Talambuhay
Ang Aking Paglalakbay Tungo sa Bagong Sanlibutan
Ayon sa salaysay ni Jack Pramberg
Malapit sa Arboga, isang maliit ngunit kaakit-akit na bayan sa sentro ng Sweden, masusumpungan ang tanggapang pansangay ng mga Saksi ni Jehova kung saan mahigit 80 ang nagboboluntaryo. Dito kami nakatira at nagtatrabaho ng aking asawang si Karin. Paano kami napunta rito?
PATAPOS na noon ang ika-19 na siglo nang mandayuhan sa Estados Unidos ang isang 15-anyos na dalagang taga-Sweden. Nakilala niya ang isang marinong taga-Sweden sa isang kanlungan para sa mga dayuhan sa New York City. Nagkaibigán sila, nagpakasal, at ako ang naging bunga ng kanilang pagmamahalan. Ipinanganak ako sa Bronx, New York, E.U.A., noong 1916, sa kasagsagan ng Digmaang Pandaigdig I.
Di-nagtagal, lumipat kami sa Brooklyn, ilang bloke lamang ang layo mula sa Brooklyn Heights. Ikinuwento sa akin ni Itay na noon ay mayroon kaming laruang barko at pinaglaruan namin iyon sa ilog, sa may Brooklyn Bridge, na kitang-kita mula sa pandaigdig na punong-tanggapan ng mga Saksi ni Jehova. Hindi ko akalaing malaki ang magiging epekto sa buhay ko ng mga gawain doon.
Nagwakas ang Digmaang Pandaigdig I noong 1918, at pansamantalang natigil ang walang-saysay na patayan sa Europa. Bumalik sa kanilang tahanan ang mga sundalo upang harapin ang panibagong kalaban—kawalan ng trabaho at karukhaan. Minabuti ni Itay na bumalik kami sa Sweden noong 1923. Napadpad kami sa Erikstad, isang maliit na nayon na malapit sa istasyon ng tren, sa rehiyon ng Dalsland. Nagbukas si Itay doon ng isang talyer. Doon na rin ako lumaki at nag-aral.
Naihasik ang Binhi ng Katotohanan
Hindi gaanong kumita ang talyer ni Itay. Kaya noong unang mga taon ng dekada ng 1930, muli siyang sumakay ng barko. Naiwan si Inay na maraming inaalaala at naiwan naman ako para patakbuhin ang talyer. Isang araw, pumasyal si Inay sa kaniyang bayaw, si Tiyo Johan. Palibhasa’y nababahala sa mga kalagayan sa daigdig, nagtanong siya: “Ganito na lamang ba ang buhay, Johan?”
“Hindi, Ruth,” ang sabi niya. Saka niya sinabi kay Inay ang pangako ng Diyos na wawakasan Niya ang kasamaan at ang lupang ito ay pamumunuan sa matuwid na paraan ng isang Kaharian na si Jesu-Kristo ang Hari. (Isaias 9:6, 7; Daniel 2:44) Ipinaliwanag niya na ang Kaharian na itinuro ni Jesus na ipanalangin natin ay ang matuwid na pamahalaan, o gobyerno, na babago sa lupa upang maging paraiso.—Mateo 6:9, 10; Apocalipsis 21:3, 4.
Naantig si Inay sa mga pangakong iyon ng Bibliya. Habang papauwi, wala siyang tigil sa pagpapasalamat sa Diyos. Pero hindi namin nagustuhan ni Itay na nagiging relihiyoso na si Inay. Nang panahong iyon, noong kalagitnaan ng dekada ng 1930, lumipat ako sa Trollhättan sa kanluraning bahagi ng Sweden, kung saan nakapagtrabaho ako sa isang malaking talyer. Di-nagtagal, si Inay, pati na si Itay na kabababa lamang noon sa barko, ay lumipat na rin sa lugar na iyon. Kaya muling nabuo ang aming pamilya.
Dahil gusto ni Inay na matuto nang higit pa tungkol sa Diyos, hinanap niya ang mga Saksi ni Jehova sa lugar na iyon. Noon, sa pribadong mga bahay idinaraos ang mga pulong, gaya ng ginawa ng unang mga Kristiyano. (Filemon 1, 2) Isang araw, si Inay na ang nakatokang magpagamit ng aming bahay para sa pulong. Kabadung-kabado siya nang tanungin niya si Itay kung puwede ba niyang anyayahan sa bahay namin ang kaniyang mga kaibigan. Sumagot si Itay, “Ang mga kaibigan mo’y kaibigan ko rin.”
Kaya naging bukás ang aming bahay para sa mga Saksi. Kapag dumarating na sila, umaalis naman ako. Pero di-nagtagal, nakidalo na rin ako sa mga pulong na ginaganap sa bahay namin. Dahil palakaibigan ang mga Saksi at makatotohanan at simple ang kanilang pangangatuwiran, nagbago ang aking pananaw sa kanila. Nagsimulang sumibol sa aking puso ang katotohanan na nagdulot sa akin ng pag-asa.
