Ikaw ba ay “Mayaman sa Diyos”?
“Gayon ang nangyayari sa taong nag-iimbak ng kayamanan para sa kaniyang sarili ngunit hindi mayaman sa Diyos.”—LUCAS 12:21.
1, 2. (a) Para saan handang magsakripisyo ang mga tao? (b) Anong hamon at panganib ang kailangang harapin ng mga Kristiyano?
SA PAGLIPAS ng panahon, nagkukumahog sa pagtatrabaho ang maraming tao mula sa iba’t ibang lipunan dahil determinado silang yumaman. Halimbawa, noong ika-19 na siglo, ang mga tao mula sa iba’t ibang panig ng daigdig ay nagkandarapa sa paghahanap ng ginto sa Australia, Timog Aprika, Canada, at Estados Unidos. Iniwan nila ang kanilang tahanan at mga mahal sa buhay para makipagsapalaran sa banyagang lupain na kung minsan ay mahirap ang kalagayan. Oo, maraming tao ang handang sumuong sa matitinding panganib at gumawa ng malalaking sakripisyo makuha lamang ang kayamanang pinakamimithi nila.
2 Bagaman hindi naman literal na naghahanap ng ginto o kayamanan ang karamihan ng tao sa ngayon, kailangan silang magtrabaho nang husto para mabuhay. Mahirap, nakapapagod, at nakasasaid ng lakas na gawin ito sa kasalukuyang sistema ng mga bagay. Napakadaling maubos ang panahon at lakas sa pag-aasikaso ng pangunahing pangangailangan gaya ng pagkain, damit, at tirahan hanggang sa mapabayaan o makaligtaan pa nga ang mas mahahalagang bagay. (Roma 14:17) Nagbigay si Jesus ng ilustrasyon, o talinghaga, na eksaktong naglalarawan sa tendensiyang ito ng tao. Mababasa ito sa Lucas 12:16-21.
3. Ilahad sa maikli ang ilustrasyon ni Jesus sa Lucas 12:16-21.
3 Binanggit ni Jesus ang ilustrasyong ito noong tinatalakay niya ang pangangailangang magbantay laban sa kaimbutan, na detalyado nating pinag-aralan sa naunang artikulo. Pagkatapos magbabala laban sa kaimbutan, inilahad ni Jesus ang tungkol sa isang taong mayaman na hindi nakontento sa kaniyang mga kamalig na puno ng mabubuting bagay. Giniba niya ang mga ito at nagtayo ng mas malalaking kamalig para mag-imbak ng mas marami pang mabubuting bagay. Noong iniisip niyang puwede na siyang magrelaks at magpasarap sa buhay, sinabi ng Diyos na malapit nang magwakas ang kaniyang buhay at ang lahat ng inimbak niyang mabubuting bagay ay mapupunta na sa iba. Saka idinagdag ni Jesus ang kaniyang konklusyon: “Gayon ang nangyayari sa taong nag-iimbak ng kayamanan para sa kaniyang sarili ngunit hindi mayaman sa Diyos.” (Lucas 12:21) Anong aral ang matututuhan natin sa talinghagang ito? Paano natin maikakapit ang aral na ito sa sarili nating buhay?
Ang Problema ng Lalaki
4. Anong uri ng tao ang masasabi nating inilalarawan sa talinghaga ni Jesus?
4 Pamilyar tayo sa ilustrasyong ito ni Jesus. Mapapansin natin na sinimulan ni Jesus ang kuwento sa pagsasabi ng ganito: “Ang lupain ng isang taong mayaman ay nagbubunga nang sagana.” Hindi sinabi ni Jesus na yumaman ang lalaki dahil sa pandaraya o ilegal na paraan. Sa ibang salita, hindi siya inilarawan bilang isang masamang tao. Sa katunayan, makatuwirang isipin mula sa sinabi ni Jesus na ang lalaki sa talinghaga ay nagsikap sa pagtatrabaho. Mahihinuha na isa siyang taong nagplano at nag-impok para sa kinabukasan, marahil para sa kapakanan ng kaniyang pamilya. Kaya kung iisipin nga naman, masasabing kumakatawan siya sa isang masipag na tao na seryoso sa kaniyang mga pananagutan.
