“Ang Inyong Lider ay Iisa, ang Kristo”
“Huwag kayong patawag na ‘mga lider,’ sapagkat ang inyong Lider ay iisa, ang Kristo.”—MAT. 23:10.
1. Sino ang kinikilalang Lider ng mga Saksi ni Jehova, at bakit?
ANG mga relihiyon ng Sangkakristiyanuhan ay may mga lider na tao, gaya ng papa ng Roma, obispo ng mga simbahang Eastern Orthodox, at pinuno ng iba pang mga relihiyon. Pero ang mga Saksi ni Jehova ay walang kinikilalang lider na tao. Hindi sila alagad o tagasunod ng sinumang tao. Kaayon ito ng inihula ni Jehova tungkol sa kaniyang Anak: “Narito! Bilang saksi sa mga liping pambansa ay ibinigay ko siya, bilang lider at kumandante sa mga liping pambansa.” (Isa. 55:4) Ang mga pinahirang Kristiyano sa buong daigdig at ang kasama nilang “ibang mga tupa” ay walang kinikilalang lider maliban sa isa na ibinigay ni Jehova. (Juan 10:16) Naniniwala sila sa sinabi ni Jesus: “Ang inyong Lider ay iisa, ang Kristo.”—Mat. 23:10.
Espiritung Prinsipe ng Israel
2, 3. Anong aktibong papel ang ginampanan ng Anak ng Diyos sa Israel?
2 Maraming siglo bago natatag ang kongregasyong Kristiyano, isang anghel ang inatasan ni Jehova para manguna sa bansang Israel. Matapos silang ilabas sa Ehipto, sinabi ni Jehova sa kanila: “Narito, isinusugo ko ang isang anghel sa unahan mo upang ingatan ka sa daan at upang dalhin ka sa dako na aking inihanda. Mag-ingat ka dahil sa kaniya at sundin mo ang kaniyang tinig. Huwag kang gumawi nang mapaghimagsik laban sa kaniya, sapagkat hindi niya pagpapaumanhinan ang inyong pagsalansang; sapagkat ang aking pangalan ay nasa kaniya.” (Ex. 23:20, 21) Maliwanag na ang anghel na ito, na nagtataglay ng pangalan ni Jehova, ay ang panganay na Anak ng Diyos.
3 Bago ipanganak bilang tao, lumilitaw na ang Anak ng Diyos ay tinatawag na Miguel. Sa aklat ng Daniel, si Miguel ay tinatawag na ‘prinsipe ng bayan ni Daniel,’ ang Israel. (Dan. 10:21) Ipinahiwatig ng alagad na si Judas na tinutulungan na ni Miguel ang Israel bago pa man ang panahon ni Daniel. Pagkamatay ni Moises, lumilitaw na tinangkang gamitin ni Satanas ang bangkay nito para udyukan ang Israel na magkasala ng idolatriya. Hinadlangan ito ni Miguel. Sinabi ni Judas: “Nang si Miguel na arkanghel ay magkaroon ng pakikipaghidwaan sa Diyablo at makipagtalo tungkol sa katawan ni Moises, hindi siya nangahas na magpataw ng hatol laban sa kaniya sa mapang-abusong mga salita, kundi nagsabi: ‘Sawayin ka nawa ni Jehova.’” (Jud. 9) Pagkaraan nito, bago nakubkob ang Jerico, maliwanag na si Miguel, na “prinsipe ng hukbo ni Jehova,” ang nagpakita kay Josue para tiyakin sa kaniya na sinusuportahan siya ng Diyos. (Basahin ang Josue 5:13-15.) Nang tangkain ng isang makapangyarihang demonyo na hadlangan ang isang anghel sa paghahatid nito ng mahalagang mensahe kay Daniel, tinulungan ni Miguel ang anghel na iyon.—Dan. 10:5-7, 12-14.
Dumating ang Inihulang Lider
4. Anong hula ang ibinigay tungkol sa pagdating ng Mesiyas?
4 Bago nito, isinugo ni Jehova si anghel Gabriel kay propeta Daniel para ihatid ang hula tungkol sa pagdating ng “Mesiyas na Lider.” (Dan. 9:21-25)a Ayon sa itinakdang panahon, noong taglagas ng 29 C.E., si Jesus ay binautismuhan ni Juan. Ibinuhos kay Jesus ang banal na espiritu, anupat siya’y naging ang Pinahiran—si Kristo, ang Mesiyas. (Mat. 3:13-17; Juan 1:29-34; Gal. 4:4) Kaya naman siya’y magiging isang walang-kapantay na Lider.
