Ano ang Epekto sa Iyo Kapag Nalaman Mo ang Katotohanan Hinggil sa Impiyerno?
NAGBIGAY ng masamang impresyon hinggil sa Diyos na Jehova at sa kaniyang mga katangian ang mga taong nagtuturo na isang pahirapang dako ang impiyerno. Totoo, sinasabi ng Bibliya na pupuksain ng Diyos ang masasama. (2 Tesalonica 1:6-9) Pero ang matuwid na galit ay hindi pangunahing katangian ng Diyos.
Ang Diyos ay hindi malupit o mapaghiganti. Nagtanong pa nga siya: “Ikinalulugod ko ba ang kamatayan ng masasama?” (Ezekiel 18:23, Ang Biblia—Bagong Salin sa Pilipino) Kung hindi nalulugod ang Diyos sa kamatayan ng masasama, paano siya matutuwang panoorin sila na pinahihirapan magpakailanman?
Pag-ibig ang pangunahing katangian ng Diyos. (1 Juan 4:8) Sa katunayan, “ang PANGINOON ay mabuti sa lahat; nahahabag siya sa lahat niyang nilikha.” (Awit 145:9, Ang Biblia—Bagong Salin sa Pilipino) Dahil dito, gusto naman ng Diyos na linangin natin ang taos-pusong pag-ibig sa kaniya.—Mateo 22:35-38.
Pagkatakot sa Impiyerno o Pag-ibig sa Diyos—Ano ang Nagpapakilos sa Iyo?
Ang turo na pinahihirapan ang mga kaluluwa sa impiyerno ay nagdudulot ng di-wastong pagkatakot sa Diyos. Sa kabaligtaran, ang isa na natututo ng katotohanan tungkol sa Diyos at umiibig sa Kaniya ay makapaglilinang ng wastong pagkatakot sa Kaniya. “Ang pagkatakot sa PANGINOON ay siyang pasimula ng karunungan; lahat ng sumusunod sa kanyang mga tuntunin ay may magandang pang-unawa,” ang paliwanag ng Awit 111:10. (Ang Biblia—Bagong Salin sa Pilipino) Ang pagkatakot na ito sa Diyos ay hindi nakapangingilabot na pagkatakot, kundi paghanga at pagpipitagan sa Maylalang. Ito naman ang nag-uudyok sa atin na magkaroon ng wastong pagkatakot na hindi siya mapaluguran.
Pansinin ang naging epekto sa 32-anyos na si Kathleen, na dating isang adik, nang malaman niya ang katotohanan tungkol sa impiyerno. Lagi siya noon sa mga parti, nasangkot siya sa karahasan at imoralidad, at nakadama ng pagkamuhi sa sarili. Ganito ang inamin niya: “Kapag tinitingnan ko ang anak kong babae na isang taóng gulang, naiisip ko, ‘Ano ba itong ginagawa ko sa kaniya? Masusunog ako sa impiyerno dahil dito.’” Sinikap ni Kathleen na itigil ang pagdodroga, pero wala ring nangyari. “Gusto kong maging mabuti,” ang sabi niya, “pero naiinis ako sa buhay ko at sa lahat ng bagay sa paligid. Wala naman yatang dahilan para maging mabuting tao ako.”
Pagkatapos, nakilala ni Kathleen ang mga Saksi ni Jehova. “Natutuhan ko na wala naman palang maapoy na impiyerno. Makatuwiran ang sinasabi ng Bibliya,” ang sabi ni Kathleen. “Napakalaking ginhawa nang malaman kong hindi ako masusunog sa impiyerno.” Pero natutuhan din niya ang pangako ng Diyos na maaaring mabuhay magpakailanman ang mga tao sa lupa kung saan wala nang masasama. (Awit 37:10, 11, 29; Lucas 23:43) “Mayroon na akong tunay na pag-asa—ang mabuhay magpakailanman sa Paraiso!” ang bulalas niya.
Makakaya kaya ni Kathleen na itigil ang pag-abuso sa droga kahit alam niyang wala namang maapoy na impiyerno? Ganito ang kuwento niya: “Kapag nadarama ko na gusto kong gumamit ng droga, nananalangin ako at hinihiling sa Diyos na Jehova na tulungan niya ako. Iniisip ko ang pangmalas niya sa gayong napakasamang mga bisyo, at ayoko siyang biguin. Dininig niya ang mga panalangin ko.” (2 Corinto 7:1) Ang gayong takot na hindi mapaluguran ang Diyos ang tumulong kay Kathleen na makalaya sa kaniyang mga bisyo.
Oo, ang paglilinang ng pag-ibig sa Diyos at ng wastong pagkatakot sa kaniya—hindi ang takot na magdusa sa impiyerno—ang tutulong sa atin na gawin ang kalooban ng Diyos nang sa gayo’y magkaroon ng namamalaging kaligayahan. Ganito ang isinulat ng salmista: “Pinagpala ang bawat isa na natatakot kay Jehova, at lumalakad sa kaniyang mga daan.”—Awit 128:1, American Standard Version.
[Kahon/Mga Larawan sa pahina 9]
SINO ANG PALALAYAIN MULA SA IMPIYERNO?
Nagdulot ng kalituhan ang ilang salin ng Bibliya dahil isinalin nila ang dalawang magkaibang salitang Griego—Geʹen·na at Haiʹdes—sa iisang salita lamang na “impiyerno.” Sa Bibliya, ang terminong Geʹen·na ay tumutukoy sa lubusang pagkapuksa, kung saan wala nang pag-asang mabuhay-muli ang isa. Sa kabilang banda, yaong nasa Haiʹdes, o Hades, ay may pag-asang mabuhay-muli.
Kaya pagkatapos mamatay ni Jesus at mabuhay-muli, tiniyak ni apostol Pedro sa kaniyang mga tagapakinig na si Jesus ay “hindi pinabayaan sa impiyerno.” (Gawa 2:27, 31, 32; Awit 16:10; King James Version) Ang salita na isinaling “impiyerno” sa talatang ito ay ang salitang Griego na Haiʹdes. Hindi nagtungo si Jesus sa isang maapoy na dako. Ang Hades, o “impiyerno,” ay ang libingan. Pero hindi lamang si Jesus ang tanging palalayain ng Diyos mula sa Hades.
Hinggil sa pagkabuhay-muli, sinasabi ng Bibliya: “Ibinigay ng kamatayan at ng impiyerno ang mga patay na nasa kanila.” (Apocalipsis 20:13, 14, King James Version) Mawawalan ng laman ang “impiyerno” sa diwa na bubuhaying muli ng Diyos ang mga taong karapat-dapat para rito. (Juan 5:28, 29; Gawa 24:15) Isa ngang kamangha-manghang pag-asa sa hinaharap—ang makitang nabuhay-muli ang mga mahal natin sa buhay! Si Jehova, ang Diyos ng walang-hanggang pag-ibig, ang gagawa nito.