Paano Ko Matutulungan ang Aking mga Anak na Maging Tunay na Edukado?
ANG edukasyon ng isang anak ay maitutulad sa isang paglalakbay na kapana-panabik at punô ng hamon. Magkasama kayo ng anak mo sa paglalakbay na ito. Pinatitibay mo sila at maibiging pinapatnubayan, at tinutulungan sila na sumulong sa paglakad sa landas ng buhay. Napakarami nilang maaaring matutuhan!
Para maging tunay na matagumpay at maligaya sa buhay, dapat magkaroon ang mga anak ng pamantayang moral at kaugnayan sa Diyos, at matutuhang makilala ang tama at mali. Kung kikilalanin at iibigin nila si Jehova, talagang magiging kapaki-pakinabang ang kanilang edukasyon at mamamalagi ito magpakailanman. Bilang magulang, malaki ang papel mo sa kung ano ang matututuhan at kung paano pahahalagahan at uunawain ng iyong mga anak ang kanilang natututuhan.
May mga hamon na kailangang mapagtagumpayan sa paglalakbay na ito. Madaling maimpluwensiyahan ang mga bata ng maraming hindi kanais-nais na mga bagay sa paligid nila. Nabubuhay tayo sa isang sanlibutan na kontrolado ni Satanas na Diyablo. (1 Juan 5:19) Interesado siya sa edukasyon ng iyong mga anak, pero ibang-iba ang kaniyang motibo. Si Satanas ay bihasa at makaranasang tagapagturo—pero napakasama niyang tagapagturo. Bagaman nagkukunwari siyang “isang anghel ng liwanag,” ang kaliwanagan na iniaalok niya ay mapanlinlang at laban sa Salita at kalooban ni Jehova. (2 Corinto 4:4; 11:14; Jeremias 8:9) Ang Diyablo at ang kaniyang mga demonyo ay mga dalubhasa sa panlilinlang at pambubuyo sa kasakiman, kawalang-katapatan, at mababang moral.—1 Timoteo 4:1.
Paano mo mapoprotektahan ang iyong mga anak para hindi sila mailigaw? Paano mo sila tuturuan na tanggapin kung ano ang tunay at kapaki-pakinabang? Mahalaga na suriin mo muna ang iyong sarili. Kailangan mong maging mabuting halimbawa. Mahalaga rin na balikatin mo ang iyong pananagutan na turuan ang iyong mga anak at maglaan ng panahon para gawin ito. Pero bago natin tingnan ang mga puntong ito, alamin muna natin ang pundasyon ng tunay na edukasyon.
Ang Pundasyon ng Tunay na Edukasyon
Matututo tayo mula kay Haring Solomon ng Israel, isa sa pinakamarunong na lalaki na nabuhay kailanman. Sinasabi ng Bibliya sa atin: “Ang Diyos ay patuloy na nagbigay kay Solomon ng napakalaking karunungan at unawa at ng lawak ng puso, tulad ng buhangin na nasa baybay-dagat. At ang karunungan ni Solomon ay mas malawak kaysa sa karunungan ng lahat ng taga-Silangan at kaysa sa lahat ng karunungan ng Ehipto.” Si Solomon ay “nakapagsasalita ng tatlong libong kawikaan, at ang kaniyang mga awit ay umabot sa isang libo at lima.” Marami siyang alam tungkol sa mga halaman at hayop. (1 Hari 4:29-34) Si Haring Solomon din ang nangasiwa sa mga proyekto ng pagtatayo sa Israel kasama na ang maringal na templo ni Jehova sa Jerusalem.
Makikita sa mga isinulat ni Solomon, gaya ng aklat ng Eclesiastes, na mayroon siyang malalim na unawa sa kalikasan ng tao. Sa ilalim ng patnubay ng banal na espiritu ng Diyos, tinukoy niya ang pundasyon ng tunay na edukasyon. Sinabi ni Solomon: “Ang pagkatakot kay Jehova ang pasimula ng kaalaman.” Sinabi rin ng matalinong hari: “Ang pagkatakot kay Jehova ang siyang pasimula ng karunungan, at ang kaalaman sa Kabanal-banalan ay siyang pagkaunawa.”—Kawikaan 1:7; 9:10.
