Tularan ang Kanilang Pananampalataya
Nanatiling Matapat sa Harap ng mga Pagsubok
PINAGMAMASDANG mabuti ni Pedro ang mukha ng mga nakikinig kay Jesus. Sila ay nasa sinagoga sa Capernaum. Tagarito si Pedro at nasa baybayin ng Dagat ng Galilea ang hanapbuhay niya na pangingisda. Tagarito rin ang marami sa kaniyang mga kaibigan, kamag-anak, at kasama sa hanapbuhay. Gustung-gustong makita ni Pedro kung magiging katulad ng kaniyang reaksiyon ang reaksiyon ng kaniyang mga kababayan kapag narinig na nila ang pinakadakila sa lahat ng guro, si Jesus, na itinuturo ang tungkol sa Kaharian ng Diyos. Pero iba ang nangyari.
Marami ang hindi na nakinig. Dinig na dinig ang pagbubulungan ng ilan, anupat tinututulan nila ang sinabi ni Jesus. Lalo pang nakabahala kay Pedro ang reaksiyon ng ilang alagad ni Jesus. Hindi na makikita sa mukha nila ang pananabik na matuto ng bagong mga bagay at ang kaligayahan na malaman ang katotohanan. Nadismaya at nagalit pa nga sila. Sinabi ng ilan na nakapangingilabot ang mensahe ni Jesus. Dahil ayaw na nilang makinig, umalis na lang sila sa sinagoga—at hindi na sumunod kay Jesus.
Mahirap ito para kay Pedro at sa kaniyang mga kapuwa apostol. Hindi lubusang naunawaan ni Pedro ang sinabi ni Jesus nang araw na iyon. Batid ni Pedro na kung hindi ipaliliwanag ang mga salita ni Jesus, tila nga nakapangingilabot ito sa kaniyang mga tagapakinig. Ano ang gagawin ni Pedro? Hindi ito ang unang pagkakataong nasubok ang katapatan niya sa kaniyang Panginoon, ni ito man ang huli. Tingnan natin kung paano natulungan si Pedro ng kaniyang pananampalataya na mapagtagumpayan ang mga pagsubok na ito at manatiling matapat.
Nanatiling Matapat Di-tulad ng Iba
Lagi na lang nagugulat si Pedro kay Jesus. Paulit-ulit, may ginagawa at sinasabi ang kaniyang Panginoon na iba sa inaasahan ng mga tao sa Kaniya. Isang araw pa lang ang nakalilipas, makahimalang pinakain ni Jesus ang libu-libong tao. Dahil dito, tinangka nila siyang gawing hari. Pero nagulat ang marami nang umalis siya at tinawag ang kaniyang mga alagad na sumakay ng bangka at maglayag patungong Capernaum. Kinagabihan, habang naglalayag ang mga alagad, nagulat na naman sila nang makita nila si Jesus na naglalakad sa tubig ng maalong Dagat ng Galilea. May natutuhan si Pedro sa pangyayaring ito na nagpatibay ng kaniyang pananampalataya.a
Kinaumagahan, nakita nilang sumunod sa kanila ang mga tao. Gustung-gusto nilang makita si Jesus, pero hindi dahil nais nilang matuto sa espirituwal, kundi para makakaing muli sa pamamagitan ng himala ni Jesus. Itinuwid sila ni Jesus sa pagiging materyalistiko. Nagpatuloy pa ito hanggang sa sinagoga sa Capernaum. Dito, may itinurong muli si Jesus na isang napakahalagang katotohanan pero mahirap maunawaan. Kabaligtaran na naman ito sa inaasahan ng mga tao sa kaniya.
Gusto ni Jesus na ituring siya ng mga tao, hindi lamang bilang isa na tagapaglaan ng materyal na pagkain, kundi ang mismong espirituwal na paglalaan mula sa Diyos. Ang buhay at kamatayan ni Jesus bilang tao ay magbibigay sa iba ng walang-hanggang buhay. Kaya nagbigay siya ng isang ilustrasyon na inihahalintulad ang kaniyang sarili sa manna, ang tinapay na mula sa langit noong panahon ni Moises. Nang tumutol ang ilan, gumamit siya ng isa pang ilustrasyon. Ipinaliwanag niya na kailangan nilang kainin ang kaniyang laman at inumin ang kaniyang dugo para magtamo ng buhay. Lalo pa nga silang tumutol at sinabi ng ilan: “Ang pananalitang ito ay nakapangingilabot; sino ang makapakikinig nito?” Marami sa mga alagad ni Jesus ang huminto sa pagsunod sa kaniya.b—Juan 6:48-60, 66.
