Mga Kabataan—Ipakita ang Inyong Pagsulong
“Magmuni-muni ka sa mga bagay na ito; magbuhos ka ng pansin sa mga iyon, upang ang iyong pagsulong ay mahayag sa lahat ng mga tao.”—1 TIM. 4:15.
1. Ano ang nais ng Diyos para sa mga kabataan?
“KABATAAN, magsaya ka habang bata ka pa! Nawa’y magalak ang iyong puso sa panahon ng iyong kabataan.” (Ecles. 11:9, Tanakh—The Holy Scriptures) Iyan ang isinulat ng matalinong hari ng Israel na si Solomon. Tiyak na nais ng Pinagmulan ng mensaheng ito, ang Diyos na Jehova, na maging maligaya kayong mga kabataan sa panahon ng inyong kabataan at kahit sa inyong pagtanda. Subalit ang mga pagkakamali sa panahon ng kabataan ay kadalasan nang nakaaapekto sa kanilang kaligayahan at kinabukasan. Ikinalungkot maging ng tapat na si Job “ang mga bunga ng mga kamalian [niya] noong [kaniyang] kabataan.” (Job 13:26) Napapaharap sa maraming mabibigat na pagpapasiya ang isang kabataang Kristiyano habang siya’y nagkakaedad. Ang maling pagpapasiya ay maaaring magdulot ng pilat sa damdamin at mga problemang makaaapekto sa kaniya habang-buhay.—Ecles. 11:10.
2. Anong payo sa Bibliya ang makatutulong sa mga kabataan na maiwasan ang malulubhang pagkakamali?
2 Dapat maging matalino sa pagpapasiya ang mga kabataan. Pansinin ang isinulat ni apostol Pablo sa mga taga-Corinto: “Huwag kayong maging mga bata sa mga kakayahan ng pang-unawa . . . Maging hustong-gulang sa mga kakayahan ng pang-unawa.” (1 Cor. 14:20) Ang pakikinig sa payong ito na maging maygulang sa pag-iisip at pangangatuwiran ay makatutulong sa mga kabataan na maiwasan ang malulubhang pagkakamali.
3. Ano ang maaari mong gawin upang maging maygulang?
3 Kung isa kang kabataan, tandaan na kailangan mong magsikap upang maging maygulang. Sinabi ni Pablo kay Timoteo: “Huwag hamakin ng sinumang tao ang iyong kabataan. Sa halip, sa mga tapat ay maging halimbawa ka sa pagsasalita, sa paggawi, sa pag-ibig, sa pananampalataya, sa kalinisan. . . . Magsikap ka sa pangmadlang pagbabasa, sa pagpapayo, sa pagtuturo. . . . Magmuni-muni ka sa mga bagay na ito; magbuhos ka ng pansin sa mga iyon, upang ang iyong pagsulong ay mahayag sa lahat ng mga tao.” (1 Tim. 4:12-15) Oo, kailangang sumulong ang mga kabataang Kristiyano at hayaang makita ito ng iba.
Ano ang Pagsulong?
4. Ano ang kasama sa espirituwal na pagsulong?
4 Ayon sa isang reperensiya, ang pagsulong ay nangangahulugan ng “pagbabago para sa ikabubuti.” Hinimok ni Pablo si Timoteo na patuloy na sumulong sa espirituwal. Kailangan siyang magsikap na sumulong sa pagsasalita, paggawi, pag-ibig, pananampalataya, kalinisan, at sa kaniyang ministeryo. Dapat din siyang magsikap na maging mabuting halimbawa sa iba.
5, 6. (a) Kailan nakita ang pagsulong ni Timoteo? (b) Paano matutularan ng mga kabataan sa ngayon si Timoteo?
5 Makaranasang elder na si Timoteo nang isulat ni Pablo ang payong ito noong mga 61 hanggang 64 C.E. Noong 49 o 50 C.E., nang si Timoteo ay mga 20 anyos, ‘mabuti ang ulat tungkol sa kaniya ng mga kapatid sa Listra at Iconio,’ na nakakita sa kaniyang pagsulong. (Gawa 16:1-5) Nang panahong iyon, isinama ni Pablo si Timoteo sa kaniyang paglalakbay bilang misyonero. Pagkatapos makita ang higit pang pagsulong ni Timoteo sa loob ng ilang buwan, isinugo siya ni Pablo sa Tesalonica upang aliwin at patibayin ang mga Kristiyano roon. (Basahin ang 1 Tesalonica 3:1-3, 6.) Maliwanag na nakita ng iba ang pagsulong ni Timoteo noong siya’y kabataan pa.
