Maging Malapít sa Diyos
Ang Isa na Tumutupad ng mga Pangako
NAHIHIRAPAN ka bang magtiwala sa iba? Nakalulungkot, nabubuhay tayo sa isang daigdig na wala nang mapagkakatiwalaan. Kung ang isa na pinagkakatiwalaan mo ay magsinungaling o hindi tumupad sa pangako, baka mawala na ang tiwala mo. Pero may isa na mapagkakatiwalaan mo na hindi ka bibiguin. “Magtiwala ka kay Jehova nang iyong buong puso,” ang sabi sa atin ng Kawikaan 3:5. Bakit karapat-dapat si Jehova sa gayong pagtitiwala? Upang masagot iyan, suriin natin ang mga salita ni Josue—isang lalaki na lubusang nagtiwala kay Jehova—na nakaulat sa Josue 23:14.
Isaalang-alang ang tagpo. Si Josue, na humalili kay Moises bilang lider ng Israel, ay malapit nang mag-110 anyos. Sa kaniyang mahabang buhay, nasaksihan niya mismo ang maraming makapangyarihang gawa ni Jehova para sa Israel, kasali na ang makahimalang pagliligtas sa Dagat na Pula mga 60 taon bago nito. Habang binubulay-bulay ni Josue ang kaniyang naging buhay, tinawag niya “ang matatandang lalaki [ng Israel] at ang mga ulo nito at ang mga hukom nito at ang mga opisyal nito.” (Josue 23:2) Ang mga salitang bibigkasin niya ngayon ay magsisiwalat hindi lamang ng karunungan ng isang makaranasan sa buhay, kundi ng isa na punung-puno ng pananampalataya.
“Yayaon ako ngayon sa lakad ng buong lupa,” ang sabi ni Josue. Ang katagang “lakad ng buong lupa” ay isang idyoma para sa salitang kamatayan. Sa diwa, sinasabi ni Josue, “Hindi na magtatagal ang buhay ko.” Dahil dito, tiyak na ginugol ni Josue ang maraming oras sa pagbubulay-bulay ng kaniyang naging buhay. Ano ang mga itinagubilin niya sa kaniyang mga kapuwa mananamba?
Sinabi pa ni Josue: “Walang isa mang salita sa lahat ng mabubuting salita na sinalita sa inyo ni Jehova na inyong Diyos ang nabigo. Ang mga iyon ay nagkatotoong lahat para sa inyo. Walang isa mang salita sa mga iyon ang nabigo.” Ito ang mga salita ng isang tao na lubusang nagtiwala sa Diyos. Bakit? Dahil sa lahat ng nasaksihan niya, alam ni Josue na laging tinutupad ni Jehova ang Kaniyang mga pangako.a Maliwanag, gusto ni Josue na lubusang magtiwala ang kaniyang mga kapuwa Israelita na matutupad din ang lahat ng pangako ni Jehova para sa kanilang kinabukasan.
Ganito ang sinabi ng isang reperensiya sa Bibliya hinggil sa Josue 23:14: “Isa-isahin mo ang mga pangako sa Bibliya; pagkatapos saliksikin mo ang mga ulat ng kasaysayan sa daigdig; at tanungin ang mga nilalang tungkol dito upang malaman mo kung may isa man lamang pangako na hindi tinupad o kinalimutan ng Diyos.” Kung posibleng gawin ang gayong pagsusuri, masasabi rin natin ang nasabi ni Josue—laging tinutupad ni Jehova ang kaniyang mga pangako.—1 Hari 8:56; Isaias 55:10, 11.
Nakaulat sa Bibliya ang mga pangako ng Diyos na natupad na, pati na ang ilan na natutupad ngayon. Sinasabi rin nito ang kamangha-manghang mga pangako ni Jehova para sa ating kinabukasan.b Bakit hindi mo mismo suriin ang ulat na iyan? Maaaring makumbinsi ka ng pag-aaral sa Bibliya na karapat-dapat sa iyong pagtitiwala ang Isa na Tumutupad ng mga pangako.
[Mga talababa]
a Narito ang ilan sa mga pangakong nasaksihan ni Josue na natupad. Bibigyan ni Jehova ang Israel ng kanilang sariling lupain. (Ihambing ang Genesis 12:7 sa Josue 11:23.) Ililigtas ni Jehova ang Israel mula sa Ehipto. (Ihambing ang Exodo 3:8 sa Exodo 12:29-32.) Paglalaanan ni Jehova ang kaniyang bayan.—Ihambing ang Exodo 16:4, 13-15 sa Deuteronomio 8:3, 4.
b Para sa higit pang impormasyon tungkol sa mga pangako ng Diyos sa hinaharap, tingnan ang kabanata 3, 7, at 8 ng aklat na Ano ba Talaga ang Itinuturo ng Bibliya? na inilathala ng mga Saksi ni Jehova.