KABANATA 4
Sino si Jesu-Kristo?
Ano ba ang pantanging papel ni Jesus?
Saan siya nagmula?
Ano ba ang kaniyang personalidad?
1, 2. (a) Bakit ang pagkakaroon ng kabatiran hinggil sa isang bantog na tao ay hindi nangangahulugang talagang kilala mo siya? (b) Sa ano nalilito ang mga tao tungkol kay Jesus?
MARAMING bantog na tao sa daigdig. Ang ilan ay kilaláng-kilalá sa kanilang sariling komunidad, lunsod, o bansa. Ang iba naman ay tanyag sa buong daigdig. Gayunman, hindi naman nangangahulugan na kung alam mo ang pangalan ng isang bantog na tao ay talagang kilala mo na siya. Hindi ito nangangahulugan na alam mo ang mga detalye hinggil sa kaniyang pinagmulan at kung ano talaga ang personalidad niya.
2 Ang mga tao sa palibot ng daigdig ay may nalalaman tungkol kay Jesu-Kristo, bagaman nabuhay siya sa lupa mga 2,000 taon na ang nakalilipas. Gayunman, marami ang nalilito kung sino talaga si Jesus. Sinasabi ng ilan na isa lamang siyang mabuting tao. Inaangkin naman ng iba na isa lamang siyang propeta. Naniniwala naman ang iba pa na si Jesus ang Diyos at dapat siyang sambahin. Dapat nga ba?
3. Bakit mahalaga na malaman mo ang katotohanan tungkol kay Jesus?
3 Mahalagang malaman mo ang katotohanan tungkol kay Jesus. Bakit? Sapagkat sinasabi ng Bibliya: “Ito ay nangangahulugan ng buhay na walang hanggan, ang kanilang pagkuha ng kaalaman tungkol sa iyo, ang tanging tunay na Diyos, at sa isa na iyong isinugo, si Jesu-Kristo.” (Juan 17:3) Oo, ang pagkaalam ng katotohanan hinggil sa Diyos na Jehova at kay Jesu-Kristo ay maaaring umakay sa buhay na walang hanggan sa isang paraisong lupa. (Juan 14:6) Bukod diyan, ipinakita ni Jesus ang pinakamabuting halimbawa kung paano mamumuhay at kung paano pakikitunguhan ang iba. (Juan 13:34, 35) Sa unang kabanata ng aklat na ito, tinalakay natin ang katotohanan tungkol sa Diyos. Talakayin naman natin ngayon kung ano talaga ang itinuturo ng Bibliya hinggil kay Jesu-Kristo.
ANG IPINANGAKONG MESIYAS
4. Ano ang kahulugan ng mga titulong “Mesiyas” at “Kristo”?
4 Sa loob ng matagal na panahon bago pa isilang si Jesus, inihula na sa Bibliya ang pagdating ng isa na isusugo ng Diyos bilang Mesiyas, o Kristo. Ang mga titulong “Mesiyas” (mula sa salitang Hebreo) at “Kristo” (mula sa salitang Griego) ay kapuwa nangangahulugang “Pinahiran.” Ang ipinangakong Isa na ito ay papahiran, o hihirangin ng Diyos sa isang pantanging posisyon. Sa susunod na mga kabanata ng aklat na ito, mas marami pa tayong matututuhan tungkol sa mahalagang papel ng Mesiyas sa katuparan ng mga pangako ng Diyos. Malalaman din natin ang mga pagpapalang maidudulot sa atin ni Jesus maging sa ngayon. Gayunman, bago isilang si Jesus, walang-alinlangang marami ang nag-isip, ‘Sino kaya ang magiging Mesiyas?’
5. Sa ano lubusang kumbinsido ang mga alagad ni Jesus may kaugnayan sa kaniya?
5 Noong unang siglo C.E., lubusang kumbinsido ang mga alagad ni Jesus ng Nazaret na siya ang inihulang Mesiyas. (Juan 1:41) Isa sa mga alagad, isang lalaking nagngangalang Simon Pedro, ang hayagang nagsabi kay Jesus: “Ikaw ang Kristo.” (Mateo 16:16) Ngunit paano nakatitiyak ang mga alagad na iyon—at paano tayo makatitiyak—na si Jesus nga ang ipinangakong Mesiyas?
