Ano ang Kinatatakutan ng Marami?
“Hindi mo kailangang maging relihiyoso para makitang madilim ang hinaharap natin.”—STEPHEN O’LEARY, PROPESOR SA UNIVERSITY OF SOUTHERN CALIFORNIA.a
SANG-AYON ka ba riyan? Makikita sa mga artikulo sa seryeng ito ang ilan sa mga dahilan kung bakit kinatatakutan ng mga tao ang hinaharap. Pero ipinakikita rin nito kung bakit ka makapagtitiwalang hindi magwawakas ang buhay sa lupa. May dahilan pa rin para maging positibo sa kabila ng masaklap na mga katotohanang mababasa mo.
May banta pa rin ng digmaang nuklear. Noong 2007, nagbabala ang Bulletin of the Atomic Scientists na mapapaharap muli ang daigdig sa napakapanganib na mga pagpipilian gaya noong ibagsak ang unang mga bomba atomika sa Hiroshima at Nagasaki. Bakit nila ito nasabi? Iniulat ng Bulletin na noong 2007, mayroon pa ring mga 27,000 sandatang nuklear, at ang 2,000 sa mga ito ay “nakahanda nang pakawalan anumang minuto.” Kahit ilan lang sa mga ito ang pasabugin, kapaha-pahamak na ang magiging resulta!
Nabawasan ba ang banta ng digmaang nuklear mula noon? Ang limang bansa na may pinakamaraming sandatang nuklear—Estados Unidos, Pransiya, Russia, Tsina, at United Kingdom—ay “alinman sa nagpoposisyon na ng mga bagong sandatang nuklear o nagbabalak nang gawin ito,” ang sabi ng SIPRI Yearbook 2009.bc Pero ayon din dito, may iba pang bansa na may mga sandatang nuklear. Tinataya ng mga mananaliksik na ang India, Pakistan, at Israel ay may 60 hanggang 80 bombang nuklear bawat isa. Sinasabi rin nila na sa buong daigdig, 8,392 sandatang nuklear ang nakaposisyon na para pasabugin!
Puwedeng magdulot ng kapaha-pahamak na resulta ang pagbabago sa klima. “Ang mga panganib na dulot ng pagbabago sa klima,” ang sabi ng Bulletin of the Atomic Scientists, “ay halos kasinlala ng panganib na dulot ng mga sandatang nuklear.” Ganiyan din ang babala ng respetadong mga siyentipiko, gaya ni Stephen Hawking, dating propesor sa University of Cambridge, at ni Martin Rees, Master ng Trinity College sa University of Cambridge. Sa tingin nila, ang maling paggamit sa teknolohiya at ang epekto sa kapaligiran ng mga ginagawa ng tao ay puwedeng magdulot ng malaking pagbabago sa buhay sa lupa o tumapos pa nga rito.
Nababahala ang milyun-milyon sa mga prediksiyon ng kapahamakan. I-type lang ang “end of the world” at ang taóng “2012” sa Internet at makakakita ka ng daan-daang pahina ng espekulasyon tungkol sa wakas na darating daw sa taóng iyon. Bakit kaya? Ang sinaunang kalendaryo ng mga Maya, na tinatawag na “Long Count,” ay tinatayang matatapos sa 2012. Marami ang natatakot na baka ito na nga ang katapusan ng mundo.
Maraming relihiyoso ang naniniwalang itinuturo ng Bibliya na magugunaw ang literal na lupa. Iniisip naman ng iba na mapupunta sa langit ang lahat ng tapat, at ang matitira ay magdurusa sa magulong lupa o ihahagis sa impiyerno.
Talaga bang sinasabi ng Bibliya na ang lupa ay lubusang magugunaw? “Huwag ninyong paniwalaan ang bawat kinasihang kapahayagan,” ang babala ni apostol Juan, “kundi subukin ang mga kinasihang kapahayagan upang makita kung ang mga ito ay nagmumula sa Diyos.” (1 Juan 4:1) Sa halip na basta paniwalaan ang sinasabi ng iba, bakit hindi basahin ang Bibliya at tingnan ang sinasabi nito tungkol sa katapusan ng mundo? Baka magulat ka sa itinuturo nito.
[Mga talababa]
a Mula sa artikulong “Disasters Fuel Doomsday Predictions,” na lumabas sa Web site ng MSNBC noong Oktubre 19, 2005.
b Ang SIPRI ay nangangahulugang Stockholm International Peace Research Institute.
c Ang ulat sa SIPRI Yearbook 2009 ay isinulat nina Shannon N. Kile, beteranong mananaliksik at nangangasiwa sa nuclear weapons project ng SIPRI Arms Control and Non-proliferation Programme; Vitaly Fedchenko, mananaliksik ng SIPRI Arms Control and Non-proliferation Programme; at Hans M. Kristensen, direktor ng nuclear information project sa Federation of American Scientists.
[Picture Credit Lines sa pahina 4]
Mushroom cloud: U.S. National Archives photo; hurricane photos: WHO/League of Red Cross and U.S. National Archives photo