Kung Ano ang Itinuro ni Jesus Tungkol sa Kaniyang Sarili
“Nakatitiyak si Jesus kung sino siya, saan siya nanggaling, bakit siya pumarito sa lupa, at kung ano ang naghihintay sa kaniya sa hinaharap.”—AYON SA AWTOR NA SI HERBERT LOCKYER.
BAGO natin paniwalaan at tanggapin ang mga itinuro ni Jesus, kailangan natin siyang makilala. Sino ba talaga si Jesus? Saan siya nanggaling? Bakit siya pumarito sa lupa? Sa mga Ebanghelyo—Mateo, Marcos, Lucas, at Juan—mababasa natin mismo ang mga sagot ni Jesus.
Nabuhay na siya bago pa siya ipinanganak sa lupa Minsan ay sinabi ni Jesus: “Bago pa umiral si Abraham, ako ay umiiral na.” (Juan 8:58) Si Abraham ay nabuhay mga 2,000 taon bago isilang si Jesus. Pero umiiral na si Jesus bago pa isilang ang tapat na patriyarkang si Abraham. Saan? “Bumaba ako mula sa langit,” ang sabi ni Jesus.—Juan 6:38.
Ang Anak ng Diyos Maraming anak na anghel si Jehova. Pero natatangi si Jesus. Tinukoy niya ang kaniyang sarili bilang “bugtong na Anak ng Diyos.” (Juan 3:18) Nangangahulugan iyan na si Jesus ang tanging tuwirang nilalang ng Diyos. Sa pamamagitan ng bugtong na Anak, nilalang ng Diyos ang lahat ng iba pang bagay.—Colosas 1:16.
“Ang Anak ng tao” Mas madalas itong gamitin ni Jesus kaysa sa ibang pananalita para tukuyin ang kaniyang sarili. (Mateo 8:20) Sa gayon, ipinakikita niya na hindi siya isang anghel na nagkatawang-tao o isang diyos na nasa anyong tao. Sa halip, siya ay talagang tao. Sa pamamagitan ng banal na espiritu, inilipat ng Diyos ang buhay ng kaniyang Anak mula sa langit tungo sa lupa, anupat naglihi ang birheng si Maria. Dahil dito, isinilang si Jesus na isang taong sakdal at walang kasalanan.—Mateo 1:18; Lucas 1:35; Juan 8:46.
Ang ipinangakong Mesiyas “Alam ko na darating ang Mesiyas,” ang sabi ng Samaritana kay Jesus. Sinabi ni Jesus sa kaniya: “Ako na nagsasalita sa iyo ay siya.” (Juan 4:25, 26) Ang salitang “Mesiyas,” o “Kristo,” ay nangangahulugang “Pinahiran.” Si Jesus ay pinahiran o inatasan ng Diyos para gampanan ang isang pantanging papel upang matupad ang mga pangako ng Diyos.
Ang kaniyang pangunahing misyon Sinabi minsan ni Jesus: “Dapat kong ipahayag ang mabuting balita ng kaharian ng Diyos, sapagkat sa dahilang ito ako isinugo.” (Lucas 4:43) Bagaman marami siyang ginawa para tulungan ang mga nangangailangan, nakapokus ang kaniyang buhay sa pangangaral tungkol sa Kaharian ng Diyos. Tatalakayin sa ibang artikulo ang tungkol sa Kahariang iyon.
Oo, si Jesus ay hindi ordinaryong tao.a Gaya ng makikita natin, dahil sa naging buhay niya sa langit, nagkaroon ng higit na kahulugan ang mga pananalitang binigkas niya sa lupa. Hindi nga kataka-taka na ang mensaheng ipinangaral niya ay nakaaapekto sa buhay ng milyun-milyon sa buong daigdig.
[Talababa]
a Para sa higit pang impormasyon hinggil kay Jesus at sa kaniyang papel sa layunin ng Diyos, tingnan ang kabanata 4 ng aklat na Ano ba Talaga ang Itinuturo ng Bibliya? na inilathala ng mga Saksi ni Jehova.