Si Jehova ang Ating Soberanong Panginoon!
“Ang Soberanong Panginoong Jehova ang ginawa kong aking kanlungan.”—AWIT 73:28.
1. Ano ang pinaghahambing ni Pablo sa 1 Corinto 7:31?
“ANG tanawin ng sanlibutang ito ay nagbabago,” ang sabi ni apostol Pablo. (1 Cor. 7:31) Maliwanag na inihahambing niya ang sanlibutan sa isang entablado kung saan mapapanood ang isang drama. Ang mga artista roon ay gumaganap ng kani-kaniyang papel bilang mabuti o masamang tauhan hanggang sa magbago ang tanawin, o eksena.
2, 3. (a) Sa ano maihahambing ang hamon sa soberanya ni Jehova? (b) Anong mga tanong ang tatalakayin natin?
2 Sa ngayon, isang napakahalagang drama ang nagaganap—at may bahagi ka rito! May kaugnayan ito sa pagbabangong-puri sa soberanya ng Diyos na Jehova. Ang dramang ito ay maihahalintulad sa isang sitwasyon na maaaring mangyari sa isang bansa. Mayroon doong lehitimong gobyerno na nagpapanatili ng kapayapaan. Pero naroon din ang isang masamang organisasyon na punô ng pandaraya, karahasan, at pagpatay. Ang ilegal na organisasyong ito ay isang hamon sa lehitimong pamamahala at sinusubok nito ang katapatan ng lahat ng mamamayan doon.
3 Ganiyan ang sitwasyon ng buong uniberso. Nariyan ang lehitimong gobyerno ng “Soberanong Panginoong Jehova.” (Awit 71:5) Pero nanganganib ang mga tao dahil sa masamang organisasyon na pinamumunuan ng “isa na balakyot.” (1 Juan 5:19) Isa itong hamon sa gobyerno ng Diyos at sinusubok nito ang katapatan ng tao sa kaniyang pamamahala bilang Soberano. Bakit nagkaganito ang sitwasyon? Bakit ito pinahihintulutan ng Diyos? Ano ang puwede nating gawin bilang mga indibiduwal?
Mga Isyung Nasasangkot sa Drama
4. Anong magkaugnay na isyu ang nasasangkot sa drama?
4 Ang dramang ito ay may dalawang magkaugnay na isyu: ang soberanya ni Jehova at ang katapatan ng tao. Sa Bibliya, si Jehova ay madalas tawaging ‘Soberanong Panginoon.’ Halimbawa, taglay ang lubos na pagtitiwala sa kaniya, umawit ang salmista: “Ang Soberanong Panginoong Jehova ang ginawa kong aking kanlungan.” (Awit 73:28) Ang “soberanya” ay ang pagiging kataas-taasan sa kapangyarihan o pamamahala. Ang soberano ang may pinakamataas na awtoridad. May mabubuting dahilan para kilalanin ang Diyos na Jehova bilang ang “Kataas-taasan.”—Dan. 7:22, Biblia ng Sambayanang Pilipino.
5. Bakit dapat nating itaguyod ang soberanya ni Jehova?
5 Bilang Maylalang, ang Diyos na Jehova ang Soberano sa lupa at sa buong uniberso. (Basahin ang Apocalipsis 4:11.) Siya rin ang ating Hukom, Tagapagbigay-Batas, at Hari, dahil hawak niya mismo ang hudisyal, lehislatibo, at ehekutibong sangay ng pansansinukob na gobyerno. (Isa. 33:22) Dahil utang natin sa Diyos ang ating buhay, dapat lang na kilalanin natin siya bilang ating Soberanong Panginoon. Mauudyukan tayong itaguyod ang kaniyang matayog na posisyon kung tatandaan natin na “itinatag ni Jehova nang matibay ang kaniyang trono sa mismong langit; at ang kaniyang paghahari ay nagpupuno sa lahat.”—Awit 103:19; Gawa 4:24.
6. Ano ang katapatan?
6 Bilang pagsuporta sa soberanya ni Jehova, dapat tayong manatiling tapat sa kaniya. Ang “katapatan” ay kagalingan o pagiging ganap sa moral. Ang taong tapat ay walang kapintasan at matuwid. Ganiyan ang patriyarkang si Job.—Job 1:1.
Kung Paano Nagsimula ang Drama
7, 8. Paano kinuwestiyon ni Satanas ang pagiging nararapat ng soberanya ni Jehova?
