“Ito ang Daan. Lakaran Ninyo Ito”
Ang Kuwento ni Emilia Pederson
Ayon sa salaysay ni Ruth E. Pappas
ANG nanay ko, si Emilia Pederson, ay isinilang noong 1878. Bagaman siya’y naging guro, ang talagang gusto niya ay gugulin ang kaniyang buhay sa pagtulong sa mga tao na mápalapít sa Diyos. Sa katunayan, may malaking baul na nakatago sa aming bahay sa maliit na bayan ng Jasper, Minnesota, E.U.A. Binili iyon ni Inay upang magamit sana niya sa paglipat sa Tsina, kung saan niya gustong maglingkod bilang misyonero. Pero nang mamatay ang nanay niya, kinalimutan na niya ang kaniyang plano at nanatili na lamang siya sa bahay para alagaan ang kaniyang nakababatang mga kapatid. Noong 1907, napangasawa niya si Theodore Holien. Isinilang ako noong Disyembre 2, 1925—ang bunso sa pitong magkakapatid.
Maraming tanong si Inay tungkol sa Bibliya na gustung-gusto niyang mahanapan ng sagot. Isa sa mga ito ang tungkol sa turo na ang impiyerno ay isang dako ng maapoy na pagpapahirap para sa mga balakyot. Itinanong niya sa isang dumadalaw na tagapamahala ng Simbahang Luterano kung may batayan ba sa Bibliya ang turong ito. Mula sa kaniyang sagot, para bang sinabi niya kay Inay na hindi na mahalaga kung ano ang sinasabi ng Bibliya—basta kailangang maituro ang pagpapahirap sa maapoy na impiyerno.
Nasumpungan ni Inay ang Hinahanap Niyang Katotohanan
Sa pagsisimula ng dekada ng 1900, ang kapatid ni Inay na si Tiya Emma ay pumunta sa Northfield, Minnesota, upang mag-aral ng musika. Nakituloy siya sa bahay ng kaniyang gurong si Milius Christianson, na ang asawa ay isang Estudyante ng Bibliya, gaya ng tawag noon sa mga Saksi ni Jehova. Nabanggit ni Tiya Emma na mayroon siyang kapatid na babae na debotong mambabasa ng Bibliya. Di-nagtagal, sinulatan ni Mrs. Christianson si Inay, at nakapaloob sa sulat na iyon ang sagot sa mga tanong niya tungkol sa Bibliya.
Isang araw, isang Estudyante ng Bibliya na nagngangalang Lora Oathout ang dumating sakay ng tren mula sa Sioux Falls, South Dakota, upang mangaral sa Jasper. Pinag-aralan ni Inay ang mga literatura sa Bibliya na natanggap niya, at noong 1915, sinimulan niyang ipakipag-usap sa iba ang mga natututuhan niya sa Bibliya at ipamahagi ang mga literaturang ibinibigay ni Lora.
Noong 1916, nabalitaan ni Inay na darating si Charles Taze Russell sa isang kombensiyon sa Sioux City, Iowa. Gusto niyang dumalo. Noong panahong iyon, lima na ang anak ni Inay, at ang pinakabatang si Marvin ay limang buwan pa lamang. Sa kabila nito, kasama ang lahat ng kaniyang anak, naglakbay siya nang 160 kilometro papuntang Sioux City upang dumalo sa kombensiyon. Napakinggan niya ang mga pahayag ni Brother Russell, napanood ang “Photo-Drama of Creation,” at noon din ay nagpabautismo siya. Pagkauwi, sumulat siya ng isang artikulo tungkol sa kombensiyon, na inilathala sa Jasper Journal.
Noong 1922, isa si Inay sa mahigit 18,000 dumalo sa kombensiyon sa Cedar Point, Ohio. Mula noon, hindi na siya huminto sa pag-aanunsiyo tungkol sa Kaharian ng Diyos. Sa pamamagitan ng kaniyang masigasig na pangangaral, para na rin niyang sinasabi sa amin na sundin ang utos: “Ito ang daan. Lakaran ninyo ito.”—Isa. 30:21.
