Paghihintay sa Araw ni Jehova Nang May Pagbabata
“Idagdag sa inyong pananampalataya . . . ang pagbabata.”—2 PEDRO 1:5, 6.
1, 2. Ano ang pagbabata, at bakit ito kailangan ng mga Kristiyano?
ANG dakilang araw ni Jehova ay napakalapit na. (Joel 1:15; Zefanias 1:14) Bilang mga Kristiyanong determinadong manatiling tapat sa Diyos, may-pananabik nating hinihintay ang panahon na ipagbabangong-puri ang soberanya ni Jehova. Samantala, napapaharap tayo sa pagkapoot, pagdusta, pag-uusig, at kamatayan dahil sa ating pananampalataya. (Mateo 5:10-12; 10:22; Apocalipsis 2:10) Kaya kailangan natin ang pagbabata—ang kakayahan na matiis ang paghihirap. Hinihimok tayo ni apostol Pedro: “Idagdag sa inyong pananampalataya . . . ang pagbabata.” (2 Pedro 1:5, 6) Kailangan nating magbata dahil sinabi ni Jesus: “Siya na nakapagbata hanggang sa wakas ang siyang maliligtas.”—Mateo 24:13.
2 Dumaranas din tayo ng karamdaman, pangungulila, at iba pang pagsubok. Tiyak na matutuwa si Satanas kung manghihina ang ating pananampalataya! (Lucas 22:31, 32) Sa tulong ni Jehova, makapagbabata tayo ng iba’t ibang pagsubok. (1 Pedro 5:6-11) Talakayin natin ang ilang karanasan na nagpapatunay na maaari tayong maghintay sa araw ni Jehova nang may pagbabata at di-natitinag na pananampalataya.
Hindi Sila Napahinto ng Karamdaman
3, 4. Magbigay ng halimbawa na nagpapakitang makapaglilingkod tayo kay Jehova nang may katapatan sa kabila ng karamdaman.
3 Hindi na tayo makahimalang pinagagaling ni Jehova sa ngayon, pero binibigyan niya tayo ng lakas na mabata ang karamdaman. (Awit 41:1-3) “Sa abot ng naaalaala ko,” ang sabi ni Sharon, “ang silyang de-gulong ang lagi kong kasama. Isinilang akong may cerebral palsy kaya hindi ako naging maligaya mula pagkabata.” Ang pagkatuto tungkol kay Jehova at sa kaniyang mga pangako na sakdal na kalusugan ang nagbigay kay Sharon ng pag-asa. Kahit na nahihirapan siyang magsalita at maglakad, maligaya siyang nakikibahagi sa ministeryong Kristiyano. Mga 15 taon na ang nakalipas, sinabi niya: “Maaaring patuloy na lumala ang sakit ko, pero ang pagtitiwala ko sa Diyos at ang aking kaugnayan sa kaniya ang nagbibigay sa akin ng lakas. Anong ligaya ko at ako’y kabilang sa bayan ni Jehova at patuloy niyang inaalalayan!”
4 Hinimok ni apostol Pablo ang mga Kristiyano sa Tesalonica na “magsalita nang may pang-aliw sa mga kaluluwang nanlulumo.” (1 Tesalonica 5:14) Ang mga bagay gaya ng matinding pagkabigo ay maaaring maging sanhi ng panlulumo. Noong 1993, sumulat si Sharon: “Dahil sa pagkadama ng labis na kabiguan, . . . dumanas ako ng matinding panlulumo sa loob ng tatlong taon. . . . Inaliw at pinayuhan ako ng matatanda. . . . Sa pamamagitan ng Ang Bantayan, si Jehova ay magiliw na naglaan ng kaunawaan tungkol sa matinding panlulumo. Oo, nagmamalasakit siya sa kaniyang bayan at nauunawaan niya ang ating nadarama.” (1 Pedro 5:6, 7) Si Sharon ay patuloy pa ring naglilingkod nang tapat sa Diyos habang naghihintay sa dakilang araw ni Jehova.
5. Ano ang isang patotoo na maaaring mabata ng mga Kristiyano ang matinding kaigtingan?
5 Ang ilang Kristiyano ay dumaranas ng matinding kaigtingan dahil sa mga pinagdaanan nila sa buhay. Nasaksihan ni Harley ang madugong labanan noong Digmaang Pandaigdig II kaya binabangungot siya tungkol doon. Habang natutulog, bigla siyang napapasigaw: “Dapa! Ilag!” Paggising niya, basang-basa na siya ng pawis. Pero nang itaguyod niya ang makadiyos na pamumuhay, ang tindi at dalas ng mga panaginip na iyon ay unti-unting nabawasan.