5. Ano ang ginawa ni Kristo bilang Lider noong narito siya sa lupa?
5 Sa pasimula pa lang ng kaniyang ministeryo sa lupa, pinatunayan na ni Jesus na siya ang “Mesiyas na Lider.” Sa loob lang ng ilang araw, nagkaroon na siya ng mga alagad at isinagawa ang kaniyang unang himala. (Juan 1:35–2:11) Kasama niya sila habang nililibot niya ang lupain para ipangaral ang mabuting balita ng Kaharian. (Luc. 8:1) Sinanay niya silang mangaral at magturo, at nanguna siya sa kanila sa gawaing ito, anupat nagpakita ng mabuting halimbawa. (Luc. 9:1-6) Dapat siyang tularan ng mga elder sa ngayon.
6. Paano naipakita ni Kristo na isa siyang Pastol at Lider?
6 Itinawag-pansin ni Jesus ang isa pang aspekto ng kaniyang pagiging lider nang ihambing niya ang kaniyang sarili sa isang maibiging pastol. Literal na inaakay ng mga pastol sa Silangan ang kani-kanilang kawan. Isinulat ni W. M. Thomson sa The Land and the Book: “Ang pastol ay nauuna, hindi lamang para ituro ang daan kundi upang tingnan din kung ito ay praktikal at ligtas. . . . Gamit ang tungkod, inaakay niya ang kawan sa madamong pastulan at ipinagtatanggol sa mga kaaway.” Para ipakita na isa siyang tunay na Pastol at Lider, sinabi ni Jesus: “Ako ang mabuting pastol; ibinibigay ng mabuting pastol ang kaniyang kaluluwa alang-alang sa mga tupa. Ang aking mga tupa ay nakikinig sa aking tinig, at kilala ko sila, at sumusunod sila sa akin.” (Juan 10:11, 27) Kaayon nito, namatay siya bilang hain para sa kaniyang mga tupa, ngunit “ibinangon siya [ni Jehova] bilang lider at Tagapagligtas.”—Gawa 5:31, New Jerusalem Bible; Heb. 13:20.
Tagapangasiwa ng Kongregasyong Kristiyano
7. Ano ang ginagamit ni Jesus para pangasiwaan ang kongregasyong Kristiyano?
7 Bago umakyat sa langit, sinabi ng binuhay-muling si Jesus sa kaniyang mga alagad: “Ang lahat ng awtoridad ay ibinigay na sa akin sa langit at sa lupa.” (Mat. 28:18) Inutusan siya ni Jehova na pagkalooban ng banal na espiritu ang mga alagad para patibayin ang kanilang pananampalataya. (Juan 15:26) Ibinuhos ito ni Jesus sa unang mga Kristiyano noong Pentecostes 33 C.E. (Gawa 2:33) Noon naitatag ang kongregasyong Kristiyano. Inatasan ni Jehova ang kaniyang Anak bilang makalangit na lider ng kongregasyong iyon. (Basahin ang Efeso 1:22; Colosas 1:13, 18.) Pinapatnubayan iyon ni Jesus sa pamamagitan ng banal na espiritu, at katulong niya ang mga anghel na “ipinasakop sa kaniya.”—1 Ped. 3:22.
8. Anong lupon ang ginamit ni Kristo noon para manguna sa kaniyang mga alagad? Sino naman ang ginagamit niya ngayon?
8 Sa pamamagitan din ng banal na espiritu, nagbigay si Kristo ng “kaloob na mga tao,” ang ilan “bilang mga pastol at mga guro” sa kongregasyon. (Efe. 4:8, 11) Hinimok ni Pablo ang mga tagapangasiwang Kristiyano: “Bigyang-pansin ninyo ang inyong sarili at ang buong kawan, na sa kanila ay inatasan kayo ng banal na espiritu bilang mga tagapangasiwa, upang magpastol sa kongregasyon ng Diyos.” (Gawa 20:28) Noong bagong tatag ang kongregasyong Kristiyano, ang lahat ng tagapangasiwa ay mga pinahiran. Ang mga apostol at matatanda ng kongregasyon sa Jerusalem ang nagsilbing lupong tagapamahala. Ginamit ni Kristo ang lupong ito para pangunahan ang lahat ng kaniyang pinahirang “mga kapatid” sa lupa. (Heb. 2:11; Gawa 16:4, 5) Sa panahong ito ng kawakasan, ipinagkatiwala ni Kristo ang “lahat ng kaniyang mga pag-aari”—mga bagay dito sa lupa na may kaugnayan sa Kaharian—sa kaniyang “tapat at maingat na alipin” at sa kinatawan nitong Lupong Tagapamahala, isang grupo ng mga lalaking pinahiran. (Mat. 24:45-47) Kinikilala ng mga pinahiran at ng ibang mga tupa na sa pagsunod nila sa Lupong Tagapamahala, ang talagang sinusunod nila ay ang kanilang Lider, si Kristo.