7 Mga 6,000 taon na ang nakalipas, kinuwestiyon ng isang espiritung nilalang ang pagiging nararapat ng soberanya ni Jehova. Makikita sa kaniyang pananalita at pagkilos ang makasariling hangarin na siya ang sambahin. Inudyukan niya ang unang mag-asawa, sina Adan at Eva, na talikuran ang soberanya ng Diyos at tinangka niyang dungisan ang pangalan ni Jehova nang paratangan niya Siya na isang sinungaling. (Basahin ang Genesis 3:1-5.) Ang rebeldeng iyon ang naging mahigpit na Kalaban, Satanas (Mananalansang), Diyablo (Maninirang-Puri), serpiyente (manlilinlang), at dragon (manlalamon).—Apoc. 12:9.
8 Ginawa ni Satanas ang kaniyang sarili na isang kaagaw na tagapamahala. Ano kaya ang gagawin ng Soberanong Panginoong Jehova? Agad ba niyang pupuksain ang tatlong rebelde—sina Satanas, Adan, at Eva? Tiyak na kaya niyang gawin iyon, at patutunayan ng gayong pagkilos kung sino ang pinakamakapangyarihan. Patutunayan din nito na totoo ang sinabi ni Jehova tungkol sa magiging parusa ng paglabag sa kaniyang utos. Bakit hindi ito ginawa ng Diyos?
9. Ano ang kinuwestiyon ni Satanas?
9 Nang magsinungaling si Satanas at italikod sina Adan at Eva sa Diyos, kinuwestiyon niya ang karapatan ni Jehova na humiling ng pagsunod mula sa mga tao. Bukod diyan, nang udyukan niyang sumuway sa Diyos ang mag-asawa, kinuwestiyon din niya ang katapatan ng lahat ng matatalinong nilalang. Gaya ng makikita sa kaso ni Job, na naging tapat sa soberanya ni Jehova, inangkin ni Satanas na kaya niyang italikod sa Diyos ang lahat ng tao.—Job 2:1-5.
10. Bakit hindi agad itinanghal ng Diyos ang kaniyang soberanya?
10 Hindi agad itinanghal ni Jehova ang kaniyang soberanya. Sa gayon, binigyan niya si Satanas ng panahong patunayan ang pag-aangkin nito. Binigyan din niya ng pagkakataon ang mga tao na ipakita ang katapatan nila sa kaniyang soberanya. Ano ang nangyari sa paglipas ng maraming siglo? Nakapagtayo si Satanas ng isang makapangyarihan ngunit ubod-samang organisasyon. Pero pupuksain ni Jehova ang organisasyong ito, pati ang Diyablo, anupat lubusang patutunayan ang pagiging nararapat ng Kaniyang soberanya. Nakatitiyak si Jehova na mabuti ang kalalabasan nito anupat inihula na niya iyon nang magkaroon ng rebelyon sa Eden.—Gen. 3:15.
11. Ano ang ginagawa ng maraming tao may kaugnayan sa soberanya ni Jehova?
11 Maraming tao ang nananampalataya at nananatiling tapat may kaugnayan sa soberanya ni Jehova at sa pagpapabanal sa kaniyang pangalan. Kabilang dito sina Abel, Enoc, Noe, Abraham, Sara, Moises, Ruth, David, Jesus, ang mga unang alagad ni Kristo, at ang milyun-milyong tapat sa ngayon. May bahagi sila sa pagpapatunay na sinungaling si Satanas at sa pag-aalis ng upasalang idinulot ng Diyablo sa pangalan ni Jehova nang angkinin nito na kaya niyang italikod sa Diyos ang lahat ng tao.—Kaw. 27:11.
Alam Na ang Magiging Wakas ng Drama
12. Bakit tayo makatitiyak na hindi pahihintulutan ng Diyos na magpatuloy ang kabalakyutan?
12 Makatitiyak tayo na malapit nang itanghal ni Jehova ang kaniyang soberanya. Hindi niya pahihintulutang magpatuloy ang kabalakyutan magpakailanman, at alam nating nabubuhay na tayo sa mga huling araw. Kumilos si Jehova laban sa mga balakyot noong Baha. Pinuksa niya ang Sodoma at Gomorra at si Paraon at ang hukbo nito. Walang kalaban-laban sa Kaniya si Sisera at ang hukbo nito at si Senakerib at ang hukbong Asiryano. (Gen. 7:1, 23; 19:24, 25; Ex. 14:30, 31; Huk. 4:15, 16; 2 Hari 19:35, 36) Kaya makapagtitiwala tayong hindi hahayaan ni Jehova na patuloy na lapastanganin ang kaniyang pangalan at pagmalupitan ang kaniyang mga Saksi. Bukod diyan, nakikita na natin ang tanda ng pagkanaririto ni Jesus at ng katapusan ng sistemang ito ng mga bagay.—Mat. 24:3.
