Mga Luha sa Isang Sisidlang Balat
ISANG kabataang lalaki ang tumakas. Labis siyang nababalisa. At habang may luha ang kaniyang mga mata, hiniling niya kay Jehova, na kaniyang Diyos, na pagpakitaan siya ng kabaitan at habag, at nagsumamo sa Kaniya: “Ilagay mo ang aking mga luha sa iyong sisidlang balat.” (Awit 56:8) Ang lalaking iyon ay si David, na naging hari ng Israel nang maglaon. Pero anong sisidlang balat ang kaniyang tinutukoy, at paano maaaring ilagay ng Diyos ang ating mga luha sa gayong sisidlan?
Pamilyar si David sa mga sisidlang balat. Ginagamit ang sisidlang ito para lagyan ng tubig, langis, alak, o kahit mantikilya pa nga. Ang mga pagala-gala sa Sahara, gaya ng Tuareg, ay patuloy pa ring gumagamit ng mga sisidlang balat na gawa sa buong balat ng kambing o tupa. Ang gayong mga sisidlan ay makapaglalaman ng maraming tubig, depende sa laki ng hayop. Kilala ang mga sisidlang balat dahil napananatili nitong malamig ang tubig kahit na napakainit ng araw sa disyerto. Noon, karaniwan nang ikinakarga ito sa mga asno o kamelyo. Sa ngayon, maaari ka pa ring makakita ng sisidlang balat na nakasabit sa harapan ng isang sasakyang pangharabas!
Ang nakaaantig na mga salita ni David hinggil sa sisidlang balat ay may kahulugan din para sa atin. Bakit natin nasabi? Ipinaliliwanag ng Bibliya na kontrolado ni Satanas ang daigdig na ito at mayroon siya ngayong “malaking galit.” Bilang resulta, dumaranas ang lupa ng matitinding kaabahan. (Apocalipsis 12:12) Dahil diyan, marami sa ngayon, gaya ni David, ang nakararanas ng emosyonal, mental, o pisikal na paghihirap—lalo na yaong mga taong nagsisikap na paluguran ang Diyos. Ganiyan din ba ang nararanasan mo? Ang gayong tapat na mga tao ay patuloy na namumuhay nang may katapatan at lakas ng loob ‘kahit tumatangis.’ (Awit 126:6) Makatitiyak sila na nakikita ng kanilang makalangit na Ama hindi lamang ang kanilang mga problema kundi pati na rin ang nadarama nila dulot ng gayong mga problema. Talagang naiintindihan niya ang kirot na nararamdaman ng kaniyang mga lingkod. At dahil mahabagin siya, hindi niya nalilimutan ang kanilang mga luha at pagdurusa na para bang inilalagay ang mga iyon sa kaniyang sisidlang balat.