Ano ang gagawin ni Pedro? Malamang na hindi rin niya naintindihan ang mga sinabi ni Jesus. Hindi pa niya lubusang naunawaan noon na kailangang mamatay si Jesus upang maisakatuparan ang kalooban ng Diyos. Inisip din ba ni Pedro na iwan si Jesus gaya ng ibang mga alagad nang araw na iyon? Hindi; naiiba si Pedro sa kanila. Bakit?
Sinabi ni Jesus sa kaniyang mga alagad: “Hindi rin ninyo ibig na umalis, hindi ba?” (Juan 6:67) Kausap niya ang 12, pero si Pedro lang ang nagsalita. Lagi namang ganoon. Malamang na dahil si Pedro ang pinakamatanda sa kanila. Anuman ang dahilan, tiyak na siya ang pinakamalakas ang loob na magsalita sa grupo; marahil, hindi siya nag-aatubiling sabihin kung ano ang nasa isip niya. Sa pagkakataong ito, di-malilimutan ang kaniyang sinabi: “Panginoon, kanino kami paroroon? Ikaw ang may mga pananalita ng buhay na walang hanggan.”—Juan 6:68.
Hindi ka ba naantig ng mga salitang iyon? Dahil sa pananampalataya ni Pedro kay Jesus, nalinang niya ang isang namumukod-tanging katangian—ang katapatan. Malinaw kay Pedro na walang ibang Tagapagligtas maliban kay Jesus. Ginawa niya ito sa pamamagitan ng kaniyang mga turo tungkol sa Kaharian ng Diyos. Alam ni Pedro na kahit na may ilang bagay na hindi pa niya naiintindihan, wala na siyang ibang mapupuntahan kung gusto niyang matamo ang pagsang-ayon ng Diyos at ang pagpapalang buhay na walang hanggan.
Ganiyan din ba ang nadarama mo? Nakalulungkot, maraming tao sa ngayon ang nagsasabing iniibig nila si Jesus pero hindi naman tapat sa kaniya. Maipakikita ang tunay na katapatan kay Kristo kung ang pananaw natin sa kaniyang mga turo ay katulad ng kay Pedro. Kailangan nating malaman ang mga ito, maunawaan, at mamuhay kaayon nito—kahit na ibang-iba ito sa inaasahan o gusto natin. Kailangan nating patunayan ang ating katapatan para matamo ang buhay na walang hanggan na gusto ni Jesus para sa atin.
Matapat Kahit na Itinuwid
Hindi pa natatagalan matapos ang pangyayaring iyon, isinama ni Jesus ang kaniyang mga apostol at ilang alagad sa isang mahabang paglalakbay pahilaga. Kung minsan, masasalamin sa maasul na katubigan ng Dagat ng Galilea ang tuktok ng Bundok Hermon na nababalutan ng niyebe na nasa pinakahilagang hangganan ng Lupang Pangako. Habang papalapit sila, mas natatanaw na nila ang bundok at ang mga nayong malapit sa Cesarea Filipos.c Sa magandang tanawing ito, kung saan natatanaw ang Lupang Pangako sa timog, isang mahalagang tanong ang ibinangon ni Jesus sa kaniyang mga alagad.
“Sino ako ayon sa sinasabi ng mga pulutong?” ang tanong ni Jesus. Isip-isipin si Pedro habang tinitingnan niya ang mapagmasid na mga mata ni Jesus. Muli niyang nakita kung gaano kabait at katalino ang kaniyang Panginoon. Interesado si Jesus na malaman kung ano ang sinasabi sa kaniya ng mga tao dahil sa kanilang nakita at narinig mula sa kaniya. Sinabi lamang ng mga alagad ni Jesus ang mga maling pagkakilala sa kaniya ng mga tao. Pero higit pa ang gustong malaman ni Jesus. Ganoon din ba ang pagkakilala ng mga alagad niya sa kaniya? “Kayo naman, sino ako ayon sa sinasabi ninyo?” ang tanong niya.—Lucas 9:18-22.
