Mga Hulang Malapit Nang Matupad
GANITO ang isinulat ni apostol Pedro tungkol sa kinabukasan ng tao at ng lupa: “May mga bagong langit at isang bagong lupa na ating hinihintay ayon sa . . . pangako [ng Diyos], at sa mga ito ay tatahan ang katuwiran.” (2 Pedro 3:13) Ang pangako hinggil sa “mga bagong langit at isang bagong lupa” ay unang ibinigay sa pamamagitan ni propeta Isaias. (Isaias 65:17; 66:22) Nang sipiin ni Pedro ang hulang ito, ipinakita niya na hindi pa iyon lubusang natutupad noong panahon niya.
Nang maglaon, noong mga taóng 96 C.E., sa Apocalipsis na ibinigay sa pamamagitan ni apostol Juan, iniugnay ang “bagong lupa” sa mga pagpapalang ilalaan ng Kaharian ng Diyos. (Apocalipsis 21:1-4) Ang mga sinabi ni Jesus, pati na ni apostol Pablo, hinggil sa kalagayan ng daigdig bago dumating ang Kaharian ng Diyos ay natutupad na ngayon. Kaya maaasahan natin na malapit nang umiral ang isang bagong sanlibutan sa pamamagitan ng Kahariang iyon. Ano kaya ang magiging kalagayan sa ilalim ng bagong sanlibutang iyon? Mababasa natin ito sa aklat ng Bibliya na Isaias.
Mga Pagpapala sa Bagong Sanlibutan
Nagkakaisang Pagsamba at Kapayapaan sa Buong Daigdig. “Pupukpukin nila ang kanilang mga tabak upang maging mga sudsod at ang kanilang mga sibat upang maging mga karit na pampungos. Ang bansa ay hindi magtataas ng tabak laban sa bansa, ni mag-aaral pa man sila ng pakikipagdigma.”—Isaias 2:2-4.
Kapayapaan sa Pagitan ng mga Tao at mga Hayop. “Ang lobo ay tatahan ngang sandali kasama ng lalaking kordero, at ang leopardo ay hihigang kasama ng batang kambing, at ang guya at ang may-kilíng na batang leon at ang patabaing hayop ay magkakasamang lahat; at isang munting bata lamang ang mangunguna sa kanila. At ang baka at ang oso ay manginginain; ang kanilang mga anak ay magkakasamang hihiga. At maging ang leon ay kakain ng dayami gaya ng toro. . . . Hindi sila mananakit o maninira man sa aking buong banal na bundok; sapagkat ang lupa ay tiyak na mapupuno ng kaalaman kay Jehova gaya ng tubig na tumatakip sa dagat.”—Isaias 11:6-9.
Saganang Pagkain Para sa Lahat. “Si Jehova ng mga hukbo ay tiyak na gagawa para sa lahat ng mga bayan, sa bundok na ito, ng isang piging ng mga putaheng malangis, isang piging ng alak na pinanatili sa latak, ng mga putaheng malangis na punô ng utak sa buto, ng alak na pinanatili sa latak, sinala.”—Isaias 25:6.
Wala Nang Kamatayan. “Lalamunin niya [ng Diyos] ang kamatayan magpakailanman, at tiyak na papahirin ng Soberanong Panginoong Jehova ang mga luha mula sa lahat ng mukha. At ang kadustaan ng kaniyang bayan ay aalisin niya mula sa buong lupa, sapagkat si Jehova mismo ang nagsalita nito.”—Isaias 25:8.
Bubuhaying Muli ang mga Patay. “Ang iyong mga patay ay mabubuhay; babangon ang kanilang mga katawan. Kayong naninirahan sa alabok, gumising kayo at sumigaw sa galak . . . Iluluwal ng lupa ang kanyang mga patay.”—Isaias 26:19, Ang Biblia—Bagong Salin sa Pilipino.
