Bakit Nakipagdigma ang Diyos sa mga Canaanita?
“Lubusan ninyong lipulin sila—ang mga Heteo, Amorreo, Cananeo [o, Canaanita], Perezeo, Heveo at Jebuseo—gaya ng iniutos sa inyo ng PANGINOON.”—DEUTERONOMIO 20:17, ANG BIBLIYA—BAGONG SALIN SA PILIPINO.
“Makipagpayapaan kayo sa lahat ng tao.”—ROMA 12:18.
TILA ba nagkakasalungatan ang mga tekstong ito sa Bibliya? Nahihirapan ang marami na pagtugmain ang utos ng Diyos na lipulin ang mga Canaanita at ang payo sa Bibliya na makipagpayapaan.a (Isaias 2:4; 2 Corinto 13:11) Para sa kanila, ang mga ito ay tila hindi kasuwato ng mga simulain sa moral.
Kung makakausap mo ang Diyos hinggil dito, ano ang itatanong mo sa kaniya? Isaalang-alang ang limang karaniwang tanong at ang sagot ng Bibliya.
1. Bakit pinaalis sa lupain ang mga Canaanita? Sa diwa, ang mga Canaanita ay mga iskuwater. Bakit? Mga 400 taon bago nito, ipinangako ng Diyos sa tapat na lalaking si Abraham na ipagkakaloob niya sa mga inapo nito ang lupain ng Canaan. (Genesis 15:18) Tinupad ng Diyos ang pangakong ito nang ipagkaloob niya ang rehiyong iyon sa bansang Israel, ang mga inapo ni Abraham. Pero baka sabihin ng ilan na naninirahan na roon ang mga Canaanita at may karapatan ang mga ito sa lupain. Tiyak na ang Diyos, bilang Soberano ng uniberso, ang talagang may karapatan na sabihin kung sino ang titira doon.—Gawa 17:26; 1 Corinto 10:26.
2. Bakit hindi hinayaan ng Diyos na manirahang magkasama ang mga Canaanita at mga Israelita? Ganito ang babala ng Diyos hinggil sa mga Canaanita: “Huwag silang mananahanan sa iyong lupain, upang hindi ka nila pagkasalahin laban sa akin. Kung maglilingkod ka sa kanilang mga diyos, ito ay magiging silo sa iyo.” (Exodo 23:33) Nang maglaon, sinabi ni propeta Moises sa Israel: “Dahil sa kabalakyutan ng mga bansang ito kung kaya sila pinalalayas ni Jehova na iyong Diyos.” (Deuteronomio 9:5) Gaano ba kasama ang mga bansang iyon?
Napakapalasak ng imoralidad, paganong pagsamba, at paghahandog ng anak sa Canaan. Sinabi ng istoryador sa Bibliya na si Henry H. Halley na ang mga arkeologo ay “nakahukay [sa lugar na iyon] ng maraming banga na may labí ng mga batang inihandog kay Baal [ang pangunahing diyos ng mga Canaanita].” Sinabi pa niya: “Ang lugar na iyon ay naging libingan ng mga bagong-silang na sanggol. . . . Ang mga Canaanita ay sumasamba sa pamamagitan ng pagpapakasasa sa sekso, bilang isang relihiyosong ritwal, sa harap ng kanilang mga diyos; at pagkatapos ay pinapatay ang kanilang mga panganay na anak bilang handog sa mga diyos na ito. Waring ang buong lupain ng Canaan ay naging Sodoma at Gomorra. . . . Nagtataka nga ang mga arkeologong naghukay sa mga kagibaan ng mga lunsod sa Canaan kung bakit hindi sila agad nilipol ng Diyos.”