Muli, mabilis na sumagot si Pedro. Malinaw at lakas-loob niyang sinabi kung ano ang nasa puso ng maraming naroroon. “Ikaw ang Kristo, ang Anak ng Diyos na buháy,” ang sabi niya. Natuwa si Jesus sa sinabi ni Pedro at binigyan Niya siya ng komendasyon. Ipinaalaala ni Jesus kay Pedro na ang Diyos na Jehova ang nagsiwalat ng mahalagang katotohanang ito sa mga taong may tunay na pananampalataya. Naunawaan ni Pedro ang isang napakahalagang katotohanan na isiniwalat ni Jehova—ang pagkakakilanlan ng matagal nang ipinangakong Mesiyas, o Kristo!—Mateo 16:16, 17.
Ang Kristong ito ang tinutukoy sa matagal nang mga hula tungkol sa isang bato na itatakwil ng mga tagapagtayo. (Awit 118:22; Lucas 20:17) Dahil nasa isip ni Jesus ang mga hulang iyan, isiniwalat niya na magtatatag si Jehova ng isang kongregasyon sa mismong bato, o batong-limpak na natukoy na ni Pedro.d Pagkatapos ay ipinagkatiwala niya kay Pedro ang ilang mahalagang pribilehiyo sa kongregasyong iyan. Hindi ito nangangahulugang nakatataas na si Pedro sa ibang apostol, gaya ng inaakala ng ilan. Ibinigay niya kay Pedro ang pananagutan sa “mga susi ng kaharian.” (Mateo 16:19) Si Pedro ang inatasang magbukas ng pagkakataong makapasok sa Kaharian ng Diyos ang tatlong uri ng tao—una ay mga Judio, sunod ay mga Samaritano, at pagkatapos ay mga Gentil, o di-Judio.
Pero nang maglaon, sinabi ni Jesus na yaong binigyan ng marami, marami rin ang hihingin sa kaniya. Naging totoo ito kay Pedro. (Lucas 12:48) Patuloy na isiniwalat ni Jesus ang mahahalagang katotohanan tungkol sa Mesiyas, kasama na ang katiyakan ng kaniyang nalalapit na pagdurusa at kamatayan sa Jerusalem. Nabagabag si Pedro sa kaniyang narinig. Dinala niya si Jesus sa tabi at sinabi: “Maging mabait ka sa iyong sarili, Panginoon; hindi kailanman mangyayari sa iyo ang kahihinatnang ito.”—Mateo 16:21, 22.
Tiyak na mabuti naman ang intensiyon ni Pedro, kaya nakagugulat talaga ang sagot ni Jesus. Tumalikod siya kay Pedro at humarap sa ibang mga alagad—na malamang na gayundin ang iniisip—at sinabi: “Lumagay ka sa likuran ko, Satanas! Ikaw ay isang katitisuran sa akin, sapagkat iniisip mo, hindi ang mga kaisipan ng Diyos, kundi yaong sa mga tao.” (Mateo 16:23; Marcos 8:32, 33) May matututuhan din tayong lahat sa sinabi ni Jesus. Mas madali tayong maimpluwensiyahan ng kaisipan ng tao kaysa kaisipan ng Diyos. Kaya kung minsan, kahit na ang gusto natin ay makatulong, baka hindi natin namamalayan na ang itinataguyod natin ay ang layunin ni Satanas sa halip na ang sa Diyos. Kaya paano tumugon si Pedro?
Tiyak na alam niyang hindi literal ang ibig sabihin ni Jesus nang tawagin siya nitong Satanas na Diyablo. Sa katunayan, hindi ganiyan makipag-usap si Jesus kay Satanas. Ang sinabi niya kay Satanas: “Lumayas ka”; pero kay Pedro: “Lumagay ka sa likuran ko.” (Mateo 4:10) Hindi itinakwil ni Jesus ang apostol na ito na nakitaan niya ng mabuti, kundi itinuwid lamang Niya ang kaniyang maling kaisipan. Maliwanag na hindi niya dapat pangunahan ang kaniyang Panginoon, anupat maging katitisuran sa Kaniya, kundi kailangan niyang suportahan Siya.