Sumakay sa Barko
Nasa dugo ko rin yata ang pagiging marino gaya ni Itay, dahil nagpasiya rin akong sumakay sa barko. Unti-unti ko ring nakita ang pangangailangan na maging malapít sa Diyos. Kapag dumadaong kami, lagi kong sinisikap na makipag-usap sa mga Saksi ni Jehova. Sa Amsterdam, Holland (Netherlands ngayon), pumunta ako sa tanggapan ng koreo para magtanong kung saan sila makikita. Matapos ang maikling paliwanagan, binigyan ako ng adres na dali-dali ko namang pinuntahan. Isang sampung-taóng-gulang na batang babae ang masayang nagbukas ng pinto para sa akin. Bagaman hindi ko sila kilala, naging palagay agad ang loob ko sa kanilang pamilya—isa ngang patikim sa kamangha-manghang internasyonal na kapatiran!
Bagaman magkaiba ang wika namin, nang maglabas ang pamilya ng kalendaryo pati na ng iskedyul ng mga biyahe ng tren at magsimulang magdrowing ng mapa, naunawaan kong may asambleang gaganapin sa kalapit na bayan ng Haarlem. Dumalo ako sa asamblea, at nagustuhan ko ito kahit na wala akong naintindihang isa mang salita. Nang makita kong namamahagi ng imbitasyon ang mga Saksi para sa pahayag pangmadla na gaganapin nang araw ng Linggo, napakilos akong makisali. Kaya pinulot ko ang mga imbitasyong itinapon ng mga tao at ipinamahagi itong muli.
Minsan, nang dumaong kami sa Buenos Aires, Argentina, nakapunta ako sa tanggapang pansangay ng mga Saksi ni Jehova roon. Mayroon itong isang opisina at bodega. Isang babae ang naggagantsilyo sa mesa, at isang batang babae naman, na malamang ay anak niya, ang naglalaro ng manika. Gabing-gabi na noon, at kinukuha ng isang lalaki ang ilang aklat mula sa istante, pati na ang aklat na Creation sa wikang Sweko. Nang makita ko ang masayahin at palakaibigan nilang mukha, nasabi ko sa sarili ko na gusto ko ring maging isa sa mga Saksi ni Jehova.
Noong naglalayag na kami pauwi, isinakay namin sa aming barko ang mga taong lulan ng isang eroplanong pangmilitar ng Canada na bumagsak malapit sa baybayin ng Newfoundland. Makalipas ang ilang araw, nang malapit na kami sa Scotland, hinarang kami ng barko ng hukbong-dagat ng Inglatera. Dinala kami sa Kirkwall sa Orkney Islands para imbestigahan. Nagsimula na ang Digmaang Pandaigdig II, at pinasok na ng mga sundalong Nazi ni Hitler ang Poland noong Setyembre 1939. Makalipas ang ilang araw, pinalaya kami, at nakabalik sa Sweden nang walang problema.
Nakauwi na ako sa aking sariling bayan at mabibigyan ko na ng atensiyon ang aking kaugnayan sa Diyos. Gusto ko na talaga ngayong mapabilang sa bayan ng Diyos at ayokong lumiban sa pagtitipong kasama nila. (Hebreo 10:24, 25) Natutuwa ako kapag naaalaala ko ang ginagawa kong pagpapatotoo sa iba pang mga marino noong nasa barko pa ako, at nabalitaan kong naging Saksi rin ang isa sa kanila.
Pantanging Pitak ng Paglilingkod
Pagpasok ng taóng 1940, dumalaw ako sa tanggapang pansangay ng mga Saksi ni Jehova sa Stockholm. Malugod akong tinanggap ni Johan H. Eneroth, na siyang nangangasiwa noon sa pangangaral sa Sweden. Nang sabihin ko sa kaniya na gusto kong makibahagi sa pangangaral nang buong panahon bilang ministrong payunir, tinitigan niya ako at saka siya nagtanong, “Naniniwala ka ba na ito ang organisasyon ng Diyos?”
“Oo,” ang sagot ko, at nabautismuhan ako noong Hunyo 22, 1940. Nagsimula akong maglingkod sa sangay sa kaayaayang kapaligiran doon kasama ng mahuhusay na kamanggagawa. Nangangaral kami tuwing Sabado at Linggo. Tuwing tag-araw, kadalasan nang nagbibisikleta kami patungo sa malalayong teritoryo at ginagamit namin ang buong dulo ng sanlinggo sa pangangaral, anupat natutulog sa mga bunton ng dayami sa gabi.