Kung may takot tayo sa Diyos, dapat na may pagpipitagan tayo sa kaniya at mag-iingat tayo na hindi siya mapalugdan. Kinikilala natin na siya ang Kadaki-dakilaan at na tayo ay magsusulit sa kaniya. Ang mga hindi nagpapahalaga sa pinagkakautangan natin ng buhay ay itinuturing ng mga tao bilang marurunong, pero ang gayong karunungan ay “kamangmangan sa Diyos.” (1 Corinto 3:19) Kailangan ng iyong mga anak ng edukasyon na “mula sa itaas.”—Santiago 3:15, 17.
May malapit na kaugnayan ang pagkatakot na hindi mapalugdan si Jehova at ang pag-ibig sa kaniya. Nais ni Jehova na ang kaniyang mga lingkod ay kapuwa may pagkatakot at pag-ibig sa kaniya. Sinabi ni Moises: “O Israel, ano ang hinihiling sa iyo ni Jehova na iyong Diyos kundi ang matakot kay Jehova na iyong Diyos, na lumakad sa lahat ng kaniyang mga daan at ibigin siya at paglingkuran si Jehova na iyong Diyos nang iyong buong puso at nang iyong buong kaluluwa; na tuparin ang mga utos ni Jehova at ang kaniyang mga batas na iniuutos ko sa iyo ngayon, para sa iyong ikabubuti?”—Deuteronomio 10:12, 13.
Kung ikikintal natin sa ating mga anak ang mapitagang pagkatakot kay Jehova, makapaglalatag tayo ng pundasyon na tutulong sa kanila na maging ganap na marunong. Habang patuloy silang naglilinang ng gayong mapitagang pagkatakot, lalo nilang mapahahalagahan ang kanilang Maylalang, ang Bukal ng lahat ng tunay na karunungan. Tutulungan nito ang ating mga anak na magkaroon ng tamang unawa sa kanilang natututuhan at sa gayo’y hindi magkaroon ng maling konklusyon. Magkakaroon sila ng kakayahan na “makilala kapuwa ang tama at ang mali.” (Hebreo 5:14) Ang gayong pundasyon ay makatutulong din sa kanila na manatiling mapagpakumbaba at umiwas sa paggawa ng masama.—Kawikaan 8:13; 16:6.
Modelo Kayo ng Inyong mga Anak!
Pero paano natin matutulungan ang ating mga anak na ibigin si Jehova at matakot sa kaniya? Ang sagot sa tanong na iyan ay nasa Kautusan na ibinigay ni Jehova sa mga Israelita sa pamamagitan ng propetang si Moises. Sinabihan ang mga magulang na Israelita: “Iibigin mo si Jehova na iyong Diyos nang iyong buong puso at nang iyong buong kaluluwa at nang iyong buong lakas. At ang mga salitang ito na iniuutos ko sa iyo ngayon ay mapapasaiyong puso; at ikikintal mo iyon sa iyong anak at sasalitain mo iyon kapag nakaupo ka sa iyong bahay at kapag naglalakad ka sa daan at kapag nakahiga ka at kapag bumabangon ka.”—Deuteronomio 6:5-7.
May mahahalagang aral ang tekstong ito para sa mga magulang. Ito ang isa: Bilang magulang, dapat kang maging mabuting halimbawa. Para maturuan mo ang iyong mga anak na ibigin si Jehova, ikaw mismo ay dapat umibig kay Jehova at magsapuso ng kaniyang mga salita. Bakit napakahalaga nito? Dahil ikaw ang pangunahing guro ng iyong mga anak. Malaki ang epekto sa kanila ng iyong halimbawa. At wala nang makaiimpluwensiya nang higit pa sa buhay ng isang anak kundi ang halimbawa ng magulang.
Makikita hindi lamang sa iyong sinasabi kundi pati na rin sa iyong ginagawa ang iyong mga pangarap, mithiin, simulain, at mga kagustuhan. (Roma 2:21, 22) Mula sa pagkasanggol, natututo ang mga anak sa pamamagitan ng pagmamasid nang maigi sa kanilang mga magulang. Nakikita ng mga anak kung ano ang mahalaga sa kanilang mga magulang, at karaniwan nang ito rin ang mga bagay na nagiging mahalaga sa kanila. Kung talagang iniibig mo si Jehova, makikita iyan ng iyong mga anak. Halimbawa, makikita nila na mahalaga sa iyo ang pagbabasa at pag-aaral ng Bibliya. Mauunawaan nila na inuuna mo sa iyong buhay ang mga kapakanan ng Kaharian. (Mateo 6:33) Makikita nila sa iyong regular na pagdalo sa mga pulong Kristiyano at pakikibahagi sa pangangaral hinggil sa Kaharian na napakahalaga sa iyo ng sagradong paglilingkod kay Jehova.—Mateo 28:19, 20; Hebreo 10:24, 25.
