Bakit Dapat Sundan ang “Kristo”?
“Kung ang sinuman ay nagnanais na sumunod sa akin, itatwa niya ang kaniyang sarili . . . at sundan ako nang patuluyan.”—LUC. 9:23.
1, 2. Bakit mahalagang pag-aralan natin kung bakit dapat sundan ang “Kristo”?
TIYAK na tuwang-tuwa si Jehova na makita kayong mga interesado at mga kabataan sa mga kongregasyon ng kaniyang mga mananamba sa lupa! Habang nag-aaral kayo ng Bibliya, regular na dumadalo sa mga Kristiyanong pagpupulong, at sumusulong sa kaalaman sa katotohanan sa Salita ng Diyos, dapat ninyong pag-isipang mabuti ang paanyaya ni Jesus: “Kung ang sinuman ay nagnanais na sumunod sa akin, itatwa niya ang kaniyang sarili at buhatin ang kaniyang pahirapang tulos sa araw-araw at sundan ako nang patuluyan.” (Luc. 9:23) Sinabi ni Jesus na kailangan ninyong itatwa ang inyong sarili at maging tagasunod niya. Kung gayon, mahalaga na pag-aralan natin kung bakit dapat sundan ang “Kristo.”—Mat. 15:13-16.
2 Kumusta naman tayo na sumusunod na sa yapak ni Jesu-Kristo? Hinihimok tayo ni Pablo na “patuloy [na] gawin iyon nang lubus-lubusan.” (1 Tes. 4:1, 2) Para magawa ito, makatutulong sa atin ang pagbubulay-bulay sa mga dahilan kung bakit natin dapat sundan ang Kristo, baguhan man tayo o matagal na sa katotohanan. Talakayin natin ang limang dahilan.
Upang Maging Lalong Malapít kay Jehova
3. Ano ang dalawang paraan upang makilala natin si Jehova?
3 Nang si Pablo ay “tumayo sa gitna ng Areopago,” sinabi niya sa mga taga-Atenas: “Itinalaga [ng Diyos] ang mga takdang panahon at ang tiyak na mga hangganan ng pananahanan ng mga tao, upang hanapin nila ang Diyos, kung maaapuhap nila siya at talagang masusumpungan siya, bagaman, sa katunayan, hindi siya malayo sa bawat isa sa atin.” (Gawa 17:22, 26, 27) Oo, maaari nating makilala ang Diyos. Halimbawa, napakarami tayong matututuhan sa mga nilalang tungkol sa mga katangian ng Diyos. Ang pagbubulay-bulay sa mga ito ay makatutulong sa atin na makilala ang Maylalang. (Roma 1:20) Inilaan din ni Jehova ang kaniyang Salita, ang Bibliya, upang makilala natin siya. (2 Tim. 3:16, 17) Habang ‘binubulay-bulay at pinagtutuunan natin ng pansin ang kaniyang mga gawa,’ lalo nating nakikilala si Jehova.—Awit 77:12.
4. Paano makatutulong sa atin ang pagsunod sa Kristo upang maging mas malapít kay Jehova?
4 Ang isang napakainam na paraan upang maging mas malapít kay Jehova ay ang sundan ang Kristo. Isip-isipin na lamang ang kaluwalhatian ni Jesus noong nasa piling pa siya ng kaniyang Ama “bago pa ang sanlibutan”! (Juan 17:5) Siya “ang pasimula ng paglalang ng Diyos.” (Apoc. 3:14) Bilang “panganay sa lahat ng nilalang,” napakahabang panahon siyang nabuhay sa langit kasama ng kaniyang Ama, si Jehova. Bago siya naging tao, maligaya siyang gumagawang kasama ng Makapangyarihan-sa-lahat at nagkaroon sila ng napakalapít na ugnayan. Pinagmasdan ni Jesus ang ginawa ng kaniyang Ama. Nakita niya ang mga katangian at saloobin ni Jehova. Pero higit pa riyan ang ginawa ni Jesus. Tinularan niyang mabuti ang kaniyang Ama. Dahil dito, tinawag ang masunuring Anak na ito ng Diyos sa Bibliya bilang “larawan ng di-nakikitang Diyos.” (Col. 1:15) Kung susundan nating mabuti ang Kristo, mas mapapalapít tayo kay Jehova.