Pero kadalasan, nagbabahay-bahay kami sa Stockholm at sa mga kalapit na lugar. Minsan, may nakita akong isang lalaki sa silong ng kaniyang bahay na hindi magkandaugaga sa pagkukumpuni ng isang aparato sa kaniyang silong. Kaya inililis ko ang aking manggas at tinulungan siya. Nang matapos kami sa pagkukumpuni, nagpasalamat sa akin ang lalaki at nagsabi: “Sa palagay ko, may iba kang pakay sa pagpunta rito. Kaya mabuti pa, umakyat muna tayo sa taas, maghugas ng kamay, at magkape.” Gayon nga ang ginawa namin, at nagpatotoo ako sa kaniya habang nagkakape kami. Nang maglaon, naging Saksi rin siya.
Sa kabila ng opisyal na paninindigan ng Sweden na neutral sila pagdating sa pulitika, naapektuhan pa rin ng Digmaang Pandaigdig II ang mga tagaroon. Maraming kalalakihan ang kinakalap para magsundalo, kasali na ako. Dahil sa pagtanggi kong sumali sa pagsasanay sa pagsusundalo, nagpabalik-balik ako sa bilangguan. Nang maglaon, sinentensiyahan akong mabilanggo sa kampong piitan. Kadalasang ipinapatawag sa korte ang mga kabataang Saksi, at nakapagbibigay kami ng patotoo hinggil sa Kaharian ng Diyos. Katuparan ito ng hula ni Jesus: “Dadalhin kayo sa harap ng mga gobernador at mga hari dahil sa akin, bilang patotoo sa kanila at sa mga bansa.”—Mateo 10:18.
Nagbago ang Buhay Ko
Noong 1945, nagwakas ang digmaan sa Europa. Nang papatapos na ang taóng iyon, dumalaw mula sa Brooklyn si Nathan H. Knorr, na siyang nangunguna noon sa pambuong-daigdig na gawain, kasama ang kaniyang kalihim, si Milton Henschel. Napakalaki ng naitulong ng kanilang pagdalaw upang muling maorganisa ang gawaing pangangaral sa Sweden—at malaki rin ang naitulong nito sa akin mismo. Nang malaman kong maaari kaming mag-aral sa Watchtower Bible School of Gilead, agad akong nagpatala.
Nang sumunod na taon, nag-aaral na ako sa Paaralang Gilead, na noon ay malapit lamang sa South Lansing, New York. Sa loob ng limang-buwang kursong iyon, nakatanggap ako ng pagsasanay na nagpalalim ng aking pagpapahalaga sa Bibliya at sa organisasyon ng Diyos. Napatunayan kong madaling lapitan at makonsiderasyon ang mga nangunguna sa pambuong-daigdig na gawaing pangangaral. Napakasipag nila at nakakasama namin sila mismo sa gawaing ito. (Mateo 24:14) Bagaman hindi naman ito kataka-taka sa akin, nasiyahan akong masaksihan ito nang personal.
Di-nagtagal, sumapit ang pagtatapos ng ikawalong klase ng Paaralang Gilead noong Pebrero 9, 1947. Si Brother Knorr ang nagpatalastas kung saang mga bansa kami ipadadala. Nang ako na ang bibigyan ng atas, sinabi niya, “Si Brother Pramberg ay babalik sa Sweden upang paglingkuran ang kaniyang mga kapatid doon.” Inaamin kong hindi ako gaanong nanabik na bumalik sa Sweden.
Pagganap ng Isang Mahirap na Atas
Pagbalik ko sa Sweden, nalaman kong may isang bagong gawain na sinisimulan sa maraming bansa sa palibot ng daigdig—ang pandistritong gawain. Nahirang akong maglingkod bilang kauna-unahang tagapangasiwa ng distrito sa Sweden, at ang atas ko ay pangasiwaan ang gawain sa buong bansa. Inorganisa at pinangasiwaan ko ang tinatawag ngayong mga pansirkitong asamblea, na idinaraos sa mga lunsod at bayan sa buong Sweden. Dahil kasisimula pa lamang ng kaayusang ito, kaunti lamang ang natanggap kong mga tagubilin. Pinag-usapan namin ni Brother Eneroth ang bagay na ito at inihanda namin ang programa sa pinakamahusay na paraang magagawa namin. Balisang-balisa ako nang matanggap ko ang atas na ito at maraming-maraming ulit akong nanalangin kay Jehova. Nagkapribilehiyo akong maglingkod bilang tagapangasiwa ng distrito sa loob ng 15 taon.