13. Paano natin maiiwasang mapuksa kasama ng mga kaaway ni Jehova?
13 Para hindi tayo mapuksang kasama ng mga kaaway ng Diyos, dapat tayong maging tapat sa soberanya ni Jehova. Paano? Manatiling hiwalay sa pamamahala ni Satanas at huwag matakot sa kaniyang mga kampon. (Isa. 52:11; Juan 17:16; Gawa 5:29) Sa paggawa nito, maitataguyod natin ang soberanya ng ating makalangit na Ama at magkakaroon ng pag-asang maligtas kapag inalis na ni Jehova ang lahat ng upasala sa kaniyang pangalan at ipinakitang siya ang Soberano ng Uniberso.
14. Ano ang ipinakikita sa iba’t ibang bahagi ng Bibliya?
14 Ang mga detalye tungkol sa sangkatauhan at sa soberanya ni Jehova ay tinatalakay sa buong Bibliya. Ang unang tatlong kabanata ay tungkol sa paglalang at sa pagkakasala ng tao, samantalang ang huling tatlo ay tungkol sa pagsasauli sa tao sa kasakdalan. Nasa gitnang bahagi naman ang detalye tungkol sa mga ginawa ng Soberanong Panginoong Jehova upang isakatuparan ang kaniyang layunin para sa tao, sa lupa, at sa uniberso. Ipinakikita sa Genesis kung paano nakapasok sa sanlibutan si Satanas at ang kabalakyutan, at isinisiwalat naman sa huling bahagi ng Apocalipsis kung paano aalisin ang kasamaan, kung paano pupuksain ang Diyablo, at kung paano mangyayari ang kalooban ng Diyos sa lupa gaya sa langit. Oo, ipinakikita ng Bibliya ang sanhi ng kasalanan at kamatayan at kung paano aalisin ang mga ito at hahalinhan ng masidhing kagalakan at walang-hanggang buhay para sa mga nananatiling tapat.
15. Ano ang dapat nating gawin para personal na makinabang kapag nagwakas na ang drama tungkol sa soberanya?
15 Malapit nang magbago ang eksena ng sanlibutang ito. Ibababa na ang telon sa napakatagal nang drama tungkol sa soberanya. Aalisin na si Satanas sa entablado para puksain sa kalaunan, at magaganap ang kalooban ng Diyos. Para makinabang dito at masiyahan sa maraming pagpapala na inihula sa Bibliya, dapat nating itaguyod ang soberanya ni Jehova. Hindi tayo puwedeng lumagay sa gitna. Para masabi natin: “Si Jehova ay nasa panig ko,” dapat tayong manatili sa panig niya.—Awit 118:6, 7.
Makapananatili Tayong Tapat!
16. Bakit tayo makatitiyak na ang tao ay makapananatiling tapat sa Diyos?
16 Maitataguyod natin ang soberanya ni Jehova at mapananatili ang ating katapatan dahil sinabi ni apostol Pablo: “Walang tuksong dumating sa inyo maliban doon sa karaniwan sa mga tao. Ngunit ang Diyos ay tapat, at hindi niya hahayaang tuksuhin kayo nang higit sa matitiis ninyo, kundi kalakip ng tukso ay gagawa rin siya ng daang malalabasan upang mabata ninyo iyon.” (1 Cor. 10:13) Saan nagmumula ang tuksong binanggit ni Pablo, at paano gumagawa ang Diyos ng daang malalabasan natin?
17-19. (a) Sa anong tukso nagpadaig ang mga Israelita noong sila’y nasa ilang? (b) Bakit posibleng makapanatili tayong tapat kay Jehova?
17 Gaya ng makikita sa mga karanasan ng Israel sa ilang, ang ‘tukso’ ay dumarating dahil sa mga kalagayan na maaaring magtulak sa atin na labagin ang utos ng Diyos. (Basahin ang 1 Corinto 10:6-10.) Mapaglalabanan sana ng mga Israelita ang tukso, pero nagnasa sila ng “nakapipinsalang mga bagay” nang makahimala silang paglaanan ni Jehova ng isang-buwang suplay ng pugo. Bagaman matagal na silang hindi nakakatikim ng karne, binibigyan naman sila ng Diyos ng manna. Gayunman, nagpadaig sila sa tukso nang magpakita sila ng pagkagahaman noong nangunguha sila ng pugo.—Bil. 11:19, 20, 31-35.