Nakipagtalo, nagalit, o nagmukmok ba si Pedro? Hindi; mapagpakumbaba niyang tinanggap ang pagtutuwid sa kaniya. Kaya muli na naman niyang naipakita ang kaniyang katapatan. Kailangan ng lahat ng sumusunod kay Kristo ang pagtutuwid paminsan-minsan. Kung mapagpakumbaba lamang nating tatanggapin ang disiplina sa atin at matututo mula rito, patuloy tayong magiging malapit kay Jesu-Kristo at sa kaniyang Ama, ang Diyos na Jehova.—Kawikaan 4:13.
Pagpapala sa Pagiging Matapat
May sinabi na naman si Jesus na nakagulat sa kaniyang mga tagapakinig: “Katotohanang sinasabi ko sa inyo na may ilan sa mga nakatayo rito na hindi nga makatitikim ng kamatayan hanggang sa makita muna nila ang Anak ng tao na dumarating sa kaniyang kaharian.” (Mateo 16:28) Tiyak na pinag-isip nito si Pedro. Ano kaya ang ibig sabihin ni Jesus? Marahil ay iniisip ni Pedro na hindi siya karapat-dapat sa gayong pantanging pribilehiyo dahil sa matinding pagtutuwid sa kaniya ni Jesus.
Pero pagkalipas ng isang linggo, isinama ni Jesus sina Santiago, Juan, at Pedro sa “isang napakataas na bundok”—marahil sa Bundok Hermon, na ilang kilometro lamang ang layo. Malamang na gabing-gabi na noon dahil antok na antok na ang tatlong lalaki. Pero habang nananalangin si Jesus, may nangyari anupat nawala ang kanilang antok.—Mateo 17:1; Lucas 9:28, 29, 32.
Nagsimulang magbagong-anyo si Jesus sa harap nila. Nagliwanag at nagningning ang kaniyang mukha hanggang maging kasinliwanag ito ng araw. Ang kaniyang damit ay kumikinang sa kaputian. Pagkatapos, may dalawa pang lalaking lumitaw kasama ni Jesus na kumakatawan kina Moises at Elias. Pinag-usapan nila ang tungkol sa “kaniyang pag-alis na itinalagang tuparin niya sa Jerusalem”—maliwanag na tumutukoy ito sa kaniyang kamatayan at pagkabuhay-muli. Maling-mali si Pedro nang sabihin niyang hindi dapat mangyari kay Jesus ang masakit na karanasang sasapitin niya!—Lucas 9:30, 31.
Ayaw palampasin ni Pedro ang pagkakataong ito. Kaya nang mukhang paalis na sina Moises at Elias, sinabi niya: “Tagapagturo, mabuti para sa atin ang dumito, kaya magtayo tayo ng tatlong tolda, isa para sa iyo at isa para kay Moises at isa para kay Elias.” Siyempre pa, sa pangitaing ito, hindi naman kailangan ng tolda ng dalawang lingkod na ito ni Jehova dahil matagal na silang patay. Hindi talaga alam ni Pedro ang sinasabi niya. Pero hindi ka ba mapapalapit sa masigla at magiliw na taong ito?—Lucas 9:33.
Nakatanggap ulit ng pagpapala nang gabing iyon sina Pedro, Santiago, at Juan. Namuo ang isang ulap at nagsimula itong lumilim sa kanila. Isang tinig ang narinig nila—ang tinig ng Diyos na Jehova! Sinabi niya: “Ito ang aking Anak, ang isa na pinili. Makinig kayo sa kaniya.” Pagkatapos ng pangitain, sila na lamang ang naiwang kasama ni Jesus sa bundok.—Lucas 9:34-36.
Napakagandang pagpapala iyon para kay Pedro—at para sa atin! Pagkalipas ng mga dekada, isinulat niya ang pribilehiyo niya nang gabing iyon na maging isa sa “mga saksi sa kaniyang karingalan.” Patiuna niyang nakita ang kaluwalhatian ni Jesus bilang Hari sa langit. Pinatunayan ng pangitaing iyon ang maraming hula sa Salita ng Diyos at napatibay nito ang pananampalataya ni Pedro para maharap ang darating na mga pagsubok. (2 Pedro 1:16-19) Mapapatibay rin ang ating pananampalataya na gaya ni Pedro kung mananatili tayong tapat sa Panginoon na inatasan ni Jehova na mangasiwa sa atin. Magagawa natin ito kung matututo tayo mula kay Jesus, tatanggap ng kaniyang disiplina at pagtutuwid, at mapagpakumbabang susunod sa kaniya araw-araw.