Nang mga panahong iyon, mahirap makahanap ng angkop na mga lugar na mapagtitipunan. Pinagtiyagaan na lamang namin ang mga bulwagang ginagamit sa sayawan at iba pang mga tulad nito, na kadalasan nang napakaginaw kung taglamig at lumang-luma na. Ang isang halimbawa nito ay ang asambleang ginanap sa Rökiö, Finland. Isang lumang pampublikong bulwagan na matagal-tagal nang napabayaan ang ginamit namin. Malakas ang ulan ng niyebe noon, at -20 digri Celsius ang temperatura. Kaya nagparingas kami sa dalawang apuyan na gawa sa malalaking dram. Pero hindi namin alam na pinamugaran na pala ng mga ibon ang tsiminea kaya barado na ito. Napuno tuloy ng usok ang bulwagan! Pero kahit mahapdi na ang kanilang mga mata, ang lahat ng tagapakinig na nakasuot ng makakapal at mahahabang diyaket ay nanatili sa kanilang upuan. Talagang di-malilimutan ang asambleang iyon.
Tinagubilinan ang mga nag-oorganisa ng tatlong-araw na mga pansirkitong asamblea na paglaanan ng pagkain ang mga delegado. Noong una, wala kaming kagamitan at karanasan para sa gawaing iyon. Pero mabuti na lamang at naririyan ang masisipag na kapatid na maligayang tumanggap sa mahirap na atas na ito. Isang araw bago ang asamblea, makikita mo sila na masayang nagkukuwentuhan ng kanilang mga karanasan habang nagbabalat ng patatas sa banyera. Marami sa mga kapatid doon ang naging matalik na magkakaibigan dahil sa masigasig na paggawang magkakasama.
Isang bahagi ng gawain namin noon ang pag-aanunsiyo ng mga pansirkitong asambleang ito gamit ang mga plakard. Lumilibot kami sa isang bayan o nayon upang anyayahan ang mga tagaroon sa pahayag pangmadla. Karaniwan nang mabait at magalang ang mga tao. Minsan sa bayan ng Finspång, nasa lansangan ang mga trabahador na kalalabas lamang sa isang pabrika. Walang anu-ano, sumigaw ang isa sa kanila: “Tingnan ninyo, sila ang grupong hindi napabagsak ni Hitler!”
Isang Napakagandang Pangyayari sa Aking Buhay
Nagbago ang buhay ko bilang naglalakbay na ministro nang makilala ko si Karin, isang napakahusay na kabataang babae. Pareho kaming naanyayahang dumalo sa internasyonal na kombensiyon sa Yankee Stadium, sa New York City, noong Hulyo 1953. Sa panahon ng intermisyon doon, Lunes ng ika-20 ng buwan, ikinasal kami ni Milton Henschel. Talagang pambihira ang ikasal sa isang sikat na istadyum ng beysbol. Naglingkod ako bilang naglalakbay na tagapangasiwa hanggang 1962, pagkatapos ay naanyayahan kami ni Karin na maging miyembro ng pamilyang Bethel sa Sweden. Noong una, nagtrabaho ako sa Magazine Department. Pero dahil may kasanayan ako sa pagmemekaniko, naatasan akong magmantini ng mga palimbagan at iba pang makina sa sangay. Nagtrabaho sa laundry si Karin sa loob ng ilang taon. Pero maraming taon na siya ngayong naglilingkod sa Proofreading Department.
Masaya at makulay ang aming buhay habang naglilingkod kay Jehova bilang mag-asawa sa loob ng mahigit nang 54 na taon! Talagang pinagpala ni Jehova ang kaniyang organisasyon na binubuo ng mga maibigin at masisipag na lingkod. Noong 1940 nang magsimula akong maglingkod sa sangay, 1,500 lamang ang mga Saksi sa Sweden, pero ngayon ay mahigit nang 22,000. Mas malaki pa nga ang pagsulong sa ibang bansa, kaya mahigit nang anim at kalahating milyon ang bilang natin sa buong daigdig.
Patuloy na sumusulong ang ating gawain dahil sinusuportahan ito ng espiritu ni Jehova. Bagaman maligalig ang kalagayan ng sangkatauhan, hindi tayo nangangamba sa ating paglalakbay sa buhay sapagkat pinananatili nating matibay ang ating pananampalataya. Tanaw na tanaw na natin ang bagong sanlibutan ng Diyos. Pinasasalamatan namin ni Karin ang Diyos sa lahat ng kaniyang kabutihan at araw-araw kaming nananalangin na bigyan niya kami ng lakas na makapanatiling tapat at sa wakas ay makamit ang aming tunguhin—ang pagsang-ayon ng Diyos at walang-hanggang buhay!—Mateo 24:13.
[Larawan sa pahina 12]
Kalong ako ni Inay
[Larawan sa pahina 13]
Dito namin pinaglaruan ni Itay ang aming laruang barko noong mga 1920
[Larawan sa pahina 15]
Kasama si Herman Henschel (ama ni Milton) sa Paaralang Gilead, 1946
[Mga larawan sa pahina 16]
Ikinasal kami sa Yankee Stadium noong Hulyo 20, 1953