Nararapat si Jehova sa Ating Papuri
“Purihin ninyo si Jah!”—AWIT 111:1.
1, 2. Ano ang kahulugan ng “Hallelujah,” at paano ito ginamit sa Kristiyanong Griegong Kasulatan?
“HALLELUJAH!” Karaniwang maririnig ang pananalitang iyan sa mga simbahan ng Sangkakristiyanuhan. Bukambibig din iyan ng ilang tao. Gayunman, kaunti lamang ang nakaaalam ng sagradong kahulugan nito, at marami sa mga gumagamit nito ang winawalang-dangal ang Diyos dahil sa paraan ng kanilang pamumuhay. (Tito 1:16) Ang “Hallelujah,” ayon sa isang diksyunaryo sa Bibliya, ay “salitang ginamit ng mga manunulat ng iba’t ibang awit upang anyayahan ang lahat na purihin si Jehova.” Sa katunayan, maraming iskolar sa Bibliya ang nagsabi na ang “Hallelujah” ay nangangahulugang “‘Purihin si Jah,’ [samakatuwid nga] ay si Jehova.”
2 Kaya naman, isinalin ng Bagong Sanlibutang Salin ang mga salita sa Awit 111:1 na “Purihin ninyo si Jah!” Sa Apocalipsis 19:1-6, apat na beses lumitaw ang Griegong anyo ng pananalitang ito bilang pagdiriwang sa pagwawakas ng huwad na relihiyon. Kapag nangyari iyan, mayroong pantanging dahilan ang mga tunay na mananamba na gamitin ang pananalitang “Hallelujah” sa magalang na paraan.
Ang Kaniyang Dakilang mga Gawa
3. Ano ang pangunahing layunin ng ating regular na pagtitipon?
3 Ang kumatha ng Awit 111 ay nagbigay ng maraming dahilan kung bakit nararapat si Jehova sa ating papuri. Sinasabi ng talata 1: “Dadakilain ko si Jehova nang aking buong puso sa matalik na kapisanan ng mga matuwid at sa kapulungan.” Ganiyan din ang nararamdaman ng mga Saksi ni Jehova sa ngayon. Ang pangunahing layunin ng ating regular na pagtitipon, sa kongregasyon o sa malalaking kombensiyon, ay purihin si Jehova.
4. Paano masasaliksik ng mga tao ang mga gawa ni Jehova?
4 “Ang mga gawa ni Jehova ay dakila, sinasaliksik ng lahat ng nalulugod sa mga iyon.” (Awit 111:2) Pansinin ang salitang “sinasaliksik.” Ayon sa isang reperensiyang akda, ang talatang ito ay maaaring tumukoy sa mga tao na nag-uukol ng “masikap at taimtim na pagbubulay-bulay at pag-aaral” sa mga gawa ng Diyos. Sagana sa kamangha-manghang layunin ang mga nilalang ni Jehova. Inilagay niya ang araw, lupa, at buwan sa tamang posisyon nito upang maglaan sa lupa ng init at liwanag. Nagkaroon din ng araw at gabi, mga kapanahunan, at pagtaas at pagbaba ng tubig sa dagat.
5. Ano ang natatanto ng mga tao habang lumalalim ang kanilang kaunawaan tungkol sa uniberso?
5 Maraming natuklasan ang mga siyentipiko hinggil sa posisyon ng lupa sa ating sistema solar gayundin ang tungkol sa orbit at laki ng ating buwan na tamang-tama para sa lupa. Ang pagkakaayos at paggalaw ng mga bagay na ito sa kalangitan ang dahilan kung bakit mayroon tayong maganda at iba’t ibang kapanahunan. Marami ring natutuhan ang tao tungkol sa likas na mga puwersa sa uniberso na napakahusay ng pagkakadisenyo. Kaya naman, sa isang artikulong pinamagatang “Ang Uniberso na Tamang-tama ang Pagkadisenyo,” ganito ang sinabi ng isang propesor ng mechanical engineering: “Madaling maintindihan kung bakit napakaraming siyentipiko ang nagbago ng kanilang pag-iisip sa nakalipas na 30 taon anupat sumang-ayon na napakahirap paniwalaan na bigla na lamang lumitaw ang unibersong ito. Habang mas nauunawaan natin ang tungkol sa ating napakagandang lupa, mas marami tayong nagiging dahilan para maniwalang mayroon itong matalinong disenyador.”