Ang Ibinunga ng Ministeryo sa Kaharian
Noong unang mga taon ng dekada ng 1920, lumipat ang pamilya namin sa isang bahay sa labas ng Jasper. Si Itay ay may maunlad na negosyo at malaking pamilyang kailangang tustusan. Hindi siya gaanong nakapag-aaral noon ng Bibliya di-gaya ni Inay, pero buong-puso siyang sumusuporta sa gawaing pangangaral at pumapayag siyang tumuloy sa amin ang mga naglalakbay na tagapangasiwa, na tinatawag na pilgrim noon. Kapag nagpapahayag ang mga naglalakbay na tagapangasiwa sa aming tahanan, karaniwan nang isang daan o mahigit pa ang dumadalo—at nagsisiksikan sa aming salas, silid-kainan, at maging sa aming silid-tulugan.
Nang ako’y mga pitong taóng gulang, tumawag si Tiya Lettie at sinabi niyang gusto ng kapitbahay niyang si Ed Larson at ng asawa nito na makipag-aral ng Bibliya. Tinanggap nila agad ang mga katotohanan sa Bibliya at nang maglaon ay inanyayahan nilang sumama sa pag-aaral ang isa pa nilang kapitbahay, si Martha Van Daalen, na may walong anak. Naging mga Estudyante ng Bibliya rin si Martha at ang kaniyang buong pamilya.a
Noong mga panahong iyon, si Gordon Kammerud, isang binatang nakatira mga ilang kilometro mula sa amin, ay nagsimulang mamasukan kay Itay. Bago nito, may nagbabala na kay Gordon: “Mag-iingat ka sa mga anak na babae ng amo natin. Kakaiba ang relihiyon nila.” Subalit nagsimulang mag-aral ng Bibliya si Gordon at di-nagtagal, nakumbinsi siyang natagpuan na niya ang katotohanan. Pagkalipas ng tatlong buwan, nabautismuhan siya. Naging mánanampalatayá rin ang kaniyang mga magulang, at ang aming mga pamilya—ang mga Holien, mga Kammerud, at mga Van Daalen—ay naging malapít na magkakaibigan.
Napatibay ng mga Kombensiyon
Si Inay ay napasigla nang husto ng kombensiyon sa Cedar Point, anupat ayaw niyang may malilibanang kombensiyon. Kaya kinamulatan ko na ang mahahabang paglalakbay papunta sa mga pagtitipong iyon. Ang kombensiyon sa Columbus, Ohio, noong 1931 ay napakahalaga, dahil doon sinimulang gamitin ang pangalang Mga Saksi ni Jehova. (Isa. 43:10-12) Tandang-tanda ko rin ang kombensiyon sa Washington, D.C., noong 1935, kung saan binanggit sa isang makasaysayang pahayag ang pagkakakilanlan ng “lubhang karamihan,” o “malaking pulutong,” na binabanggit sa Apocalipsis. (Apoc. 7:9; Ang Biblia) Kabilang ang mga kapatid kong sina Ate Lilian at Ate Eunice sa mahigit 800 nabautismuhan sa kombensiyong iyon.
Dinaluhan ng aming pamilya ang mga kombensiyon sa Columbus, Ohio, noong 1937; sa Seattle, Washington, noong 1938; at sa New York City noong 1939. Sa aming paglalakbay patungo sa mga kombensiyong iyon, kasama namin ang mga pamilyang Van Daalen at Kammerud at ang iba pa, at sa daan na kami namamahinga. Napangasawa ni Ate Eunice si Leo Van Daalen noong 1940, at sila ay naging mga payunir. Noong taon ding iyon, napangasawa naman ni Ate Lilian si Gordon Kammerud, at naging mga payunir din sila.
Hindi malilimutan ang kombensiyon noong 1941 na ginanap sa St. Louis, Missouri. Doon, libu-libong kabataan ang tumanggap ng aklat na Children. Malaki ang naging epekto sa akin ng kombensiyong iyon. Di-nagtagal, kasama si Kuya Marvin at ang kaniyang asawang si Joyce, ako ay nagpayunir sa edad na 15 noong Setyembre 1, 1941.
Sa lugar namin na pagsasaka ang hanapbuhay, nahihirapang dumalo ang lahat ng kapatid sa mga kombensiyon dahil natatapat ang mga ito sa panahon ng pag-aani. Kaya pagkatapos ng bawat kombensiyon, nagsasama-sama kami sa aming likod-bahay at nirerepaso namin ang kombensiyon para makinabang ang mga hindi nakadalo. Masasayang pagtitipon iyon.