Balikatin ang Iyong Pananagutan
Ang isa pang aral na matututuhan ng mga magulang sa Deuteronomio 6:5-7 ay ito: Pananagutan ninyong sanayin ang inyong mga anak. Sa sinaunang bayan ni Jehova, mga magulang ang nagtuturo sa kanilang mga anak. Sa unang-siglong mga Kristiyano, ang mga magulang pa rin ang may mahalagang papel sa pagtuturo sa kanilang mga anak. (2 Timoteo 1:5; 3:14, 15) Sa pagsulat sa kapuwa mga Kristiyano, sinabi ni apostol Pablo na ang mga ama lalo na ang dapat na ‘patuloy na magpalaki sa kanilang mga anak sa disiplina at pangkaisipang patnubay ni Jehova.’—Efeso 6:4.
Dahil sa dami ng mga pangangailangan sa ngayon, trabaho, at iba pang mga gawain na nakauubos ng panahon at lakas, baka matukso ang mga magulang na ipaubaya sa iba ang pagtuturo sa kanilang mga anak, tulad ng mga guro at propesyonal na tagapag-alaga ng mga bata. Pero walang makapapalit sa papel ng maibigin at mapagmalasakit na magulang. Huwag mamaliitin ang iyong halaga at impluwensiya sa kanila. Kung kailangan mo ng tulong sa pagtuturo sa iyong mga anak, maging matalino sa pagpili, pero huwag na huwag mong bibitiwan ang iyong sagradong pananagutan.
Maglaan ng Panahon Para Sanayin ang Iyong mga Anak
May isa pang aral na matutuhan ang mga magulang mula sa Deuteronomio 6:5-7: Kailangan ang panahon at pagsisikap para sanayin ang mga anak. Dapat ‘ikintal’ ng mga magulang na Israelita sa kanilang mga anak ang katotohanan tungkol sa Diyos. Ang orihinal na Hebreong salita na isinaling ‘ikintal’ ay nangangahulugang “ulitin,” “muli’t muling sabihin.” Oo, dapat itong gawin sa buong araw, mula umaga hanggang gabi, ‘sa inyong bahay’ at “sa daan.” Kailangan ng panahon at pagsisikap para maturuan ang mga anak at mahubog ang kanilang saloobin at paggawi para mapalugdan nila ang Diyos.
Anu-ano kung gayon ang magagawa mo para matulungan ang iyong mga anak na maging tunay na edukado? Napakarami nga. Turuan sila na ibigin si Jehova at matakot sa kaniya. Maging mabuting halimbawa sa kanila. Balikatin ang iyong pananagutan na turuan ang iyong mga anak at maglaan ng panahong kailangan para sanayin sila. Hindi ka sakdal, at maaaring magkamali ka habang ginagawa mo ito. Pero kung talagang sisikapin mong gawin ang kalooban ng Diyos, tiyak na pasasalamatan ng iyong mga anak ang iyong pagsisikap at makikinabang sila rito. “Sanayin mo ang bata ayon sa daang nararapat sa kaniya,” ang sabi sa Kawikaan 22:6. “Tumanda man siya ay hindi niya iyon lilihisan.”
Ang edukasyon ay panghabang-buhay na paglalakbay. Kung mahal mo at ng iyong mga anak ang Diyos, masisiyahan kayo sa paglalakbay na ito magpakailanman. Ito ay dahil lagi tayong maraming matutuhan tungkol kay Jehova at kung paano tayo mamumuhay ayon sa kaniyang layunin.—Eclesiastes 3:10, 11.
[Larawan sa pahina 15]
Binabasahan mo ba ng Bibliya ang iyong mga anak?
[Larawan sa pahina 16]
Maglaan ng panahon para turuan ang iyong mga anak tungkol sa Maylalang