3. Mga Canaanita lamang ba ang masasamang tao noon sa lupa? Bakit sila lamang ang pinuksa ng Diyos? Maraming pagkakataon na masasama lamang ang nilipol ng Diyos. Nang “ang lupa ay napuno ng karahasan” noong panahon ni Noe, nagpasapit ang Diyos ng delubyo na lumipol sa lahat ng tao maliban sa isang pamilya—ang pamilya ni Noe. (Genesis 6:11; 2 Pedro 2:5) Pinuksa ng Diyos ang mga lunsod ng Sodoma at Gomorra nang ang kasalanan ng mga mamamayan nito ay naging “napakabigat.” (Genesis 18:20; 2 Pedro 2:6) Hinatulan niya ang kabisera ng Asirya na Nineve, ang “lunsod ng pagbububo ng dugo.” Pero nang magsisi ang mga mamamayan nito, hindi niya sila pinuksa. (Nahum 3:1; Jonas 1:1, 2; 3:2, 5-10) At nilipol ng Diyos ang mga Canaanita upang maingatan ang Israel, ang bansa na pagmumulan ng Mesiyas.—Awit 132:11, 12.
4. Hindi ba salungat sa pag-ibig ng Diyos ang paglipol sa mga Canaanita? Tila nga hindi kasuwato ng pag-ibig ng Diyos ang paglipol niya sa mga Canaanita. (1 Juan 4:8) Pero kung susuriing mabuti, makikita nating maliwanag ang pag-ibig ng Diyos.
Patiunang alam ng Diyos na mali ang landasing tatahakin ng mga Canaanita. Gayunman, sa halip na lipulin sila agad, matiising pinalipas ng Diyos ang 400 taon hanggang ang kanilang kamalian ay maging lubos.—Genesis 15:16.
Nang umabot na sa sukdulan ang kasalanan ng mga Canaanita, nilipol sila ni Jehova. Gayunpaman, hindi niya nilipol ang lahat ng Canaanita. Bakit? Sapagkat ang ilan ay nagsisi. Gaya ni Rahab at ng mga Gibeonita na gustong magbago, pinagpakitaan sila ng awa.—Josue 9:3-11, 16-27; Hebreo 11:31.
5. Paano magagawang lipulin ng isang Diyos ng pag-ibig ang sinumang tao? Makatuwiran naman ang tanong na iyan, yamang hindi kaayaayang isipin ang pagpuksa sa tao. Sa katunayan, dahil nga sa pag-ibig ng Diyos kung kaya gagawin niya iyon laban sa mga ubod ng sama. Upang ilarawan: Kapag ang isang pasyente ay nagkaroon ng ganggrena, kadalasan nang walang magawa ang mga doktor kundi putulin ang apektadong biyas. Iilang doktor lamang ang matutuwang gawin iyon. Pero alam ng isang magaling na doktor na kung pababayaan ang pagkalat ng impeksiyon, mas malala pa ang magiging resulta. Dahil nagmamalasakit siya, gagawin niya ang operasyon para sa kaniyang pasyente.
Sa katulad na paraan, hindi natutuwa si Jehova sa paglipol sa mga Canaanita. Siya mismo ang nagsabi: “Hindi ako nalulugod sa pagkamatay ng masasama.” (Ezekiel 33:11, Ang Biblia—Bagong Salin sa Pilipino) Gayundin, nilayon niyang magmula sa bansang Israel ang Mesiyas, ang isa na magbubukas ng daan para sa kaligtasan ng lahat ng nananampalataya. (Juan 3:16) Kaya, hindi hahayaan ng Diyos na maimpluwensiyahan ng kasuklam-suklam na mga gawain ng mga Canaanita ang Israel. Sa gayon, iniutos niyang paalisin ang mga Canaanita sa lupain. Sa paggawa nito, ipinakita ng Diyos ang namumukod-tanging pag-ibig na nagpakilos sa kaniya na gawin ito sa kapakanan ng kaniyang tapat na mga mananamba.