Pinasimulan ni Kristo ang Pangangaral
9, 10. Paano pinangasiwaan ni Kristo ang pagpapalaganap ng mabuting balita?
9 Noon pa man, pinangangasiwaan na mismo ni Jesus ang gawaing pangangaral at pagtuturo. Sinabi niya kung paano ipangangaral sa mga tao ang mabuting balita ng Kaharian. Tinagubilinan niya ang mga apostol: “Huwag kayong pumaroon sa daan ng mga bansa, at huwag kayong pumasok sa isang Samaritanong lunsod; kundi, sa halip, patuluyan kayong pumaroon sa nawawalang mga tupa ng sambahayan ng Israel. Samantalang humahayo kayo, mangaral, na sinasabi, ‘Ang kaharian ng langit ay malapit na.’” (Mat. 10:5-7) Kaya buong-sigasig silang nangaral sa mga Judio at proselita, lalo na pagkaraan ng Pentecostes 33 C.E.—Gawa 2:4, 5, 10, 11; 5:42; 6:7.
10 Nang maglaon, sa pamamagitan ng banal na espiritu, ipinaabot ni Jesus ang pangangaral hanggang sa mga Samaritano at iba pang di-Judio. (Gawa 8:5, 6, 14-17; 10:19-22, 44, 45) Para maipalaganap ang mabuting balita sa mga bansa, si Jesus mismo ang kumilos para maging Kristiyano si Saul ng Tarso. Sinabi ni Jesus sa alagad na si Ananias: “Bumangon ka, pumaroon ka sa lansangan na tinatawag na Tuwid, at sa bahay ni Hudas ay hanapin mo ang isang lalaki na nagngangalang Saul, mula sa Tarso. . . . Humayo ka, sapagkat ang taong ito ay isang piniling sisidlan sa akin upang dalhin ang aking pangalan sa mga bansa at gayundin sa mga hari at sa mga anak ni Israel.” (Gawa 9:3-6, 10, 11, 15) Ang “taong ito” ang naging si apostol Pablo.—1 Tim. 2:7.
11. Paano pinalawak ni Kristo ang gawaing pangangaral sa pamamagitan ng banal na espiritu?
11 Nang panahon na para ipangaral ang Kaharian sa mga bansang di-Judio, pinatnubayan si Pablo ng banal na espiritu para maglakbay bilang misyonero sa Asia Minor at Europa. Iniulat ni Lucas sa Mga Gawa: “Samantalang sila [ang mga Kristiyanong propeta at guro sa kongregasyon sa Antioquia ng Sirya] ay hayagang naglilingkod kay Jehova at nag-aayuno, ang banal na espiritu ay nagsabi: ‘Sa lahat ng mga tao ay ibukod ninyo para sa akin sina Bernabe at Saul ukol sa gawaing itinawag ko sa kanila.’ Nang magkagayon ay nag-ayuno sila at nanalangin at ipinatong sa kanila ang kanilang mga kamay at pinayaon sila.” (Gawa 13:2, 3) Si Jesus mismo ang tumawag kay Saul ng Tarso para maging “piniling sisidlan” na magdadala ng Kaniyang pangalan sa mga bansa; kaya ang bagong pampasiglang ito sa gawaing pangangaral ay nagmula kay Kristo, ang Lider ng kongregasyon. Sa ikalawang paglalakbay ni Pablo bilang misyonero, kitang-kita na talagang ginagamit ni Jesus ang banal na espiritu para pangasiwaan ang gawain. Ayon sa ulat, ang “espiritu ni Jesus,” o si Jesus sa pamamagitan ng banal na espiritu, ang pumatnubay kay Pablo at sa mga kasama niya kung saan sila mangangaral, at sa isang pangitain ay tinagubilinan silang magpunta sa Europa.—Basahin ang Gawa 16:6-10.
Ang Pangunguna ni Jesus sa Kongregasyon
12, 13. Paano ipinapakita ng Apocalipsis na sinusubaybayang mabuti ni Kristo ang bawat kongregasyon?