Matuwid na Hukom ang Mesiyas. “Hindi siya hahatol ayon lamang sa nakita ng kaniyang mga mata, ni sasaway man ayon lamang sa narinig ng kaniyang mga tainga. At sa katuwiran ay hahatulan niya ang mga maralita, at sa katapatan ay sasaway siya alang-alang sa maaamo sa lupa.”—Isaias 11:3, 4.
Pagagalingin ang mga Bulag at Bingi. “Madidilat ang mga mata ng mga bulag, at ang mga tainga ng mga bingi ay mabubuksan.”—Isaias 35:5.
Magiging Mabunga ang Tiwangwang na Lupain. “Ang ilang at ang pook na walang tubig ay magbubunyi, at ang disyertong kapatagan ay magagalak at mamumulaklak na gaya ng safron. Iyon ay walang pagsalang mamumulaklak, at talagang magagalak iyon na may kagalakan at may hiyaw ng katuwaan.”—Isaias 35:1, 2.
Isang Bagong Lupa. “Lumalalang ako ng mga bagong langit [isang bagong gobyerno na mamamahala sa langit] at ng isang bagong lupa [isang matuwid na lipunan ng tao]; at ang mga dating bagay ay hindi aalalahanin, ni mapapasapuso man ang mga iyon. Ngunit magbunyi kayo at magalak magpakailanman sa aking nilalalang. . . . Tiyak na magtatayo sila [mga maninirahan sa ipinangakong bagong sanlibutan ng Diyos] ng mga bahay at maninirahan sa mga iyon; at tiyak na magtatanim sila ng mga ubasan at kakainin ang bunga ng mga iyon. Hindi sila magtatayo at iba ang maninirahan; hindi sila magtatanim at iba ang kakain. Sapagkat magiging gaya ng mga araw ng punungkahoy ang mga araw ng aking bayan; at ang gawa ng kanilang sariling mga kamay ay lubusang tatamasahin ng aking mga pinili. Hindi sila magpapagal nang walang kabuluhan, ni manganganak man sila ukol sa kabagabagan; sapagkat sila ang supling na binubuo ng mga pinagpala ni Jehova, at ang kanilang mga inapo na kasama nila. At mangyayari nga na bago sila tumawag ay sasagot ako; samantalang sila ay nagsasalita pa, aking diringgin.” “‘Sapagkat kung paanong ang mga bagong langit at ang bagong lupa na aking ginagawa ay nananatili sa harap ko,’ ang sabi ni Jehova, ‘gayon patuloy na mananatili ang supling ninyo at ang pangalan ninyo.’”—Isaias 65:17-25; 66:22.
Mga Hula Hinggil sa Isang Magandang Kinabukasan
Hindi lamang ang Isaias ang aklat ng Bibliya na humuhula hinggil sa mga pagpapalang darating sa hinaharap. Ang Bibliya ay punung-puno ng mga hula tungkol sa kahanga-hangang mga bagay na gagawin ng Diyos sa pamamagitan ng kaniyang Kaharian na pamamahalaan ni Kristo.a Gusto mo bang mabuhay sa gayong malaparaisong kalagayan? Maaaring mangyari iyon! Alamin mo mismo kung ano talaga ang itinuturo ng Bibliya tungkol sa magagandang layunin ng Diyos sa hinaharap at kung paano ka magiging bahagi nito. Malulugod na tumulong sa iyo ang mga Saksi ni Jehova.
[Talababa]
a Para sa higit pang impormasyon hinggil sa Kaharian ng Diyos at kung ano ang gagawin nito, tingnan ang pahina 76-85 ng aklat na Ano ba Talaga ang Itinuturo ng Bibliya? na inilathala ng mga Saksi ni Jehova.
[Larawan sa pahina 8]
Magkakaroon ng mapayapang ugnayan ang mga tao sa kanilang kapuwa, maging sa mga hayop
[Larawan sa pahina 9]
Mabubuhay-muli ang mga patay
[Larawan sa pahina 10]
Ang buong lupa ay magiging paraiso