6. Paano hinarap ng isang Kristiyano ang problema sa emosyon?
6 Isang Kristiyano na nasuring may bipolar disorder ang lubhang nahihirapang mangaral sa bahay-bahay. Pero nagpatuloy pa rin siya dahil alam niyang ang ministeryo ay makapagliligtas sa kaniya at sa mga makikinig sa kaniya. (1 Timoteo 4:16) Kung minsan nawawalan siya ng lakas ng loob na tumimbre man lamang sa pintuan, pero sinabi niya: “Pagkatapos ng ilang sandali ay makokontrol ko na ang aking emosyon, kaya pumupunta na ako sa kasunod na pintuan, at sumusubok muli. Sa pamamagitan ng patuluyang pakikibahagi sa ministeryo, naingatan ko ang aking espirituwalidad.” Isang hamon din ang pagdalo sa mga pulong, pero ang kapatid na ito ay kumbinsido sa kahalagahan ng pakikipagsamahan sa mga kapananampalataya. Kaya nagsisikap siyang makadalo.—Hebreo 10:24, 25.
7. Bagaman ang ilan ay takot magsalita sa harap ng maraming tao o dumalo sa pulong, paano sila nagpapakita ng pagbabata?
7 Ang ilang Kristiyano ay may phobia—labis na pagkatakot sa ilang situwasyon o mga bagay. Halimbawa, maaaring natatakot silang magsalita sa harap ng maraming tao o dumalo sa pulong. Isip-isipin kung gaano kahirap para sa kanila na magkomento sa mga pulong Kristiyano o gumanap ng bahagi sa Paaralang Teokratiko Ukol sa Ministeryo! Pero nagbabata sila, at tayo ay napatitibay sa kanilang pagdalo at pakikibahagi.
8. Ano ang lalo nang mabisa kapag napapaharap sa problema sa emosyon?
8 Ang sapat na pahinga at pagtulog ay makatutulong sa isa na magbata ng problema sa emosyon. Baka makabubuti ang magpatingin sa doktor. Pero lalo nang mabisa ang magtiwala sa Diyos sa pamamagitan ng pananalangin. “Ihagis mo ang iyong pasanin kay Jehova, at siya ang aalalay sa iyo,” ang sabi sa Awit 55:22. “Hindi niya kailanman ipahihintulot na ang matuwid ay makilos.” Kaya laging ‘magtiwala kay Jehova nang iyong buong puso.’—Kawikaan 3:5, 6.
Pagbabata sa Pangungulila
9-11. (a) Ano ang tutulong sa atin na mabata ang kalungkutan kapag namatay ang isang mahal sa buhay? (b) Paano makatutulong sa atin ang halimbawa ni Ana upang mabata ang pangungulila?
9 Ang pagkamatay ng isang miyembro ng pamilya ay malaking kawalan na maaaring magdulot ng matinding pamimighati. Si Abraham ay tumangis nang mamatay ang kaniyang mahal na asawang si Sara. (Genesis 23:2) Maging ang sakdal na taong si Jesus ay “lumuha” nang mamatay ang kaibigan niyang si Lazaro. (Juan 11:35) Kaya natural lamang na malungkot kapag namatay ang iyong mahal sa buhay. Pero alam ng mga Kristiyano na magkakaroon ng pagkabuhay-muli. (Gawa 24:15) Kaya hindi sila ‘nalulumbay na gaya rin ng iba na walang pag-asa.’—1 Tesalonica 4:13.
10 Paano natin haharapin ang pangungulila? Marahil ay makatutulong ang isang ilustrasyon. Kadalasan nang panandalian lamang ang ating kalungkutan kapag ang isang kaibigan ay naglakbay, dahil alam nating makikita naman natin siyang muli pagbalik niya. Kung ganito rin ang iisipin natin sa pagkamatay ng isang tapat na Kristiyano, mababawasan ang ating dalamhati dahil alam nating bubuhayin siyang muli.—Eclesiastes 7:1.