5. Ano ang problema ng lalaki sa talinghaga ni Jesus?
5 Anuman ang kalagayan ng lalaki, tinawag ni Jesus na taong mayaman ang lalaking iyon sa talinghaga, nangangahulugang marami na siyang ari-arian. Ngunit gaya ng binanggit ni Jesus, may problema ang taong mayaman. Ang ani ng kaniyang lupain ay higit sa inaasahan niya, sobra-sobra pa sa kailangan niya o sa kaya niyang iimbak. Ano ang dapat sanang gawin niya?
6. Anu-anong pagpapasiya ang napapaharap sa maraming lingkod ng Diyos sa ngayon?
6 Parehung-pareho ang situwasyon ng taong mayaman at ng maraming lingkod ni Jehova sa ngayon. Sinisikap ng tunay na mga Kristiyano na maging matapat, masipag, at matiyaga sa trabaho. (Colosas 3:22, 23) Namamasukan man sila o may sariling negosyo, kadalasang nagtatagumpay sila, at nakaaangat pa nga sa iba. Kapag inalok sila ng mas mataas na posisyon sa trabaho o bagong mga oportunidad sa negosyo, kailangan silang magpasiya. Susunggaban ba nila ito para kumita ng mas malaki? Sa katulad na paraan, maraming kabataang Saksi ang nangunguna sa paaralan. Kaya baka bigyan sila ng parangal o alukin na maging iskolar para makakuha ng mas mataas na edukasyon sa sikat na mga eskuwelahan. Tatanggapin ba nila ang alok na ito gaya ng gagawin ng karamihan?
7. Sa talinghaga ni Jesus, ano ang solusyon ng lalaki sa kaniyang problema?
7 Sa ilustrasyon ni Jesus, ano ang ginawa ng taong mayaman nang maging sagana ang ani ng kaniyang lupain at hindi na magkasya sa kaniyang imbakan? Ipinasiya niyang gibain ang kaniyang mga kamalig at magtayo ng mas malalaki pang kamalig para tipunin ang lahat ng kaniyang sobrang butil at ang lahat ng kaniyang mabubuting bagay. Waring panatag na ang lalaking ito sa kaniyang plano kaya naisip niya: “Sasabihin ko sa aking kaluluwa: ‘Kaluluwa, marami kang mabubuting bagay na nakaimbak para sa maraming taon; magpakaginhawa ka, kumain ka, uminom ka, magpakasaya ka.’”—Lucas 12:19.
Bakit “Di-makatuwiran”?
8. Anong mahalagang bagay ang hindi isinaalang-alang ng lalaki sa talinghaga ni Jesus?
8 Pero gaya ng binanggit ni Jesus, ang plano ng taong mayaman ay hindi nakapagbigay ng tunay na kapanatagan. Bagaman parang praktikal ito, isang mahalagang bagay ang hindi isinaalang-alang sa planong ito—ang kalooban ng Diyos. Ang inisip lamang ng lalaki ay ang sarili niya, kung paano siya magpapakaginhawa at kakain, iinom, at magpapakasaya. Inakala niya na dahil “marami [siyang] mabubuting bagay,” mabubuhay rin siya nang “maraming taon.” Ngunit nakalulungkot, hindi gayon ang nangyari. Gaya ng sinabi ni Jesus, “kahit na may kasaganaan ang isang tao ang kaniyang buhay ay hindi nagmumula sa mga bagay na tinataglay niya.” (Lucas 12:15) Nang gabi ring iyon, biglang nawalan ng saysay ang lahat ng pinaghirapan ng taong ito, sapagkat sinabi sa kaniya ng Diyos: “Ikaw na di-makatuwiran, sa gabing ito ay hihingin nila sa iyo ang iyong kaluluwa. Kung gayon, sino kaya ang magmamay-ari ng mga bagay na inimbak mo?”—Lucas 12:20.