Ang Gilead at ang mga Atas sa Ibang Bansa
Noong Pebrero 1943, itinatag ang Paaralang Gilead upang sanayin ang mga payunir para sa paglilingkod bilang misyonero. Kabilang sa unang klase ang anim na miyembro ng pamilyang Van Daalen—ang magkakapatid na Emil, Arthur, Homer, at Leo; ang pinsan nilang si Donald; at ang asawa ni Leo, si Ate Eunice. Magkahalong tuwa at lungkot ang nadama namin nang magpaalaman kami sa isa’t isa, dahil hindi namin alam kung kailan kami muling magkikita-kita. Nang sila’y magtapos, lahat silang anim ay inatasang maglingkod sa Puerto Rico, kung saan aanim lamang ang aktibong Saksi noon.
Pagkalipas ng isang taon, sina Ate Lilian at Kuya Gordon pati na sina Kuya Marvin at Ate Joyce ay nag-aral sa ikatlong klase ng Gilead. Ipinadala rin sila sa Puerto Rico. Pagkatapos, noong Setyembre 1944, sa edad na 18, nag-aral ako sa ikaapat na klase ng Gilead. Nang magtapos ako noong Pebrero 1945, inatasan din akong maglingkod sa Puerto Rico kasama ng aking mga kapatid. Pasimula ito ng isang kapana-panabik na kabanata sa aking buhay! Bagaman mahirap pag-aralan ang wikang Kastila, di-nagtagal ay nagdaraos na ang ilan sa amin ng mahigit 20 pag-aaral sa Bibliya bawat isa. Pinagpala ni Jehova ang gawain. Sa ngayon, mayroon nang halos 25,000 Saksi sa Puerto Rico!
Dumanas ng Trahedya ang Aming Pamilya
Nanatili sina Kuya Leo at Ate Eunice sa Puerto Rico matapos isilang ang kanilang anak na si Mark noong 1950. Noong 1952, nagplano silang umuwi upang magbakasyon at dumalaw sa kanilang mga kamag-anak. Noong Abril 11, umalis sila sakay ng eroplano. Pero isang trahedya ang naganap. Mga ilang minuto pa lamang na nakakalipad ang eroplanong sinasakyan nila, bumagsak ito sa karagatan. Namatay sina Kuya Leo at Ate Eunice, samantalang natagpuan namang lulutang-lutang sa karagatan ang dalawang-taóng-gulang na si Mark. Isang lalaking nakaligtas ang nag-itsa sa kaniya sa life raft at matapos siyang bigyan ng artificial respiration, nakaligtas din siya.b
Pagkalipas ng limang taon, noong Marso 7, 1957, papunta sa Kingdom Hall sina Inay at Itay nang ma-flat ang isa sa mga gulong ng kanilang kotse. Habang pinapalitan ni Itay ang gulong sa tabi ng daan, nahagip siya ng isang dumaraang kotse at agad na namatay. Mga 600 ang dumalo sa pahayag sa libing, at naging isang mainam na patotoo iyon sa aming pamayanan, kung saan lubhang iginagalang si Itay.
Mga Bagong Atas
Bago namatay si Itay, nakatanggap ako ng atas na maglingkod sa Argentina. Noong Agosto 1957, dumating ako sa lunsod ng Mendoza sa may paanan ng Kabundukan ng Andes. Noong 1958, si George Pappas, isa sa mga nagtapos sa ika-30 klase ng Gilead, ay inatasang maglingkod sa Argentina. Naging malapít kami ni George sa isa’t isa, at nagpakasal kami noong Abril 1960. Noong 1961, namatay si Inay sa edad na 83. Buong-katapatan siyang lumakad sa daan ng tunay na pagsamba at nakatulong sa napakaraming iba pa na gayundin ang gawin.