6. Ilarawan kung paano tinulungan ni Jehova ang mga tapat na makilala ang Mesiyas.
6 Ang mga propeta ng Diyos na nabuhay bago si Jesus ay humula ng maraming detalye tungkol sa Mesiyas. Ang mga detalyeng ito ay tutulong sa iba na makilala siya. Maaari nating ilarawan ang mga bagay-bagay sa ganitong paraan: Ipagpalagay nating inutusan kang magpunta sa isang abalang istasyon ng bus o tren o sa isang paliparan para sunduin ang isang taong hindi mo pa nakita kailanman. Hindi ba makatutulong kung may magbibigay sa iyo ng ilang detalye hinggil sa kaniya? Sa katulad na paraan, sa pamamagitan ng mga propeta sa Bibliya, nagbigay si Jehova ng halos detalyadong paglalarawan kung ano ang gagawin ng Mesiyas at kung ano ang daranasin niya. Ang katuparan ng maraming hulang ito ay tutulong sa mga tapat na makilala siyang mabuti.
7. Ano ang dalawa sa mga hulang natupad may kaugnayan kay Jesus?
7 Isaalang-alang ang dalawa lamang na halimbawa. Una, mahigit na 700 taon patiuna, inihula ni propeta Mikas na ang ipinangakong Isa ay isisilang sa Betlehem, isang maliit na bayan sa lupain ng Juda. (Mikas 5:2) Saan ba aktuwal na isinilang si Jesus? Aba, sa mismong bayang iyon! (Mateo 2:1, 3-9) Ikalawa, maraming siglo patiuna, tinukoy ng hula na nakaulat sa Daniel 9:25 ang mismong taon kung kailan lilitaw ang Mesiyas—29 C.E.a Pinatutunayan ng katuparan nito at ng iba pang hula na si Jesus nga ang ipinangakong Mesiyas.
8, 9. Anong patotoo hinggil sa pagiging Mesiyas ni Jesus ang naging malinaw noong bautismuhan siya?
8 Naging maliwanag ang karagdagang patotoo na si Jesus ang Mesiyas noong magtatapos ang 29 C.E. Iyan ang taon nang lumapit si Jesus kay Juan na Tagapagbautismo para magpabautismo sa Ilog Jordan. Nangako si Jehova na bibigyan niya si Juan ng isang tanda upang makilala nito ang Mesiyas. Nakita ni Juan ang tanda na iyon noong bautismuhan si Jesus. Ganito ang sinasabi ng Bibliya na nangyari: “Pagkatapos na mabautismuhan ay kaagad na umahon si Jesus mula sa tubig; at, narito! ang langit ay nabuksan, at nakita niyang bumababa na tulad ng isang kalapati ang espiritu ng Diyos na lumalapag sa kaniya. Narito! May tinig din mula sa langit na nagsabi: ‘Ito ang aking Anak, ang minamahal, na aking sinang-ayunan.’ ” (Mateo 3:16, 17) Pagkatapos makita at marinig ang pangyayari, hindi nag-alinlangan si Juan na si Jesus ay isinugo ng Diyos. (Juan 1:32-34) Nang ibuhos sa kaniya ang espiritu, o aktibong puwersa ng Diyos nang araw na iyon, si Jesus ay naging Mesiyas, o Kristo, ang isa na hinirang upang maging Lider at Hari.—Isaias 55:4.
9 Malinaw na ipinakikita ng katuparan ng hula sa Bibliya at ng mismong patotoo ng Diyos na Jehova na si Jesus ang ipinangakong Mesiyas. Ngunit sinasagot ng Bibliya ang dalawa pang mahahalagang tanong tungkol kay Jesu-Kristo: Saan siya nagmula? At ano ba ang kaniyang personalidad?
SAAN NAGMULA SI JESUS?
10. Ano ang itinuturo ng Bibliya hinggil sa pag-iral ni Jesus bago siya pumarito sa lupa?
10 Itinuturo ng Bibliya na nabuhay si Jesus sa langit bago siya pumarito sa lupa. Inihula ni Mikas na isisilang ang Mesiyas sa Betlehem at sinabi rin niya na ang Kaniyang pinanggalingan ay “mula noong unang mga panahon.” (Mikas 5:2) Sa maraming pagkakataon, sinabi mismo ni Jesus na nabuhay siya sa langit bago siya isilang bilang tao. (Juan 3:13; 6:38, 62; 17:4, 5) Bilang isang espiritung nilalang sa langit, may pantanging kaugnayan si Jesus kay Jehova.