9. Bakit tinawag na di-makatuwiran ang lalaki sa talinghaga?
9 Talakayin natin ngayon ang pinakapunto ng ilustrasyon ni Jesus. Tinawag ng Diyos na di-makatuwiran ang taong ito. Ipinaliliwanag ng Exegetical Dictionary of the New Testament na ang mga anyo ng salitang Griego na ginamit dito ay “laging nagpapahiwatig ng kakulangan ng unawa.” Sinabi ng diksyunaryo na ginamit ng Diyos sa talinghagang ito ang salitang iyon para ilantad “ang kawalang-kabuluhan ng mga plano ng mayaman.” Hindi tumutukoy ang salita sa isang taong di-matalino, kundi sa “isa na tumatangging kilalanin na kailangan niya ang Diyos.” Mula sa paglalarawan ni Jesus sa taong mayaman, magugunita ang sinabi niya nang maglaon sa mga Kristiyano sa kongregasyon ng Laodicea sa Asia Minor noong unang siglo: “Sinasabi mo: ‘Ako ay mayaman at nakapagtamo ng mga kayamanan at hindi na nangangailangan ng anuman,’ ngunit hindi mo alam na ikaw ay miserable at kahabag-habag at dukha at bulag at hubad.”—Apocalipsis 3:17.
10. Bakit ang pagkakaroon ng ‘maraming mabubuting bagay’ ay hindi garantiya na mabubuhay ang isa nang “maraming taon”?
10 Makabubuting bulay-bulayin natin ang aral dito. Posible kayang maging gaya tayo ng taong iyon sa talinghaga—nagpapakahirap para siguruhing ‘marami tayong mabubuting bagay’ pero nakakaligtaan namang gawin ang kinakailangan para magkaroon ng pag-asang mabuhay nang “maraming taon”? (Juan 3:16; 17:3) Sinasabi ng Bibliya: “Ang mahahalagang pag-aari ay hindi mapakikinabangan sa araw ng poot,” at “ang nagtitiwala sa kaniyang kayamanan—siya ay mabubuwal.” (Kawikaan 11:4, 28) Kaya naman idinagdag ni Jesus ang huling payong ito sa talinghaga: “Gayon ang nangyayari sa taong nag-iimbak ng kayamanan para sa kaniyang sarili ngunit hindi mayaman sa Diyos.”—Lucas 12:21.
11. Bakit bale-wala ang umasa at maghanap ng kapanatagan sa materyal na kayamanan?
11 Nang sabihin ni Jesus na “gayon ang nangyayari,” ipinakikita niya na ang kinahinatnan ng taong mayaman sa ilustrasyon ay kahihinatnan din ng mga tao na ang buhay—ang pag-asa at kapanatagan—ay umiinog lamang sa materyal na kayamanan. Ang problema ay wala sa ‘pag-iimbak ng kayamanan para sa sarili’ kundi sa hindi pagiging “mayaman sa Diyos.” Ganito rin ang babalang isinulat ng alagad na si Santiago: “Halikayo ngayon, kayo na nagsasabi: ‘Ngayon o bukas ay maglalakbay kami patungo sa lunsod na ito at gugugol ng isang taon doon, at kami ay makikipagkalakalan at magtutubo,’ samantalang hindi ninyo nalalaman kung ano ang magiging buhay ninyo bukas.” Ano ang dapat nilang gawin? “Sa halip, ang dapat ninyong sabihin: ‘Kung loloobin ni Jehova, mabubuhay kami at gagawin din ito o iyon.’” (Santiago 4:13-15) Gaanuman kayaman ang isang tao o gaanuman karami ang kaniyang ari-arian, magiging bale-wala ang lahat ng ito kung hindi siya mayaman sa Diyos. Kung gayon, ano ang kahulugan ng pagiging mayaman sa Diyos?
Pagiging Mayaman sa Diyos
12. Ano ang dapat nating gawin para maging mayaman sa Diyos?
12 Pinaghambing ni Jesus ang pagiging mayaman sa Diyos at ang pag-iimbak ng materyal na kayamanan para sa sarili, o pagpapayaman. Kaya ipinakikita ni Jesus na ang dapat na pangunahin sa ating buhay ay hindi ang pagkakamal ng kayamanan o pagpapakasasa sa materyal na mga pag-aari. Sa halip, dapat nating gamitin ang ating mga tinatangkilik sa paraang magpapabuti, o magpapatibay, ng ating kaugnayan kay Jehova. Kung gagawin natin ito, tiyak na magiging mayaman tayo sa Diyos. Bakit? Sapagkat nagbubukas ito ng daan para magkamit ng maraming pagpapala mula sa kaniya. Sinasabi sa atin ng Bibliya: “Ang pagpapala ni Jehova—iyon ang nagpapayaman, at hindi niya iyon dinaragdagan ng kirot.”—Kawikaan 10:22.