6 Kayong mga kabataan sa kongregasyon, magsikap na ngayon na linangin ang kinakailangang mga katangian upang sumulong bilang Kristiyano at tagapagturo ng katotohanan sa Bibliya. Sa gayon, makikita ng iba ang inyong pagsulong. Sa edad na 12, “patuloy na sumulong [si Jesus] sa karunungan.” (Luc. 2:52) Kung gayon, suriin natin kung paano ninyo maipapakita ang pagsulong sa tatlong pitak ng inyong buhay: (1) sa pagharap sa mga problema, (2) sa paghahanda sa pag-aasawa, at (3) sa pagsisikap na maging “mabuting ministro.”—1 Tim. 4:6.
Harapin ang mga Problema Nang May “Katinuan ng Pag-iisip”
7. Paano maaaring maapektuhan ng mga problema ang mga kabataan?
7 Sinabi ni Carol, isang 17-taóng-gulang na Kristiyano: “Kung minsan, pakiramdam ko’y hindi ko na kaya at ayoko nang magising.”a Bakit ganiyan ang nadarama niya? Nang sampung taóng gulang si Carol, nagdiborsiyo ang kaniyang mga magulang. Napunta siya sa poder ng kaniyang ina, na hindi namumuhay ayon sa mga pamantayang moral ng Bibliya. Gaya ni Carol, baka naiipit ka rin sa isang napakahirap na situwasyon at wala ka nang ibang magagawa kundi tanggapin iyon.
8. Anong mga problema ang kinailangang harapin ni Timoteo?
8 Nang siya’y sumusulong sa espirituwal, may mga problema rin si Timoteo na kailangan niyang harapin. Halimbawa, dahil sa problema niya sa sikmura, ‘malimit siyang magkasakit.’ (1 Tim. 5:23) Minsan, isinugo siya ni Pablo sa Corinto upang asikasuhin ang mga problemang idinulot ng mga taong humahamon sa awtoridad ng apostol. Hinimok ni Pablo ang kongregasyon na makipagtulungan kay Timoteo upang ‘wala itong anumang ikatakot’ sa kanila. (1 Cor. 4:17; 16:10, 11) Ipinahihiwatig nito na mahiyain si Timoteo.
9. Ano ang katinuan ng pag-iisip? Paano ito naiiba sa espiritu ng karuwagan?
9 Upang matulungan si Timoteo, pinaalalahanan siya ni Pablo: “Hindi tayo binigyan ng Diyos ng espiritu ng karuwagan, kundi ng kapangyarihan at ng pag-ibig at ng katinuan ng pag-iisip.” (2 Tim. 1:7) Ang “katinuan ng pag-iisip” ay ang kakayahang mag-isip at mangatuwiran nang tama. Kasama rito ang kakayahang harapin ang mga problema at ang pagiging makatotohanan. Naduduwag ang ilang kabataan na harapin ang kanilang mga problema anupat dinadaan na lamang ang mga ito sa pagtulog, panonood ng TV, pag-abuso sa droga, pag-inom ng alak, pagpunta sa mga parti, o paggawa ng imoralidad. Hinihimok ang mga Kristiyano na “itakwil ang pagka-di-makadiyos at makasanlibutang mga pagnanasa at mamuhay na taglay ang katinuan ng pag-iisip at katuwiran at makadiyos na debosyon sa gitna ng kasalukuyang sistemang ito ng mga bagay.”—Tito 2:12.
10, 11. Paano makatutulong sa atin ang katinuan ng pag-iisip na umasa sa lakas na inilalaan ng Diyos?
10 Pinapayuhan ng Bibliya ang “mga nakababatang lalaki na maging matino ang pag-iisip.” (Tito 2:6) Nangangahulugan ito na kapag may mga problema, dapat tayong manalangin at umasa sa Diyos. (Basahin ang 1 Pedro 4:7.) Sa gayon, titibay ang ating pagtitiwala sa “lakas na inilalaan ng Diyos.”—1 Ped. 4:11.
11 Ang katinuan ng pag-iisip at pananalangin ay nakatulong kay Carol. “Napakahirap manatiling malinis sa moral sa piling ng aking ina,” ang sabi niya. “Pero talagang nakatulong sa akin ang panalangin. Alam kong hindi ako pababayaan ni Jehova kaya hindi ako dapat matakot.” Tandaan, ang mga problema ay maaaring makatulong sa iyo na maging mas mabuting tao at maging matatag sa harap ng mga problema. (Awit 105:17-19; Panag. 3:27) Anuman ang iyong situwasyon, hindi ka kailanman iiwan ng Diyos. ‘Talagang tutulungan ka’ niya.—Isa. 41:10.