11 Ang lubos na pagtitiwala sa “Diyos ng buong kaaliwan” ay makatutulong sa atin na mabata ang pangungulila. (2 Corinto 1:3, 4) Gayon din ang pagbubulay-bulay sa ginawa ng balong si Ana noong unang siglo. Siya ay nabiyuda pagkalipas lamang ng pitong taóng pagsasama. Pero sa edad na 84, patuloy pa rin siyang nag-uukol ng sagradong paglilingkod kay Jehova sa templo. (Lucas 2:36-38) Ang gayong tapat na paglilingkod ay tiyak na nakatulong sa kaniya na maharap ang dalamhati at kalungkutan. Ang regular na pakikibahagi sa mga gawaing Kristiyano, kasama na ang pangangaral hinggil sa Kaharian, ay makatutulong sa atin na batahin ang mga epekto ng pangungulila.
Pagharap sa Iba’t Ibang Pagsubok
12. Ang ilang Kristiyano ay nagbata ng anong pagsubok may kinalaman sa buhay pampamilya?
12 Ang ilang Kristiyano ay kailangang magbata ng mga pagsubok may kaugnayan sa buhay pampamilya. Halimbawa, kung ang isang kabiyak ay nangalunya, napakalaki nga ng maaaring maging epekto nito sa pamilya! Dahil sa pagkabigla at pamimighati, maaaring hindi makatulog at hindi mapigilang umiyak ng pinagtaksilang kabiyak. Baka kahit ang simpleng mga bagay ay hindi na niya magawa nang tama o maaari pa ngang pagmulan ng mga aksidente. Ang pinagkasalahang kabiyak ay maaaring hindi na makakain, mangayayat, at manlumo. Maaaring mahirapan siyang makibahagi sa mga gawaing Kristiyano. At napakalaki ng maaaring maging epekto nito sa mga anak!
13, 14. (a) Paano ka mapatitibay-loob ng panalangin ni Solomon noong inagurasyon ng templo? (b) Bakit tayo nananalangin ukol sa banal na espiritu?
13 Kapag dumaranas tayo ng gayong mga pagsubok, nagbibigay si Jehova ng tulong na kailangan natin. (Awit 94:19) Pinakikinggan ng Diyos ang mga panalangin ng kaniyang bayan gaya ng ipinakikita ng panalangin ni Haring Solomon noong inagurasyon ng templo ni Jehova. Nanalangin si Solomon sa Diyos: “Anumang panalangin, anumang paghiling ng lingap ang gawin ng sinumang tao o ng iyong buong bayang Israel, sapagkat alam ng bawat isa sa kanila ang salot ng kaniyang sariling puso, at talagang iunat nila ang kanilang mga palad tungo sa bahay na ito, kung gayon ay makinig ka nawa mula sa langit, ang iyong tatag na dakong tinatahanan, at magpatawad ka at kumilos at magbigay sa bawat isa ng ayon sa lahat ng kaniyang mga lakad, sapagkat nalalaman mo ang kaniyang puso (sapagkat ikaw lamang ang lubos na nakaaalam sa puso ng lahat ng mga anak ng sangkatauhan); upang matakot sila sa iyo sa lahat ng mga araw ng kanilang buhay sa ibabaw ng lupang ibinigay mo sa aming mga ninuno.”—1 Hari 8:38-40.
14 Lalo nang makatutulong ang patuloy na pananalangin ukol sa banal na espiritu. (Mateo 7:7-11) Kasama sa mga bunga ng espiritu ang mga katangiang gaya ng kagalakan at kapayapaan. (Galacia 5:22, 23) Kaylaking ginhawa nga ang madarama natin kapag sinagot ng ating makalangit na Ama ang ating mga panalangin—napapalitan ng kagalakan ang pamimighati, at nahahalinhan ng kapayapaan ang hapis!
15. Anong teksto ang makatutulong para mabawasan ang ating mga álalahanín?
15 Normal lamang na mabalisa sa paanuman kapag kailangan nating magbata ng matinding kaigtingan. Pero maaaring mabawasan ang mga álalahaníng ito kung tatandaan natin ang mga salitang ito ni Jesus: “Huwag na kayong mabalisa tungkol sa inyong mga kaluluwa kung ano ang inyong kakainin o kung ano ang inyong iinumin, o tungkol sa inyong mga katawan kung ano ang inyong isusuot. ... Patuloy, kung gayon, na hanapin muna ang kaharian at ang . . . katuwiran [ng Diyos], at ang lahat ng iba pang mga bagay na ito ay idaragdag sa inyo.” (Mateo 6:25, 33, 34) Hinihimok tayo ni apostol Pedro na ‘ihagis sa Diyos ang lahat ng ating kabalisahan, sapagkat siya ay nagmamalasakit sa atin.’ (1 Pedro 5:6, 7) Angkop lamang na magsikap na lutasin ang isang problema. Pero matapos nating magawa ang ating buong makakaya, mas mabuting ipanalangin ang mga ito sa halip na mag-alala pa. “Igulong mo kay Jehova ang iyong lakad, at manalig ka sa kaniya, at siya mismo ang kikilos,” ang awit ng salmista.—Awit 37:5.