18 Bago nito, habang tinatanggap ni Moises ang Kautusan sa Bundok Sinai, ang mga Israelita ay naging mga mananamba sa idolo, anupat sumamba sa guya at nagpadala sa makalamang kaluguran. Palibhasa’y wala ang kanilang nakikitang lider, walang nakapigil sa kanila na magpadala sa tukso. (Ex. 32:1, 6) Bago pumasok ang mga Israelita sa Lupang Pangako, libu-libo ang naakit ng mga babaing Moabita na makiapid sa kanila. Libu-libong Israelita ang namatay noon dahil sa kanilang pagkakasala. (Bil. 25:1, 9) May mga pagkakataong nagpadaig ang mga Israelita sa tuksong magreklamo, anupat minsan ay nagsalita sila laban kay Moises at laban sa Diyos mismo! (Bil. 21:5) Nagbulung-bulungan pa nga ang mga Israelita nang puksain ang balakyot na sina Kora, Datan, Abiram, at ang kanilang mga kasama, anupat sinasabing hindi raw makatarungan ang paglipol sa mga rebeldeng iyon. Dahil dito, 14,700 ang namatay sa salot na pinasapit ng Diyos.—Bil. 16:41, 49.
19 Makakaya sanang paglabanan ng mga Israelita ang lahat ng nabanggit na tukso. Pero nadaig sila ng tukso dahil nawalan sila ng pananampalataya at nalimutan nila si Jehova, ang pangangalaga niya sa kanila, at ang pagiging matuwid ng kaniyang mga daan. Gaya sa kaso ng mga Israelita, ang mga tuksong napapaharap sa atin ay karaniwan sa mga tao. Kung pagsisikapan nating paglabanan ang mga iyon at aasa sa tulong ng Diyos, makapananatili tayong tapat. Makatitiyak tayo rito dahil “ang Diyos ay tapat” at hindi niya hahayaang ‘tuksuhin tayo nang higit sa matitiis natin.’ Hinding-hindi pahihintulutan ni Jehova na malagay tayo sa mga sitwasyon kung saan imposible para sa atin na gawin ang kaniyang kalooban.—Awit 94:14.
20, 21. Kapag natutukso tayo, paano gumagawa ang Diyos ng “daang malalabasan”?
20 Gumagawa si Jehova ng “daang malalabasan” sa pamamagitan ng pagpapatibay sa atin na labanan ang tukso. Halimbawa, maaari tayong pahirapan ng mga mang-uusig para talikuran natin ang ating pananampalataya. Dahil dito, baka matukso tayong makipagkompromiso para hindi na tayo bugbugin, pahirapan, o kaya’y patayin. Pero dahil sa kinasihang pananalita ni Pablo sa 1 Corinto 10:13, alam natin na pansamantala lang ang gayong sitwasyon. Hindi pahihintulutan ni Jehova na umabot iyon sa punto na hindi na natin kayang manatiling tapat sa kaniya. Mapatitibay niya ang ating pananampalataya at mabibigyan niya tayo ng lakas na kailangan natin.
21 Pinatitibay tayo ni Jehova sa pamamagitan ng kaniyang banal na espiritu. Ipinaaalaala sa atin ng espiritung iyon ang mga natutuhan natin sa Bibliya na tutulong sa atin na mapaglabanan ang tukso. (Juan 14:26) Kaya naman hindi tayo nalilinlang na sumunod sa maling landasin. Halimbawa, nauunawaan natin ang magkaugnay na isyu tungkol sa soberanya ni Jehova at sa katapatan ng tao. Dahil sa kaalamang iyan mula sa Diyos, marami ang nakapanatiling tapat hanggang kamatayan. Pero hindi kamatayan ang daang malalabasan na inilaan sa kanila; ang tulong ni Jehova ang nagpalakas sa kanila para makapagbata at hindi madaig ng tukso. Gagawin din niya iyon para sa atin. Sa katunayan, alang-alang sa atin, ginagamit din niya ang tapat na mga anghel bilang mga pangmadlang lingkod na “isinugo upang maglingkod doon sa mga magmamana ng kaligtasan.” (Heb. 1:14) Gaya ng makikita sa susunod na artikulo, ang mga nananatiling tapat lamang ang may pribilehiyong magtaguyod ng soberanya ng Diyos magpakailanman. Puwede tayong mapabilang dito kung mananatili tayo sa panig ni Jehova, ang ating Soberanong Panginoon.
Paano Mo Sasagutin?
• Bakit natin dapat kilalanin si Jehova bilang ating Soberanong Panginoon?
• Ano ang ibig sabihin ng pananatiling tapat sa Diyos?
• Paano natin nalaman na malapit nang itanghal ni Jehova ang kaniyang soberanya?
• Batay sa 1 Corinto 10:13, bakit tayo makapananatiling tapat sa Diyos?
[Larawan sa pahina 24]
Inudyukan ni Satanas sina Adan at Eva na talikuran si Jehova
[Larawan sa pahina 26]
Maging determinadong itaguyod ang soberanya ni Jehova