6. Ano ang nadarama mo sa paraan ng pagkakalikha ng Diyos sa tao?
6 Ang isa pang dakilang gawa ng paglalang ay ang paraan ng pagkakagawa sa atin ng Diyos. (Awit 139:14) Nang lalangin niya ang mga tao, binigyan niya sila ng isip, katawan na may mga bahagi upang gumana ito nang maayos, at kakayahang magtrabaho. Halimbawa, nariyan din ang ipinagkaloob ng Diyos na kahanga-hangang kakayahan na magsalita, makinig, magsulat, at magbasa. Maraming tao ang may ganiyang mga kakayahan. Nakatatayo ka rin nang tuwid sa pamamagitan ng iyong mga buto at kalamnan. Aba, ang disenyo at ayos ng ating katawan, ang kayang gawin nito at ang kemikal na mga proseso na nangyayari sa loob nito ay talagang kamangha-mangha. Higit pa riyan, hindi matutumbasan ng mga nagawa ng siyentipiko ang napakahusay na mga koneksiyon ng nerbiyo na nagpapagana sa iyong isip at pandama. Ang totoo, may nagagawa ang mga tao dahil sa ibinigay na isip at pandama sa kanila. Kahit na ang pinakamahusay na inhinyero ay hindi makagagawa at makapagdidisenyo ng anumang bagay na kasingganda at kasinggaling ng iyong mga daliri. Tanungin ang iyong sarili, ‘Makagagawa ba ng mga kahanga-hangang obra maestra at gusali ang tao kung hindi dahil sa mga daliri na nilikha ng Diyos?’
Mga Dakilang Gawa at mga Katangian ng Diyos
7. Bakit dapat nating ituring ang Bibliya bilang isa sa mga dakilang gawa ng Diyos?
7 May iba pang dakilang mga gawa si Jehova para sa sangkatauhan gaya ng inilalarawan sa Bibliya. Ang Bibliya ay isa sa mga dakilang gawa ni Jehova at ang mga nilalaman nito ay magkakasuwato. Hindi tulad ng ibang aklat, ito ay “kinasihan ng Diyos at kapaki-pakinabang sa pagtuturo.” (2 Tim. 3:16) Halimbawa, ipinaliliwanag ng unang aklat ng Bibliya, ang Genesis, kung paano nilinis ng Diyos ang lupa mula sa kasamaan noong panahon ni Noe. Ipinakikita naman sa pangalawang aklat nito, ang Exodo, kung paano ipinagbangong-puri ni Jehova ang kaniyang pagka-Diyos sa pamamagitan ng pagliligtas sa Israel mula sa pagkaalipin sa Ehipto. Malamang na ang mga pangyayaring iyan ang nasa isip ng salmista nang sabihin niya: “Ang . . . gawa [ni Jehova] ay dangal at karilagan, at ang kaniyang katuwiran ay nananatili magpakailanman. Isang pinakaalaala ang ginawa niya para sa kaniyang mga kamangha-manghang gawa. Si Jehova ay magandang-loob at maawain.” (Awit 111:3, 4) Hindi ka ba sumasang-ayon na ang mga ginawa ni Jehova sa buong kasaysayan, pati na ang mga bagay na ginagawa niya sa kasalukuyan, ay nagsisilbing alaala hinggil sa kaniyang “dangal at karilagan”?
8, 9. (a) Paano naiiba ang mga gawa ng Diyos sa maraming gawa ng tao? (b) Ano ang ilan sa katangian ng Diyos na pinahahalagahan mo?