[Mga talababa]
a Tingnan ang artikulong “Tularan ang Kanilang Pananampalataya—Pinaglabanan Niya ang Takot at Pag-aalinlangan,” sa isyu ng Ang Bantayan, Oktubre 1, 2009.
b Nag-iba ang tingin kay Jesus ng mga tao sa sinagoga dahil sa sinabi niyang ito. Isang araw pa lang ang nakalilipas, masaya nilang ipinahayag si Jesus bilang propeta ng Diyos.—Juan 6:14.
c Mula sa baybayin ng Dagat ng Galilea, naglakbay sila ng mga 50 kilometro na binabagtas ang mga rehiyon na may magagandang tanawin. Ito ay paglalakbay mula sa mga 210 metro ang kababaan sa kapantayan ng dagat hanggang sa mga 350 metro ang taas sa kapantayan ng dagat.
d Tingnan ang kahong “Sino ang Batong-Limpak?” sa pahina 28.
[Kahon/Larawan sa pahina 28]
Sino ang Batong-Limpak?
“Sinasabi ko sa iyo, Ikaw ay si Pedro, at sa batong-limpak na ito ay itatayo ko ang aking kongregasyon.” (Mateo 16:18) Inaakala ng marami na si apostol Pedro ang tinutukoy ni Jesus na pundasyon ng kongregasyong Kristiyano. Itinuturo ng Simbahang Katoliko na si Pedro ay nakahihigit sa ibang apostol, anupat ginawa siya ni Jesus na unang papa. Kaya naman, sa Saint Peter’s Basilica sa Roma, mababasa sa wikang Latin ang pananalitang ito ni Jesus sa loob ng simburyo. Ang mga letra nito ay mas malaki pa sa tao.
Si Pedro ba ang tinutukoy ni Jesus na batong-limpak kung saan itatatag ang kongregasyon? Hindi. May tatlong dahilan kung bakit tayo nakatitiyak dito. Una, ang ibang apostol ay naroroon din nang sabihin ito ni Jesus pero hindi naman ganoon ang inisip nila. Kung itinaas ni Jesus si Pedro sa kanila, bakit paulit-ulit silang nagtatalo kung sino sa kanila ang pinakadakila? (Marcos 9:33-35; Lucas 22:24-26) Ikalawa, ipinakita ni apostol Pablo nang maglaon na ang batong-limpak ay si Jesu-Kristo, hindi si Pedro. (1 Corinto 3:11; 10:4) Ikatlo, makalipas ang mga dekada, ipinakita mismo ni Pedro na hindi niya inisip na siya ang batong-limpak. Isinulat niya na si Jesus ang matagal nang inihulang “pundasyong batong-panulok” na pinili mismo ng Diyos.—1 Pedro 2:4-8.
Gayunman, iginigiit pa rin ng ilan na dahil ang pangalang Pedro ay nangangahulugang “Bato,” siya ang tinutukoy ni Jesus na batong-limpak. Pero ang pangalan ni Pedro ay hindi kasingkahulugan ng salitang “batong-limpak” na ginamit sa talata ring ito. Ang pangalang Pedro ay nangangahulugang “Isang Piraso ng Bato,” at ito ay pangngalang panlalaki; samantalang ang salitang isinaling “batong-limpak” ay pambabae. Paano natin dapat unawain ang mga salita ni Jesus? Sa diwa, sinasabi niya kay Pedro: “Ikaw, na tinatawag kong Pedro, o Bato, ang nakatukoy sa tunay na pagkakakilanlan ng ‘batong-limpak,’ ang Kristo, na siyang magsisilbing pundasyon ng kongregasyong Kristiyano.” Napakagandang pribilehiyo nga para kay Pedro na makatulong sa pagsisiwalat ng mahalagang katotohanang iyan!
[Larawan sa pahina 24, 25]
Si Pedro ay napatunayang matapat kahit na siya ay itinuwid
[Larawan sa pahina 26]
Dahil sa pagiging matapat, pinagpala si Pedro na masaksihan ang isang kapana-panabik na pangitain