Ang Mahalagang Aral Para sa Atin
Mahalaga ba para sa atin ngayon ang ulat tungkol sa paglipol sa mga Canaanita? Oo, sapagkat sinasabi ng Roma 15:4: “Ang lahat ng bagay na isinulat noong una ay isinulat sa ating ikatututo, upang sa pamamagitan ng ating pagbabata at sa pamamagitan ng kaaliwan mula sa Kasulatan ay magkaroon tayo ng pag-asa.” Anong aral ang matututuhan natin sa nangyari sa Canaan at anong pag-asa ang dulot nito para sa atin?
Marami tayong matututuhan sa mga ulat na ito. Halimbawa, maawaing iniligtas ng Diyos si Rahab at ang mga Gibeonita nang manampalataya sila sa kaniya. Ipinaaalaala nito sa atin na maaaring palugdan ng sinuman ang Diyos, anuman ang kaniyang nakaraan o nagawang kasalanan.—Gawa 17:30.
Ang ulat ng pagpuksa sa Canaan ay nagbibigay rin sa atin ng pag-asa kung ano ang gagawin ng Diyos sa malapit na hinaharap. Tinitiyak nito sa atin na hindi niya hahayaang lubusang mawala ang mabubuting tao. Sa halip, tinitiyak ng Bibliya na malapit nang kumilos ang Diyos upang puksain ang lahat ng masama. Pero ililigtas niya ang mga umiibig sa kaniya upang mamuhay sa matuwid na bagong sanlibutan. (2 Pedro 2:9; Apocalipsis 21:3, 4) Sa panahong iyon, matutupad ang nakaaaliw na mga salitang ito: “Umasa ka kay Jehova at ingatan mo ang kaniyang daan, at itataas ka niya upang magmay-ari ng lupa. Kapag nilipol ang mga balakyot, makikita mo iyon.”—Awit 37:34.
[Talababa]
a Sa artikulong ito, ang salitang “Canaanita” ay tumutukoy sa lahat ng bansang iniutos ng Diyos na paalisin ng Israel.
[Kahon sa pahina 14]
Sinasang-ayunan ba ng Bibliya ang mga Digmaan ng Tao?
Dahil ba iniutos ng Diyos sa Israel na lipulin ang mga Canaanita, makatuwiran nang makipagdigma ang mga tao sa ngayon? Hindi, sa tatlong kadahilanan:
▪ Walang bansa sa lupa ngayon ang may pantanging pabor ng Diyos. Nang itakwil ng mga Israelita si Jesus bilang ang Mesiyas, hindi na sila ang piniling bayan ng Diyos. Hindi na rin sila ginamit ng Diyos bilang tagapaglapat ng kaniyang parusa. (Mateo 21:42, 43) Kaya ang pakikitungo ni Jehova sa mga Israelita ay katulad na rin ng pakikitungo niya sa ibang mga bansa. (Levitico 18:24-28) Mula noon, wala nang bansa sa lupa ang makapagsasabing sinusuportahan sila ng Diyos sa kanilang pakikidigma.
▪ Ang mga mananamba ni Jehova ay hindi na matatagpuan sa isang espesipikong lupain o lugar. Sa halip, ang kaniyang mga lingkod ay matatagpuan sa “lahat ng mga bansa at mga tribo” sa lupa.—Apocalipsis 7:9; Gawa 10:34, 35.
▪ Maliwanag na sinabi ni Jesus na ang kaniyang mga tagasunod ay hindi makikipagdigma. Nang magbabala siya laban sa nalalapit na pagsalakay sa Jerusalem, inutusan niya ang kaniyang mga alagad na tumakas at huwag makipaglaban. At gayon nga ang ginawa nila. (Mateo 24:15, 16) Sa halip na makipagdigma, lubusang nagtitiwala ang tunay na mga Kristiyano sa Kaharian ng Diyos, na malapit nang mag-alis sa lahat ng kasamaan sa lupa.—Daniel 2:44; Juan 18:36.
[Larawan sa pahina 15]
Ipinakikita ng halimbawa ni Rahab na maaaring palugdan ng sinuman ang Diyos