Upang Higit na Matularan si Jehova
5. Ano ang makatutulong sa atin na higit na matularan si Jehova, at bakit?
5 Tayo ay ‘ginawa ayon sa larawan ng Diyos, ayon sa kaniyang wangis.’ Kaya may kakayahan tayong tularan ang kaniyang mga katangian. (Gen. 1:26) Hinimok ni apostol Pablo ang mga Kristiyano na ‘maging mga tagatulad sa Diyos, bilang mga anak na minamahal.’ (Efe. 5:1) Ang pagsunod sa Kristo ay makatutulong sa atin na matularan ang ating makalangit na Ama. Si Jesus lamang ang lubusang nakatulad sa damdamin, personalidad, at paraan ng pag-iisip ni Jehova. Dahil dito, siya lamang ang malinaw na makapagtuturo sa atin hinggil sa Diyos. Noong narito siya sa lupa, hindi lamang niya ipinakilala ang pangalan ni Jehova. Ipinakita rin niya ang mga katangian ng Diyos. (Basahin ang Mateo 11:27.) Ginawa ito ni Jesus sa pamamagitan ng kaniyang mga turo at halimbawa.
6. Ano ang matututuhan natin sa itinuro ni Jesus tungkol kay Jehova?
6 Itinuro ni Jesus kung ano ang nadarama at hinihiling ng Diyos sa kaniyang mga mananamba. (Mat. 22:36-40; Luc. 12:6, 7; 15:4-7) Halimbawa, pagkatapos banggitin ang isa sa Sampung Utos—“huwag kang mangangalunya”—ipinaliwanag ni Jesus na bago pa ito magawa ng isang tao, nabasa na ng Diyos kung ano ang nasa puso niya. Sinabi niya: “Ang bawat isa na patuloy na tumitingin sa isang babae upang magkaroon ng masidhing pagnanasa sa kaniya ay nangalunya na sa kaniya sa kaniyang puso.” (Ex. 20:14; Mat. 5:27, 28) Pagkatapos banggitin ni Jesus ang pakahulugan ng mga Pariseo sa sinabi ng Kautusan—“iibigin mo ang iyong kapuwa at kapopootan mo ang iyong kaaway”—sinabi niya ang kaisipan ni Jehova: “Patuloy na ibigin ang inyong mga kaaway at ipanalangin yaong mga umuusig sa inyo.” (Mat. 5:43, 44; Ex. 23:4; Lev. 19:18) Kapag nauunawaan natin kung ano ang iniisip, nadarama, at hinihiling ng Diyos, higit natin siyang matutularan.
7, 8. Ano ang matututuhan natin tungkol kay Jehova mula sa halimbawa ni Jesus?
7 Ang personalidad ng Ama ay makikita rin sa halimbawa ni Jesus. Mababasa natin sa mga Ebanghelyo ang pagkamahabagin ni Jesus sa mga nangangailangan, empatiya sa mga nagdurusa, at ang galit sa kaniyang mga alagad nang sawayin nila ang mga batang lumalapit sa kaniya. Hindi ba ganiyan din ang magiging damdamin ni Jehova sa gayong mga situwasyon? (Mar. 1:40-42; 10:13, 14; Juan 11:32-35) Isipin kung paano makikita sa mga ginawa ni Jesus ang mga pangunahing katangian ng Diyos. Hindi ba ipinakikita ng mga himala ni Kristo na makapangyarihan siya? Pero hindi niya kailanman ginamit ang kapangyarihang ito para sa kaniyang kapakanan o para saktan ang iba. (Luc. 4:1-4) Ang kaniyang pagiging makatarungan ay kitang-kita nang palayasin niya ang mga sakim na negosyante sa templo. (Mar. 11:15-17; Juan 2:13-16) Ang kaniyang mga turo at magagandang pananalitang nakaantig sa puso ng mga tao ay nagpapahiwatig na ‘higit pa kay Solomon’ ang kaniyang karunungan. (Mat. 12:42) At tiyak na makikita ang pag-ibig ni Jesus nang isakripisyo niya ang kaniyang buhay para sa atin. Tunay ngang “walang sinuman ang may pag-ibig na mas dakila kaysa rito”!—Juan 15:13.
8 Lubusang natularan ng Anak ng Diyos si Jehova sa salita at sa gawa anupat nasabi niya: “Siya na nakakita sa akin ay nakakita rin sa Ama.” (Basahin ang Juan 14:9-11.) Ang pagsunod sa Kristo ay katumbas ng pagtulad kay Jehova.
Si Jesus ang Pinahiran ni Jehova
9. Kailan at paano naging Pinahiran ng Diyos si Jesus?
9 Isaalang-alang kung ano ang nangyari noong taglagas ng 29 C.E. Si Jesus noon ay 30 anyos at pumunta kay Juan na Tagapagbautismo. “Pagkatapos na mabautismuhan ay kaagad na umahon si Jesus mula sa tubig; at, narito! ang langit ay nabuksan, at nakita niyang bumababa na tulad ng isang kalapati ang espiritu ng Diyos na lumalapag sa kaniya.” Sa panahong iyon, siya ay naging Kristo, o Mesiyas. Ipinakilala ni Jehova si Jesus bilang kaniyang Pinahiran. Sinabi niya: “Ito ang aking Anak, ang minamahal, na aking sinang-ayunan.” (Mat. 3:13-17) Isa ngang matibay na dahilan para sundan ang Kristo!