8 Pansinin kung paano rin idiniin ng salmista ang magagandang katangian ni Jehova, gaya ng katuwiran, kagandahang-loob, at kaawaan. Alam natin na ang mga gawa ng makasalanang tao ay bihirang nakasalig sa katuwiran. Kadalasan nang dahil ito sa kasakiman, inggit, at kahambugan. Kitang-kita iyan sa mapangwasak na mga sandatang ginagawa ng mga tao para yumaman at sa inilulunsad nilang mga digmaan. Nagdudulot ang mga ito ng katakut-takot na kahapisan at pagdurusa sa milyun-milyong inosenteng mga biktima. Gayundin, maraming gawa ang tao na nagbunga ng pagdurusa sa mahihirap. Ang isang halimbawa na maaaring banggitin ay ang mga aliping pinagtrabaho sa pagtatayo ng mga piramide, mga bantayog na nagsilbing libingan para sa hambog na mga Paraon. Karagdagan pa, maraming gawa ang sangkatauhan ngayon na hindi lamang mapaniil kundi “nagpapahamak [din] sa lupa.”—Basahin ang Apocalipsis 11:18.
9 Talagang ibang-iba ito sa mga gawa ni Jehova na laging nakasalig sa kung ano ang tama! Dahil sa awa, inilaan niya ang kaligtasan para sa makasalanang sangkatauhan. Sa paglalaan niya ng pantubos, ‘ipinakita ng Diyos ang kaniyang sariling katuwiran.’ (Roma 3:25, 26) Tunay na “ang kaniyang katuwiran ay nananatili magpakailanman”! Ang kagandahang-loob ng Diyos ay nakikita sa kaniyang matiising pakikitungo sa makasalanang mga tao. May pagkakataon pa ngang gumamit siya ng salitang “pakisuyo” sa pamamanhik sa kanila na talikuran ang kanilang masasamang gawa at gawin ang mabuti.—Basahin ang Ezekiel 18:25.
Tapat sa Kaniyang mga Pangako
10. Paano ipinakita ni Jehova ang kaniyang katapatan may kinalaman sa kaniyang tipan kay Abraham?
10 “Nagbigay siya ng pagkain sa mga may takot sa kaniya. Hanggang sa panahong walang takda ay aalalahanin niya ang kaniyang tipan.” (Awit 111:5) Waring ang tipang Abrahamiko ang tinutukoy ng salmista. Nangako si Jehova na pagpapalain niya ang binhi ni Abraham at sinabing aariin nila ang pintuang-daan ng kaniyang mga kaaway. (Gen. 22:17, 18; Awit 105:8, 9) Ang panimulang katuparan ng mga pangakong iyon ay nang maging bansang Israel ang binhi ni Abraham. Ang bansang iyon ay ginawang alipin sa Ehipto, pero “inalaala ng Diyos ang kaniyang tipan kay Abraham” at iniligtas sila. (Ex. 2:24) Makikita sa paraan ng pakikitungo ni Jehova sa kanila na napakabukas-palad niya. Naglaan siya ng pisikal na pagkain para sa kanilang katawan at espirituwal na pagkain para sa kanilang isip at puso. (Deut. 6:1-3; 8:4; Neh. 9:21) Noong sumunod na mga siglo, madalas na sumuway sa Diyos ang bansa kahit nagpapadala siya ng mga propeta para himukin silang manumbalik. Pagkaraan ng mahigit 1,500 taon mula nang iligtas niya ang mga Israelita sa Ehipto, isinugo ng Diyos ang kaniyang bugtong na Anak sa lupa. Itinakwil ng karamihan sa mga Judio si Jesus at sinang-ayunan ang pagpatay sa kaniya. Pagkatapos ay bumuo si Jehova ng isang bagong bansa, isang espirituwal na bansa, ang “Israel ng Diyos.” Kasama si Kristo sa bansang iyan, at ito ang bumubuo sa espirituwal na binhi ni Abraham na inihula ni Jehova na magdudulot ng pagpapala sa sangkatauhan.—Gal. 3:16, 29; 6:16.
11. Paanong patuloy na ‘inalaala ni Jehova ang kaniyang tipan’ kay Abraham?
11 Patuloy na ‘inalaala ni Jehova ang kaniyang tipan’ at ang mga pagpapalang idudulot nito. Sa ngayon, naglalaan siya ng napakaraming espirituwal na pagkain sa mahigit na 400 wika. Gayundin, patuloy siya sa pagtugon sa ating mga panalangin hinggil sa ating pisikal na pangangailangan kasuwato ng pananalitang: “Ibigay mo sa amin ang aming tinapay para sa araw na ito ayon sa pangangailangan sa araw na ito.”—Luc. 11:3; Awit 72:16, 17; Isa. 25:6-8.
