Maaaring Maging Makabuluhan ang Iyong Buhay!
ANG tunguhin ng maraming tao sa buhay ay yumaman at mabili ang lahat ng gusto nila. Ang iba, para sumikat. Nagpapakadalubhasa naman ang ilan sa kanilang sining. Nariyan din ang mga taong ginugugol ang kanilang buhay sa pagkakawanggawa. Pero maraming tao ang hindi nakaaalam kung ano ang layunin nila sa buhay o kung bakit sila umiiral.
Kumusta ka naman? Napag-isipan mo na bang mabuti kung bakit ka umiiral? Bakit hindi natin suriin ang ilan sa mga tunguhing itinataguyod ng mga tao at tingnan natin kung talaga nga bang nagdudulot ito ng pagkakontento at kasiyahan? Paano ba talaga magiging makabuluhan ang iyong buhay?
Kailangan Din Natin ng Pera at Pagsasaya
Sa Eclesiastes 7:12, sinasabi ng Bibliya: “Ang karunungan ay pananggalang kung paanong ang salapi ay pananggalang; ngunit ang pakinabang sa kaalaman ay na iniingatang buháy ng karunungan ang mga nagtataglay nito.” Oo, mahalaga rin ang pera. Kailangan mo ng pera para mabuhay, lalo na kung may binubuhay kang pamilya.—1 Timoteo 5:8.
Nakapagpapasaya rin naman sa buhay ang mga bagay na nabibili ng pera. Bagaman sinabi ni Jesu-Kristo, ang Tagapagpasimula ng Kristiyanismo, na walang dakong mahihigan ang kaniyang ulo, may mga pagkakataon din naman na kumain at uminom siya ng masasarap na pagkain at alak. Bukod diyan, nagsuot din siya ng mamahaling kasuutan.—Mateo 8:20; Juan 2:1-11; 19:23, 24.
Pero hindi kaluguran ang inuna ni Jesus sa kaniyang buhay. Nakatuon ang kaniyang pansin sa tamang mga priyoridad. Sinabi niya: “Kahit na may kasaganaan ang isang tao ang kaniyang buhay ay hindi nagmumula sa mga bagay na tinataglay niya.” Pagkatapos ay bumanggit siya ng isang ilustrasyon hinggil sa isang taong mayaman na ang bukirin ay nagbubunga nang sagana at nangatuwiran sa kaniyang sarili: “Ano ang gagawin ko, ngayong wala na akong dako na mapagtitipunan ng aking mga inani? . . . Gigibain ko ang aking mga kamalig at magtatayo ako ng mas malalaki, at doon ko titipunin ang lahat ng aking butil at ang lahat ng aking mabubuting bagay; at sasabihin ko sa aking kaluluwa: ‘Kaluluwa, marami kang mabubuting bagay na nakaimbak para sa maraming taon; magpakaginhawa ka, kumain ka, uminom ka, magpakasaya ka.’” Ano naman ang masama sa naisip ng lalaking ito? Nagpatuloy ang ilustrasyon: “Sinabi ng Diyos sa [taong mayaman], ‘Ikaw na di-makatuwiran, sa gabing ito ay hihingin nila sa iyo ang iyong kaluluwa. Kung gayon, sino kaya ang magmamay-ari ng mga bagay na inimbak mo?’” Kahit na imbakin pa ng lalaki ang kaniyang ani, hindi niya mapakikinabangan ang naipon niyang kayamanan kapag namatay siya. Bilang konklusyon, binanggit ni Jesus sa kaniyang mga tagapakinig ang aral na ito: “Gayon ang nangyayari sa taong nag-iimbak ng kayamanan para sa kaniyang sarili ngunit hindi mayaman sa Diyos.”—Lucas 12:13-21.
Oo, kailangan natin ang pera, at hindi naman masamang magsaya paminsan-minsan. Pero hindi kayamanan ni pagsasaya man ang pinakamahalagang bagay sa buhay. Ang pagiging mayaman sa Diyos, samakatuwid nga, ang pamumuhay sa paraang sinasang-ayunan niya, ang pinakamahalagang tunguhin sa buhay.
Mahalaga Bang Makagawa ng Pangalan?
Maraming tao ang gumagawa ng pangalan para sa kanilang sarili. Ang pagnanais ng isa na makagawa ng pangalan—ang kagustuhang maalaala siya ng iba—ay hindi naman masama. “Ang pangalan ay mas mabuti kaysa sa mainam na langis,” ang sabi ng Bibliya, “at ang araw ng kamatayan kaysa sa araw ng kapanganakan.”—Eclesiastes 7:1.
Sa araw ng kamatayan, ang rekord ng buong buhay ng isang tao ay naisulat na, wika nga. Kung nakagawa siya ng mabubuting bagay, ang araw ng kamatayan ng taong iyon ay mas mabuti kaysa sa araw ng kaniyang kapanganakan, kung kailan blangko pa ang rekord ng kaniyang buhay.