13. Paano “nagpapayaman” ang pagpapala ni Jehova?
13 Kapag nagkakaloob si Jehova ng mga pagpapala sa kaniyang bayan, laging ang pinakamainam ang ibinibigay niya. (Santiago 1:17) Halimbawa, nang bigyan ni Jehova ang mga Israelita ng lupaing matatahanan, iyon ay “isang lupaing inaagusan ng gatas at pulot-pukyutan.” Bagaman ganito rin ang paglalarawan sa lupain ng Ehipto, may isang mahalagang bagay na ipinagkaiba ang lupaing ibinigay ni Jehova sa mga Israelita. Iyon ay “isang lupaing pinangangalagaan ni Jehova na iyong Diyos,” ang sabi ni Moises sa mga Israelita. Sa ibang salita, mananagana sila dahil pangangalagaan sila ni Jehova. Hangga’t nananatiling tapat ang mga Israelita kay Jehova, sagana silang pagpapalain at magkakaroon sila ng di-hamak na mas magandang buhay kaysa sa lahat ng iba pang bansang nakapalibot sa kanila. Oo, ang pagpapala ni Jehova ay “nagpapayaman”!—Bilang 16:13; Deuteronomio 4:5-8; 11:8-15.
14. Ano ang tinatamasa ng mga taong mayaman sa Diyos?
14 Ang pananalitang “mayaman sa Diyos” ay isinalin ding “mayaman sa paningin ng Diyos” (Today’s English Version) o “mayaman sa mata ng Diyos.” (The New Testament in Modern English, ni J. B. Phillips) Karaniwan nang binibigyan ng importansiya ng mga taong mayaman sa materyal ang tingin sa kanila ng iba. Madalas itong makikita sa kanilang paraan ng pamumuhay. Gusto nilang pahangain ang mga tao sa pamamagitan ng “pagpaparangya ng kabuhayan ng isa,” gaya ng sinasabi ng Bibliya. (1 Juan 2:16) Sa kabaligtaran, ang mayaman sa Diyos ay sinasang-ayunan, nililingap, at tumatanggap ng saganang di-sana-nararapat na kabaitan mula sa Diyos at mayroon silang malapít na kaugnayan sa kaniya. Ang gayong napakagandang katayuan ay tiyak na nagdudulot ng kaligayahan at kapanatagan na hindi mapapantayan ng anumang materyal na kayamanan. (Isaias 40:11) Kaya ang tanong ay, Ano ba ang dapat nating gawin upang maging mayaman sa mata ng Diyos?
Mayaman sa Mata ng Diyos
15. Ano ang dapat nating gawin upang maging mayaman sa Diyos?
15 Sa ilustrasyon ni Jesus, nagplano at nagpagal ang lalaki para magpakayaman, ngunit tinawag siyang di-makatuwiran. Kung gayon, upang maging mayaman sa Diyos, dapat tayong magsikap at lubos na makibahagi sa mga gawain na talagang mahalaga at makabuluhan sa mata ng Diyos. Kasama rito ang iniutos ni Jesus: “Kaya humayo kayo at gumawa ng mga alagad sa mga tao ng lahat ng mga bansa.” (Mateo 28:19) Ang paggamit ng ating panahon, lakas, at talento, hindi sa pagpapayaman, kundi sa pangangaral ng Kaharian at paggawa ng alagad ay maihahalintulad sa pamumuhunan. Ang mga namumuhunan sa gawaing pang-Kaharian ay umaani ng malaking espirituwal na pakinabang, o tumutubo, wika nga, gaya ng makikita sa sumusunod na mga karanasan.—Kawikaan 19:17.
16, 17. Anu-ano ang mailalahad mong karanasan na nagpapakita kung anong paraan ng pamumuhay ang nagpapayaman sa isa sa mata ng Diyos?
