Mahalaga ang Pagtutulungan Upang Sumulong sa Espirituwal
MAHALAGA ang pagtutulungan upang maging palaisip sa espirituwal ang isang pamilya. Nang lalangin ni Jehova ang unang mag-asawa, idiniin niya ang kahalagahan ng pagtutulungan. Nilalang niya si Eva para maging “kapupunan” ni Adan. (Gen. 2:18) Oo, dapat magtulungan ang mag-asawa. (Ecles. 4:9-12) Kailangan ding magtulungan ang mga magulang at mga anak upang magampanan ang kani-kanilang papel na iniatas ni Jehova sa kanila.
Pampamilyang Pagsamba
May limang anak sina Barry at Heidi. Nakita nilang malaking tulong sa pagsulong sa espirituwal ang pagtutulungan upang maging regular sa pampamilyang pag-aaral. Sinabi ni Barry: “Sa aming pampamilyang pag-aaral, binibigyan ko ng maliliit na atas ang aming mga anak. Paminsan-minsan, hinihilingan ko silang basahin nang patiuna ang isang artikulo sa Gumising! at sabihin kung ano ang kanilang natutuhan. Pinapraktis din namin ang aming mga anak para may nakahanda silang presentasyon sa ministeryo.” Sinabi pa ni Heidi: “Lahat kami’y may listahan ng aming mga espirituwal na tunguhin na tinitingnan namin sa pana-panahon kapag nag-aaral kami upang makita kung naaabot namin ang mga ito.” Napansin din ng mag-asawa na dahil may mga gabi sa loob ng sanlinggo na hindi sila nanonood ng telebisyon, nagkakaroon ng panahon ang bawat isa na magbasa.
Pulong ng Kongregasyon
May apat na anak sina Mike at Denise. Paano nakinabang ang kanilang pamilya dahil sa pagtutulungan? Sinabi ni Mike: “Kung minsan, kahit nakaplanong mabuti ang aming mga gawain, nahuhuli pa rin kami sa pulong, pero malaki ang nagawa ng pagtutulungan upang makarating kami sa oras.” Ipinaliwanag ni Denise: “Habang lumalaki ang mga bata, binibigyan namin sila ng kani-kaniyang gawaing-bahay. Ang aming anak na babaing si Kim ay tumutulong sa pagluluto at pag-aayos ng mesa.” Natatandaan ng kanilang anak na si Michael: “Tuwing Martes ng gabi, may pulong ng kongregasyon sa aming bahay. Kaya nililinis namin ang silid na ginagamit, pati na ang sahig nito, at inihihilera ang mga upuan.” Ganito naman ang sinabi ng isa pa nilang anak na si Matthew: “Umuuwi nang maaga si Itay mula sa kaniyang trabaho upang tulungan kaming maghanda para sa pulong.” Ano ang naging resulta?
Sulit ang Pagtutulungan
Sinabi ni Mike: “Noong 1987, nagpayunir kami ni Denise. Nang panahong iyon, kapisan pa namin ang aming tatlong anak. Dalawa sa aming mga anak ay nagpayunir din, at ang iba ay nagboluntaryo sa mga proyekto ng Bethel sa pagtatayo. Nakaragdag din sa kaligayahan ng aming pamilya ang makatulong sa 40 indibiduwal na mag-alay at magpabautismo. Nagkaroon din ng pribilehiyong magboluntaryo ang aming pamilya sa mga proyekto ng pagtatayo, maging sa ibang bansa.”
Talagang sulit ang pagtutulungan sa loob ng pamilya. May naiisip ka bang iba pang paraan upang makipagtulungan sa iyong pamilya? Makatitiyak ka na susulong sa espirituwal ang iyong pamilya kung patuloy kayong magtutulungan.
[Larawan sa pahina 28]
Makatutulong ang pagpapraktis upang sumulong sa ministeryo