Ang Kahanga-hangang Kapangyarihan ni Jehova
12. Sa anong paraan ibinigay sa sinaunang Israel “ang mana ng mga bansa”?
12 “Ang kapangyarihan ng kaniyang mga gawa ay isinaysay niya sa kaniyang bayan, nang ibigay sa kanila ang mana ng mga bansa.” (Awit 111:6) Ang isang natatanging pangyayari sa kasaysayan ng Israel na maaaring nasa isipan ng salmista ay ang makahimalang pagliligtas sa Ehipto. Nang payagan ni Jehova ang mga Israelita na pumasok sa Lupang Pangako, nagawa nilang sakupin ang mga kaharian sa silangan at kanlurang bahagi ng Ilog Jordan. (Basahin ang Nehemias 9:22-25.) Oo, ibinigay sa kanila ni Jehova “ang mana ng mga bansa.” Isa ngang kahanga-hangang pagtatanghal ng kapangyarihan ng Diyos!
13, 14. (a) Anong pagtatanghal ng kapangyarihan ng Diyos may kaugnayan sa Babilonya ang maaaring nasa isip ng salmista? (b) Ano pang mga dakilang gawa ng pagliligtas ang ginawa ni Jehova?
13 Gayunman, lubusan nating batid na sa kabila ng lahat ng ginawa ni Jehova sa kanila, ang Israel ay hindi nagpakita ng paggalang sa kaniya ni sa kanilang mga ninuno na sina Abraham, Isaac, at Jacob. Patuloy sila sa pagrerebelde hanggang sa gamitin ng Diyos ang Babilonya para lupigin sila at gawing bihag. (2 Cro. 36:15-17; Neh. 9:28-30) Gaya ng sinasabi ng ilang iskolar ng Bibliya, kung nabuhay ang kumatha ng Awit 111 nang makabalik ang Israel mula sa pagkabihag sa Babilonya, mas marami siyang dahilan para purihin si Jehova sa Kaniyang katapatan at kapangyarihan. Ipinakita ng Diyos ang kaniyang katapatan at kapangyarihan sa pamamagitan ng pagliligtas sa mga Judio sa Babilonya—isang imperyo na hindi nagpapalaya sa mga bihag nito.—Isa. 14:4, 17.
14 Pagkalipas ng mga limang siglo, ginamit ni Jehova ang kaniyang kapangyarihan sa mas nakahihigit na paraan sa pamamagitan ng pagliligtas sa nagsisising mga tao mula sa kasalanan at kamatayan. (Roma 5:12) Dahil dito, nabuksan ang daan para sa 144,000 tao na maging pinahiran-ng-espiritung mga tagasunod ni Kristo. Noong 1919, ginamit ni Jehova ang kaniyang kapangyarihan para iligtas ang ilang nalabi sa mga pinahirang ito mula sa pagkabihag sa huwad na relihiyon. Ang kanilang mga naisagawa sa panahong ito ng kawakasan ay naging posible dahil lamang sa kapangyarihan ng Diyos. Kapag napatunayang tapat sila hanggang kamatayan, mamamahala silang kasama ni Jesu-Kristo sa langit para sa kapakinabangan ng nagsisising mga tao sa buong lupa. (Apoc. 2:26, 27; 5:9, 10) Mamanahin nila ang lupa sa antas na hindi naranasan ng sinaunang Israel.—Mat. 5:5.
Mga Simulaing Di-kumukupas at Mapagkakatiwalaan
15, 16. (a) Ano ang kasama sa mga gawa ng kamay ng Diyos? (b) Anong mga utos ang ibinigay ng Diyos sa sinaunang Israel?
15 “Ang mga gawa ng kaniyang mga kamay ay katotohanan at kahatulan; mapagkakatiwalaan ang lahat ng mga pag-uutos na ibinibigay niya, lubos na nasusuhayan magpakailanman, hanggang sa panahong walang takda, ginawa sa katotohanan at katuwiran.” (Awit 111:7, 8) Kasama sa ‘mga gawa ng mga kamay ni Jehova’ ay ang dalawang tapyas ng bato kung saan nakaukit ang sampung mahahalagang batas para sa Israel. (Ex. 31:18) Ang mga batas na ito, kasama na ang lahat ng iba pang tuntunin ay naging bahagi ng tipan ng Kautusang Mosaiko, na nakasalig sa di-kumukupas at mapagkakatiwalaang mga simulain.