11. Paano ipinakikita ng Bibliya na si Jesus ang pinakamamahal na Anak ni Jehova?
11 Si Jesus ang pinakamamahal na Anak ni Jehova—at may makatuwiran namang dahilan. Tinatawag siyang “panganay sa lahat ng nilalang,” sapagkat siya ang unang nilalang ng Diyos.b (Colosas 1:15) May iba pang dahilan kung bakit natatangi ang Anak na ito. Siya ang “bugtong na Anak.” (Juan 3:16) Nangangahulugan ito na si Jesus lamang ang nag-iisang tuwirang nilalang ng Diyos. Si Jesus din ang nag-iisang ginamit ng Diyos nang lalangin Niya ang lahat ng iba pang bagay. (Colosas 1:16) Tinatawag din si Jesus na “Salita.” (Juan 1:14) Sinasabi nito sa atin na naging tagapagsalita siya ng Diyos, na walang-alinlangang naghahatid ng mga mensahe at mga tagubilin sa iba pang mga anak ng Ama, kapuwa mga espiritu at mga tao.
12. Paano natin nalaman na ang panganay na Anak ay hindi kapantay ng Diyos?
12 Ang panganay na Anak ba ay kapantay ng Diyos, gaya ng paniniwala ng ilan? Hindi iyan ang itinuturo ng Bibliya. Gaya ng napansin natin sa naunang parapo, nilalang ang Anak. Kung gayon, maliwanag na mayroon siyang pasimula, samantalang ang Diyos na Jehova ay walang pasimula o wakas. (Awit 90:2) Hindi man lamang inisip ng bugtong na Anak na maging kapantay ng kaniyang Ama. Maliwanag na itinuturo ng Bibliya na mas dakila ang Ama kaysa sa Anak. (Juan 14:28; 1 Corinto 11:3) Si Jehova lamang ang “Diyos na Makapangyarihan-sa-lahat.” (Genesis 17:1) Samakatuwid, wala siyang kapantay.c
13. Ano ang ibig sabihin ng Bibliya nang tukuyin nito ang Anak bilang “ang larawan ng di-nakikitang Diyos”?
13 Nagkaroon ng matalik na pagsasamahan si Jehova at ang kaniyang panganay na Anak sa loob ng bilyun-bilyong taon—matagal na panahon bago pa nilalang ang mabituing kalangitan at ang lupa. Tiyak na gayon na lamang ang pag-ibig nila sa isa’t isa! (Juan 3:35; 14:31) Ang minamahal na Anak na ito ay kagayang-kagaya ng kaniyang Ama. Iyan ang dahilan kung bakit tinukoy ng Bibliya ang Anak bilang “ang larawan ng di-nakikitang Diyos.” (Colosas 1:15) Oo, kung paanong maaaring maging kagayang-kagaya ng isang anak na tao ang kaniyang ama sa iba’t ibang paraan, makikita sa makalangit na Anak na ito ang mga katangian at personalidad ng kaniyang Ama.
14. Paano isinilang bilang tao ang bugtong na Anak ni Jehova?
14 Handang iwan ng bugtong na Anak ni Jehova ang langit at bumaba rito sa lupa upang mabuhay bilang tao. Pero baka isipin mo, ‘Paano naisilang bilang tao ang isang espiritung nilalang?’ Upang maisakatuparan ito, gumawa ng himala si Jehova. Inilipat niya ang buhay ng kaniyang panganay na Anak mula sa langit tungo sa sinapupunan ng isang Judiong birhen na nagngangalang Maria. Walang taong ama ang nasasangkot. Kaya nagsilang si Maria ng isang sakdal na anak na lalaki at pinanganlan niya itong Jesus.—Lucas 1:30-35.
ANO BA ANG PERSONALIDAD NI JESUS?