16 Isaalang-alang ang isang lalaking Kristiyano sa isang bansa sa Silangan. Malaki ang suweldo niya bilang teknisyan ng mga computer. Pero halos maubos ang panahon niya sa trabaho at nanghina ang kaniyang espirituwalidad dahil dito. Sa wakas, sa halip na magpakasubsob sa kaniyang trabaho, nagbitiw siya at nagnegosyo na lamang ng sorbetes na siya mismo ang gumagawa at naglalako upang magkaroon siya ng mas maraming panahon para sa kaniyang espirituwal na mga pangangailangan at pananagutan. Pinagtawanan siya ng dati niyang mga katrabaho, pero ano ang naging resulta? “Ang totoo, mas kumita pa ako sa sorbetes kaysa sa computer,” ang sabi niya. “Naging mas masaya ako dahil hindi na ako tensiyonado gaya noon sa dati kong trabaho. At ang pinakamahalaga sa lahat, naging mas malapít ako kay Jehova.” Nakapasok sa buong-panahong ministeryo ang Kristiyanong ito dahil sa pagbabagong ginawa niya, at naglilingkod na siya ngayon sa tanggapang pansangay ng mga Saksi ni Jehova sa kanilang bansa. Oo, ang pagpapala ni Jehova ay “nagpapayaman.”
17 Isa pang halimbawa ang isang babae na lumaki sa pamilyang napakataas ng tingin sa edukasyon. Nag-aral siya sa mga unibersidad sa Pransiya, Mexico, at Switzerland at napakaganda ng kinabukasang naghihintay sa kaniya. “Kakambal ko ang tagumpay, katanyagan, at oportunidad,” ang sabi niya, “pero sa loob ko, may kulang. Wala akong kasiyahan.” Saka niya nakilala si Jehova. Sinabi niya: “Habang sumusulong ako sa espirituwal, ang pagnanais kong paluguran si Jehova at suklian ng kahit kaunti ang kabutihan niya ay tumulong sa akin para malinaw na makita ang daang dapat kong tahakin—ang paglilingkod sa kaniya nang buong panahon.” Nagbitiw siya sa kaniyang trabaho at di-nagtagal ay nabautismuhan. Dalawampung taon na siya ngayong maligayang naglilingkod sa buong-panahong ministeryo. “Iniisip ng ilan na sinayang ko ang aking talento,” ang sabi niya, “pero nakikita nilang maligaya ako, at hinahangaan nila ang mga pamantayan ko sa buhay. Araw-araw akong nananalangin kay Jehova na tulungan akong maging mapagpakumbaba para malugod siya sa akin.”
18. Tulad ni Pablo, paano tayo magiging mayaman sa Diyos?
18 Si Saul, na naging si apostol Pablo, ay may maganda sanang propesyon. Subalit sumulat siya nang maglaon: “Tunay ngang ang lahat ng bagay ay itinuturing ko rin na kawalan dahil sa nakahihigit na halaga ng kaalaman tungkol kay Kristo Jesus na aking Panginoon.” (Filipos 3:7, 8) Para kay Pablo, ang kayamanang natamo niya sa pamamagitan ni Kristo ay nakahihigit sa anupamang maiaalok ng sanlibutan. Sa katulad na paraan, kapag iwinaksi natin ang anumang makasariling ambisyon at namuhay tayo nang may makadiyos na debosyon, magiging mayaman din tayo sa mata ng Diyos. Tinitiyak sa atin ng Salita ng Diyos: “Ang bunga ng kapakumbabaan at ng pagkatakot kay Jehova ay kayamanan at kaluwalhatian at buhay.”—Kawikaan 22:4.
Maipaliliwanag Mo Ba?
• Ano ang problema ng lalaki sa ilustrasyon ni Jesus?
• Bakit tinawag na di-makatuwiran ang lalaki sa talinghaga?
• Ano ang kahulugan ng pagiging mayaman sa Diyos?
• Paano tayo magiging mayaman sa Diyos?
[Larawan sa pahina 26]
Bakit tinawag na di-makatuwiran ang taong mayaman?
[Larawan sa pahina 27]
Paano maaaring maging mahirap na pagsubok ang mga pagkakataong yumaman?
[Larawan sa pahina 28, 29]
“Ang pagpapala ni Jehova—iyon ang nagpapayaman”