Tanong ng mga Mambabasa
Talaga Bang Inapawan ng Tubig ang Buong Lupa Noong Panahon ni Noe?
Naganap ang Baha noong panahon ni Noe mahigit 4,000 taon na ang nakalipas. Kaya wala nang nabubuhay ngayon sa lupa na nakakita at makapaglalahad sa atin kung ano ang aktuwal na nangyari noon. Pero may nakasulat na ulat hinggil sa kasakunaang iyon, na nagsasabing noong panahong iyon inapawan ng tubig-baha ang pinakamatataas na bundok.
Ganito ang sinasabi ng ulat na ito ng kasaysayan: “Ang delubyo ay nagpatuloy nang apatnapung araw sa ibabaw ng lupa . . . At ang tubig ay umapaw sa lupa nang napakatindi anupat ang lahat ng matataas na bundok na nasa silong ng buong langit ay natakpan. Inapawan ng tubig ang mga iyon hanggang sa labinlimang siko [mga 6.5 metro] at ang mga bundok ay natakpan.”—Genesis 7:17-20.
Iniisip ng ilan na baka kathang-isip o isa lamang kuwento na eksaherado ang ulat hinggil sa pag-apaw ng tubig sa buong lupa. Tiyak na hindi gayon! Sa katunayan, ang kalakhang bahagi ng lupa ay lubog pa rin sa tubig. Tinatakpan ng tubig-dagat ang mga 71 porsiyento ng ibabaw ng lupa. Kaya ang totoo, hindi nawala ang tubig-baha sa lupa. At kung matutunaw ang lahat ng glacier at malalaking tipak ng yelo sa mga polo, ang dagat ay lubhang tataas anupat matatakpan nito ang mga lunsod gaya ng New York at Tokyo.
Pinag-aaralan ng mga heologo ang kalupaan ng hilagang-kanluran ng Estados Unidos at naniniwala sila na noong sinaunang panahon, mga 100 mapangwasak na baha ang naganap sa lugar na ito. Sinasabi nila na ang isa sa mga bahang rumagasa sa rehiyon ay may taas na 600 metro at may bilis na 105 kilometro bawat oras—ito ay 2,000 kilometro kubiko ng tubig, na may katumbas na bigat na mahigit dalawang trilyong tonelada. May nakakatulad na pagsusuring ginawa ang ibang mga siyentipiko at batay sa kanilang mga natuklasan, naniniwala sila na posibleng nangyari ang isang pangglobong baha.
Subalit para sa mga naniniwalang ang Bibliya ay Salita ng Diyos, ang pangglobong baha ay hindi lamang posibleng nangyari. Talagang naganap ito. Ganito ang sinabi ni Jesus sa Diyos: “Ang iyong salita ay katotohanan.” (Juan 17:17) Sumulat si apostol Pablo na kalooban ng Diyos na “ang lahat ng uri ng mga tao ay maligtas at sumapit sa tumpak na kaalaman sa katotohanan.” (1 Timoteo 2:3, 4) Paano maituturo ni Pablo sa mga tagasunod ni Jesus ang katotohanan hinggil sa Diyos at sa Kaniyang layunin kung puro kathang-isip ang nilalaman ng Salita ng Diyos?
Hindi lamang naniniwala si Jesus na naganap ang Baha kundi naniniwala rin siya na talagang inapawan nito ang buong lupa. Sa kaniyang napakahalagang hula hinggil sa kaniyang pagkanaririto at sa wakas ng sistemang ito ng mga bagay, itinulad niya sa panahon ni Noe ang mga pangyayaring magaganap sa mga panahong iyon. (Mateo 24:37-39) Sumulat din si apostol Pedro hinggil sa tubig-baha noong panahon ni Noe: “Sa pamamagitan ng mga iyon ang sanlibutan ng panahong iyon ay dumanas ng pagkapuksa nang apawan ito ng tubig.”—2 Pedro 3:6.
Kung si Noe at ang pangglobong baha ay kathang-isip lamang, mawawalan ng kabuluhan ang mga babala ni Pedro at ni Jesus para sa mga taong nabubuhay sa mga huling araw. Sa halip na magsilbing babala, ang gayong mga ideya ay makalilito lamang sa isang tao hinggil sa babala ng Bibliya at makaaapekto pa nga sa kaniyang pag-asa na makaligtas sa isang kasakunaan na mas matindi kaysa sa Baha noong panahon ni Noe.—2 Pedro 3:1-7.
Nang banggitin ng Diyos ang kaniyang di-nagmamaliw na kaawaan sa kaniyang bayan, sinabi niya: “Kung paanong isinumpa ko na ang tubig ni Noe ay hindi na daraan sa ibabaw ng lupa, gayon ako sumumpa na hindi ako magagalit sa iyo ni sasawayin man kita.” Kung paanong inapawan ng tubig ang lupa nang maganap ang Baha noong panahon ni Noe, mag-uumapaw rin naman ang maibiging-kabaitan ng Diyos sa mga nagtitiwala sa kaniya.—Isaias 54:9.