15. Bakit natin masasabi na sa pamamagitan ni Jesus ay makikilala natin nang higit si Jehova?
15 Ang sinabi at ginawa ni Jesus habang nasa lupa ay tumutulong sa atin na makilala siya nang lubos. Higit pa riyan, sa pamamagitan ni Jesus ay makikilala natin nang higit si Jehova. Bakit gayon? Tandaan na ang Anak na ito ay isang sakdal na larawan ng kaniyang Ama. Iyan ang dahilan kung bakit sinabi ni Jesus sa isa sa kaniyang mga alagad: “Siya na nakakita sa akin ay nakakita rin sa Ama.” (Juan 14:9) Maraming sinasabi sa atin ang apat na aklat ng Bibliya na nakilala bilang mga Ebanghelyo—Mateo, Marcos, Lucas, at Juan—hinggil sa buhay, gawain, at personal na mga katangian ni Jesu-Kristo.
16. Ano ang pangunahing mensahe ni Jesus, at saan nagmula ang kaniyang mga itinuro?
16 Kilalang-kilalá si Jesus bilang “Guro.” (Juan 1:38; 13:13) Ano ba ang itinuro niya? Pangunahin na, ang kaniyang mensahe ay ang “mabuting balita ng kaharian”—samakatuwid nga, ang Kaharian ng Diyos, ang makalangit na gobyerno na mamamahala sa buong lupa at magpapasapit ng walang-katapusang mga pagpapala sa masunuring mga tao. (Mateo 4:23) Kaninong mensahe ito? Si Jesus mismo ang nagsabi: “Ang itinuturo ko ay hindi sa akin, kundi sa kaniya na nagsugo sa akin,” samakatuwid nga, kay Jehova. (Juan 7:16) Alam ni Jesus na gusto ng kaniyang Ama na marinig ng mga tao ang tungkol sa mabuting balita ng Kaharian. Sa Kabanata 8, mas marami pa tayong matututuhan tungkol sa Kaharian ng Diyos at kung ano ang isasakatuparan nito.
17. Saan nagturo si Jesus, at bakit siya nagpagal nang husto sa pagtuturo sa iba?
17 Saan nagturo si Jesus? Saanman siya makasumpong ng mga tao—sa lalawigan o sa mga karatig na lupain gayundin sa mga lunsod, nayon, pamilihan, at sa kanilang mga tahanan. Hindi hinintay ni Jesus na lapitan siya ng mga tao. Siya ang lumapit sa kanila. (Marcos 6:56; Lucas 19:5, 6) Bakit nagpagal nang husto si Jesus at gumugol ng napakaraming panahon sa pangangaral at pagtuturo? Sapagkat ito ang kalooban ng Diyos para sa kaniya. Laging ginagawa ni Jesus ang kalooban ng kaniyang Ama. (Juan 8:28, 29) Ngunit may iba pang dahilan kung bakit siya nangaral. Nahabag siya sa maraming tao na naglabasan para makita siya. (Mateo 9:35, 36) Pinabayaan sila ng kanilang relihiyosong mga lider, na dapat sana’y nagtuturo sa kanila ng katotohanan tungkol sa Diyos at sa kaniyang mga layunin. Alam ni Jesus na kailangang-kailangang marinig ng mga tao ang mensahe ng Kaharian.
18. Anong mga katangian ni Jesus ang pinakagusto mo?
18 Si Jesus ay isang lalaking may magiliw na pagmamahal at matinding damdamin. Kaya para sa iba, siya ay mabait at madaling lapitan. Maging ang mga bata ay panatag ang loob sa kaniya. (Marcos 10:13-16) Hindi nagtatangi si Jesus. Kinapopootan niya ang katiwalian at kawalang-katarungan. (Mateo 21:12, 13) Noong panahong hindi gaanong iginagalang at binibigyan ng karapatan ang mga babae, pinakitunguhan niya sila nang may dignidad. (Juan 4:9, 27) Si Jesus ay totoong mapagpakumbaba. Sa isang pagkakataon, hinugasan niya ang paa ng kaniyang mga apostol, isang gawain na kadalasang ginagampanan ng isang hamak na lingkod.