Ang manunulat ng aklat ng Bibliya na Eclesiastes ay si Haring Solomon. Ang kaniyang nakatatandang kapatid sa ama na si Absalom ay naghangad na makagawa ng pangalan para sa kaniyang sarili. Gayunman, ang kaniyang tatlong anak na lalaki, na magdadala sana ng kaniyang pangalan, ay lumilitaw na maagang namatay. Kaya ano ang ginawa ni Absalom? Sinasabi ng Bibliya: “Si Absalom . . . ay kumuha at nagtayo para sa kaniyang sarili ng isang haligi, na nasa Mababang Kapatagan ng Hari, sapagkat ang sabi niya: ‘Wala akong anak na mag-iingat ng aking pangalan sa alaala.’ Kaya tinawag niya ang haligi ayon sa kaniyang sariling pangalan.” (2 Samuel 14:27; 18:18) Wala pang nasusumpungang labí ng haliging ito. Kung tungkol naman kay Absalom, kilaláng-kilalá siya ng mga estudyante ng Bibliya bilang isang rebelde na nakipagsabuwatan para agawin ang trono ng kaniyang amang si David.
Sinisikap ng marami sa ngayon na maalaala sila ng mga tao sa pamamagitan ng mga bagay na nagawa nila. Gusto nilang hangaan sila ng mga taong pabagu-bago naman ang panlasa sa paglipas ng panahon. Pero saan ba nauuwi ang gayong kasikatan? Sa aklat na The Culture of Narcissism, isinulat ni Christopher Lasch: “Sa panahon natin, kung kailan ang sukatan ng tagumpay ay ang kabataan, kagandahan, at kakaibang istilo, mas mabilis na kumukupas ang katanyagan, at ang mga sikat naman ay lagi na lamang nangangamba na maiwala ito.” Dahil sa pangambang ito, maraming sikat na tao ang nalulong sa droga at alak, na kadalasang nagpapaikli ng kanilang buhay. Talaga ngang walang kabuluhan ang paghahangad ng katanyagan.
Kaya kanino tayo dapat magkaroon ng mabuting pangalan o reputasyon? Hinggil sa mga sumusunod sa kaniyang Kautusan, sinabi ni Jehova sa pamamagitan ni propeta Isaias: “Magbibigay nga ako sa kanila sa aking bahay at sa loob ng aking mga pader ng isang bantayog at isang pangalan . . . Isang pangalan hanggang sa panahong walang takda ang ibibigay ko sa kanila, isa na hindi mapaparam.” (Isaias 56:4, 5) Dahil masunurin sila sa Diyos, ang mga kalugud-lugod sa kaniya ay magkakaroon ng “isang bantayog at isang pangalan.” Aalalahanin ng Diyos ang kanilang pangalan “hanggang sa panahong walang takda” at hindi ito mapaparam. Hinihimok tayo ng Bibliya na magkaroon ng gayong pangalan—isang mainam na reputasyon sa harap ni Jehova na ating Maylalang.
Inihula ni Isaias na darating ang panahon na ang tapat na mga indibiduwal ay mabubuhay nang walang hanggan sa Paraiso sa lupa. Ang “buhay na walang hanggan” sa Paraisong iyon ay ang “tunay na buhay”—ang uri ng buhay na nilayon ng Diyos para sa mga tao nang lalangin niya sila. (1 Timoteo 6:12, 19) Sa halip na isang pansamantala at hindi kasiya-siyang buhay, hindi ba’t ang dapat na maging tunguhin natin ay ang magkamit ng buhay na walang hanggan?
Pagpapakadalubhasa sa Sining o Pagkakawanggawa—Hindi Sapat Para Maging Makabuluhan ang Buhay
Maraming alagad ng sining ang naghahangad na magpakadalubhasa sa kanilang sining upang makagawa ng matatawag nilang perpektong obra. Pero napakaikli ng buhay para magawa iyan. Kahit na mahigit nang 90 anyos si Hideo, ang pintor na nabanggit sa naunang artikulo, nagsikap pa rin siya nang husto para mapahusay ang kaniyang kasanayan sa sining. Kahit na maabot ng isang alagad ng sining ang kaniyang tunguhin na makagawa ng perpektong obra, malamang na kaunti na lamang ang magagawa niya kung ihahambing noong kalakasan niya. Pero ano kaya kung mabubuhay siya nang walang hanggan? Tiyak na napakarami niyang panahon para magpakadalubhasa sa kaniyang sining at makagawa ng perpektong obra!