Paghahanda sa Matagumpay na Pag-aasawa
12. Bakit dapat isaalang-alang ng isang Kristiyanong nag-iisip mag-asawa ang diwa ng Kawikaan 20:25?
12 Ang ilang kabataan ay maagang nag-aasawa, anupat inaakalang ito ang solusyon sa kanilang kalungkutan, pagkabagot, at mga problema sa pamilya. Pero hindi biro ang pag-aasawa. Noong panahon ng Bibliya, may ilan na nanata sa Diyos nang hindi iniisip mabuti kung ano ang kaakibat nito. (Basahin ang Kawikaan 20:25.) Hindi rin pinag-iisipang mabuti ng ilang kabataang nag-aasawa ang mga pananagutang kaakibat ng pag-aasawa. Sa paglipas ng panahon, saka lamang sila nagigising sa katotohanan.
13. Anong mga tanong ang dapat isaalang-alang ng isa bago siya manligaw o magpaligaw? Anong payo ang makatutulong sa kaniya?
13 Kaya bago manligaw o magpaligaw, tanungin ang sarili: ‘Bakit gusto kong mag-asawa? Ano ang inaasahan ko sa pag-aasawa? Magiging mabuti kaya siyang asawa? Magagampanan ko ba ang mga pananagutan ng isang may-asawa?’ Upang matulungan tayong makagawa ng tamang pasiya, ang “tapat at maingat na alipin” ay naglathala ng mga artikulong tumatalakay sa mga paksang ito.b (Mat. 24:45-47) Ituring mo ang mga ito na payo mula kay Jehova. Isaalang-alang na mabuti ang nilalaman ng mga ito at ikapit ito. Huwag maging “gaya ng kabayo o ng mula na walang pagkaunawa.” (Awit 32:8, 9) Maging may-gulang kapag isinasaalang-alang ang mga pananagutan sa pag-aasawa. Kung naiisip mong handa ka nang manligaw o magpaligaw, laging tandaan na “maging halimbawa . . . sa kalinisan.”—1 Tim. 4:12.
14. Paano makatutulong ang espirituwal na pagkamaygulang kapag may asawa ka na?
14 Nakatutulong din ang espirituwal na pagkamaygulang kapag ang isa ay may asawa na. Sinisikap ng isang may-gulang na Kristiyano na maabot ang “sukat ng laki na nauukol sa kalubusan ng Kristo.” (Efe. 4:11-14) Oo, sinisikap niyang tularan ang personalidad ni Kristo. Bilang ating Huwaran, si “Kristo ay hindi nagpalugod sa kaniyang sarili.” (Roma 15:3) Kapag isinasaalang-alang ng mag-asawa ang kapakanan ng isa’t isa, magiging mapayapa at panatag ang kanilang pagsasama. (1 Cor. 10:24) Sa gayon, maipapakita ng asawang lalaki ang mapagsakripisyong pag-ibig, at ang asawang babae naman ay magiging determinadong magpasakop sa kaniyang asawa gaya ni Jesus sa kaniyang Ulo.—1 Cor. 11:3; Efe. 5:25.
“Lubusan Mong Ganapin ang Iyong Ministeryo”
15, 16. Paano mo maipapakita ang iyong pagsulong sa ministeryo?
15 Ganito ang isinulat ni Pablo hinggil sa mahalagang atas ni Timoteo: “May-kataimtiman kitang inuutusan sa harap ng Diyos at ni Kristo Jesus, . . . ipangaral mo ang salita, maging apurahan ka rito.” Idinagdag pa niya: “Gawin mo ang gawain ng isang ebanghelisador, lubusan mong ganapin ang iyong ministeryo.” (2 Tim. 4:1, 2, 5) Upang matupad ang atas na ito, kailangang ‘matustusan ng mga salita ng pananampalataya’ si Timoteo.—Basahin ang 1 Timoteo 4:6.
16 Paano ka ‘matutustusan ng mga salita ng pananampalataya’? Sumulat si Pablo: “Magsikap ka sa pangmadlang pagbabasa, sa pagpapayo, sa pagtuturo. Magmuni-muni ka sa mga bagay na ito; magbuhos ka ng pansin sa mga iyon.” (1 Tim. 4:13, 15) Upang sumulong, kailangan tayong ‘magbuhos ng pansin’ sa personal na pag-aaral. Kumusta ang iyong personal na pag-aaral? Nagbubuhos ka ba ng pansin sa “malalalim na bagay ng Diyos”? (1 Cor. 2:10) O, hindi mo ito sineseryoso? Ang pagmumuni-muni sa iyong pinag-aralan ay magpapakilos sa iyo na sumulong sa espirituwal.—Basahin ang Kawikaan 2:1-5.