19. Anong halimbawa ang nagpapakita na si Jesus ay palaisip sa mga pangangailangan ng iba?
19 Palaisip si Jesus sa mga pangangailangan ng iba. Lalo itong nakita nang gumawa siya ng mga makahimalang pagpapagaling sa pamamagitan ng kapangyarihan ng espiritu ng Diyos. (Mateo 14:14) Halimbawa, isang lalaking may ketong ang lumapit kay Jesus at nagsabi: “Kung ibig mo lamang, mapalilinis mo ako.” Nadama mismo ni Jesus ang kirot at pagdurusa ng lalaking ito. Palibhasa’y nahabag siya, iniunat ni Jesus ang kaniyang kamay at hinipo ang lalaki, na sinasabi: “Ibig ko. Luminis ka.” At napagaling ang lalaking may sakit! (Marcos 1:40-42) Maguguniguni mo ba kung ano ang nadama ng lalaking iyon?
TAPAT HANGGANG WAKAS
20, 21. Paano nagpakita si Jesus ng halimbawa ng matapat na pagsunod sa Diyos?
20 Ipinakita ni Jesus ang pinakamainam na halimbawa ng matapat na pagsunod sa Diyos. Nanatili siyang tapat sa kaniyang makalangit na Ama sa ilalim ng lahat ng uri ng kalagayan at sa kabila ng lahat ng anyo ng pagsalansang at pagdurusa. Matatag at matagumpay na nilabanan ni Jesus ang mga tukso ni Satanas. (Mateo 4:1-11) May pagkakataon noon na ang ilan sa mismong mga kamag-anak ni Jesus ay hindi nanampalataya sa kaniya, na sinasabi pa ngang “nasisiraan na siya ng kaniyang isip.” (Marcos 3:21) Ngunit hindi nagpaimpluwensiya si Jesus sa kanila; nagpatuloy siya sa pagganap ng gawaing iniatas ng Diyos. Sa kabila ng mga pang-iinsulto at pang-aabuso, napanatili ni Jesus ang pagpipigil sa sarili, anupat hindi niya kailanman sinikap na pinsalain ang mga sumalansang sa kaniya.—1 Pedro 2:21-23.
21 Nanatiling tapat si Jesus hanggang kamatayan—isang malupit at masakit na kamatayan sa kamay ng kaniyang mga kaaway. (Filipos 2:8) Isaalang-alang kung ano ang tiniis niya sa huling araw ng kaniyang buhay bilang tao. Siya ay inaresto, inakusahan ng huwad na mga saksi, hinatulan ng tiwaling mga hukom, inalipusta ng mga mang-uumog, at pinahirapan ng mga sundalo. Habang nakapako sa pahirapang tulos bago siya malagutan ng hininga, sumigaw siya: “Naganap na!” (Juan 19:30) Gayunman, sa ikatlong araw pagkamatay ni Jesus, siya ay binuhay-muli ng kaniyang makalangit na Ama tungo sa espiritung buhay. (1 Pedro 3:18) Pagkalipas ng ilang linggo, bumalik siya sa langit. Doon ay “umupo [siya] sa kanan ng Diyos” at naghihintay na tumanggap ng kapangyarihan bilang hari.—Hebreo 10:12, 13.
22. Ano ang naisakatuparan ni Jesus sa pananatili niyang tapat hanggang kamatayan?
22 Ano ang naisakatuparan ni Jesus sa pananatili niyang tapat hanggang kamatayan? Sa katunayan, ang kamatayan ni Jesus ay nagbukas sa atin ng pagkakataon para sa walang-hanggang buhay sa isang paraisong lupa, alinsunod sa orihinal na layunin ni Jehova. Tatalakayin sa susunod na kabanata kung paano iyan naging posible sa pamamagitan ng kamatayan ni Jesus.
a Para sa paliwanag hinggil sa hula ni Daniel na natupad may kaugnayan kay Jesus, tingnan ang Apendise, sa artikulong “Kung Paano Inihula ni Daniel ang Pagdating ng Mesiyas.”
b Tinatawag si Jehova na Ama dahil siya ang Maylalang. (Isaias 64:8) Yamang nilalang ng Diyos si Jesus, tinatawag siyang Anak ng Diyos. Sa gayunding dahilan, ang iba pang espiritung mga nilalang at maging ang taong si Adan ay tinatawag na mga anak ng Diyos.—Job 1:6; Lucas 3:38.
c Para sa karagdagang patotoo na ang panganay na Anak ay hindi kapantay ng Diyos, tingnan ang Apendise, sa artikulong “Ang Katotohanan Tungkol sa Ama, sa Anak, at sa Banal na Espiritu.”