10, 11. (a) Paano ginamit ang titulong “Kristo” may kaugnayan kay Jesus? (b) Bakit natin dapat tiyaking sinusundan natin si Jesu-Kristo?
10 Sa Bibliya, ginamit ang titulong “Kristo” may kaugnayan kay Jesus sa iba’t ibang paraan gaya ng Jesu-Kristo, Kristo Jesus, at Kristo. Si Jesus mismo ang unang gumamit ng terminong “Jesu-Kristo” kung saan nauna ang pangalan bago ang titulo. Nang manalangin siya sa kaniyang Ama, sinabi niya: “Ito ay nangangahulugan ng buhay na walang hanggan, ang kanilang pagkuha ng kaalaman tungkol sa iyo, ang tanging tunay na Diyos, at sa isa na iyong isinugo, si Jesu-Kristo.” (Juan 17:3) Malinaw na idiniriin nito ang personang isinugo ng Diyos na naging kaniyang Pinahiran. Sa terminong “Kristo Jesus,” nauuna ang titulo bago ang pangalan. Idiniriin nito ang posisyong taglay ni Jesus. (2 Cor. 4:5) Idiniriin din ng paggamit sa terminong “Kristo” ang kaniyang posisyon bilang Mesiyas.—Gawa 5:42.
11 Anuman ang pagkakagamit sa titulong “Kristo” may kaugnayan kay Jesus, isang mahalagang katotohanan ang itinatampok nito: Bagaman ang Anak ng Diyos ay naparito sa lupa bilang tao upang ipahayag ang kalooban ng kaniyang Ama, hindi siya isang pangkaraniwang tao o isa lamang propeta; siya ang Pinahiran ni Jehova. Dapat nating tiyaking sinusundan natin ang Pinahirang ito ng Diyos.
Si Jesus ang Tanging Daan sa Kaligtasan
12. Ano ang sinabi ni Jesus kay apostol Tomas na kapit din sa atin?
12 May isa pang napakahalagang dahilan kung bakit dapat nating patuloy na sundan ang Mesiyas. Ganito ang sinabi ni Jesus sa kaniyang 11 tapat na apostol, mga ilang oras bago siya namatay: “Ako ang daan at ang katotohanan at ang buhay. Walang sinumang makaparoroon sa Ama kundi sa pamamagitan ko.” (Juan 14:1-6) Ito ang sagot ni Jesus sa tanong ni Tomas hinggil sa pag-alis niya at paghahanda ng dako para sa kanila sa langit. Pero kapit din ang mga pananalitang ito sa mga magkakamit ng buhay na walang hanggan sa lupa. (Apoc. 7:9, 10; 21:1-4) Paano?
13. Paano nagsilbing “daan” si Jesus?
13 Si Jesu-Kristo ang “daan.” Sa pamamagitan lamang niya tayo makalalapit sa Diyos. Dapat tayong manalangin sa Diyos sa pamamagitan ni Jesus. Sa ganitong paraan lamang tayo makatitiyak na ibibigay sa atin ng Ama ang anumang hingin natin kasuwato ng Kaniyang kalooban. (Juan 15:16) Pero si Jesus ay nagsilbi ring “daan” sa ibang paraan. Napahiwalay ang sangkatauhan sa Diyos dahil sa kasalanan. (Isa. 59:2) Ibinigay ni Jesus ang “kaniyang kaluluwa bilang pantubos na kapalit ng marami.” (Mat. 20:28) Bilang resulta, sinabi ng Bibliya: “Nililinis tayo ng dugo ni Jesus . . . mula sa lahat ng kasalanan.” (1 Juan 1:7) Sa gayon, ang Anak ang nagbukas ng daan upang maipagkasundo tayo sa Diyos. (Roma 5:8-10) Upang magkaroon tayo ng kaugnayan sa Diyos, dapat tayong manampalataya at sumunod kay Jesus.—Juan 3:36.