17, 18. (a) Anong mga kakayahan ang dapat mong linangin? (b) Paano makatutulong sa iyong ministeryo ang pagtulad mo kay Timoteo?
17 Sinabi ni Michelle, isang kabataang payunir: “Para maging mabisa sa ministeryo, sinusunod ko ang aking iskedyul sa personal na pag-aaral at regular akong dumadalo sa mga pulong. Dahil dito, patuloy akong sumusulong sa espirituwal.” Tiyak na makatutulong sa iyo ang pagpapayunir upang sumulong sa espirituwal at sa iyong kakayahan na gamitin ang Bibliya sa ministeryo. Maging masikap sa pagbabasa at sa pagkokomento sa mga pulong. Upang makita ang iyong pagsulong, gawing nakapagpapatibay at nakapagtuturo ang iyong mga bahagi sa Paaralang Teokratiko Ukol sa Ministeryo. Huwag lumayo sa iniatas na materyal.
18 Upang ‘magawa mo ang gawain ng isang ebanghelisador,’ dapat kang magsikap na maging mas mabisa sa ministeryo upang matulungan ang iba na maligtas. Kailangan dito ang “sining ng pagtuturo.” (2 Tim. 4:2) Sumama sa mga makaranasan sa ministeryo upang matuto sa kanilang paraan ng pagtuturo, kung paanong natuto si Timoteo kay Pablo. (1 Cor. 4:17) Minahal ni Pablo ang kaniyang mga naakay sa katotohanan. Hindi lamang niya ibinahagi sa kanila ang mabuting balita kundi ginamit din niya ang kaniyang ‘sariling kaluluwa,’ o buhay, upang matulungan sila. (1 Tes. 2:8) Tinularan ni Timoteo ang halimbawa ni Pablo. Talagang nagmalasakit si Timoteo sa iba at ‘nagpaalipin sa ikasusulong ng mabuting balita.’ (Basahin ang Filipos 2:19-23.) Tinutularan mo ba ang halimbawa nina Pablo at Timoteo sa pagiging mapagsakripisyo sa ministeryo?
Nagdudulot ng Tunay na Kasiyahan ang Pagsulong
19, 20. Bakit nagdudulot ng kasiyahan ang pagsulong sa espirituwal?
19 Kailangan mong magsikap upang sumulong sa espirituwal. Kung patuloy mong lilinangin ang iyong kakayahan sa pagtuturo, makakamit mo rin ang pribilehiyo na ‘mapayaman ang marami’ sa espirituwal. Sila ay magiging iyong “kagalakan o koronang ipinagbubunyi.” (2 Cor. 6:10; 1 Tes. 2:19) “Di-tulad ng dati, mas malaking panahon ang ginugugol ko sa pagtulong sa iba,” ang sabi ni Fred, isang buong-panahong ministro. “Talagang mas maligaya ang nagbibigay kaysa sa tumatanggap.”
20 Ganito ang sinabi ni Daphne, isang kabataang payunir, tungkol sa kasiyahang nadama niya sa pagsulong sa espirituwal: “Habang nakikilala ko si Jehova, nagiging mas malapít ako sa kaniya. Kapag ginawa mo ang buo mong makakaya para mapalugdan si Jehova, magiging masayang-masaya ka!” Bagaman hindi laging nakikita ng mga tao ang pagsulong sa espirituwal, palagi itong nakikita at pinahahalagahan ni Jehova. (Heb. 4:13) Oo, kayong mga kabataang Kristiyano, maaari ninyong luwalhatiin at purihin ang ating makalangit na Ama. Patuloy ninyong pasayahin ang kaniyang puso habang ipinakikita ninyo ang inyong pagsulong.—Kaw. 27:11.
[Mga talababa]
a Binago ang ilang pangalan.
b “Magiging Mabuti Kaya Siyang Asawa?” sa aklat na Ang mga Tanong ng mga Kabataan—Mga Sagot na Lumulutas, Tomo 2; “Patnubay ng Diyos sa Pagpili ng Mapapangasawa,” sa Ang Bantayan ng Mayo 15, 2001; at “Gaanong Katalino ang Pag-aasawa ng Teenager?” sa Gumising! ng Pebrero 22, 1984.
Ano ang Natutuhan Mo?
• Ano ang kasama sa espirituwal na pagsulong?
• Paano mo maipapakita ang pagsulong . . .
kapag napaharap sa mga problema?
kapag naghahanda sa pag-aasawa?
sa ministeryo?
[Larawan sa pahina 15]
Makatutulong sa iyo ang panalangin upang maharap ang mga problema
[Larawan sa pahina 16]
Paano mapasusulong ng mga kabataan ang kanilang paraan ng pagtuturo?