16, 17. (a) Bakit tayo dumaranas ng mga kabalisahan? (b) Ano ang mararanasan natin kung susundin natin ang payo sa Filipos 4:6, 7?
16 Sumulat si Pablo: “Huwag kayong mabalisa sa anumang bagay, kundi sa lahat ng bagay sa pamamagitan ng panalangin at pagsusumamo na may kasamang pasasalamat ay ipaalam ang inyong mga pakiusap sa Diyos; at ang kapayapaan ng Diyos na nakahihigit sa lahat ng kaisipan ay magbabantay sa inyong mga puso at sa inyong mga kakayahang pangkaisipan sa pamamagitan ni Kristo Jesus.” (Filipos 4:6, 7) Siyempre pa, bilang di-sakdal na mga inapo ni Adan tayo ay daranas ng mga kabalisahan. (Roma 5:12) Ang mga Hiteong asawa ni Esau “ay naging sanhi ng kapaitan ng espiritu” para sa kaniyang makadiyos na mga magulang na sina Isaac at Rebeka. (Genesis 26:34, 35) Dahil sa karamdaman, malamang na nabalisa ang mga Kristiyanong gaya nina Timoteo at Trofimo. (1 Timoteo 5:23; 2 Timoteo 4:20) Nabalisa si Pablo para sa mga kapananampalataya. (2 Corinto 11:28) Pero ang “Dumirinig ng panalangin” ay laging handang tumulong sa mga umiibig sa kaniya.—Awit 65:2.
17 Habang hinihintay natin ang araw ni Jehova, tutulungan tayo at aaliwin ng “Diyos ng kapayapaan.” (Filipos 4:9) Si Jehova ay “maawain at magandang-loob,” siya ay “mabuti at handang magpatawad,” at ‘inaalaala niyang tayo ay alabok.’ (Exodo 34:6; Awit 86:5; 103:13, 14) Kaya ‘ipaalam natin ang ating mga pakiusap sa kaniya,’ dahil aakay ito sa pagkakaroon natin ng “kapayapaan ng Diyos”—kapanatagan na higit pa sa mauunawa ng tao.
18. Gaya ng sinasabi sa Job 42:5, paano natin maaaring ‘makita’ ang Diyos?
18 Kapag sinagot ang ating mga panalangin, alam natin na sumasaatin ang Diyos. Matapos mabata ni Job ang dumating na pagsubok sa kaniya, sinabi niya: “Sa sabi-sabi ay nakarinig ako ng tungkol sa iyo [Jehova], ngunit ngayon ay nakikita ka nga ng aking mata.” (Job 42:5) Sa pamamagitan ng mata ng unawa, pananampalataya, at mapagpasalamat na saloobin, mabubulay-bulay natin ang pakikitungo ng Diyos sa atin at ‘makikita’ natin siya nang higit. Talaga ngang nagdudulot sa atin ng kapayapaan ng puso at isip ang ganitong matalik na ugnayan!
19. Ano ang mangyayari kung ‘ihahagis natin kay Jehova ang lahat ng ating kabalisahan’?
19 Kung ‘ihahagis natin kay Jehova ang lahat ng ating kabalisahan,’ mababata natin ang mga pagsubok nang may kapanatagan na magbabantay sa ating puso at kakayahang pangkaisipan. Sa kaibuturan ng ating makasagisag na puso, wala nang kaigtingan, takot, at pangamba. Ang ating isip ay hindi na mababagabag dahil sa kalituhan o kabalisahan.
20, 21. (a) Paano pinatutunayan ng karanasan ni Esteban na maaaring maging panatag ang isa kahit pinag-uusig? (b) Maglahad ng makabagong-panahong karanasan tungkol sa kapanatagan sa kabila ng pagbabata ng mga pagsubok.