14. Bakit si Jesus ang “katotohanan”?
14 Si Jesus ang “katotohanan.” Palagi niyang ipinahahayag ang katotohanan at namumuhay kasuwato nito. Natupad din sa kaniya ang lahat ng hula tungkol sa Mesiyas. Sumulat si apostol Pablo: “Gaano man karami ang mga pangako ng Diyos, ang mga iyon ay naging Oo sa pamamagitan niya.” (2 Cor. 1:20) Maging ang “anino ng mabubuting bagay na darating” na nasa Kautusang Mosaiko ay nagkatotoo kay Kristo Jesus. (Heb. 10:1; Col. 2:17) Ang lahat ng hula ay patungkol kay Jesus, at nakatutulong ito sa atin na maunawaan ang kaniyang mahalagang papel sa layunin ni Jehova. (Apoc. 19:10) Upang makinabang tayo sa katuparan ng layunin ng Diyos, dapat nating sundan ang Mesiyas.
15. Bakit si Jesus ang “buhay”?
15 Si Jesus ang “buhay” dahil binili niya ng kaniyang dugo ang sangkatauhan. Ang buhay na walang hanggan ay isang kaloob na ibinibigay ng Diyos “sa pamamagitan ni Kristo Jesus na ating Panginoon.” (Roma 6:23) Si Jesus din ang “buhay” para sa mga namatay. (Juan 5:28, 29) Bukod diyan, bilang Mataas na Saserdote sa panahon ng kaniyang Milenyong Paghahari, tutubusin niya mula sa kasalanan at kamatayan ang kaniyang mga sakop sa lupa.—Heb. 9:11, 12, 28.
16. Bakit natin dapat sundan si Jesus?
16 Kung gayon, napakahalaga sa atin ng sagot ni Jesus kay Tomas. Si Jesus ang daan, ang katotohanan, at ang buhay. Siya ang isinugo ng Diyos upang maligtas ang sangkatauhan. (Juan 3:17) At walang sinuman ang makalalapit sa Ama kundi sa pamamagitan niya. Malinaw na sinasabi ng Bibliya: “Walang kaligtasan sa kanino pa man, sapagkat walang ibang pangalan sa silong ng langit na ibinigay sa mga tao na siya nating dapat ikaligtas.” (Gawa 4:12) Kaya anuman ang ating kinagisnan, isang karunungan na maniwala kay Jesus at sundan siya upang makamit natin ang buhay.—Juan 20:31.
Inuutusan Tayong Makinig sa Kristo
17. Bakit mahalaga na makinig tayo sa Anak ng Diyos?
17 Nasaksihan nina Pedro, Juan, at Santiago ang pagbabagong-anyo ni Jesus. Narinig nila ang isang tinig mula sa langit na nagsasabi: “Ito ang aking Anak, ang isa na pinili. Makinig kayo sa kaniya.” (Luc. 9:28, 29, 35) Maliwanag na napakahalaga na sundin ang utos na makinig sa Mesiyas.—Basahin ang Gawa 3:22, 23.
18. Paano tayo makikinig kay Jesu-Kristo?
18 Kasama sa pakikinig kay Jesus ang ‘pagtingin na mabuti sa kaniya, anupat maingat na pinag-iisipan’ ang kaniyang halimbawa. (Heb. 12:2, 3) Kaya kailangan tayong “magbigay ng higit kaysa sa karaniwang pansin” sa mga nababasa natin tungkol sa kaniya sa Bibliya at sa mga publikasyong inilalaan ng “tapat at maingat na alipin,” gayundin sa mga naririnig natin tungkol sa kaniya sa mga Kristiyanong pagpupulong. (Heb. 2:1; Mat. 24:45) Bilang kaniyang mga tupa, manabik nawa tayo na makinig at sundan si Jesus.—Juan 10:27.
19. Ano ang makatutulong sa atin na patuloy na sundan ang Kristo?
19 Magagawa ba nating patuloy na sundan ang Kristo anuman ang mangyari? Oo, basta’t ‘patuloy tayong manghahawakan sa parisan ng nakapagpapalusog na mga salita’ sa pamamagitan ng pagkakapit sa ating natututuhan “kalakip ang pananampalataya at pag-ibig na may kaugnayan kay Kristo Jesus.”—2 Tim. 1:13.
Ano ang Natutuhan Mo?
• Bakit lalo tayong mapapalapít kay Jehova kung susundan natin ang “Kristo”?
• Bakit ang pagtulad kay Jesus ay katumbas ng pagtulad kay Jehova?
• Bakit si Jesus “ang daan at ang katotohanan at ang buhay”?
• Bakit tayo dapat makinig sa Pinahiran ni Jehova?
[Larawan sa pahina 29]
Makikita sa mga turo ni Jesus ang kaisipan ni Jehova
[Larawan sa pahina 30]
Dapat nating maingat na sundan ang Pinahiran ni Jehova
[Larawan sa pahina 32]
Ipinahayag ni Jehova: “Ito ang aking Anak . . . makinig kayo sa kaniya”