Kumusta naman ang mga pagkakawanggawa? Kapuri-puri ang isang taong may malasakit sa mahihirap at ginagamit ang kaniyang kayamanan para tulungan ang mga nangangailangan. Sinasabi ng Bibliya: “May higit na kaligayahan sa pagbibigay kaysa sa pagtanggap.” (Gawa 20:35) Talaga namang kasiya-siya ang tumulong sa iba. Pero gamitin man ng isang tao ang kaniyang buong buhay sa pagkakawanggawa, limitado lamang ang magagawa niya para maibsan ang pagdurusa ng iba. Hindi masasapatan ng anumang materyal na bagay ang isang pangangailangan na binabale-wala at hindi nasasapatan ng karamihan sa mga tao. Ano ang pangangailangang iyan?
Isang Likas na Pangangailangang Dapat Masapatan
Sa kaniyang Sermon sa Bundok, isang likas at mahalagang pangangailangan ang tinukoy ni Jesus nang sabihin niya: “Maligaya yaong mga palaisip sa kanilang espirituwal na pangangailangan, yamang ang kaharian ng langit ay sa kanila.” (Mateo 5:3) Kaya ayon sa Bibliya, ang tunay na kaligayahan ay hindi nakadepende sa kayamanan, katanyagan, pagkadalubhasa sa sining, o sa pagkakawanggawa. Magiging maligaya lamang tayo kung sasapatan natin ang ating espirituwal na pangangailangan—ang pangangailangang sumamba sa Diyos.
Pinasigla ni apostol Pablo ang mga hindi nakakakilala sa Maylalang na hanapin Siya. Sinabi ni Pablo: “Ginawa [ng Diyos] mula sa isang tao ang bawat bansa ng mga tao, upang tumahan sa ibabaw ng buong lupa, at itinalaga niya ang mga takdang panahon at ang tiyak na mga hangganan ng pananahanan ng mga tao, upang hanapin nila ang Diyos, kung maaapuhap nila siya at talagang masusumpungan siya, bagaman, sa katunayan, hindi siya malayo sa bawat isa sa atin. Sapagkat sa pamamagitan niya, tayo ay may buhay at kumikilos at umiiral.”—Gawa 17:26-28.
Ang pagsapat sa pangangailangang sumamba sa tunay na Diyos ang susi sa pagtatamo ng tunay na kaligayahan sa buhay. At iyan din ang nagbigay sa atin ng pag-asang magtamo ng “tunay na buhay.” Isaalang-alang ang halimbawa ni Teresa, na gumawa ng kasaysayan sa telebisyon sa kaniyang bansa nang siya ang maging kauna-unahang mulatong aktres na naging bituin sa kaniyang sariling isang-oras na serye ng drama. Ngunit di-nagtagal ay iniwan niya ang lahat ng ito. Bakit? Sinabi niya: “Kumbinsido ako na ang pagsunod sa payo ng Salita ng Diyos ang pinakamahusay na paraan ng pamumuhay.” Ayaw ni Teresa na masira ang kaniyang kaugnayan sa Diyos dahil lamang sa pagganap ng isang papel sa isang serye sa telebisyon na nagtatampok ng sekso at karahasan. Tinalikuran niya ang pagiging sikat na artista kapalit ng isang tunay na kasiya-siyang buhay bilang buong-panahong mangangaral ng mabuting balita ng Kaharian ng Diyos, anupat sinisikap na tulungan ang iba na magkaroon ng mabuting kaugnayan sa Diyos.
Hinggil sa pasiya ni Teresa na tumigil sa pag-aartista, isa sa kaniyang dating kasama ang nagsabi: “Nalungkot ako dahil para sa akin, sinayang niya ang kaniyang matagumpay na karera. Pero maliwanag na nakasumpong siya ng isang bagay na mas mahalaga at mas kasiya-siya.” Nang maglaon, namatay si Teresa. Subalit pagkamatay niya, ang dati ring kasama niyang iyon ay nagsabi: “Masaya siya, at iyan lang naman ang mahalaga sa buhay. Ilan lamang ba sa atin ang makapagsasabi ng ganiyan?” Para sa mga indibiduwal na inuuna sa kanilang buhay ang kaugnayan nila sa Diyos ngunit namatay na, nariyan ang kamangha-manghang pag-asang pagkabuhay-muli sa ilalim ng pamamahala ng Kaharian.—Juan 5:28, 29.
May layunin ang Maylalang para sa lupa at sa mga taong naririto. Nais niyang maunawaan mo ang layuning ito at magkaroon ka ng buhay na walang hanggan sa Paraiso sa lupa. (Awit 37:10, 11, 29) Ngayon na ang panahon para matuto nang higit pa tungkol kay Jehova, ang Maylalang ng langit at lupa, at sa layunin niya para sa iyo. Malulugod ang mga Saksi ni Jehova sa inyong lugar na tulungan ka na matamo ang kaalamang iyan. Pakisuyong makipag-ugnayan sa kanila, o sumulat sa mga tagapaglathala ng magasing ito.
[Larawan sa pahina 5]
Ano ang masama sa pangangatuwiran ng taong mayaman sa ilustrasyon ni Jesus?
[Larawan sa pahina 7]
Nais mo bang mabuhay nang walang hanggan sa Paraiso sa lupa?