20 Ang alagad na si Esteban ay may kapanatagan nang magbata ng matinding pagsubok sa kaniyang pananampalataya. Bago ang kaniyang huling pagpapatotoo, ‘nakita ng lahat ng nasa Sanedrin na ang kaniyang mukha ay gaya ng mukha ng isang anghel.’ (Gawa 6:15) Makikita sa kaniyang mukha ang kapanatagan—tulad ng isang anghel na mensahero ng Diyos. Matapos ibunyag ni Esteban ang pagkakasala ng mga hukom sa pagkamatay ni Jesus, ‘nasugatan ang kanilang puso at nagsimulang magngalit ang kanilang mga ngipin laban sa kaniya.’ “Puspos ng banal na espiritu,” si Esteban ay “tumitig sa langit at nakita ang kaluwalhatian ng Diyos at si Jesus na nakatayo sa kanan ng Diyos.” Palibhasa’y napatibay ng pangitaing iyon, nanatiling tapat si Esteban hanggang kamatayan. (Gawa 7:52-60) Kahit wala tayong nakikitang mga pangitain, makadarama rin tayo ng kapanatagan mula sa Diyos kapag pinag-uusig.
21 Isaalang-alang ang nadama ng ilang Kristiyano na namatay sa kamay ng mga Nazi noong Digmaang Pandaigdig II. Hinggil sa kaniyang karanasan sa korte, sinabi ng isang Kristiyano: “Sinentensiyahan ako ng kamatayan. Nakinig ako at pagkatapos na masabi ko ang mga salitang ‘Magtapat ka hanggang kamatayan’ at iba pang salita ng ating Panginoon, natapos ang paglilitis. Pero hindi bale. Nakadarama naman ako ng malaking kapayapaan at kapanatagan na hindi ninyo maguguniguni!” Isang kabataang Kristiyano naman ang sumulat sa kaniyang mga magulang bago pugutan ng ulo: “Ngayon ay lampas na nang hatinggabi. May panahon pa para magbago ako ng isip. Ah! maging maligaya pa kaya ako sa daigdig na ito kung itatakwil ko ang ating Panginoon? Tiyak na hindi! Pero makatitiyak kayo ngayon na lilisanin ko ang daigdig na ito nang maligaya at mapayapa.” Talagang tinutulungan ni Jehova ang kaniyang tapat na mga lingkod.
Makapagbabata Ka!
22, 23. Sa ano ka makatitiyak habang naghihintay ka sa araw ni Jehova nang may pagbabata?
22 Baka hindi mo naman nararanasan ang mga hamon na tinalakay natin. Pero tama ang may takot sa Diyos na si Job nang sabihin niya: “Ang tao, na ipinanganak ng babae, ay maikli ang buhay at lipos ng kaligaligan.” (Job 14:1) Marahil isa kang magulang na nagsisikap nang husto para turuan ang iyong mga anak ng mga simulain ng Bibliya. Kailangan nilang magbata ng mga pagsubok sa eskuwela, pero tiyak na napakasaya mo kapag nanindigan sila sa panig ni Jehova at sa kaniyang matuwid na mga simulain! Malamang na dumaranas ka ng mga problema at napapaharap sa mga tukso sa iyong pinagtatrabahuhan. Pero ito at ang iba pang kalagayan ay mababata dahil ‘si Jehova ang nagdadala ng pasan para sa iyo sa araw-araw.’—Awit 68:19.
23 Baka isipin mong karaniwang tao ka lamang, pero tandaan na hindi kalilimutan ni Jehova ang iyong gawa at pag-ibig na ipinakita mo para sa kaniyang banal na pangalan. (Hebreo 6:10) Sa tulong niya, makapagbabata ka ng mga pagsubok sa pananampalataya. Kaya isama mo sa iyong mga panalangin at mga plano ang paggawa ng kalooban ng Diyos. At makatitiyak kang pagpapalain at tutulungan ka ng Diyos habang naghihintay ka sa araw ni Jehova nang may pagbabata.
Paano Mo Tutugunin?
• Bakit kailangan ng mga Kristiyano ng pagbabata?
• Ano ang makatutulong sa atin na mabata ang karamdaman at pangungulila?
• Paano nakatutulong sa atin ang panalangin na mabata ang mga pagsubok?
• Bakit makapagbabata tayo habang naghihintay sa araw ni Jehova?
[Larawan sa pahina 29]
Ang pagtitiwala kay Jehova ay tumutulong sa atin na mabata ang pagkamatay ng mahal sa buhay
[Larawan sa pahina 31]
Nababata natin ang mga pagsubok sa pananampalataya sa tulong ng marubdob na panalangin