mga salita ni Jesus: “May higit na kaligayahan sa pagbibigay kaysa sa pagtanggap.”—Gawa 20:35.
Magbantay Laban sa Kaimbutan
16, 17. Ano ang ipinagbabawal ng ikasampung utos, at bakit?
16 Ang ikatlong aspekto ng Kautusan ng Diyos sa Israel na tatalakayin natin ay ang ikasampung utos, na nagbabawal sa kaimbutan. Sinabi ng Kautusan: “Huwag mong nanasain ang bahay ng iyong kapuwa. Huwag mong nanasain ang asawa ng iyong kapuwa, ni ang kaniyang aliping lalaki ni ang kaniyang aliping babae ni ang kaniyang toro ni ang kaniyang asno ni ang anumang bagay na pag-aari ng iyong kapuwa.” (Exodo 20:17) Walang taong makapagpapatupad ng gayong utos, yamang walang taong nakababasa ng puso. Subalit dahil sa utos na iyan, naging mas mataas ang Kautusan kaysa sa batas ng tao. Sa pamamagitan nito, natatanto ng bawat Israelita na tuwiran siyang mananagot kay Jehova, na siyang nakababasa ng mga hilig ng puso. (1 Samuel 16:7) Bukod diyan, tinukoy ng utos na ito ang pinakaugat ng maraming ipinagbabawal na gawain.—Santiago 1:14.
17 Ang kautusan laban sa kaimbutan ay nag-udyok sa bayan ng Diyos na iwasan ang materyalismo, kasakiman, at pagrereklamo hinggil sa kalagayan nila sa buhay. Ipinagsanggalang din sila nito laban sa tuksong magnakaw o gumawa ng imoralidad. Tiyak na palaging may mga taong nagtataglay ng materyal na mga bagay na gustung-gusto natin o sa isang antas ay waring mas matagumpay kaysa sa atin. Kung hindi natin kokontrolin ang ating pag-iisip sa gayong mga situwasyon, baka mawala ang ating kagalakan at mainggit tayo sa iba. Itinuturing ng Bibliya ang kaimbutan bilang palatandaan ng “isang di-sinang-ayunang kalagayan ng isip.” Tiyak na makabubuti kung hindi tayo mapag-imbot.—Roma 1:28-30.
18. Anong espiritu ang nananaig sa sanlibutan sa ngayon, at anu-ano ang negatibong mga epekto nito?
18 Ang espiritung nananaig sa sanlibutan sa ngayon ay nagtataguyod ng materyalismo at kompetisyon. Sa pamamagitan ng mga anunsiyo, pinupukaw ng komersiyo ang paghahangad na magkaroon ng bagong mga produkto at madalas nitong ipinahihiwatig ang ideya na hindi tayo magiging maligaya malibang magkaroon tayo ng mga ito. Ito mismo ang espiritung hinahatulan ng Kautusan ni Jehova. Kaugnay sa espiritung ito ang paghahangad na maging matagumpay sa sanlibutan anuman ang kapalit nito at ang pagnanais na magkamal ng kayamanan. Nagbabala si apostol Pablo: “Yaong mga determinadong maging mayaman ay nahuhulog sa tukso at sa silo at sa maraming hangal at nakasasakit na mga pagnanasa, na nagbubulusok sa mga tao sa pagkapuksa at pagkapahamak. Sapagkat ang pag-ibig sa salapi ay ugat ng lahat ng uri ng nakapipinsalang mga bagay, at sa pag-abot sa pag-ibig na ito ang ilan ay nailigaw mula sa pananampalataya at napagsasaksak ng maraming kirot ang kanilang sarili.”—1 Timoteo 6:9, 10.
19, 20. (a) Para sa umiibig sa kautusan ni Jehova, anong mga bagay ang tunay na mahalaga? (b) Ano ang paksa ng susunod na artikulo?
19 Alam ng mga umiibig sa kautusan ng Diyos ang mga panganib ng materyalistikong espiritu at naipagsasanggalang sila mula rito. Halimbawa, nanalangin kay Jehova ang salmista: “Ikiling mo ang aking puso sa iyong mga paalaala, at hindi sa mga pakinabang. Ang kautusan ng iyong bibig ay mabuti para sa akin, higit pa kaysa sa libu-libong piraso ng ginto at pilak.” (Awit 119:36, 72) Ang pagiging kumbinsido sa katotohanan ng mga salitang ito ay tutulong sa atin na manatiling timbang na siyang kinakailangan upang maiwasan ang mga bitag ng materyalismo, kasakiman, at kawalan ng kasiyahan sa kalagayan natin sa buhay. Ang “makadiyos na debosyon,” hindi ang pagkakamal ng materyal na mga bagay, ang susi sa pagtatamasa sa pinakamalaking pakinabang na maaari nating matamo.—1 Timoteo 6:6.
20 Ang mga simulaing nasa likod ng Kautusang ibinigay ni Jehova sa sinaunang bansang Israel ay mahalaga rin sa ating mahirap na panahon kung paanong mahalaga ang mga ito noong panahong ibigay ni Jehova ang Kautusang iyon kay Moises. Habang lalo nating ikinakapit ang mga simulaing ito sa ating buhay, lalo natin itong mauunawaan, lalo natin itong iibigin, at lalo tayong magiging maligaya. Maraming mahahalagang aral ang masusumpungan natin sa Kautusan, at ang malinaw na kahalagahan ng mga ito ay makikita sa buhay at karanasan ng mga tauhan sa Bibliya. Tatalakayin ang ilan sa mga ito sa susunod na artikulo.
[Talababa]
a Ang lahat ng 176, maliban sa 4, na talata ng awit na ito ay bumabanggit sa mga utos, hudisyal na pasiya, kautusan, pag-uutos, tuntunin, paalaala, pananalita, batas, daan, o salita ni Jehova.
Paano Mo Sasagutin?
• Bakit inibig ng manunulat ng Awit 119 ang kautusan ni Jehova?
• Ano ang matututuhan ng mga Kristiyano sa kaayusan ng Sabbath?
• Ano ang kahalagahan hanggang sa ngayon ng kautusan ng Diyos sa paghihimalay?
• Paano tayo ipinagsasanggalang ng utos laban sa kaimbutan?
[Larawan sa pahina 21]
Ano ang idiniriin ng kautusan ng Sabbath?
[Larawan sa pahina 23]
Ano ang matututuhan natin sa kautusan sa paghihimalay?