16 Halimbawa, isa sa mga utos, o batas, na nasa tapyas na iyon ang nagsabi: “Akong si Jehova na iyong Diyos ay Diyos na humihiling ng bukod-tanging debosyon.” Sinasabi pa nito na si Jehova ay nagpapakita ng “maibiging-kabaitan sa ikasanlibong salinlahi doon sa mga umiibig sa [kaniya] at tumutupad ng [kaniyang] mga utos.” Ang mga tapyas ng bato ay naglalaman din ng di-kumukupas na mga simulain gaya ng “parangalan mo ang iyong ama at ang iyong ina” at “huwag kang magnanakaw,” gayundin ng batas na may malawak na saklaw hinggil sa pag-iimbot sa pag-aari ng iba.—Ex. 20:5, 6, 12, 15, 17.
Ang Ating Banal na Manunubos na Dapat Katakutan
17. Anong mga dahilan mayroon ang mga Israelita upang ituring nilang banal ang pangalan ng Diyos?
17 “Nagsugo siya ng katubusan sa kaniyang bayan. Hanggang sa panahong walang takda ay iniutos niya ang kaniyang tipan. Ang kaniyang pangalan ay banal at kakila-kilabot.” (Awit 111:9) Muli, maaaring nasa isip ng salmista ang katapatan ni Jehova sa kaniyang tipan kay Abraham. Dahil diyan, hindi iniwan ni Jehova ang kaniyang bayan noong una bilang mga alipin sa sinaunang Ehipto at nang maglaon ay bilang mga bihag sa Babilonya. Sa parehong kalagayan, iniligtas ng Diyos ang kaniyang bayan. Sa dalawang dahilan pa lamang na ito, dapat sanang itinuring ng Israel ang pangalan ng Diyos na banal.—Basahin ang Exodo 20:7; Roma 2:23, 24.
18. Bakit isang pribilehiyo para sa iyo ang pagtataglay ng pangalan ng Diyos?
18 Totoo rin iyan sa mga Kristiyano sa ngayon na iniligtas sa pagkaalipin sa kasalanan at kamatayan. Dapat nating gawin ang lahat ng ating makakaya para makapamuhay ayon sa unang kahilingan sa modelong panalangin: “Pakabanalin nawa ang iyong pangalan.” (Mat. 6:9) Ang pagbubulay-bulay sa maluwalhating pangalang iyan ay dapat na mag-udyok sa atin na magkaroon ng makadiyos na takot. May tamang pangmalas ang manunulat ng Awit 111 tungkol sa makadiyos na takot nang sabihin niya: “Ang pagkatakot kay Jehova ang pasimula ng karunungan. Ang lahat ng nagsasagawa ng mga iyon [ang mga sumusunod sa kaniyang mga utos] ay may mabuting kaunawaan.”—Awit 111:10.
19. Ano ang tatalakayin natin sa susunod na artikulo?
19 Ang kapaki-pakinabang na pagkatakot sa Diyos ay tutulong sa atin na mapoot sa masama. Tutulong din ito sa atin na mabulay-bulay ang magagandang katangian ng Diyos gaya ng ipinakikita sa Awit 112 na tatalakayin natin sa susunod na artikulo. Ipinakikita ng awit na iyon kung paano tayo mapapabilang sa milyun-milyong pupuri sa Diyos magpakailanman. Karapat-dapat siya sa gayong papuri. “Ang kaniyang kapurihan ay nananatili magpakailanman.”—Awit 111:10.
Mga Tanong Para sa Pagbubulay-bulay
• Bakit nararapat si Jehova sa ating papuri?
• Anu-anong katangian ni Jehova ang makikita sa kaniyang mga gawa?
• Bakit isang pribilehiyo para sa iyo ang pagtataglay ng pangalan ng Diyos?
[Larawan sa pahina 20]
Ang pangunahin nating layunin sa ating regular na pagtitipon ay purihin si Jehova
[Larawan sa pahina 23]
Ang lahat ng batas ni Jehova ay nakasalig sa di-kumukupas at mapagkakatiwalaang mga simulain