12 Sinubaybayang mabuti ni Jesus ang mga kongregasyon ng mga pinahiran noong unang siglo C.E. Alam na alam niya ang espirituwal na kalagayan ng bawat kongregasyon. Mababasa ito sa Apocalipsis kabanata 2 at 3. Binanggit niya ang pangalan ng pitong kongregasyon sa Asia Minor. (Apoc. 1:11) Makakatiyak tayo na alam na alam din niya ang espirituwal na kalagayan ng iba pang mga kongregasyon noon.—Basahin ang Apocalipsis 2:23.
13 Pinuri ni Jesus ang ilan sa mga kongregasyon dahil sa kanilang pagbabata, katapatan sa ilalim ng pagsubok, panghahawakan sa kaniyang salita, at pagtatakwil sa mga apostata. (Apoc. 2:2, 9, 13, 19; 3:8) Pero mariin naman niyang pinayuhan ang ilang kongregasyon dahil lumamig na ang kanilang pag-ibig sa kaniya at kinunsinti nila ang idolatriya, pakikiapid, at sektaryanismo. (Apoc. 2:4, 14, 15, 20; 3:15, 16) Bilang maibiging tagapangasiwa—maging sa mga mariin niyang pinayuhan—sinabi ni Jesus: “Ang lahat ng mga minamahal ko ay aking sinasaway at dinidisiplina. Kaya nga maging masigasig ka at magsisi.” (Apoc. 3:19) Bagaman nasa langit, si Jesus pa rin ang nangunguna sa kaniyang mga alagad sa lupa sa pamamagitan ng banal na espiritu. Sa pagtatapos ng mga mensahe sa mga kongregasyong iyon, sinabi niya: “Ang may tainga ay makinig sa sinasabi ng espiritu sa mga kongregasyon.”—Apoc. 3:22.
14-16. (a) Paano naipakita ni Jesus na siya’y isang magiting na Lider ng bayan ni Jehova? (b) Ano ang katunayan na si Jesus ay ‘sumasakaniyang’ mga alagad “sa lahat ng mga araw hanggang sa katapusan ng sistema ng mga bagay”? (c) Ano ang tatalakayin sa susunod na artikulo?
14 Nakita natin na ang arkanghel na si Miguel (Jesus) ay isang magiting na Lider ng Israel. Nang maglaon, siya’y naging matapang na Lider at maibiging Pastol ng kaniyang unang mga alagad. Nanguna siya sa pangangaral, at matapos buhaying muli, pinangasiwaan niyang mabuti ang pagpapalaganap ng mabuting balita.
15 Sa pamamagitan ng banal na espiritu, palalawakin ni Jesus ang pagpapatotoo sa buong lupa. Bago umakyat sa langit, sinabi niya sa mga alagad: “Tatanggap kayo ng kapangyarihan kapag dumating sa inyo ang banal na espiritu, at kayo ay magiging mga saksi ko kapuwa sa Jerusalem at sa buong Judea at Samaria at hanggang sa pinakamalayong bahagi ng lupa.” (Gawa 1:8; basahin ang 1 Pedro 1:12.) Sa patnubay ni Kristo, napakalaking patotoo ang naisagawa noong unang siglo.—Col. 1:23.
16 Pero sinabi ni Jesus na ang gawaing ito ay magpapatuloy hanggang sa panahon ng kawakasan. Matapos atasan ang kaniyang mga tagasunod na mangaral at gumawa ng mga alagad sa lahat ng bansa, nangako si Jesus: “Ako ay sumasainyo sa lahat ng mga araw hanggang sa katapusan ng sistema ng mga bagay.” (Mat. 28:19, 20) Mula nang maghari siya noong 1914, lalo pang napatunayang siya ay ‘sumasakaniyang’ mga alagad at aktibo bilang Lider nila. Sa susunod na artikulo, tatalakayin natin ang kaniyang puspusang pagkilos mula noong 1914.
[Talababa]
a Ang hulang ito ay tinatalakay sa kabanata 11 ng Magbigay-Pansin sa Hula ni Daniel!
Bilang Repaso
• Paano naging isang aktibong Lider sa Israel ang Anak ng Diyos?
• Ano ang ginagamit ni Kristo sa pangunguna sa kaniyang kongregasyon sa lupa?
• Paano pinangangasiwaan ni Kristo ang pagpapalaganap ng mabuting balita?
• Ano ang nagpapakitang sinusubaybayang mabuti ni Kristo ang espirituwal na kalagayan ng bawat kongregasyon?
[Larawan sa pahina 21]
“Isinusugo ko ang isang anghel sa unahan mo”
[Larawan sa pahina 23]
Gaya noon, ginagamit ni Kristo ang “kaloob na mga tao” para pastulan ang kaniyang kawan