Sa loob ng sampung taon, naglingkod kami ni George kasama ang iba pang mga misyonero sa iba’t ibang tahanan ng mga misyonero. Pagkatapos, gumugol kami ng pitong taon sa gawaing pansirkito. Noong 1975, bumalik kami sa Estados Unidos upang tumulong sa pag-aalaga sa mga kapamilya naming may sakit. Noong 1980, inanyayahan ang aking asawa na maglingkod bilang naglalakbay na tagapangasiwa sa mga sirkitong Kastila ang wika. Noong panahong iyon, may mga 600 kongregasyon sa Estados Unidos na gumagamit ng wikang Kastila. Sa loob ng 26 na taon, nadalaw namin ang marami sa mga ito at nasaksihan ang pagdami ng mga kongregasyong ito tungo sa mahigit 3,000.
Lumakad Sila sa “Daan”
Naging kagalakan din ni Inay na makitang pumasok sa buong-panahong ministeryo ang mas batang mga miyembro ng kaniyang pamilya. Halimbawa, si Carol, anak na babae ng kapatid kong si Ate Ester, ay nagsimulang magpayunir noong 1953. Napangasawa niya si Dennis Trumbore, at mula noon ay naglingkod sila bilang mga buong-panahong ministro. Napangasawa naman ni Lois, isa pang anak ni Ate Ester, si Wendell Jensen. Nag-aral sila sa ika-41 klase ng Gilead at 15 taóng naglingkod sa Nigeria bilang mga misyonero. Si Mark, na naulila sa magulang dahil sa pagbagsak ng eroplano, ay kinupkop at pinalaki ng kapatid ni Kuya Leo, si Ruth La Londe, at ng asawa nitong si Curtiss. Si Mark at ang kaniyang asawang si Lavonne ay nagpayunir sa loob ng maraming taon at pinalaki nila ang kanilang apat na anak sa “daan” ni Jehova.—Isa. 30:21.
Si Kuya Orlen na lamang ang natitirang buháy sa mga kapatid ko, at mahigit 90 anyos na siya. Tapat pa rin siyang naglilingkod kay Jehova. Kami naman ni George ay buong-kagalakan pa ring naglilingkod bilang mga buong-panahong ministro.
Ang Pamana ni Inay
Nasa akin ngayon ang isa sa pinakaiingatang pag-aari ni Inay—ang kaniyang mesang sulatán. Regalo ito sa kaniya ni Itay noong ikasal sila. Nasa isa sa mga drower nito ang kaniyang lumang scrapbook, na naglalaman ng mga liham at mga artikulong inilathala sa pahayagan na isinulat niya at nakapagbigay ng mainam na patotoo tungkol sa Kaharian. Ang ilan sa mga ito ay isinulat noon pang unang mga taon ng 1900. Nakatago rin sa mesang ito ang pinakaiingatan ni Inay na mga liham mula sa kaniyang mga anak na misyonero. Paulit-ulit kong binabasa ang mga ito! At ang mga liham niya sa amin ay laging nakapagpapatibay at punó ng positibong mga mensahe. Hindi man natupad ni Inay ang pangarap niyang maging misyonera, ang kaniya namang espiritu ng pagmimisyonero ay nakaantig sa marami sa amin na pasukin ang gawaing ito. Sabik na sabik na akong magkasama-sama kaming muli nina Itay at Inay at ang aming buong pamilya sa paraisong lupa!—Apoc. 21:3, 4.
[Mga talababa]
a Tingnan ang isyu ng The Watchtower, Hunyo 15, 1983, pahina 27-30, para sa talambuhay ni Emil H. Van Daalen, isa sa mga anak ni Martha.
b Tingnan ang isyu ng Awake! Hunyo 22, 1952, pahina 3-4.
[Larawan sa pahina 17]
Si Emilia Pederson
[Larawan sa pahina 18]
1916: Si Inay, si Itay (karga si Kuya Marvin); ibaba, mula sa kaliwa pakanan: Si Kuya Orlen, sina Ate Ester, Lilian, at Mildred
[Larawan sa pahina 19]
Sina Kuya Leo at Ate Eunice, bago sila namatay sa aksidente
[Larawan sa pahina 20]
1950: Mula sa kaliwa pakanan, itaas: Sina Ate Ester, Mildred, Lilian, Eunice, at ako; ibaba: Sina Kuya Orlen, Inay, Itay, at Kuya Marvin
[Larawan sa pahina 20]
Kami ni George habang nasa gawaing pansirkito, 2001